Para sa Lakas ng mga Kabataan
Gustong Matuto, Gustong Magbahagi
Hulyo 2024


“Gustong Matuto, Gustong Magbahagi,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2024.

Gustong Matuto, Gustong Magbahagi

Para kay Liam N. na mula sa Denmark, ang ebanghelyo ay bahagi ng masaya at makabuluhang buhay.

binatilyong tumutugtog ng gitara

Mga larawang kuha ni Ashlee Larsen

Maraming iba’t ibang paraan para makapaglingkod sa iba. Ang isang paraan ng paglilingkod na gusto ni Liam ay ang pagtugtog ng musika para sa iba.

Paaralan o mga libangan? Trabaho o kasiyahan? Siguro may mas magandang tanong: Bakit kailangang isa lang ang piliin? Kapag kaya niya, sinisikap ng 14-na-taong-gulang na si Liam N. na mula sa Denmark na makahanap ng magandang balanse.

“Mahilig akong tumugtog ng musika,” sabi niya. “Naggigitara ako, nagda-drums, tumutugtog ng bass, piano, at ukulele. Palagay ko ang pagtugtog ng musika ay magandang paraan para maipahayag ang aking damdamin. Gusto ko ring tumugtog para sa iba para mapasaya sila.”

Kapag hindi siya tumutugtog, maaaring makita mo si Liam na naglalaro ng soccer, basketball, o chess kasama ang kanyang mga kaibigan. “Gusto ko rin ang siyensya at astronomiya,” sabi niya. “Nakatutuwang makita kung paano nagkakaugnay-ugnay ang lahat ng bagay. Nilikha ng Diyos ang lahat ng ito, at napakaganda nito.”

binatilyong naglalaro ng basketball
mga binatilyong naglalaro ng chess

Bukod pa sa kanyang mga libangan, nag-uukol din si Liam ng oras para makapagtrabaho nang husto, paghahatid man ito ng mga diyaryo sa kanyang komunidad o pag-aaral sa eskuwela.

magkakapatid na nagbibisikleta

Natututuhan ni Liam na balansehin ang mga bagay na kailangan at nais niyang gawin. Maaaring abala siya, pero may isang bagay na pinag-uukulan niya ng oras sa araw-araw—ang ebanghelyo ni Jesucristo.

pamilya

Nakatira si Liam sa pangunahing peninsula ng Denmark kasama ang kanyang mga magulang at dalawang mas batang kapatid na sina Filippa at Max.

Isang Limang-Minutong Mithiin

“Kailan lang ay ipinasiya kong magbasa ng kahit isang kabanata ng Aklat ni Mormon—isang kabanata lang—bawat araw,” sabi ni Liam. “Inaabot ako ng mga limang minuto. Pero binibigyan ako nito ng karagdagang lakas, kaya handa akong gawin ang hamong iyon.”

Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw ay nakatulong kay Liam nang higit pa kaysa inakala niya. “Kung minsan kapag masama ang araw ko, ang pagbabasa ng isang bagay na nakapapanatag ay nagpapasigla ulit sa akin. Pero kung maganda ang araw ko, napapaalalahanan din ako nito na magpasalamat na maayos ang takbo ng mga bagay-bagay. Masaya ako na nagagawa ko ang aking mithiin.”

binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Abala si Liam sa maraming libangan at responsibilidad. Pero ang paglalaan ng oras araw-araw para basahin ang Aklat ni Mormon ay nagpala sa kanyang buhay.

“Sino ba ang Ayaw Magalak?”

Nagpapasalamat si Liam sa suporta habang nagsisikap siyang mag-ukol ng oras para sa ebanghelyo. “Kami lang ng mga kapatid ko ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa aming paaralan, kaya napakarami sa matatalik kong kaibigan ang hindi miyembro. Pero palagay ko may isang magandang komunidad sa Simbahan sa Denmark. Kilala ng lahat ang isa’t isa kahit paano, at masaya kapag nagkakasama-sama kaming lahat.”

Ang pagkakaroon ng mga kaibigan na may iba’t ibang pamantayan ay mahirap kung minsan. “Ang Denmark ay isang bansa kung saan maraming kabataan ang umiinom ng alak sa murang edad,” paliwanag ni Liam. “Maaaring mahirap para sa isang tinedyer na tanggihan ang gayong mga bagay.” Pero sinisikap ni Liam na ipaalam ang kanyang pinaniniwalaan para mas maunawaan ng iba ang kanyang mga pinipili.

binatilyong tumutugtog ng bass guitar

Maraming iba’t ibang paraan para makapaglingkod sa iba. Ang isang paraan ng paglilingkod na gusto ni Liam ay ang pagtugtog ng musika para sa iba.

“Kung minsan sa paaralan kapag may mga klase kami tungkol sa Kristiyanismo, tinatanong ako ng mga guro o mga kaibigan tungkol sa aking pananampalataya. Sinisikap kong ipaliwanag ito sa abot ng makakaya ko,” sabi ni Liam. “Inanyayahan ko rin ang isa sa pinakamatatalik kong kaibigan sa aking binyag. Binigyan ko siya at ang nanay niya ng Aklat ni Mormon at kinausap sila tungkol sa ilan sa mga bagay na pinaniniwalaan ko. Sila ang magpapasiya kung ano ang gagawin nila rito. Nadama ko na tama ang ginawa ko na anyayahan ang iba na madama rin ang galak na nararamdaman ko, dahil sino ba ang ayaw magalak?”

magkakapatid

Si Liam at ang kanyang mga kapatid ang tanging mga miyembro ng Simbahan sa kanilang paaralan. Marami silang pagkakataon na maging mabubuting halimbawa ng mga disipulo ni Cristo.

Simulan sa Pagkakaibigan

Alam ni Liam na ang pagpapaliwanag ng kanyang pinaniniwalaan o pagbibigay sa isang kaibigan ng Aklat ni Mormon ay hindi lamang ang paraan para maging disipulo ni Jesucristo. Kung minsan ang pag-anyaya sa iba na madama ang kagalakan ng ebanghelyo ay nagsisimula lamang sa tunay na pakikipagkaibigan at pagmamahal.

“Gusto ko talaga ang kuwento ni Ammon sa Aklat ni Mormon,” sabi ni Liam. “Palagay ko kahanga-hanga na hindi siya kaagad dumiretso kay Haring Lamoni at sinabing, ‘Pakinggan mo ang pinaniniwalaan ko,’ pero unti-unti siyang nakipagkaibigan dito sa puntong itinanong ng hari kay Ammon, ‘Bakit nakatutuwa kang maging kaibigan?’”

“Makabubuo rin tayo ng ugnayan sa iba,” sabi ni Liam. “Siguro lalapit sila sa atin at itatanong kung ano ang nagbibigay sa atin ng karagdagang lakas.”

magkakapatid

Isang Pagpapala sa Buhay

Nadarama talaga ni Liam na nagbibigay sa kanya ng karagdagang lakas ang pamumuhay ng ebanghelyo. Pinagpapala nito ang kanyang buhay nang higit pa sa chess, musika, isports, o alinman sa iba pang magagandang bagay na pinag-uukulan niya ng panahon.

“Nagpapasalamat ako na nasa buhay ko ang ebanghelyo dahil hindi ako magiging ganito kung wala ito,” sabi niya. “Nadarama ko na kilala ako ng Panginoon nang higit pa kaysa pagkakakilala ko sa aking sarili. Alam ko na ang Diyos at si Cristo ay buhay. Ipinapakita Nila sa atin ang dapat nating gawin at tinutulungan tayong maging mas mabuti.”