“Mga Tip para sa Kalusugan ng Damdamin,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2024.
Tulong sa Buhay
Mga Tip para sa Kalusugan ng Damdamin
Narito ang mga tip para mapanatili ang kalusugan ng iyong damdamin.
Maaaring makaisip ka ng maraming paraan para mapanatiling malusog ang iyong katawan habang lumalaki ka. Alam mo na mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nais na pangalagaan mo ang iyong katawan. At “kabilang sa pangangalaga sa iyong katawan ang pangangalaga sa kalusugan ng iyong isipan at damdamin” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili [2022], 29). Narito ang mga bagay na magagawa mo upang matulungan kang maging malusog din ang iyong damdamin!
-
Makipag-ugnayan sa iba. Maaaring gusto mong mapag-isa lalo ka kapag nalulungkot ka. OK lang iyan paminsan-minsan, pero mahalaga ring mag-ukol ng oras sa mga taong nagbibigay-inspirasyon. Kadalasan, ang pag-iisa ay mas nagpapahirap sa mga hamon.
-
Sabihin kung ano ang nadarama mo. Magsanay na maging tapat sa nararamdaman mo. Sabihin ang mga nararamdaman mo sa isang partikular na paraan. At ang totoo, OK lang na umiyak! Isipin ang pagkakataon na umiyak si Jesus (tingnan sa Juan 11:32–35).
-
Kilalanin na ang mga damdamin ay impormasyon. Kahit hindi ka komportable sa mga nararamdaman mo, hindi ka masasaktan ng damdamin mo. Sikaping tukuyin ang iyong damdamin at alamin ang sinasabi nito sa iyo.
-
Magsanay na makibagay. Kapag malungkot ka o naiinis, matutong kontrolin ang mga damdaming iyon sa magandang paraan. Halimbawa, nakakatulong sa maraming tao na maglakad-lakad, makinig sa musika, magdrowing, magdasal, o magsulat sa journal.
-
Hayaang dumating at mawala ang hindi komportableng damdamin. Huminga nang malalim at isipin ang mga ulap na nahahawi sa kalangitan, o ang dumadaloy na tubig sa ilog. Tanggapin ang mga iniisip at nadarama mo at sikaping hayaang mapawi ang mga ito.
-
Patuloy na pangalagaan ang iyong espiritu. Ang mga banal na kasulatan, mga himno, panalangin, simbahan—lahat ng ito ay tumutulong na mapalakas ang iyong espiritu, na magpapabuti sa iba pang aspeto ng buhay mo.
-
Sikaping manatiling malusog ang katawan. Ang malusog na damdamin at malusog na katawan ay magkaugnay. Ang pagkain ng masustansyang pagkain, pagtulog nang sapat, at palagiang pag-eehersisyo ay tutulong sa iyo na magkaroon ng mas malusog na damdamin habang lumalaki ka.
-
Humingi ng tulong kapag kailangan mo ito. Ang ating katawan kung minsan ay nangangailangan ng tulong ng propesyonal para maging malusog at bumuti ang pakiramdam. Ang resources na ito ay pagpapala mula sa Ama sa Langit, na nais tumulong sa atin. Sa gayunding paraan, maaaring kailangan natin ng tulong ng mga doktor at tagapayo kung minsan para bumuti ang ating pakiramdam. Kung sa pakiramdam mo ay matagal ka nang malungkot, o kung naiisip mo na saktan ang iyong sarili, humingi ng tulong sa isang nakatatanda. Hindi mo kailangang pagdaanan ito nang mag-isa! Alamin ang lahat ng mga pagpapalang maibibigay sa iyo ng Ama sa Langit.