“Mula sa Pagbagsak Tungo sa Tagumpay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2024.
Mula sa Pagbagsak Tungo sa Tagumpay
Hindi ka dapat tumigil kailanman, kahit bumagsak ka. Maniwala ka sa akin.
Noong 2022 tinakbo ko ang 3,000-meter steeplechase sa pambansang kampyonato ng Estados Unidos. Ang karera ay binubuo ng pito at kalahating pag-ikot, at may limang kahoy na barikada kada ikot na kailangan mong talunan, kabilang na ang isang may kasunod na hukay na may tubig.
Nakadalawang ikot na ako nang madapa ang lalaki na nasa harapan ko, at muntik ko na siyang matapakan. Nakatawid siya sa barikada, pero ako ay hindi—bumagsak ako.
Dahan-dahan akong tumayo dahil medyo nawalan na ako ng kumpiyansa. Naisip ko, “Hindi ko na ba itutuloy at titigil na lang ba ako sa pagtakbo?” Pero nakahanda ako. Nakapagdesisyon na ako bago pa man iyon nangyari na hindi ako titigil kung babagsak ako, kaya nagsimula akong tumakbong muli. Gusto ko pa ring ibigay ang lahat ng makakaya ko kahit hindi ako manalo.
Nakadalawang ikot ako bago makaabot sa lalaki na nasa pinakahulihan ng mga nangunguna sa takbuhan. Hindi nagtagal at nakatatlong ikot na ako at dalawang ikot na lang ang natitira. Naisip ko na baka kayanin ko pang makabilang sa tatlong nangunguna. Pero pagod na pagod na ako, at nalampasan na ako ng dalawang lalaki noong kalahating ikot na lang ang natitira. Nasa pang-apat ako, pero napakahusay ng huling pagtalon ko sa tubig. At naisip ko, “Tama, baka ako pa ang manalo.”
Nang matapos ko ang huling 50 metro, natanto ko na mananalo ako. Parang hindi kapani-paniwala. Naisip ko, “Wow, mapapanalunan ko ba talaga ito?” At nagawa ko nga. Nanalo ako sa takbuhan kahit bumagsak ako noong una.
Kalaunan, natanto ko na may ilang aral tayong matututuhan mula sa nangyari.
1. Maging Mapagpasensya sa Iyong Sarili
Nang bumagsak ako, gusto kong makahabol nang mabilis hangga’t maaari. Pero kinailangan kong maghinay-hinay para hindi ako maubusan ng lakas. Sabi sa isang talata sa banal na kasulatan, “Tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin” (Mga Hebreo 12:1). Sa buhay, hindi mo kailangang magtagumpay kaagad. Kung minsan matagal bago ito mangyari.
2. Magpatuloy
Normal lang na maramdaman mo kung minsan na gusto mo nang sumuko. Nang bumagsak ako, hindi ko inisip na kaya ko pang manalo, pero nagpasiya akong magpatuloy. Laging may pag-asa kapag bumagsak ka—kailangan mo lang bumangon at sumubok muli. Tutulungan ka ng Tagapagligtas sa mga pagsubok mo. Patuloy ka lang maniwala sa alam mong totoo, at humingi ng tulong sa iba. Bubuti rin ang mga bagay-bagay kalaunan.
3. Magtiwala kay Jesucristo
Hindi garantisadong ako ang mananalo sa takbuhan matapos akong bumagsak. Pero kapag nahulog tayo sa ebanghelyo, kapag nagkakamali tayo o nagkakasala, lagi tayong makalalapit kay Cristo, taos-pusong magsisisi, at mapapatawad. Tutulungan Niya tayo na makabangon. Malaki ang potensyal natin—ang potensyal na maging mas mabuti, gumawa ng mas mabuti. Kahit paulit-ulit tayong bumagsak, kung patuloy tayong magsisisi at magsisikap na sundin ang Tagapagligtas, kung gayon nangangako Siya na magtatagumpay tayo sa takbo ng buhay.