Para sa Lakas ng mga Kabataan
Bakit Mahal Ko ang Aklat ni Mormon
Hulyo 2024


Digital Lamang

Bakit Mahal Ko ang Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ang pundasyon ng aking patotoo at pagsaksi kay Jesucristo.

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission leader noong Hunyo 23, 2023.

babaeng nagbabasa ng Aklat ni Mormon

Gusto kong paulit-ulit na sabihing, “Mahal ko ang Aklat ni Mormon.” Ito ang kasangkapan sa pagbabalik-loob na gamit ng Panginoon sa mga huling araw na ito. Ang paglalathala nito ay tanda na nagaganap na ngayon ang matagal nang ipinropesiya na pagtitipon ng Israel. Ang Aklat ni Mormon ang gamit, ang “panggapas,” kung ibig ninyo, na “[iwawasiwas]” natin nang buong lakas sa malawak na bukid na iyon na “puti na upang anihin.”

Sa gayon, ang Aklat ni Mormon ay nagiging tanda at paraan sa pagtitipon sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon sa huling dispensasyong ito. Tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson, “Ito ang aklat na tutulong upang maihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.”

Napakalaki ng pasasalamat ko kay Propetang Joseph Smith at sa kanyang natatanging tagumpay sa pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon. May patotoo ako na naisagawa ito ng bata at tapat na lingkod na ito sa pamamagitan ng “kaloob at kapangyarihan ng Diyos,” tulad ng sinabi niya.

Paano Nakatutulong ang Aklat ni Mormon sa Pagbabalik-loob ng mga Tao

Ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon ay nasa pagsaksi ng Banal na Espiritu na kaugnay nito—ang pagsaksi ng Banal na Espiritu na ang aklat ay totoo at na matibay na patunay ito ng Pagpapanumbalik sa mga huling araw, ang pagsaksi ng Banal na Espiritu sa katotohanan ng doktrinang itinuturo nito, at ang pagsaksi ng Banal na Espiritu na ang patotoo nito kay Jesucristo ay totoo.

Ang Aklat ni Mormon ay mabisang kasangkapan sa pagtugon sa mga katanungan ng kaluluwa, tulad ng “Kilala ba ako o may malasakit ba sa akin ang Diyos?” “Ano ang layunin ng buhay?” “Paano ako magiging mas mabuting tao?” “Paano ko madarama ang pagpapatawad ng Diyos?” “Ano ang mangyayari sa akin kapag namatay na ako?”

Ang Aklat ni Mormon ay nagpapalawak at nagpapalakas sa mga turo at patotoo ng Biblia tungkol kay Jesucristo. Tama na kinikilala natin na ito ay “Isa Pang Tipan ni Jesucristo,” ngunit sa maraming paraan, ang Aklat ni Mormon ay nakahihigit na tipan ni Jesucristo.

Ako, hindi ko kailanman lubos na pinahalagahan ang Biblia hanggang sa naging estudyante ako ng Aklat ni Mormon.

Ang Aklat ni Mormon at ang natatanging patotoo nito kay Jesucristo at sa Kanyang misyon ang haligi ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sinabi ni Joseph Smith, “Alisin ninyo ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag, at nasaan ang ating relihiyon? Wala.”

Ang Aking Patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon

Malaki ang naitulong ng Aklat ni Mormon sa aking sariling pagbabalik-loob. Paanong nangyari ito? Ito ang “pinakatumpak … [na] aklat sa mundo.” Si Jesucristo mismo ay nagpatotoo na isinalin ang Aklat ni Mormon sa Kanyang tagubilin sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, at ipinahayag Niya sa Kanyang sariling pangalan na “yayamang ang inyong Panginoon at inyong Diyos ay buhay, ito ay totoo.”

Ang Aklat ni Mormon ang nagturo sa akin ng marami sa nalalaman ko tungkol kay Jesucristo. Ito ang pundasyon ng aking patotoo at pagsaksi sa Kanya. Inilapit ako nito sa Kanya. Ito ang pangunahing pinagmumulan ng aking pagkaunawa sa dakilang plano ng pagtubos. Ito ang batayan ng aking patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik.

Pag-aralan at ipagdasal na malaman na ang patotoo ng Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo—kung sino Siya at kung ano ang Kanyang ginawa at patuloy na ginagawa—ay totoo. Nagawa ko na iyan, at alam ko na ang patotoo ng Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo—kung sino Siya, kung ano ang itinuro Niya, at kung ano ang Kanyang ginawa—ay totoo. Ako ay nagbalik-loob.