“Tiisin ang Lahat ng Bagay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2024.
Tiisin ang Lahat ng Bagay
Ang pagsubok ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Pero ano ang gagawin ninyo kapag biglang dumating ito nang hindi ninyo inaasahan?
Maraming beses kong natiyak sa nakasisindak na umagang iyon na mamamatay na ako. Ang makita ang lahat ng dugo—aking dugo—na nagkalat sa daan at madama ang bangis ng kulay-abong oso na umaatake sa akin sa lahat ng anggulo gamit ang mga ngipin at kuko nito ay nagpadama sa akin ng malaking takot at kawalan ng pag-asa.
Isang Perpektong Umaga
Napakalaki ng pagkakaiba nito sa sitwasyon dalawang oras pa lang ang nakararaan. Masaya akong nagsimula ng backcountry trail run sa isa sa mga pinakamagandang araw na nakita ko nang tag-init na iyon sa mataas na bayan ng kanlurang Wyoming, USA. Ang kalangitan ay kulay asul, ang paligid ng mga burol ay natatakpan ng mga ligaw na bulaklak, at ang hangin sa umaga ay mainit pero kasiya-siya. Perpektong araw iyon para sa 15 milya (24 km) na pagtakbo sa kabundukan.
Ito ay klasikong pagtakbo para magsanay. Sinisikap kong magpalakas at magpatibay ng katawan para sa isang marathon na magaganap dalawang buwan na lang mula sa araw na iyon. Nadaragdagan ang lakas ng mga runner o mananakbo sa paulit-ulit na malapitang pagtakbo. Pinapalakas nito ang resistensya, na mas nagpapatatag sa katawan.
Hindi ko alam na kakailanganin ko kalaunan ang bawat tatag at lakas na mayroon ako para sa takbo ng aking buhay.
Isang Biglaang Pag-atake
Kung iisipin, dapat ay nakita ko na ang mga palatandaan. Hindi ba’t sinasabi naman sa atin ng Panginoon na Kanyang “ipahahayag [sa atin] ang mga bagay na darating” sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (Juan 16:13). Tulad ng itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Matutulungan kayo ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng maagang pagbibigay ng babala sa inyo sa mga pisikal at espirituwal na panganib.” At gayon nga ang ginawa Niya.
Ilang minuto pa lang akong tumatakbo, yumuko ako at may namataan na isang bagay. Kumabog ang dibdib ko nang makita ko ang di-maikakailang mga bakas ng oso sa lupa sa harapan ko. Malinaw na babala iyon. Nang hindi nag-iisip, ikinatwiran ko pa na may dumaan nga na oso roon pero lumampas na kaya ligtas na ako. Hindi ko na kailangang mag-alala, ‘di ba? Kaya nagpatuloy ako sa pagtakbo.
Wala pang isang oras kalaunan, nakarating ako sa tuktok ng maliit na burol at tumakbo pababa sa isang malawak na espayo na maraming puno. Nang papalapit na ako sa ibaba ng burol, nakarinig ako ng mga lagutok na napakalakas kaya tumayo ang balahibo ng batok ko. Agad akong tumigil at dahan-dahang sumulyap sa aking kaliwa. Pagkatapos ay nanigas ako sa takot. Ang tunog, na mabilis kong natukoy na mga nababaling sanga. ay mabilis na papalapit sa akin. Sumunod ay nakita ko ang isang bagay na hinding-hindi ko malilimutan—isang malaking kulay-abong oso na padiretso sa akin!
Ang sumunod na kakila-kilabot na pag-atake ay sapat na para mamatay ako. Malinaw na nagalit ang osong ito na nabulabog dahil sa aking mabilis na pagtakbo. Pero sa sandaling iyon ng tiyak na kamatayan, binigkas ko ang pinakataimtim na panalangin sa buong buhay ko. Ang mga awa mula sa langit ay dumating.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, itinigil ng oso ang kanyang walang humpay na pagsalakay at tumakbo papunta sa kakahuyan. Magandang balita iyan! Ang masamang balita ay mayroon akong 16 na malalalim na sugat mula sa mga ngipin at kuko ng oso at nag-iisa ako sa kagubatan, duguan, at 11 milya (18 km) mula sa pinakamalapit na kalsada ng parke, na walang makitang makakatulong.
Isang Sandali ng Pagpapasiya
Bigla kong natagpuan ang sarili ko na nahaharap sa isang malaking desisyon sa buhay ko. Kung hindi pa kayo nagkaroon ng gayong sandali, makatitiyak kayo na darating iyon. Ang pagsubok ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Mabuti na lang, hindi bahagi noon ang maatake ng isang oso—para sa karamihan sa atin! Pero sa isang punto, maaaring madama ninyo na sobra ang anumang paghihirap na nararanasan ninyo. Ito ay pakiramdam na wala na kayong pag-asa na malinaw na inilarawan ng Panginoon bilang “pinakapanga ng impiyerno” na “[ibinubuka] nang malaki ang bibig sa iyo” (Doktrina at mga Tipan 122:7).
Sa mga krisis na ito sa buhay ninyo, may desisyon kayong dapat gawin. Maaari kayong sumuko, humiga, at mamatay; o kahit paano ay maaari ninyong tipunin ang lahat ng inyong tapang at lakas at magiting na makipaglaban, nagtitiwala na kung gagawin ninyo ang inyong bahagi, gagawin ng Panginoon ang Kanyang bahagi. Ipinaliwanag ng Panginoon ang layunin ng mga paghihirap sa buhay kay Joseph Smith habang nakabilanggo ito sa Liberty Jail: “Ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 122:7).
At nakikinabang kayo sa mga ito. Hinahasa at dinadalisay kayo ng mga ito habang lumalakas kayo at nagiging matatag. Kaya nga sinabi ng Panginoon kay Joseph—at sinasabi sa iyo—na “maging matatag sa iyong landas,” sa harap ng mga pagsubok at paghihirap (Doktrina at mga Tipan 122:9). Kapag nanangan kayo sa buhay—kahit na ito ay sa pamamagitan ng inyong mga kuko—nakikita ninyo na maging ang inyong kaunting lakas ay labis-labis na tatapatan ng Panginoon. Tulad ng ipinangako, Siya ay “makapangyarihang magligtas” (2 Nephi 31:19).
Mananganan Lamang
At iyon nga ang nangyari sa akin. Sa halip na sumuko, nagpasiya akong tumayo. Determinado akong mabuhay, na ibig sabihin ay kailangan kong humanap ng tulong. Sa pahapay-hapay na pagbaba ko sa daanan nang mahigit isang milya, nakasalubong ko sa wakas ang ilan pang mga tao na nasa kagubatan noong araw na iyon na ilang milya ang layo. Ang mahimalang pagkikitang iyon ay humantong sa pagsagip sa akin gamit ang helikopter, tatlong operasyon, at mas malinaw na pag-unawa sa pagpapalang hatid ng determinasyong “maging matatag sa iyong landas.”
Sa karanasang ito ay nag-ibayo ang aking kalakasan, determinasyon, at pananampalataya. Pinalakas at inihanda rin ako nito na harapin ang iba pang mga hamon sa buhay. Natitiyak ko na kapag inyong “[binabata] ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay” (1 Corinto 13:7), magkakaroon kayo ng katatagan at lakas na kailangan ninyo para harapin ang mga hamon sa buhay. Makikita ninyong ipinapantay ng Panginoon ang kakayahan ninyo sa anumang darating sa inyo—kahit ito pa ang mismong “pinakapanga ng impiyerno.”