Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
4 Nephi
Kaligayahan sa Pagkakaisa
Ipinapakita sa isang kabanata sa Aklat ni Mormon kung paano tayo magiging isa sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo.
Bilang mga tunay na tagasunod ni Jesucristo, nais nating magkaroon ng kapayapaan sa mundong puno ng di-pagkakasundo at pagtatalo. Sa halip na mamuhay sa isang komunidad na puno ng pag-aalinlangan at pagtatalo, masigasig nating hinahangad na bumuo ng isang lipunan na nakatatag sa mga turo ni Jesucristo. Itinuro Niya, “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (Doktrina at mga Tipan 38:27). Ang pagkakaisa ay mahalaga sa totoong Simbahan ni Jesucristo.
Paano tayo magkakaroon ng pagkakaisa?
Isang kabanata sa Aklat ni Mormon ang makatutulong sa atin. Sa 4 Nephi nalaman natin kung paano namuhay ang mga tao matapos silang bisitahin ng Tagapagligtas, turuan, at itatag ang Kanyang Simbahan sa kanila. Ipinapakita nito kung paano sila nagkaroon ng masaya at payapang pagkakaisa, at binibigyan tayo nito ng huwarang masusundan natin para magkaroon ng kaligayahan sa pagkakaisa ring ito.
1. Pagbabalik-loob
Una, nalaman natin na “ang mga disipulo ni Jesus ay bumuo ng isang simbahan ni Cristo . … At [ang mga tao] ay lumapit sa kanila, at tunay na nagsisi ng kanilang mga kasalanan” (4 Nephi 1:1).
Habang natututuhan mo ang tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan, pinatototohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan sa iyong puso. Pagkatapos ay maaari mong tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na manampalataya sa Kanya at sumunod sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi.
Sinisimulan nito ang iyong pagbabalik-loob—malayo sa makasarili at makasalanang mga hangarin at tungo sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Siya ang pundasyon ng ating pananampalataya. Nagkakaisa tayo na nakapaligid sa Kanya. Kapag tinitingnan natin Siya sa bawat pag-iisip (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36), Siya ay nagiging puwersa ng pagkakaisa sa ating buhay.
2. Mga Tipan
Ang mga nagsidating sa Simbahan at nagsisi ng kanilang mga kasalanan ay “nabinyagan sa pangalan ni Jesus; at tinanggap din nila ang Espiritu Santo” (4 Nephi 1:1). Nakipagtipan sila sa Panginoon.
Kapag gumagawa at tumutupad kayo ng mga tipan, tinataglay ninyo ang pangalan ng Panginoon sa inyong sarili. Ang pakikipagtipan na ito ay nagbibigay sa inyo ng karaniwang dahilan at identidad sa iba na nagbigkis ng kanilang sarili sa Panginoon sa pamamagitan ng mga tipan. Pagkatapos ay tinutulungan tayo ng Panginoon na ang ating “mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).
3. Katarungan at Pagkakapantay-pantay
Nalaman din natin na “hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalo sa [mga tao], at bawat tao ay nakitungo nang makatarungan sa isa’t isa.
“At nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila; kaya nga walang mayaman at mahirap, alipin at malaya, kundi silang lahat ay ginawang malaya, at magkasalo sa makalangit na handog” (4 Nephi 1:2–3).
Nais ng Panginoon na tayo ay maging patas at makatarungan. Sa pagiging mas malapit natin sa Kanya, hindi tayo “maglalayong saktan ang isa’t isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa, at ibigay sa bawat tao ang alinsunod sa nararapat sa kanya” (Mosias 4:13).
Para maging kaisa ng mga tao ng Panginoon, kailangang hindi lamang ninyo ituring ang iba bilang kapantay, kundi kailangan din ninyo talagang makita sila bilang kapantay at madama sa inyong puso na lahat ay pantay-pantay—pantay-pantay sa harap ng Diyos, pantay ang kahalagahan at pantay ang potensiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:24–25).
4. Pagsunod
Matapos ituro ng Panginoon sa mga tao ang Kanyang doktrina, binigyan sila ng mga kautusan, at tumawag ng mga tagapaglingkod upang mangasiwa sa kanila, “sila ay lumakad alinsunod sa mga kautusang natanggap nila mula sa kanilang Panginoon at kanilang Diyos” (4 Nephi 1:12). Ang pagsunod sa mga turo ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapaglingkod ay mahalaga sa pagkakaisa.
5. Pagtitipong Magkakasama
Ang mga tao sa 4 Nephi ay “nagpapatuloy sa pag-aayuno at panalangin, at sa madalas na pagtitipong magkakasama kapwa upang manalangin at makinig sa salita ng Panginoon” (4 Nephi 1:12).
Ang mga lingguhang miting sa pagsamba ay mahalagang pagkakataon para makahanap tayo ng lakas. Hindi lamang tayo nakikibahagi sa sakramento, kundi natututo rin tayo, nagdarasal, at sama-samang kumakanta at sumusuporta sa isa’t isa. Ang iba pang mga pagtitipon ay naghahatid din ng pagiging kabilang, pagkakaibigan, at magkatulad na layunin.
6. Pagmamahal
Nalaman natin sa 4 Nephi na ang tunay na pagkakaisa ay nakamit “dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao” (4 Nephi 1:15).
Ang una at dakilang utos ay mahalin ang Diyos—nang higit kaysa sinuman o anuman. Kapag nagkakaroon kayo ng pagmamahal sa Diyos at kay Jesucristo, likas na susunod ang pagmamahal sa pamilya at kapitbahay.
Ang pinakamalaking kagalakang mararanasan ninyo ay kapag napuspos kayo ng pagmamahal sa Diyos at sa lahat ng Kanyang mga anak.
Ang pag-ibig sa kapwa-tao, na dalisay na pag-ibig ni Cristo, ang nangungunang katangian ng isang tunay na alagad ni Jesucristo. Kapag nagpapakumbaba ka sa harapan ng Diyos at nananalangin nang buong lakas ng iyong puso, pagkakalooban ka ng Diyos ng pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 7:48).
Kapag hinangad ninyong manahan sa inyong puso ang pag-ibig ng Diyos, ang himala ng pagkakaisa ay tila lubos na likas sa inyo.
7. Banal na Identidad
Ang isa pang palatandaan ng pagkakaisa ay na “walang mga Lamanita, ni anumang uri ng mga ‘ita’; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos” (4 Nephi 1:17).
Sa halip na gumamit ng mga label na minsang naghati-hati sa kanila, nakita ng mga tao ang kanilang sarili—at ang lahat—ayon sa kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Tayong lahat ay mga anak ng Diyos at mga disipulo ni Jesucristo. Bagama’t ang pagkakaiba-iba ay maaaring mabuti at mahalaga, ang pinakamahahalaga nating identidad ay ang mga taong may kaugnayan sa ating banal na pinagmulan at layunin.
Maging Isa
Maaaring magkakaiba tayo sa ating mga kultura, pulitika, etnisidad, panlasa, at sa iba pang mga paraan. Pero kapag nagkakaisa tayo kay Jesucristo, ang gayong mga pagkakaiba ay naglalaho sa kahalagahan at nagsisikap tayong maging isa—upang tayo ay maging Kanya.
Kapag isinapuso natin ang mga elemento ng pagkakaisa na matatagpuan sa mga tao sa 4 Nephi, nawa’y masabi sa atin, tulad sa kanila noon, “tunay na wala nang higit na maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:16).