Gumagawa ng Kaibhan ang Ministering
Hindi sigurado si Amelia kung madarama niya na kabilang siya sa simbahan. Masayang-masaya siya na kinontak siya ng mga tao.
Si Amelia, isang dalagita sa New Zealand, ay pitong taon nang hindi nagsisimba.
Nang magdiborsyo ang kanyang mga magulang, naging mahirap ang sitwasyon ng pamilya ni Amelia, at nagpasiya silang tumigil sa pagsisimba. “Wala kaming nakuhang suporta kahit kanino,” paggunita ni Amelia.
Pero isang araw ng Linggo, pagkaraan ng pitong taon, nagpasiya ang nanay ni Amelia na subukang magsimbang muli. Nagkaroon siya ng magandang karanasan at inanyayahan ang mga anak niyang babae na bumalik sa simbahan na kasama niya. Naisip ni Amelia, “Ano ang mawawala sa akin?”
“Masayang-Masaya Ako na Narito Ka”
“Medyo hindi ako komportable noong una,” sabi ni Amelia. “Hindi gaanong maganda ang pakiramdam ko sa Simbahan.”
Pero nagpasiya siyang tanggapin ang imbitasyon ng kanyang ina, at hindi niya iyon pinagsisisihan. “Pagpasok na pagpasok ko sa simbahan, sabi sa akin ng mga tao, ‘Ngayon lang kita nakita rito’ at ‘Welcome sa simbahan namin’ at ‘Masayang-masaya ako na narito ka!’” pag-alaala ni Amelia.
“Hindi nila ako nilayuan. Talagang malugod ang pagtanggap ng lahat at mababait sila.”
Pero nang tumingin sa paligid si Amelia sa simbahan, naisip niya na baka hindi siya talaga makabilang. “Hindi ko naiwasang ihiwalay ang sarili ko sa mga tao dahil sinimulan kong ikumpara ang sarili ko sa alam ng ibang mga bata at kung sino ang kilala nila,” sabi ni Amelia. “Maraming bata sa aking ward ang magpapamilya o naging matatalik na magkaibigan mula pa noong bata sila, kaya parang kilalang-kilala na nila ang isa’t isa,” sabi niya.
Pagkatapos ng sacrament meeting lumapit ang bishop kay Amelia at sinabing, “Hi, ako si Bishop Watts. Gusto kong bumati ka sa lahat.” Isinama siya nito sa kuwarto ng Young Women at ipinakilala siya sa iba pang mga dalagita. “Napakahalaga ng pag-uugnayang iyan dahil binigyan ako niyan ng pag-asa na maaari akong magkaroon ng makabuluhang pakikipag-ugnayan kung saan ako naroon,” paliwanag ni Amelia.
At iyon ang nakahikayat sa kanya na magbalik sa simbahan nang sumunod na Linggo.
Isang Aral sa Kabaitan
Nang sumunod na linggo, nakilala ni Amelia si India, ang anak ng bishop. Sabi nito, “Hi, nakita kita noong isang araw. Ako si India. Masaya talaga akong makilala ka.”
Noong araw na iyon, pinag-usapan ng klase ang isang bagay na hindi pa napag-aralan ni Amelia. Dumukwang nang kaunti si India at nagtanong, “Naiintindihan mo ba ito?” Sabi ni Amelia, “Hindi.” Kaya tinulungan siya ni India na maintindihan ang lesson.
“Hindi ko na maalala ngayon ang lesson, pero naaalala ko kung paano niya napansin na kailangan ko ng tulong,” sabi ni Amelia. “Ang kabaitan niya sa akin ang pinakamahalagang aral na natutuhan ko sa araw na iyon.”
Itinuro ni India kay Amelia ang lahat ng kaya niyang ituro tungkol sa simbahan, at tinulungan niya si Amelia na mahanap ang mga sagot sa kanyang mga tanong. Sa mga unang linggo at buwang iyon ay naging parang gabay siya kay Amelia. “Alam niya palagi kung ano mismo ang sasabihin,” paggunita ni Amelia. “Iyon ang pinaka-espirituwal na bagay na naranasan ko sa loob ng maraming taon.”
Habang nagsikap si Amelia na makibagay sa mga bagong kakilala, muling tiniyak sa kanya ni India na walang huhusga sa kanya sa pagiging baguhan sa simbahan. “Pinanatag niya ako sa pagiging baguhan ko,” sabi ni Amelia.
Ipinaalam nang kaunti ni Amelia kay India ang kanyang mga paghihirap sa sitwasyon ng kanyang pamilya, pati na ang makasama sa bahay ang isang mapang-abusong ama bago nagdiborsyo ang kanyang mga magulang. “Si India ang unang taong pinagkatiwalaan ko sa lugar na iyon,” sabi ni Amelia. “Alam ko na gumagawa ng mga himala ang Ama sa Langit, dahil sa tuwing makakausap ko si India, lagi siyang may sinasabi na nakatulong. Tiniyak niyang hindi ko madarama kailanman na nag-iisa ako.”
Sinabi ni Amelia na muling tiniyak sa kanya ni India na makakaya niyang bumalik sa tamang landas na nais ng Ama sa Langit para sa kanya. “Palagay ko hindi ko kakayaning bumalik sa simbahan kung wala si India o si Bishop Watts,” sabi ni Amelia.
Tungkol Ito sa Pagtulong
Nakatulong kay Amelia ang pagkakaibigan nila ni India para mas mapalapit sa Tagapagligtas. “Nang bumalik ako sa simbahan, hindi ako sigurado kung paano magkaroon ng kaugnayan kay Jesucristo. Ipinaunawa sa akin ni India na kahit hindi ko makita ang Tagapagligtas, madarama ko pa rin ang Kanyang pagmamahal, impluwensya, at mga himala sa buhay ko,” paliwanag ni Amelia. “Ipinakita niya sa akin ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Ngayon, gusto kong maging katulad ni India sa buhay ng isang tao. Gusto kong naroon ako para sa taong iyon kapag kailangan niya ako.”
Naniniwala si Amelia na ang ministering ay higit pa sa pagtanggap ng isang assignment—ito ay pagtulong sa mga tao. “Ito ay ang makita ang isang tao sa isang mahirap na sitwasyon at, sa halip na hintayin siyang humingi ng tulong, makakatulong sa kanya kung naroon ako,” sabi ni Amelia. “Pinaglingkuran ako nina India at Bishop Watts noong mag-alala ako tungkol sa hindi pagkakaroon ng makabuluhang pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Ngayong mayroon na, masayang-masaya ako na may tumulong sa akin.”
Gusto ni Amelia na malaman ng iba pang mga kabataan na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, kahit pakiramdam nila ay hindi sila kabilang. “Kung pakiramdam mo ay hindi sapat ang iyong kabutihan, o na hindi ka kabilang sa Simbahang ito, tandaan mo na ito rin ang lugar mo,” sabi niya.
“At maaari kang bumalik palagi.”