Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Gusto Mo bang “Mapagpala at Lumigaya”?
Ang mga tao sa 4 Nephi ay namuhay sa kaligayahan at pagkakaisa sa loob ng halos 200 taon. Ano ang naging dahilan ng kanilang masayang kalagayan? Maaari din ba nating maranasan ito?
Isipin ang isang komunidad ng mga taong hindi nakikipagtalo sa isa’t isa. Lubos silang maligaya, at walang gumagawa ng anumang krimen. Hindi sila naiinggit sa isa’t isa, ni hindi nila inihihiwalay ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng mga bansag o mga grupo. Sa halip, nagkakaisa sila kay Jesucristo, at sinusunod nila ang Kanyang mga utos.
Ang isang grupo ng mga taong katulad nito ay inilarawan sa 4 Nephi sa Aklat ni Mormon. At namuhay sila nang gayon sa loob ng halos 200 taon!
Sa mga pahina 2–5 ng magasing ito, ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson na ang 4 Nephi ay nagbibigay sa atin ng isang huwaran sa pamumuhay sa kapayapaan at maligayang pagkakaisa. Pero ano ang nangyari na nakatulong sa mga Nephita na mamuhay nang maligaya nang napakatagal? Magagawa rin ba natin iyan ngayon?
Ang Kanilang Karanasan kay Cristo
Balikan natin ang ilang pahina sa 3 Nephi, at makikita ninyo kung bakit masayang-masaya at nagkakaisa ang mga Nephita kay Cristo.
Dinalaw na ng Tagapagligtas ang mga tao pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Sa Kanyang pagdalaw, pinagaling ni Jesucristo ang mga maysakit at nahihirapan. Binasbasan Niyang isa-isa ang mga tao at ipinagdasal sila sa Ama sa Langit (tingnan sa 3 Nephi 17). Itinuro ni Jesus ang mga kautusan. Hiniling Niya sa mga tao na magsisi, magpabinyag, at tanggapin ang Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 27).
Inanyayahan ni Jesus ang mga tao na lumapit sa Kanya, nang isa-isa, na hipuin ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay, paa, at tagiliran. Lumapit kay Jesus ang bawat isa sa kanila “hanggang sa ang lahat ay makalapit, at nakita ng kanilang mga mata at [nahipo] ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan” na Siya ang ipinropesiyang Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 11:15).
Matapos ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita, “ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon” (4 Nephi 1:2). Kaya, paano natin mararanasan ang pagbabalik-loob na ito nang hindi nakikita at nahihipo o nahahawakan si Cristo?
Karanasan ng Isang Apostol kay Cristo
Nagpatotoo si Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol na balang-araw ay makikita niya si Jesucristo at mahihipo ang mga marka sa Kanyang mga kamay at paa. Nagpatotoo rin siya, “Pagdating ng araw na iyon ay hindi madaragdagan ang alam ko ngayon na siya ang Makapangyarihang Anak ng Diyos, na Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos.” Hindi niya kailangang makita si Jesucristo para makilala Siya at makaranas ng pagbabalik-loob.
Sa tunay na pagbabalik-loob, “kailangang kumilos … tayo nang sa gayon [ay] mapabalik-loob.” Hiniling ng Tagapagligtas sa mga Nephita na sundin ang Kanyang mga utos at maging katulad Niya (tingnan sa 3 Nephi 27). Habang sumusunod sila sa Kanya, nanatili silang nagbabalik-loob kay Cristo at labis silang pinagpala dahil dito (tingnan sa 4 Nephi 1:18).
Ang Inyong Karanasan kay Cristo
Hindi ninyo mahihipo ang mga kamay at paa ng Tagapagligtas na tulad ng ginawa ng mga Nephita, pero maaari ninyong sundan ang Kanyang mga yapak (tingnan sa 3 Nephi 27:21). Si Jesucristo ay buhay, at inaanyayahan Niya kayong magkaroon ng personal na mga karanasan sa Kanya.
Maaari ninyong makilala si Cristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at paggawa ng gagawin Niya. Madarama ninyo ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagsisisi araw-araw. Pagpapalain Niya kayo, pagagalingin Niya kayo, at sasamo Siya sa Ama para sa inyo, tulad ng ginawa Niya sa mga Nephita. Kapag nakilala ninyo ang Tagapagligtas at nagsikap kayong personal na magbalik-loob, magmumukhang higit na katulad ng sa mga tao sa 4 Nephi ang inyong buhay—masaya, payapa, pinagpala, at puspos ng pagmamahal ng Diyos.