Si Mormon ay Isang Disipulo ni Cristo Noon
at gayon din ako ngayon
Wala pang 300 taon matapos dalawin ng Tagapagligtas ang mga tao ni Nephi, lumalaki noon ang 10-taong-gulang na si Mormon sa isang mundong puno ng matinding kasamaan. Pero nakita ng propetang si Amaron na si Mormon ay “isang batang mahinahon at mabilis magmasid” (Mormon 1:2), kaya inutusan niya si Mormon na pamahalaan ang mga sagradong talaan kapag tumanda na siya. Sa edad na 15, si Mormon ay “dinalaw ng Panginoon, at nakatikim at nakaalam ng kabutihan ni Jesus” (Mormon 1:15). Sa edad na 24, kinuha niya ang mga sagradong talaan at matapat na iningatan ang mga iyon nang sumunod na 50 taon, at ipinasa ang mga iyon sa kanyang anak na si Moroni. Dahil kay Mormon, nasasaatin ngayon ang pinaikling talaan na tinatawag nating Aklat ni Mormon.
Tulad ni Mormon, maaari kong malaman ang kabutihan ng Tagapagligtas at sundin ang Kanyang mga utos—kahit tila tumatalikod sa Diyos ang mundo sa paligid ko.