Kapayapaan Matapos Maparalisa
Matapos maparalisa nang aksidenteng tumagilid ang sasakyan namin, ang nasa isip ko palagi ay, “Bakit ako?” Pero ang paggawa ng ilang bagay ay nagpadama sa akin ng kapayapaan.
Noong 2022, nakasakay kaming magkakaibigan sa isang maliit na pangharabas na sasakyan sa disyerto nang tumagilid ang sasakyan namin. Nagising ako na nakahiga sa lupa, na puno ng dugo. Wala akong anumang maramdaman. Hindi nagtagal ay dumating ang isang helicopter para dalhin ako sa ospital. Nalaman ko na may dalawang bali ako sa leeg at paralisado ako mula balikat pababa.
Noong una, talagang sinubukan nito ang aking patotoo. Ang nasa isip ko palagi ay, “Bakit ako?” Hindi ko maunawaan kung bakit nakaligtas nang walang pinsala ang lahat ng kaibigan ko mula sa aksidente pero hindi ako. Isa akong 16-na-taong-gulang na gymnast at cheerleader noon, at hindi ito ang pinangarap ko sa buhay.
Piliing Magpasalamat
Isang araw pagkaraan ng aksidente talagang naging miserable ako, at ayaw kong bumangon mula sa kama at pumunta sa physical therapy. Pero nagpunta ako, at nakita ko ang isang lalaki roon na paralisado at sunog ang katawan. Nakangiti siya at nakikipag-usap sa lahat ng therapist, at naisip ko, “Kung kaya niya, kaya ko rin.”
Matapos ang karanasang iyon, mas nakapagtuon ako sa pasasalamat. Natanto ko kung gaano ako kasuwerte, at nagawa kong mas tanggapin pa ang sitwasyon ko. Natanto ko na kailangan kong piliing gumising at magtuon sa mabubuting bagay, tulad ng kahanga-hanga kong pamilya at ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Huwag Magtuon sa mga Bansag
Natuklasan ko na nakakatulong sa akin ang pagtulong sa ibang tao. Naaalala ko na may nakita akong ilang tinedyer sa therapy na paralisado. Nilapitan ko sila at kinausap, dahil magugustuhan kong gawin iyon sa akin ng ibang tao.
Napakaraming taong nagdaraan sa mahihirap na bagay. Sa physical therapy, nakikita mo ang lahat ng pagsubok na ito sa paligid mo na talagang kitang-kita. Sa high school, marami ring pinagdaraanan ang lahat, pero wala talagang nakakaalam doon. Mas tago iyon. Nariyan ang lahat ng bansag, tulad ng “football player” at “cheerleader.” Kung minsa’y nakakatakot balewalain ang mga bansag at magkaroon ng mga bagong kaibigan. Gusto ko ang cheering at tumbling, at akala ko noon ay ang mga bagay na iyon ang naglalarawan sa pagkatao ko.
Pero natanto ko na hindi ang mga bansag na iyon ang pinakamahalaga sa buhay. Kung ano ang hitsura ng mga tao, kung gaano sila naiiba sa inyo—hindi talaga mahalaga ang mga bagay na iyon. Maaari kang tumulong sa lahat at magtuon sa pagtulong sa kanila. At ang ilan sa matatalik kong kaibigan ngayon ay mga taong dati-rati ay hindi ko naisip na magiging kaibigan ko.
Magtiwala sa Tagapagligtas
Pagkaraan ng ilang panahon sa rehabilitation center, nagawa ko nang igalaw ang mga braso ko at may kaunting pakiramdam na ang mga binti ko. Patuloy na bumubuti ang lagay ko bawat araw.
Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin sa hinaharap, at kung wala ang Panginoon, talagang matatakot ako. Pero natanggap ko kamakailan ang patriarchal blessing ko, at tinutulungan ako nitong magkaroon ng tiwala na anuman ang mangyari, magiging OK ako. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal bawat araw ay labis ding nakatulong sa akin. Kung wala si Jesucristo, alam ko na magiging mas masahol pa ang mga paghihirap ko. Tinutulungan Niya akong makadama ng kapayapaan kahit mahirap ang mga bagay-bagay.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.