Mga Tinig ng mga Kabataan
Pagbabahagi at Paglilingkod
Paggawa ng Mabuti sa Ghana
Dito sa Ghana, makararanas kayo ng magandang kultura, masarap na pagkain, at ang pinakamahalaga, mabubuting kaibigan sa ibang tao. Marami sa mga kaibigan ko ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at nabinyagan ang matalik kong kaibigan ilang taon na ang nakararaan. Mahilig siyang magbiro sa akin at magsabing, “Bakit hindi mo ako sinabihan noon na sumapi sa Simbahan?” At tama siya! Kaya ngayon, mas marami akong ginagawa para makapagdala ng mga tao sa simbahan, tulungan silang makilahok sa mga aktibidad, at tulungan silang makita ang lahat tungkol dito.
Sa klase ko sa paaralan, may dalawang iba pang miyembro ng Simbahan. Ang pinaniniwalaan natin ay parang isang bagong mundo sa ilan sa mga kaklase ko. Madalas nila kaming tanungin tungkol sa ebanghelyo, at ang ilan ay mahirap sagutin. Kung hindi namin alam ang sagot sa isang tanong, pinag-uusapan namin iyon at humihingi kami ng patnubay sa mga lider namin sa Simbahan. Kapag alam na namin kung paano sumagot, sinasabi namin sa aming mga kaklase ang alam naming totoo. Inanyayahan ko pa nga ang ilan sa kanila na pumunta at tingnan nila mismo kung paano tayo sumasamba, at nakatanggap sila ng magandang damdamin tungkol sa sacrament meeting.
Natutuhan ko rin na kapag mas marami kang ginagawang mabuti, mas napapalapit sa iyo ang Banal na Espiritu. Madalas kong tulungan ang mga tao sa daan kung marami silang dala. Kamakailan, nakita ko ang babaeng ito na may sunong na ilang bagay sa kanyang ulo. Hindi ko kilala ang babae o wala akong alam tungkol sa kanya, pero nilapitan ko siya at tinanong kung maaari akong tumulong. Pumayag siya, kaya kinuha ko ang ilan sa mga bagay na dala niya.
Pagdating namin sa bahay niya, nalaman ko na isa siyang panadero. Noong panahong iyon, hindi ako nagtatrabaho, at kinailangan kong mag-ipon ng kaunti pang pera. Hindi niya alam na kailangan ko ng trabaho. Walang anu-ano, sinabi niya sa akin na gusto niyang may makatulong na mag-bake ng tinapay at babayaran niya ang taong iyon. Inalok niya ako ng partikular na mga oras na akmang-akma sa abalang iskedyul ko. Palagay ko hindi ito nagkataon lamang kundi isang pagpapala mula sa Diyos sa pagtulong ko sa iba. Para sa akin, ito ang Ama sa Langit na nagsasabing, “Anak ko, nakikita ko ang kabutihang ginagawa mo!”
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang sentro, at Siya ang landas. Dapat nating paglingkuran Siya at ang mga tao sa paligid natin.
Joshua M., 17, Greater Accra Region, Ghana
Mahilig magbasa at maglaro ng isports, lalo na ng football (soccer).
Isang Blessing sa Bagong Taon sa Argentina
Inanyayahan ko ang isang kaibigan sa isang party sa Bisperas ng Bagong Taon sa simbahan. Hindi siya miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw pero may magandang impresyon siya rito. Nang dumating siya, lasing siya. Nagsimula siyang mabalisa at nagtapat sa akin tungkol sa mga hirap na nararanasan nila ng kanyang pamilya. Nalaman ko na kailangan ko siyang tulungan.
Dinala ko siya sa tatay ko. Tinanong ko si Itay kung puwede niyang bigyan ito ng priesthood blessing. Sinabihan ko siya nang kaunti tungkol sa mga blessing, at sinabi niya na gusto niyang magpa-bless. Pagkatapos ng blessing, tumigil siya sa pag-iyak at nakangiti pa nga siya!
Pagkatapos ng karanasang ito, tinanong niya ako ng ilang bagay tungkol sa priesthood. Kasama ang isa pang kaibigan, ibinahagi ko kung paano kami napagpala ng ebanghelyo at ang aming pamilya.
Masarap sa pakiramdam ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa kaibigan ko. Para sa akin, sinusubukan ng isang disipulo ni Jesucristo na maging katulad ni Jesucristo at gawin ang mga bagay na ginawa Niya, lalo na kapag napapansin natin ang isang tao na dumaranas ng hirap.
José J., 14, Buenos Aires, Argentina
Mahilig tumugtog ng piyano, magbisikleta, kumanta, magluto, gumawa ng sining, at makinig sa musika.
Panalangin ng Class President
Malamig na araw iyon ng Enero nang hilingan akong maglingkod bilang Young Women class president. Iyon ang unang taon ko sa Young Women program, at kahit hindi ko inasahang maging class president, tuwang-tuwa ako. Ngumiti ako at tumango.
Pagkatapos ay sinabihan ako na magsimulang ipagdasal kung sino ang dapat na maging mga counselor ko.
Agad napalitan ng pag-aalala ang saya ko. Nag-alala ako na baka mali ang mapili kong mga tao, o ang mas masahol pa, na baka hindi talaga ako makapagdesisyon!
Kalaunan sa gabing iyon, sinabi ko sa nanay ko na nag-aalala ako na baka hindi ako makagawa ng desisyon. Sinabi niya sa akin na pumasok sa kuwarto ko, magdasal, at magbasa ng ilang talata mula sa Aklat ni Mormon.
Pumasok ako sa kuwarto ko, na nag-aalala pa rin. Nagdasal ako, na hinihiling sa Ama sa Langit na tulungan akong makagawa ng tamang desisyon. Pagkatapos ay binuklat ko ang mga banal na kasulatan kung saan ako tumigil at binasa ang unang talatang nakita ko. Sabi roon: “At winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin” (Moroni 7:33).
Nang mabasa ko ang talatang iyon, nabatid ko na sinagot ng Ama sa Langit ang aking dalangin. Alam Niya ang kailangan ko at gusto Niya akong tulungan. Ang kinailangan ko lang gawin ay manampalataya sa Kanya, at tutulungan Niya akong malaman kung ano ang gagawin.
Alam ko na alam ng Diyos ang kailangan natin at na tutulungan Niya tayo kung handa tayong sumampalataya sa Kanya.
Emmeline K., 14, Utah, USA
Mahilig magsulat, gumawa ng sining, at makinig sa musika, pati na sa pagkatha ng mga awitin para sa piyano at gitara.