Si Jesucristo ang Inyong Lakas
Pagiging Disente: Ang Aking Mahabang Karanasan
“Inay, bigyan n’yo ako ng ISANG magandang dahilan kung bakit dapat akong manamit nang disente. Narinig ko nang lahat iyan.” (O iyon ang akala ko.)
Sana puwede kong sabihin na lumaki ako na gustung-gusto ko ang alituntunin ng pagiging disente, pero ang totoo, hindi. Kahit itinuro sa akin ng mga magulang ko na mahalaga ang maging disente, akala ko mas cute ang masasagwang damit sa mga palabas na napanood ko kaysa anumang disenteng damit.
Marami akong narinig na dahilan para manamit nang disente na hindi nagkaroon ng katuturan sa akin, mula sa “Disenteng damit ang kaakit-akit” hanggang sa “Responsibilidad mong manamit nang disente para hindi makaisip ng kahalayan ang mga lalaki.” Sa masagwang pananamit ko nakuha ang atensyong gusto ko. Ni ayaw kong isipin ang mga pagpapala ng manamit nang disente, at galit na galit ako nang hikayatin ako ng mga tao na gawin iyon.
“Bigyan N’yo Ako ng Isang Magandang Dahilan”
Isang panahon ng tag-init, lalabas kami noon ng ilang kaibigan ko. Nakita ng nanay ko ang masagwang damit na suot ko at sinabing, “Elizabeth, nagdadalaga ka na. Kailangan mo talagang pag-isipan ang klase ng taong gusto mong maging, at kaakibat niyan ang hitsurang ipinapakita mo.” Nang sabihin niya ito, handa akong lumaban noon.
“Inay, bigyan n’yo ako ng isang magandang dahilan kung bakit dapat akong manamit nang disente. Narinig ko nang lahat iyan. At hinihintay ko pa ring may marinig na hindi sangkot ang mga batang lalaki at ang mga iniisip nila. Bigyan n’yo ako ng isang dahilan, kahit ano, na may katuturan.”
Dumungaw siya sandali sa bintana. Matapos tumahimik sandali, magiliw niya akong tiningnan at mahinang sinabi, “Dahil isa itong alituntunin ng pagsunod, at mahal mo ang Ama sa Langit.”
Gulat na gulat ako, hindi ako nakasagot. Itinanim ng kanyang mga salita ang binhing kailangan para simulan kong daigin ang ipinagpipilitan kong ito.
Ang Katotohanan Tungkol sa Pagiging Disente
Unti-unti kong natanto na ang pagiging disente ay hindi lamang tungkol sa paraan ng aking pananamit. Tulad ng mga babala sa mga banal na kasulatan laban sa pagsusuot ng mamahaling kasuotan (tingnan sa Alma 5:53; Mormon 8:36–39), ang pagpili ko ng damit ay isang sintomas lamang ng pagiging palalo sa pag-iisip at pag-uugali. At ang kapalaluang iyon ay isang bagay na napakaraming taon ko nang pinanghawakan. Ayaw kong talikuran ang gusto ko, na matanggap at makuha talaga ang atensyon ng iba, kapalit ng nais ng Ama sa Langit para sa akin.
Ang sabi sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan ay, “Nais ng Ama sa Langit na tingnan natin ang isa’t isa sa kung sino tayo talaga: hindi lamang sa pisikal na katawan kundi bilang Kanyang pinakamamahal na mga anak na may banal na tadhana” ([2022], 24). Unti-unti kong nakita na sagrado ang aking katawan, isang bagay na kinailangan kong gamitin para luwalhatiin ang Diyos, hindi ang sarili ko.
Puspos ng Kanyang Pagmamahal
Nang magsimula akong magsisi, pinuspos ng Ama sa Langit ng Kanyang pagmamahal ang mga bahagi ng puso ko na gustong magpapansin. Napakatindi nito at binigyan ako ng malaking pag-asa kaya unti-unting nawala sa aking kaluluwa ang hangaring manamit nang masagwa.
Nagsimulang magbago ang paraan ng aking pagsasalita, lumago ang pagmamahal ko sa iba, at nag-ibayo ang hangarin kong maglingkod. Hindi ko lamang sinunod ang alituntunin ng pagsunod sa Diyos sa aking buhay; unti-unti itong napamahal sa akin. Ramdam ko ang kapangyarihan nitong magprotekta. Natulungan ako ng pagbabagong ito na maghandang pumunta sa templo at gumawa ng maganda at sagradong mga tipan sa Kanyang bahay.
Gustung-gusto ko na ngayong manamit nang disente dahil gustung-gusto ko ang alituntunin ng pagsunod, na hindi ko inakala noon na mangyayari. Pero hindi ako kailanman pinabayaan ng Ama sa Langit, at hindi Niya kayo pababayaan kailanman sa anumang pakikibaka ninyo, kahit mahaba at mahirap na karanasan iyon.