Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mga Binatilyo at Dalagita: Pakikipagkilala sa Isa’t Isa
Oktubre 2024


Si Jesucristo ang Inyong Lakas

Mga Binatilyo at Dalagita: Pakikipagkilala sa Isa’t Isa

Naguguluhan ba kayo sa ibang kasarian? Naiintriga? Natatakot? Maingat sa magandang pananaw na maaaring magkaroon ng mga normal na relasyon? Patuloy na magbasa.

mga dalagita at binatilyo

Mga larawang-guhit ni Katy Dockrill

Sa simula, naglagay ang Diyos ng lalaki at babae sa lupa (tingnan sa Genesis 1:27). At mula noon, naging kawili-wili … na ito.

Para sa mga kabataan, ang pakikipagkilala sa mga miyembro ng ibang kasarian ay maaaring nakakalito, nakakatakot, kapana-panabik, mahiwaga, kasiya-siya, nakakakaba, nakakatuwa—maaaring sabay-sabay itong maramdaman. Ganyan palagi ang sitwasyon. Pero may ilang kadahilanan ukol sa kultura sa mundo ngayon na lalo pang nakakaasiwa.

Makipagkilala, Huwag Maasiwa

Tinanong namin ang mga kabataan sa buong mundo tungkol sa pakikipagkilala ng mga binatilyo at dalagita sa isa’t isa, gayundin sa mga problemang kinakaharap nila sa paggawa nito. Tingnan kung pamilyar ang komentong ito mula sa isang dalagita sa South Africa:

“Sa araw at panahong ito, halos parang hindi ka na maaaring makipagkaibigan. Kung nag-uusap lang ang isang binatilyo at dalagita, ipinapalagay na kaagad ng mga tao na may nangyayari. Nakakainis panatilihin ang isang pagkakaibigan kapag palagi kang itinutulak ng mga tao na gawin itong higit pa sa pagkakaibigan.”

Ganito ang sabi ng isa pang kabataan:

“Kapag nag-uusap ang isang binatilyo at dalagita, natural na ipalagay ng mga tao na nagdedeyt sila.”

Maaari tayong magbigay ng mas marami pang halimbawa (napakarami pa) mula sa buong mundo ng mga kabataan na may ganito ring hinaing. Pero hindi iyan ang tanging balakid na nangyayari. Halimbawa:

  • Ang digital technology at social media ay mas nagpapadali sa komunikasyon sa ilang paraan pero mas nagpapahirap sa pagbuo ng tunay na pagkakaibigan sa ibang paraan.

  • Dahil sa nababawasang tiwala sa buong lipunan, nagiging maingat ang mga tao sa iba at sa kanilang mga intensyon. Halimbawa, madalas sabihin sa amin ng mga binatilyo na nahihirapan silang magpakita ng interes man lang na makipagkaibigan sa isang dalagita nang hindi nag-iisip na baka mapagkamalan at bansagan silang “nakakaligalig.”

Dahil sa lahat ng ito, nakakaasiwa ang anumang pagtatangkang makipagkaibigan sa mga miyembro ng ibang kasarian. At tanggapin na natin—talaga namang masyadong nakakaasiwa iyan.

Para sa maraming kabataan, maaaring mas madaling iwasan na lang ang ibang kasarian hanggang sa tumanda ka. Na magiging isang trahedya. Kung hihiwalay kayo sa halos kalahati ng sangkatauhan, maaaring makalampas sa inyo ang mga pagkakataong makabuo ng mahahalagang pagkakaibigan. At mawawalan din sila ng pagkakataong makilala kayo.

Sabi ni Tamara W. Runia, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, “Talagang mahalaga ang kumonekta. Piliting iwaksi ang mga pagkaasiwang iyon at kausapin ang maraming tao (pati na ang ibang kasarian!). Maunang ngumiti at bumati.”

Sumang-ayon si Bradley R. Wilcox, Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency. “Huwag masyadong mag-alala sa iniisip ng ibang tao,” sabi niya. “Ang pinakamainam na paraan para maging masaya at makipagkaibigan ay ang kumilos. Huwag nang hintayin ang isang tao na bumati at magpasimula ng pag-uusap. Lalago ang inyong tiwala kapag pinalitan ninyo ng pananampalataya sa iniisip ng Diyos ang takot ninyo sa iniisip ng ibang tao.”

Ano ang Sinasabi sa Gabay?

Mapalad kayo, nasa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan ang inspiradong payong ito:

tunay na pagkakaibigan

Ang mga tunay na pakikipagkaibigan (kapwa sa mga dalagita at binatilyo) ay makabuluhan at kapaki-pakinabang. Ang mga ito ay nakabatay sa tunay na pagkagusto sa isang tao, gayundin sa katapatan, tiwala, at paggalang. Malamang na hindi rin ito mangyari sa loob ng magdamag. Ang tunay na pagkakaibigan ay binubuo—sa paisa-isang hakbang.

maraming tao

Hindi mo kailangang magkaroon ng napakaraming mga kaibigan, pero hindi mo dapat limitahan ang iyong sarili kapag iniisip mo kung sino ang maaari mong kaibiganin. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Bawat araw sa buhay ninyo, sikaping dagdagan ang inyong mga kaibigan.” Muli—ito ay maaaring kapwa mga binatilyo at dalagita.

makabuluhang mga aktibidad ng grupo

Sa maraming lugar sa mundo, maaaring magsama-sama ang isang grupo ng mga binatilyo at dalagita para magsaya sa paggawa ng mga bagay na ikinasisiya ng lahat at hindi pisikal o espirituwal na mapanganib. Maaaring magandang paraan ito para makipagkilala sa maraming tao. Sinabi ng mga kabataan sa buong mundo na ang mga aktibidad ng Simbahan, kapwa sa araw ng Linggo at sa buong linggo, ay ilan sa pinakamaiinam na paraan para makapagsimula.

mga sarilinang usapan

Ang isang binatilyo at isang dalagita na nagpaplanong magpares sa isang aktibidad ay kailangan ng kaunting kahustuhan ng pag-iisip. Pinakamainam na maghintay hanggang 16 na taong gulang, tulad ng sabi sa gabay.

mga eksklusibong relasyon

Anuman ang itawag mo rito, ang isang eksklusibong romantikong relasyon ay para sa mga taong nasa posisyon para pag-isipan nang seryoso ang pagpapakasal. Bago iyon, walang katuturan ito at nagiging emosyonal at espirituwal na peligro lamang. Gawing masaya ang iyong mga taon bilang tinedyer, hindi puno ng drama at tukso.

mag-ukol ng oras

Ang pakikisalamuha sa mga tao at pakikipag-ugnayan sa kanila nang personal ay mahalaga at makabuluhan (tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili, 19).

mga taong tumutulong na matupad mo ang iyong mga pangako kay Jesucristo

Ito ay mga taong maaaring miyembro o hindi miyembro ng Simbahan at iginagalang ka at ang iyong mga paniniwala at pamantayan. Ito ay mga taong hindi nang-aakit o namimilit na gawin mo ang mga bagay na mali.

May Maipapayo Ka ba?

Ang pakikipagkilala sa mga miyembro ng ibang kasarian ay parang nakakatakot, parang nakakaasiwa ito, pero sulit ang lahat ng pagsisikap. Narito ang ilang huling ideya at payo mula sa mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo.

  • “Hindi tayo dapat matakot na makipagkilala sa isa’t isa.”

  • “Maaari akong magkaroon ng mga kaibigan at maaari ko silang mahalin nang hindi sa romantikong paraan. Ang mga ugnayang ito ay tumutulong din sa atin na magkaroon ng isang mapagkakatiwalaang kaibigan o isang taong malalapitan sa oras ng pangangailangan.”

  • “Ang isang bagay na tila makakatulong ay ang mga aktibidad sa labas ng ating tahanan kung saan natin nakikilala at mas makikilala ang isa’t isa.”

  • “Naniniwala ako na ang pagsisikap na kumonekta sa isang simbahan, paaralan, o okasyon sa pamilya ay maaaring mas madali dahil mayroon nang nag-uugnay sa atin.”

  • “Nakadama ako ng kagalakan sa pagkakaroon ng mga interes na katulad ng mga interes ng isang taong iba ang kasarian.”