Pagsunod sa Diyos at Pag-alis ng Agwat
May kapangyarihan si Cristo na mailapit tayo sa Ama at sa isa’t isa.
Kailangan nating patuloy na palawakin ang ating kaalaman at pagsunod sa Ama sa Langit. Ang ating kaugnayan sa Kanya ay walang hanggan. Tayo ay Kanyang minamahal na mga anak, at hindi iyan magbabago. Paano natin buong pusong tatanggapin ang Kanyang paanyayang lumapit sa Kanya at sa gayo’y matamasa ang mga pagpapalang nais Niyang ibigay sa atin sa buhay na ito at sa mundong darating?
Sinabi ng Panginoon sa sinaunang Israel, at sinasabi Niya sa atin, “Oo, iniibig kita ng walang hanggang pagibig: kaya’t ako’y lumapit sa iyo na may kagandahang-loob.”1 Gaya ng Ama, sinabi rin Niya sa atin, “Ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo; kaya nga, lumakad kang kasama ko.”2 Sapat ba ang tiwala natin sa Kanya para sumunod sa Kanya at lumakad na kasama Siya?
Narito tayo sa mundo upang matuto at umunlad, at ang pinakamahalagang pagkatuto at pag-unlad ay magmumula sa ating relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Mula sa ating tapat na relasyon sa Kanila, nagtatamo tayo ng banal na kaalaman, pagmamahal, kapangyarihan, at kakayahang maglingkod.
“Tungkulin nating alamin ang lahat ng naihayag ng Diyos tungkol sa kanyang sarili.”3 Kailangan nating maunawaan na inutusan ng Diyos Ama ang Kanyang Anak na si Jesucristo na likhain ang mundo para sa ating pag-unlad, na ibinigay ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak upang pagbayaran ang mga hinihingi ng katarungan para sa ating kaligtasan, at na ipinanumbalik ang kapangyarihan ng priesthood ng Ama at ang tunay na Simbahan ng Anak na kasama ang mahahalagang ordenansa para sa ating mga pagpapala. Nadarama ba ninyo ang lalim ng pagmamahal sa Kanilang mga paghahanda para sa ating kagalakan at pag-unlad? Kailangan nating malaman na ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ay sumunod tayo sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo at magtamo ng buhay na walang hanggan at sa gayo’y maging katulad ng Diyos.4 Ito ang tunay at walang-hanggang kaligayahang iniaalok sa atin ng Ama sa Langit. Wala nang ibang tunay at walang-hanggang kaligayahan.
Ang mga hamon sa atin ay kaya tayong ilayo mula sa landas na ito ng kaligayahan. Maaaring mawala ang ating mapagtiwalang koneksyon sa Diyos kung magagambala tayo ng mga pagsubok sa halip na paluhurin tayo.
Ang simpleng couplet na ito ay sumasamong gumawa tayo ng kaunting pagsala ng prayoridad:
Mahalaga ang ilang bagay; ang ilan ay hindi.
Nagtatagal ang ilang bagay, ngunit karamiha’y hindi.5
Mga kapatid, ano ang mahalaga sa inyo? Ano ang walang hanggan sa inyo? Walang-hanggan ang kahalagahan sa Ama na tayo ay matuto sa Kanya, magpakumbaba, at lumago sa pagsunod sa Kanya sa mga karanasan natin sa lupa. Nais Niyang palitan natin ng paglilingkod ang ating pagkamakasarili at ng pananampalataya ang ating takot. Maaaring napakahirap na pagsubok sa atin ang mga walang-hanggang bagay na ito.
Pinakikiusapan tayo ngayon ng Ama, sa kabila ng ating mga limitasyon sa mortalidad, na magmahal kapag napakahirap magmahal, maglingkod kapag hindi madaling maglingkod, magpatawad kapag hirap tayong magpatawad. Paano? Paano natin ito gagawin? Masigasig nating hingin ang tulong ng Ama sa Langit, sa ngalan ng Kanyang Anak, at gawin ang mga bagay sa Kanyang paraan sa halip na buong pagmamalaking igiit ang gusto natin.
Napansin ko ang aking pagiging mapagmalaki nang magsalita si Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa paglilinis ng ating kalooban.6 Inisip ko na ang buhay ko ay isang pitsel. Paano ko aalisin ang pagiging mapagmalaki ko mula sa aking pitsel? Ang pagpipilit nating magpakumbaba at pagsubok nating mahalin ang iba ay hindi tapat, walang saysay, at talagang hindi umuubra. Ang ating mga kasalanan at pagiging mapagmalaki ay lumilikha ng sira—o agwat—sa pagitan natin at ng pinagmumulan ng lahat ng pagmamahal, ang ating Ama sa Langit.
Ang Pagbabayad-sala lamang ng Tagapagligtas ang makapaglilinis sa ating mga kasalanan at makapagsasara sa agwat o sira na iyon.
Nais nating mayakap sa mga bisig ng pagmamahal at patnubay ng ating Ama sa Langit, kaya nga inuuna natin ang Kanyang kalooban at bagbag ang pusong isinasamo na ibuhos ni Cristo ang naglilinis na tubig sa ating pitsel. Sa simula maaaring paunti-unti ang pagtulo nito, ngunit habang tayo’y naghahangad, humihiling, at sumusunod, bubuhos ito nang sagana. Sisimulan tayong punuin ng tubig na buhay na ito, at nag-uumapaw sa Kanyang pagmamahal, maititikwas natin ang pitsel ng ating kaluluwa at maibabahagi ang laman nito sa iba na uhaw sa paggaling, pag-asa, at pagiging kabilang. Kapag malinis na ang ating kalooban, nagsisimulang maghilom ang ating mga kaugnayan dito sa mundo.
Kailangang isakripisyo ang ating mga personal na plano para bigyang-puwang ang mga walang-hanggang plano ng Diyos. Ang Tagapagligtas, na nagsasalita para sa Ama, ay sumasamo sa atin na “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo.”7 Ang paglapit sa Diyos ay maaaring mangahulugan ng pag-alam sa Kanyang katotohanan sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, pagsunod sa payo ng propeta, at pagsisikap na mas lubusang gawin ang Kanyang kalooban.
Nauunawaan ba natin na may kapangyarihan si Cristo na mailapit tayo sa Ama at sa isa’t isa? Mabibigyan Niya tayo, sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ng kailangang kaalaman tungkol sa mga kaugnayan.
Ikinuwento sa akin ng isang guro sa Primary ang isang magandang karanasan niya sa klase ng mga batang lalaki na 11 taong gulang. Tatawagin kong Jimmy ang isa sa kanila na ayaw makisama sa klase. Isang araw ng Linggo, nagkainspirasyon ang guro na isantabi ang kanyang lesson at sabihin kung bakit niya minahal si Jimmy. Sinabi niya na nagpapasalamat siya at naniniwala sa batang ito. Pagkatapos ay hiniling ng guro sa mga miyembro ng klase na sabihin kay Jimmy ang isang bagay na gusto nila sa kanya. Habang isa-isang sinabi ng mga miyembro ng klase kay Jimmy kung bakit siya espesyal sa kanila, yumuko ang bata at nagsimulang umiyak. Napalapit ang gurong ito at ang klase sa nalulumbay na puso ni Jimmy. Simpleng pagmamahal, na tapat na ipinahayag, ang nagbibigay ng pag-asa at halaga sa iba. Tinatawag ko itong “pag-aalis ng agwat.”
Marahil ang ating buhay sa mapagmahal na premortal na daigdig ang sanhi ng ating matinding pananabik sa tunay at walang-hanggang pagmamahal dito sa lupa. Tayo ay nilayon ng langit na magmahal at mahalin, at ang pinakamatinding pagmamahal ay dumarating kapag kaisa tayo ng Diyos. Inaanyayahan tayo ng Aklat ni Mormon na “makipagkasundo sa [Diyos] sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo.”8
Binanggit ni Isaias yaong mga tapat na ipinamumuhay ang batas ng ayuno at sa gayo’y nagiging tagaalis ng agwat para sa sarili nilang inapo. Sila yaong pinangakuan ni Isaias na “magtatayo ng mga dating sirang dako.”9 Sa gayon ding paraan, inalis ng Tagapagligtas ang agwat sa pagitan natin at ng Ama sa Langit. Binuksan Niya ang daan, sa pamamagitan ng Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo, para makabahagi tayo sa mapagmahal na kapangyarihan ng Diyos, at sa gayo’y maalis natin ang “mga sirang dako” sa ating personal na buhay. Ang pagpapahilom ng emosyonal na distansya sa pagitan ng isa’t isa ay mangangailangan ng ating pagtanggap sa pagmamahal ng Diyos, lakip ang sakripisyo ng ating likas na pagkamakasarili at nakakabagabag na pag-uugali.
Isang di-malilimutang gabi, nagtalo kami ng isang kamag-anak tungkol sa isang isyung pampulitika. Mabilis at lubusan niyang pinintasan ang aking mga komento, para patunayan na mali ako na abot sa pandinig ng mga kapamilya. Para akong hangal at walang alam—at siguro nga. Noong gabing iyon habang nakaluhod para magdasal, nagmadali akong ipaliwanag sa Ama sa Langit kung gaano kakulit ang kamag-anak na ito! Nagsalita ako nang walang patid. Siguro huminto ako sa karereklamo at napansin ko na ang Espiritu Santo, dahil, sa gulat ko, narinig kong sinasabi ko na, “Gusto mo sigurong mahalin ko siya.” Mahalin siya? Patuloy akong nagdasal, na ganito ang sinasabi, “Paano ko siya mamahalin? Ni hindi ko man lang yata siya gusto. Matigas ang puso ko, at nasaktan ang damdamin ko. Hindi ko magagawa.”
Pagkatapos, siguradong sa tulong ng Espiritu, may bago akong naisip nang sabihin kong, “Pero mahal po Ninyo siya, Ama sa Langit. Mababahaginan ba Ninyo ako ng pagmamahal Ninyo sa kanya—para mahalin ko rin siya?” Lumambot ang matigas na damdamin ko, nagsimulang magbago ang puso ko, at nagsimulang mag-iba ang tingin ko sa taong ito. Naramdaman ko ang tunay niyang halaga na nakita ng Ama sa Langit. Isinulat ni Isaias, “[Tinatalian] ng Panginoon ang sugat ng kaniyang bayan, at [pinagagaling] ang bugbog na kanilang sugat.”10
Sa paglipas ng panahon nakatutuwang nawala ang agwat sa pagitan namin. Pero kahit hindi niya tinanggap ang pagbabago ng puso ko, nalaman ko na tutulungan tayo ng Ama sa Langit na mahalin kahit ang mga iniisip nating hindi kanais-nais, kung hihingi tayo ng tulong sa Kanya. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay daluyan ng patuloy na pag-ibig sa kapwa mula sa ating Ama sa Langit. Kailangan nating piliing manahanan sa pag-ibig na ito para mahalin natin ang lahat.
Kapag ibinigay natin ang ating puso sa Ama at sa Anak, binabago natin ang ating mundo—kahit hindi magbago ang sitwasyon sa ating paligid. Mas napapalapit tayo sa Ama sa Langit at nadarama natin ang Kanyang magiliw na pagtanggap sa mga pagsisikap nating maging tunay na mga disipulo ni Cristo. Lumalago ang ating pag-unawa, pagtitiwala, at pananampalataya.
Sinabi ni Mormon na manalangin tayo nang buong lakas ng puso para sa pagmamahal na ito at ipagkakaloob ito sa atin mula sa pinagmulan nito—ang Ama sa Langit.11 Noon lamang tayo magiging mga tagaalis ng agwat sa mga kaugnayan sa lupa.
Tinutulungan tayo ng walang-hanggang pagmamahal ng ating Ama, upang ibalik tayo sa Kanyang kaluwalhatian at kagalakan. Ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo upang alisin ang malaking agwat na nakapagitan sa atin at sa Kanya. Ang muling pakikipagkita sa Ama sa Langit ang diwa ng walang-hanggang pagmamahal at layunin. Kailangan nating makipag-ugnayan sa Kanya ngayon upang malaman kung ano talaga ang mahalaga, upang magmahal na katulad Niya at maging katulad Niya. Pinatototohanan ko na ang ating matapat na kaugnayan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ay walang hanggan ang kahalagahan sa Kanila at sa atin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.