2010–2019
Magkalayo, Subalit Nananatiling Iisa
Oktubre 2017


2:3

Magkalayo, Subalit Nananatiling Iisa

Sa Simbahan, sa kabila ng ating mga pagkakaiba, inaasahan tayo ng Panginoon na maging isa!

Noong Hunyo 1994, sabik akong umuwi mula sa trabaho para manood sa TV ng paglalaro ng aming national soccer team sa World Cup. Kasisimula ko pa lang maglakbay pauwi, nakita ko mula sa malayo, sa may bangketa, ang isang lalaking mabilis na pinaaandar ang kanyang wheelchair, na napansin kong may dekorasyon ng aming watawat sa Brazil. Sa sandaling iyon alam ko na pauwi na rin siya para manood ng laro!

Nang magkrus ang aming landas at nagtagpo ang aming paningin, nang wala pang isang segundo, malakas ang pakiramdam kong nagkakaisa kami ng lalaking iyon! Patungo kami sa magkaibang direksyon, hindi kilala ang isa’t isa, malinaw na magkaiba ang kalagayan sa lipunan at sa pisikal, ngunit ang magkapareho naming hilig sa soccer at pagmamahal sa aming bansa ang nagpadama sa amin na iisa kami sa sandaling iyon! Hindi ko na nakita pa ang lalaking iyon magmula noon, ngunit ngayon, makalipas ang ilang dekada, nakikita ko pa rin ang mga matang iyon at nararamdaman ang malakas na koneksyon sa lalaking iyon. Nanalo kami sa larong iyon at sa World Cup sa taon na iyon!

Sa Simbahan, sa kabila ng ating mga pagkakaiba, inaasahan tayo ng Panginoon na maging isa! Sinabi niya sa Doktrina at mga Tipan, “Maging isa, at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”1

Kapag pumasok tayong lahat sa meetinghouse para sumamba bilang isang grupo, kailangan nating isantabi ang ating mga pagkakaiba, kabilang na ang lahi, kalagayan sa lipunan, pulitikal na mga pagpili, mga tagumpay sa pag-aaral at propesyon, at sa halip ay magtuon sa ating magkakaparehong layuning espirituwal. Magkakasama tayong umaawit ng mga himno, nagninilay tungkol sa parehong tipan sa sakramento, nagsasabi nang sabay-sabay ng “amen” pagkatapos ng mga mensahe, lesson, at mga panalangin—na nangangahulugang sumasang-ayon tayo sa ibinahagi.

Ang mga bagay na ito na magkakasama nating ginagawa ay tumutulong para madama nang matindi ang pagkakaisa sa kongregasyon.

Gayunman, ang tunay na nagpapasiya, nagpapatibay, o sumisira sa ating pagkakaisa ay kung paano tayo kumikilos kapag hindi natin kasama ang mga miyembro natin sa Simbahan. Tulad ng alam nating lahat, hindi maiiwasan at karaniwan ang pag-usapan natin ang tungkol sa isa’t isa kalaunan.

Depende sa pipiliin nating sabihin tungkol sa isa’t isa, ang ating mga salita ay maaaring tumulong sa atin na magkaroon ng mga “[pusong] magkakasama sa pagkakaisa,”2 tulad ng itinuro ni Alma sa mga Tubig ng Mormon, o mawawasak ng mga ito ang pag-ibig, tiwala, at mabuting pakikipagkapwa-tao na dapat ay umiiral sa atin.

Mayroong mga komentong dahan-dahang sumisira ng pagkakaisa tulad ng “Oo, mabuti siyang bishop; pero kung nakita lang ninyo siya noong kabataan niya!”

Maaaring ang mas nakatutulong na bersyon nito ay “Napakagaling ng bishop, at nag-mature siya nang husto at humusay sa paglipas ng mga taon.”

Kadalasan, palagi nating binabansagan ang mga tao sa pagsasabi ng “Ganoon talaga ang Relief Society president natin; napakatigas ng ulo niya!” Kabaligtaran nito, pwede nating sabihing, “Hindi gaanong nakikibagay sa sitwasyon ang Relief Society president natin nitong mga huling araw; siguro mayroon siyang mahirap na pinagdaraanan. Tulungan at suportahan natin siya!”

Mga kapatid, wala tayong karapatang ilarawan ang sinuman, pati na ang mga kasama natin sa Simbahan, bilang isang produktong pangit ang pagkakagawa! Bagkus, ang mga sinasabi natin sa ating kapwa ay dapat kakitaan ng ating paniniwala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at, sa Kanya at sa pamamagitan Niya, maaari tayong palaging magbago tungo sa kabutihan!

Ang ilan ay nagsisimulang mamintas at napahihiwalay sa mga lider at miyembro ng Simbahan dahil sa napakaliliit na mga bagay.

Ganito ang kaso ng isang lalaking nagngangalang Simonds Ryder, na naging miyembro ng Simbahan noong 1831. Matapos basahin ang isang paghahayag tungkol sa kanya, naguluhan siya nang makita na ang kanyang pangalan ay nabaybay na Rider, nabaybay nang mali, na may titik i sa halip na titik y. Ang kanyang reaksyon sa pangyayaring ito ay nakaragdag sa kanyang pagkuwestyon sa propeta at kalaunan ay humantong sa pang-uusig niya kay Joseph at pagtalikod sa Simbahan.3

Malamang din na mararanasan nating lahat ang ilang pagtutuwid mula sa mga lider natin sa Simbahan, na magiging pagsubok kung gaano tayo nakikiisa sa kanila.

Ako ay 11 taong gulang pa lamang noon, ngunit naaalala ko na 44 na taon na ang nakalilipas, ang simbahan kung saan kami nagsisimba ng aking pamilya ay babaguhin at aayusin. Bago simulan ang gawaing iyon, nagkaroon ng pagpupulong kung saan ay tinalakay ng mga lider sa lokal at sa area kung paano makikibahagi ang mga miyembro sa pagtatrabaho sa gawaing iyon. Ang aking ama, na ilang taong namuno sa unit na iyon ay nagpahayag ng kanyang matinding opinyon na ang gawaing ito ay dapat gawin ng isang contractor at hindi ng mga baguhan.

Ang kanyang opinyon ay hindi lang tinanggihan, kundi narinig pa namin na pinagsabihan siya nang matindi at hayagan sa harap ng mga tao sa pangyayaring iyon. Ngayon, ang lalaking ito na napakatapat sa Simbahan at isa ring beterano ng World War II sa Europa, ay sanay na panindigan at ipaglaban ang pinaniniwalaan niya! Marahil ay iniisip ng isang tao kung ano kaya ang naging reaksyon niya matapos ang pangyayaring ito. Ipaglalaban ba niya ang kanyang opinyon at magpapatuloy sa pagtutol sa nagawa nang desisyon?

Nakakita na kami ng mga pamilya sa aming ward na naging mas mahina sa ebanghelyo at huminto sa pagdalo sa mga miting dahil hindi nila kayang makiisa sa mga namumuno. Nakita ko rin mismo ang marami kong kaibigan sa Primary na hindi nanatiling matapat sa kanilang kabataan dahil palaging naghahanap ng mali ang kanilang mga magulang sa mga nasa loob ng Simbahan.

Gayunpaman, nagpasiya ang aking ama na manatiling kaisa ng mga kapwa niya Banal. Pagkaraan ng ilang araw, nang nagtitipon ang mga miyembro ng ward para tumulong sa pagtatayo, “inanyayahan” niya ang aming pamilya na sundan siya sa simbahan kung saan ay makakatulong kami sa anumang paraan.

Nainis ako. Gusto ko siyang tanungin ng, “Itay, bakit po tayo tutulong sa pagtatayo kung tutol kayo na ang mga miyembro ang gumawa nito?” Ngunit nang makita ko ang kanyang mukha, hindi ko na naitanong iyon. Gusto kong maging maayos ako para sa muling paglalaan. Sa kabutihang palad, nagpasiya akong manahimik at humayo na lang at tumulong sa pagtatayo!

Hindi na nakita ni Itay na natapos ang simbahan dahil pumanaw siya bago matapos ang gawaing ito. Ngunit kami sa pamilya, na pinamumunuan ngayon ng aking ina, ay nagpatuloy sa paggawa ng aming bahagi hanggang sa matapos ito, at pinanatili kami nitong nakikiisa sa kanya, sa mga miyembro ng Simbahan, sa aming mga lider, at ang pinakamahalaga sa lahat, sa Panginoon!

Ilang sandali bago ang napakatinding pagdurusa Niya sa Getsemani, noong nagdasal si Jesus sa Ama para sa Kanyang mga Apostol at para sa ating lahat na mga Banal; sinabi Niya, “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo.”4

Mga kapatid, nagpapatotoo ako na kapag nagpasiya tayong maging kaisa ng mga miyembro at lider ng Simbahan—tuwing tayo ay nagtitipon, at lalo na kapag tayo ay magkakalayo—madarama rin natin na mas lubusan tayong nakikiisa sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.