Mga Tagadala ng Makalangit na Liwanag
Bilang maytaglay ng priesthood ng Diyos at disipulo ni Jesucristo, kayo ang tagadala ng liwanag.
Isang matandang lalaki ang nakapila sa post office upang bumili ng mga selyo sa service counter. Napansin ng isang dalagita na nahihirapan siyang maglakad at nag-alok na ipakita sa kanya kung paano bumili mula sa machine upang makatipid sa oras. Sinabi ng matandang ginoo, “Salamat, ngunit mas gusto kong maghintay. Hindi ako tatanungin ng machine tungkol sa aking arthritis.”
Kung minsan ay nakakatulong na makipag-usap sa isang taong may pakialam sa ating mga problema.
Ang sakit, kalungkutan, at karamdaman ay nararanasan nating lahat—ang mga sakuna, pagdurusa, at kasawian ay maaaring mag-ipun-ipon hanggang sa maging malaking memory sa sariling internal hard drive ng ating kaluluwa.
Kung pag-uusapan ang ating aspetong pisikal, tinatanggap natin ang pagtanda at karamdaman bilang bahagi ng ating paglalakbay sa buhay. Humihingi tayo ng payo sa mga propesyonal na nakauunawa sa pisikal na katawan. Kapag nahihirapan tayo dahil sa mga emosyonal na pagkabalisa o karamdaman sa isip, hinihingi natin ang tulong ng mga ekspertong nagbibigay-lunas sa mga ganitong uri ng sakit.
Katulad ng pagharap natin sa mga pisikal at emosyonal na pagsubok sa buhay na ito, hinaharap din natin ang mga hamon sa espirituwal. Karamihan sa atin ay nakaranas na ng mga sandaling nag-aalab nang husto ang ating patotoo. Maaari ding nakaranas tayo ng mga panahong tila malayo ang ating Ama sa Langit. Mayroong mga pagkakataon na pinahahalagahan natin ang mga bagay ng Espiritu nang buong puso natin. Maaari ding mayroong mga pagkakataon na parang di-gaanong mahalaga o nabawasan ang kahalagahan ng mga ito.
Ngayon ay nais kong magsalita tungkol sa espirituwal na kagalingan—kung paano tayo makahahanap ng paggaling mula sa hindi pag-unlad at makatahak sa landas ng espirituwal na kasiglahan.
Espirituwal na Karamdaman
Minsan, ang espirituwal na karamdaman ay dumarating bilang resulta ng kasalanan o ng mga sugat sa damdamin. Minsan, ang mga espirituwal na panlulupaypay ay dumarating nang dahan-dahan kaya hindi natin masasabi kung ano ang nangyayari. Tulad ng mga patung-patong na sedimentary rock, magpapatung-patong ang espirituwal na sakit at dalamhati sa paglipas ng panahon, nagpapabigat sa ating espiritu hanggang halos hindi na ito kayang pasanin. Halimbawa, mangyayari ito kapag ang ating mga responsibilidad sa trabaho, tahanan, at simbahan ay naging napakahirap na kaya hindi na natin makita ang kagalakan sa ebanghelyo. Maaaring madama pa nga natin na parang wala na tayong maibibigay o hindi na kaya ng lakas natin na sundin ang mga kautusan ng Diyos.
Subalit hindi dahil sa totoo ang mga espirituwal na pagsubok ay hindi na malulunasan ang mga ito.
Mapagagaling tayo sa espirituwal.
Maging ang pinakamalalalim na espirituwal na sugat—oo, maging ang mga tila hindi na malulunasan—ay mapagagaling.
Mahal kong mga kaibigan, ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo ay hindi nawala sa ating panahon.
Ang nakapagpapagaling na haplos ng Tagapagligtas ay magpapabago sa ating buhay sa panahong ito tulad ng Kanyang ginawa noong panahon Niya. Kung mananampalataya lang tayo, Kanyang mahahawakan ang ating mga kamay, mapupuno ang ating mga kaluluwa ng makalangit na liwanag at pagpapagaling, at masasabi sa atin ang nakasisiglang mga salita, “Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.”1
Kadiliman at Liwanag
Anuman ang sanhi ng ating mga espirituwal na karamdaman, lahat ng mga ito ay may isang karaniwang bagay: ang kawalan ng banal na liwanag.
Binabawasan ng kadiliman ang ating kakayahang makakita nang malinaw. Pinalalabo nito ang ating pananaw tungkol sa alinmang simple at malinaw na. Kapag tayo ay nasa kadiliman, mas malamang na makagagawa tayo ng mga maling pagpili dahil hindi natin nakikita ang mga panganib sa ating landas. Kapag tayo ay nasa kadiliman, mas malamang na mawalan tayo ng pag-asa dahil hindi natin nakikita ang kapayapaan at kagalakan na naghihintay sa atin kung nagpatuloy lang tayo.
Ang liwanag, sa kabilang banda, ay tumutulong sa atin na makita ang mga bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Tumutulong ito sa atin na makilala ang tama at mali, ang mahalaga at ang di-gaanong mahalaga. Kapag tayo ay nasa liwanag, makagagawa tayo ng mabubuting pagpili batay sa mga totoong alituntunin. Kapag tayo ay nasa liwanag, magkakaroon tayo ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa,”2 dahil makikita natin ang ating mga pagsubok gamit ang walang hanggang pananaw.
Makahahanap tayo ng espirituwal na paggaling kapag lumayo tayo sa kadiliman ng mundo at patungo sa walang hanggang Liwanag ni Cristo.
Habang mas nauunawaan at naipamumuhay natin ang doktrinal na konsepto ng liwanag, mas makapagbabantay tayo laban sa mga espirituwal na karamdaman na nagpapahirap o bumabagabag sa atin sa bawat panig at sulok, at mas makapaglilingkod tayo bilang masisigla, matatapang, mapagmalasakit, at mapagpakumbabang mga maytaglay ng banal na priesthood—mga tunay na tagapaglingkod at disipulo ng ating minamahal at walang hanggang Hari.
Ang Ilaw ng Sanglibutan
Sinabi ni Jesucristo, “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”3
Ano ang ibig sabihin nito?
Ganito kasimple: Siya na mapagpakumbabang sumusunod kay Jesucristo ay makararanas at makababahagi sa Kanyang liwanag. At ang liwanag na iyon ay patuloy na magliliwanag hanggang kalaunan ay maitaboy nito maging ang pinakamatinding kadiliman.
Ang ibig sabihin nito ay mayroong kapangyarihan, isang malakas na impluwensya, na nagmumula sa Tagapagligtas. Nanggagaling ito “mula sa kinaroroonan ng Diyos upang punuin ang kalakhan ng kalawakan.”4 Dahil pinaliliwanag, pinasisigla, at pinasasaya ng kapangyarihang ito ang ating buhay, madalas na tinatawag itong liwanag sa mga banal na kasulatan, ngunit tinutukoy rin itong espiritu at katotohanan.
Nababasa natin sa Doktrina at mga Tipan, “Ang salita ng Panginoon ay katotohanan, at anumang katotohanan ay liwanag, at anumang liwanag ay Espiritu, maging ang Espiritu ni Jesucristo.”5
Ang mahalagang kaalamang ito—na ang liwanag ay isang espiritu, kung alin ay katotohanan, at ang liwanag na ito ay lumiliwanag sa lahat ng taong isinisilang sa mundo—ay hindi lang mahalaga kundi nagbibigay pag-asa rin. Ang Liwanag ni Cristo ay nagbibigay-liwanag at pumupuno sa mga kaluluwa ng lahat nilang nakikinig sa tinig ng Espiritu.6
Pinupuno ng Liwanag ni Cristo ang sansinukob.
Pinupuno nito ang daigdig.
At maaaring mapuno nito ang lahat ng puso ng tao.
“Hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao.”7 Ang kanyang liwanag ay para sa lahat—malaki o maliit, mayaman o mahirap, masagana o nagdarahop.
Kung bubuksan ninyo ang inyong isipan at puso upang tanggapin ang Liwanag ni Cristo at mapagpakumbabang susundin ang Tagapagligtas, makatatanggap kayo ng marami pang liwanag. Taludtod sa taludtod, kaunti rito at kaunti roon, kayo ay magkakaroon ng karagdagang liwanag at katotohanan sa inyong mga kaluluwa hanggang sa mawala ang kadiliman sa inyong buhay.8
Bubuksan ng Diyos ang inyong mga mata.
Bibigyan kayo ng Diyos ng bagong puso.
Ang pagmamahal, liwanag, at katotohanan ng Diyos ay magbibigay-buhay sa mga bagay-bagay, at kayo ay magkakaroon ng panibagong buhay kay Cristo Jesus.9
Ipinangako ng Panginoon, “Kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo; at yaong katawan na puno ng liwanag ay nakauunawa sa lahat ng bagay.”10
Ito ang pinakadakilang lunas sa espirituwal na karamdaman. Naglalaho ang kadiliman sa presensya ng liwanag.
Isang Metapora para sa Espirituwal na Kadiliman
Gayunman, hindi ipipilit sa atin ng Diyos na tanggapin ang Kanyang liwanag.
Kung naging komportable tayo sa kadiliman, malamang na hindi magbago ang ating puso.
Upang magkaroon ng pagbabago, kailangan nating aktibong papasukin ang liwanag.
Sa mga flight ko noon sa iba’t ibang dako ng ating daigdig bilang airline captain, palagi akong namamangha sa kagandahan at kasakdalan ng mga likha ng Diyos. Gustung-gusto ko lalo na ang kaugnayan ng daigdig at ng araw. Itinuturing ko itong isang napakagandang object lesson tungkol sa kung paano umiiral ang kadiliman at liwanag.
Katulad ng alam nating lahat, sa loob ng bawat 24 na oras ay nagiging umaga ang gabi at nagiging gabi ang umaga.
Kaya, ano ang gabi?
Ito ay walang iba kundi anino.
Kahit na sa pinakamadilim na mga gabi, hindi tumitigil ang araw sa pagbibigay ng liwanag nito. Ito ay patuloy na nagliliwanag nang napakaliwanag noon pa man. Ngunit kalahati ng daigdig ay nasa kadiliman ng gabi.
Ang kawalan ng liwanag ay nagdudulot ng kadiliman.
Kapag sumapit ang kadiliman ng gabi, hindi tayo nawawalan ng pag-asa at nag-aalala na naglaho na ang araw. Hindi natin iniisip na ang araw ay wala na roon o patay na. Nauunawaan natin na nasa anino tayo, na patuloy na iikot ang daigdig, at kalaunan ay mararating tayong muli ng mga sinag ng araw.
Ang kadiliman ay hindi pahiwatig na wala nang liwanag. Kadalasan, ibig sabihin lang nito ay wala tayo sa tamang lugar upang tumanggap ng liwanag. Noong solar eclipse kamakailan, marami ang gustong pumaroon sa makitid na lilim ng aninong likha ng buwan, sa gitna ng isang maliwanag at maaliwalas na araw.
Sa paraang katulad na katulad nito, patuloy na sumisikat ang espirituwal na liwanag sa lahat ng nilikha ng Diyos. Gagawin ni Satanas ang lahat upang lumikha ng anino o dalhin tayo sa anino na tayo rin mismo ang may gawa. Pipilitin niya tayong lumikha ng ating sariling eclipse; itutulak niya tayo papasok sa kadiliman ng kanyang yungib.
Ang espirituwal na kadiliman ay maglalagay ng tabing ng pagkalimot sa paligid ng mga taong minsan ay naglakad sa liwanag at nagalak sa Panginoon. Gayunpaman, maging sa mga sandali ng pinakamatitinding kadiliman, dinirinig ng Diyos ang ating mga mapagpakumbabang kahilingan, kapag isinamo natin, “[Panginoon,] nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.”11
Sa panahon ni Alma, maraming tao ang nahirapang tanggapin ang mga espirituwal na bagay, at “dahil sa kanilang kawalang-paniniwala,” hindi nakapasok ang liwanag at katotohanan ng Diyos sa kanilang mga kaluluwa; “at ang kanilang mga puso ay [tumigas].”12
Tayo ang mga Tagadala ng Liwanag
Mga kapatid, tayo ang magpapasiya na pumaroon sa tamang lugar upang makita ang banal na liwanag at katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kahit sumapit ang gabi at tila madilim ang mundo, mapipili nating lumakad sa liwanag ni Cristo, sumunod sa Kanyang mga kautusan, at matapang na magpatotoo tungkol sa Kanyang katotohanan at Kanyang kadakilaan.
Bilang maytaglay ng priesthood ng Diyos at disipulo ni Jesucristo, dala ninyo ang liwanag. Patuloy na gawin ang mga bagay na alam ninyong lalong magpapaliwanag sa Kanyang banal na liwanag. “Itaas ninyo ang inyong ilawan”13 at hayaang “lumiwanag … [ito] sa harap ng mga tao”—hindi upang makita at hangaan nila kayo, kundi “upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.”14
Mahal kong mga kapatid, mga instrumento kayo sa mga kamay ng Panginoon na may layuning magdala ng liwanag at pagpapagaling sa mga kaluluwa ng mga anak ng Ama sa Langit. Marahil ay hindi ninyo nadaramang karapat-dapat kayong magpagaling sa mga may espirituwal na karamdaman—tiyak na tulad sa isang empleyado sa post office na hindi kwalipikadong tumulong para mapagaling ang arthritis. Marahil ay may hinaharap kayong mga espirituwal na hamon sa inyong sarili. Gayunpaman, tinawag kayo ng Panginoon. Binigyan Niya kayo ng awtoridad at responsibilidad na tulungan ang mga nangangailangan. Ipinagkaloob Niya sa inyo ang Kanyang sagradong kapangyarihan ng priesthood upang magdala ng liwanag sa kadiliman at pasiglahin at tulungan ang mga anak ng Diyos. Ipinanumbalik ng Diyos ang Kanyang Simbahan at ang Kanyang mahalagang ebanghelyo, na “humihilom sa sugatang kaluluwa.”15 Inihanda Niya ang landas patungo sa espirituwal na paggaling upang mapagaling mula sa hindi pag-unlad at makasulong patungo sa masiglang espirituwal na kalusugan.
Sa tuwing itinutuon ninyo ang inyong mga puso sa Diyos sa pagdarasal nang may pagpapakumbaba, nararanasan ninyo ang Kanyang liwanag. Sa tuwing hinahangad ninyo ang Kanyang salita at kalooban sa mga banal na kasulatan, lalong tumitindi ang liwanag. Sa tuwing napapansin ninyo ang isang taong nangangailangan at isinasakripisyo ang inyong sariling kaginhawahan upang makatulong nang may pagmamahal, lalong lumiliwanag at nadaragdagan ang liwanag. Sa tuwing tinatanggihan ninyo ang tukso at pinipili ang kadalisayan, tuwing naghahangad o nagbibigay kayo ng kapatawaran, tuwing matapang kayong nagpapatotoo tungkol sa katotohanan, itinataboy palayo ng liwanag ang kadiliman at inaakit ang iba na naghahangad din ng liwanag at katotohanan.
Isipin ang inyong mga sariling karanasan, mga sandali ng paglilingkod ninyo sa Diyos at sa kapwa-tao kung saan nabanaag ang banal na liwanag sa inyong buhay—sa banal na templo, sa sacrament table, sa isang tahimik na sandali ng mapanalanging pagnilay-nilay, sa pagtitipon ng inyong pamilya, o habang naglilingkod bilang maytaglay ng priesthood. Ibahagi ang mga sandaling ito sa inyong pamilya, mga kaibigan, at lalo na sa mga kabataang naghahanap ng liwanag. Kailangan nilang marinig sa inyo na sa pamamagitan ng liwanag na ito ay dumarating ang pag-asa at paggaling, maging sa isang mundong puno ng kadiliman.
Ang liwanag ni Cristo ay nagdadala na pag-asa, kagalakan, at pagpapagaling sa anumang espirituwal na sugat o karamdaman.16 Ang mga nakaranas ng ganitong nagpapadalisay na impluwensya ay nagiging mga kasangkapan sa mga kamay ng Ilaw ng Sanglibutan upang makapagbigay ng liwanag sa iba.17 Madarama nila ang nadama ni Haring Lamoni: “Ang liwanag na ito ang nagbigay ng kagalakan sa kanyang kaluluwa, sa pagkakapalis ng ulap ng kadiliman, at … ang liwanag ng buhay na walang hanggan ay nagningas sa kanyang kaluluwa.”18
Mahal kong mga kapatid, sikapin nating hanapin ang Panginoon hanggang ang Kanyang liwanag ng buhay na walang hanggan ay magliwanag nang husto sa ating puso at maging matibay at malakas ang ating patotoo maging sa gitna ng kadiliman.
Ito ang aking dalangin at basbas sa inyo na magtagumpay kayo sa pagtupad sa inyong tadhana bilang mga maytaglay ng priesthood ng Pinakamakapangyarihang Diyos at patuloy na maging masasayang tagadala ng Kanyang banal na liwanag. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, na ating Panginoon, amen.