2010–2019
Huwag Matakot na Gumawa ng Mabuti
Oktubre 2017


2:3

Huwag Matakot na Gumawa ng Mabuti

Sinasabi sa atin ng Panginoon na kapag tumayo tayo nang may pananampalataya sa Kanyang bato, mababawasan ang pag-aalinlangan at takot; ang hangaring gumawa ng mabuti ay madaragdagan.

Mahal kong mga kapatid, mapagpakumbaba kong idinadalangin na mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon habang nagsasalita ako ngayon. Puno ng pasasalamat ang aking puso sa Panginoon, na may-ari ng Simbahang ito, sa inspirasyong nadama natin sa taimtim na mga panalangin, magagandang mensahe, at mala-anghel na pag-awit sa kumperensyang ito.

Noong Abril, nagbigay ng mensahe si Pangulong Thomas S. Monson na umantig sa mga puso sa buong mundo, pati na sa akin. Nagsalita siya tungkol sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Hinikayat niya tayo na pag-aralan, pagnilayan, at ipamuhay ang mga turo nito. Nangako siya na kung maglalaan tayo ng panahon bawat araw na pag-aralan at pagnilayan at sundin ang mga kautusan na nasa Aklat ni Mormon, magkakaroon tayo ng mahalagang patotoo sa katotohanan nito, at ang patotoong ito sa buhay na Cristo ang gagabay sa atin tungo sa kaligtasan sa panahon ng kaguluhan. (Tingnan sa “Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Mayo 2017, 86–87.)

Tulad ng marami sa inyo, narinig ko ang mga salita ng propeta na parang ang tinig ng Panginoon ang nangusap sa akin. At tulad rin ng marami sa inyo, ipinasiya kong sundin ang mga salitang iyon. Ngayon, mula pa noong maliit ako, nadama ko na totoong salita ng Diyos ang Aklat ni Mormon, na ang Ama at ang Anak ay nagpakita at nakipag-usap kay Joseph Smith, at ang mga sinaunang Apostol ay nagpakita kay Propetang Joseph upang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood sa Simbahan ng Panginoon.

Taglay ang patotoong iyan, binasa ko ang Aklat ni Mormon araw-araw sa loob ng mahigit 50 taon. Kaya marahil maaari ko nang isipin na para sa iba ang mga salita ni Pangulong Monson. Ngunit, tulad ng marami sa inyo, nadama ko ang panghihikayat ng propeta at nahimok ako ng Kanyang pangako na mas magsumikap pa. Ginawa ng marami sa inyo ang ginawa ko: nagdasal nang mas taimtim, pinagnilayan pa nang mas mabuti ang banal na kasulatan, at lalo pang sinikap na paglingkuran ang Panginoon at ang iba para sa Kanya.

Ang magandang resulta para sa akin, at para sa karamihan sa inyo, ay ang ipinangako mismo ng propeta. Lahat tayo na isinapuso ang kanyang magandang payo ay mas narinig ang pahiwatig ng Espiritu. Nakadama tayo ng karagdagang lakas para labanan ang tukso at nagkaroon ng mas matibay na pananampalataya sa nabuhay na muling Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang buhay na Simbahan.

Sa panahon ng tumitinding kaguluhan sa mundo, ang mga lumakas ang patotoo ay nagtaboy ng pag-aalinlangan at takot at nagdulot sa atin ng payapang damdamin. Ang pagsunod sa payo ni Pangulong Monson ay nagkaroon ng dalawang iba pang magagandang epekto sa akin: Una, ang Espiritung ipinangako niya ay nagdulot ng pag-asa sa mga mangyayari sa hinaharap, kahit tila patuloy na nadaragdagan ang kaguluhan sa mundo. At, pangalawa, mas ipinadama ng Panginoon sa akin—at sa inyo—ang Kanyang pagmamahal sa mga taong nagdurusa. Nadagdagan ang pagnanais nating sagipin ang iba. Ang pagnanais na iyan ay laging nasa sentro ng ministeryo at pagtuturo ni Pangulong Monson.

Nangako ang Panginoon ng ibayong pagmamahal sa iba at katapangan kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery noong tila napakahirap ng mga gawaing naghihintay sa kanila. Sinabi ng Panginoon na ang kinakailangan na katapangang iyon ay magmumula sa kanilang pananalig sa Kanya bilang kanilang bato:

“Huwag matakot na gumawa ng mabuti, aking mga anak, sapagkat kung anuman ang inyong itinanim, iyon din ang inyong aanihin; samakatwid, kung kayo ay nagtanim ng kabutihan kayo rin ay aani ng kabutihan bilang inyong gantimpala.

“Samakatwid, huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig.

“Masdan, hindi ko kayo inuusig; humayo kayo sa inyong mga gawain at huwag na muling magkasala; isagawa nang mahinahon ang gawaing ipinag-uutos ko sa inyo.

“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.

“Masdan ang sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayon din ang bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa; maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit” (D at T 6:33–37).

Sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga lider ng Panunumbalik, at sinasabi Niya sa atin, na kapag tumayo tayo nang may pananampalataya sa Kanyang bato, mababawasan ang pag-aalinlangan at takot; ang hangaring gumawa ng mabuti ay madaragdagan. Sa pagtanggap natin sa paanyaya ni Pangulong Monson na itanim sa ating puso ang patotoo kay Jesucristo, nagkakaroon tayo ng kapangyarihan, ng pagnanais, at ng tapang na iligtas ang iba nang hindi iniisip ang sarili nating mga pangangailangan.

Nakita ko ang pananampalataya at tapang na iyan nang maraming beses kapag nakararanas ng nakatatakot na pagsubok ang mapanampalatayang mga Banal sa mga Huling Araw. Para sa isang halimbawa, nasa Idaho ako nang magiba ang Teton Dam noong Hunyo 5, 1976. Umagos ang malakas na tubig. Libu-libong tao ang napilitang iwan ang kanilang mga tirahan. Libu-libong bahay at negosyo ang nawasak. Himalang hindi lumampas sa 15 katao ang namatay.

Ang nakita ko roon, ay ang nakikita ko sa tuwing matibay na nakasalig ang mga Banal sa mga Huling Araw sa bato ng patotoo kay Jesucristo. Dahil wala silang alinlangan na Kanya silang pinangangalagaan, hindi sila natatakot. Hindi nila iniinda ang sariling pagsubok para matulungan ang iba. At ginagawa nila ito dahil sa pagmamahal sa Panginoon, nang walang hinihinging kapalit.

Halimbawa, noong nagiba ang Teton Dam, isang mag-asawang Banal sa mga Huling Araw ang kasalukuyang nasa biyahe, na milya-milya ang layo sa kanilang bahay. Pagkarinig nila ng balita sa radyo, nagmadali silang bumalik sa Rexburg. Sa halip na magpunta sa sariling bahay upang makita kung nawasak ito, hinanap nila ang kanilang bishop. Nasa loob siya ng gusaling ginagamit bilang recovery center. Tumutulong siya sa pamamahala sa libu-libong boluntaryo na dumarating sakay ng mga dilaw na school bus.

Lumapit ang mag-asawa sa bishop at sinabing, “Kababalik lang namin. Bishop, saan kami pwedeng tumulong?” Ibinigay niya sa kanila ang mga pangalan ng pamilya. Nilinis ng mag-asawang iyon ang mga bahay na napuno ng putik at tubig. Ginawa nila ito mula madaling-araw hanggang gumabi nang maraming araw. Tumigil sila sandali para tingnan ang sariling bahay. Natangay na ito ng baha, kaya wala nang lilinisin. Kaya umalis na sila kaagad at bumalik sa bishop. Itinanong nila, “Bishop, may gusto ka pa bang tulungan namin?”

Ang himalang iyon ng tapang ng kalooban at pagmamahal—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—ay paulit-ulit na nangyayari sa paglipas ng mga taon at sa lahat ng panig ng mundo. Nangyari ito sa mga kakila-kilabot na araw ng pag-uusig at pagsubok sa panahon ni Propetang Joseph Smith sa Missouri. Nangyari ito nang pamunuan ni Brigham Young ang exodo mula sa Nauvoo at pagkatapos ay pinapunta ang mga Banal sa mga lugar na hindi pa natitirahan sa buong kanlurang Estados Unidos, upang magtulungan sa paglikha ng Sion para sa Panginoon.

Kung babasahin ninyo ang mga itinala ng mga pioneer na iyon sa kanilang journal, makikita ninyo ang himala ng pananampalataya na nagtataboy sa pag-aalinlangan at takot. At mababasa ninyo ang tungkol sa mga Banal na isinasantabi ang kanilang sariling kapakanan para tulungan ang iba para sa Panginoon, bago bumalik sa kanilang sariling mga tupa o sa sariling bukirin na hindi pa naararo.

Nakita ko ang gayunding himala ilang araw pa lang ang nakalipas sa naiwang pinsala ng Hurricane Irma sa Puerto Rico, Saint Thomas, at sa Florida, kung saan nakipagtulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa ibang mga simbahan, mga grupo sa komunidad, at mga samahang pambayan para simulan ang paglilinis.

Tulad ng aking mga kaibigan sa Rexburg, isang mag-asawa na di-miyembro sa Florida ang tumulong sa komunidad sa halip na unahin ang sariling ari-arian. Nang ilang Banal sa mga Huling Araw ang nagboluntaryong alisin ang dalawang malaking punong nakaharang sa paradahan nila, ipinaliwanag ng mag-asawa na hindi nila alam ang gagawin dito kaya nagpasiya silang tumulong sa iba, naniniwalang ibibigay ng Panginoon ang tulong na kailangan nila para sa kanilang sariling tahanan. Ikinuwento iyon ng lalaki bago pa man dumating ang miyembro ng Simbahan na nag-alok ng tulong, na siyang ipinagdarasal ng mag-asawa. Natanggap nila ang sagot na may tulong na darating. Dumating ito ilang oras matapos tiyakin ito sa kanila.

Nabalitaan ko na may mga tao na nagsimulang tawagin ang mga Banal sa mga Huing Araw na nakasuot ng dilaw na Helping Hands T-shirt na “The Yellow Angels.” Isang Banal sa mga Huling Araw ang nagpagawa ng sasakyan, at ikinuwento sa kanya ng lalaking nag-asikaso sa kanya ang “espirituwal na karanasan” nito noong alisin ng mga taong nakadilaw na kamiseta ang mga bumagsak na puno sa kanyang bakuran at pagkatapos, sabi niya, “kinantahan nila ako ng tungkol sa pagiging anak ako ng Diyos.”

Isa pang residente ng Florida—na hindi rin natin kamiyembro—ang nagkuwento na may dumating na mga Banal sa mga Huling Araw sa kanyang bahay noong inaayos niya ang nawasak na bakuran nila at halos naiiyak na siya sa pagod at init. Gumawa ang mga boluntaryo, ayon sa kanyang mga salita ng, “tunay na himala.” Hindi lang sila naglingkod nang buong sigasig kundi nang may tawanan at ngiti, na walang hinihinging kapalit.

Nakita ko ang sigasig at narinig ang tawanang iyon nang, isang Sabado ng gabi, ay nakausap ko ang isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Florida. Itinigil ng mga boluntaryo ang paglilinis kaya nakamayan ko ang iba sa kanila. Sinabi nila na mga 90 miyembro ng kanilang stake sa Georgia ang nagplanong sumama sa pagtulong sa Florida noong nakaraang gabi.

Umalis sila ng Georgia nang alas 4:00 ng umaga, bumiyahe nang ilang oras, tumulong nang buong maghapon at magdamag, at nagplanong muli na tutulong kinabukasan.

Ikinuwento nila ito nang nakangiti at masaya. Pero naramdaman ko na gusto na nilang matapos ang pagpapasalamat sa kanila para makabalik na sa ginagawa nila. Pinaandar na muli ng stake president ang kanyang chain saw at pinuputol na ang bumagsak na puno habang binubuhat naman ng isang bishop ang tatlong sanga ng puno nang papasok na kami sa sasakyan para puntahan ang isa pang rescue team.

Bago iyon, nang papaalis na kami mula sa isa pang lugar, isang lalaki ang lumapit sa sasakyan, inalis ang kanyang sombrero, at pinasalamatan kami para sa mga boluntaryo. Sabi niya, “Hindi ako miyembro ng simbahan ninyo. Hindi ako makapaniwala sa nagawa ninyo para sa amin. Pagpalain kayo ng Diyos.” Ang LDS volunteer na nakatayo sa tabi niya na nakasulot ng dilaw na kamiseta ay ngumiti at nagkibit-balikat, na para bang nagsasabing hindi na siya dapat pang pasalamatan.

Habang hindi makapaniwala ang lalaking ito na tinulungan siya ng mga boluntaryo mula sa Georgia, daan-daang Banal sa mga Huling Araw sa mismong nasalantang bahaging iyon ng Florida ang bumiyahe nang milya-milya patimog sa isa pang lugar sa Florida kung saan nabalitaan nila na mas napinsala ang mga tao roon.

Nang araw na iyon, naalala at mas naunawaan ko ang ipinropesiya ni Propetang Joseph Smith: “Ang taong puspos ng pagmamahal ng Diyos, ay hindi nasisiyahan na pagpalain lamang ang kanyang pamilya, bagkus ipinalalaganap ito sa buong mundo, sabik na pagpalain ang buong sangkatauhan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 499).

Nakikita natin ang gayong pagmamahal sa buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako. Sa tuwing may trahedyang nangyayari saanman sa mundo, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nag-aambag at nagboboluntaryo sa gawaing pantao ng Simbahan. Halos hindi na kailangang humiling ng mga boluntaryo. Sa katunayan, sa ilang pagkakataon, kailangan naming sabihin sa mga magboboluntaryo na maghintay hanggang sa handa na ang mga taong namamahala sa gawain na papuntahin sila sa recovery site.

Ang pagnanais na iyan na tumulong ay bunga ng pagkakaroon ng mga tao ng patotoo kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, at sa Kanyang propeta. Iyan ang dahilan kaya ang mga tao ng Panginoon ay hindi nag-aalinlangan at hindi natatakot. Iyan ang dahilan kaya nagboboluntaryong maglingkod ang mga missionary sa bawat sulok ng mundo. Iyan ang dahilan kaya ipinagdarasal ng mga magulang at kanilang mga anak ang ibang tao. Iyan ang dahilan kung bakit hinihikayat ng mga lider ang kanilang mga kabataan na isapuso ang hiling ni Pangulong Monson na itinuon ang kanilang mga sarili sa Aklat ni Mormon. Ang resulta ng pagsunod sa payong ito ay hindi dahil sa paghihikayat ng mga lider kundi dahil kumilos nang may pananampalataya ang mga kabataan at mga miyembro. Ang pananampalatayang iyon na nagpakilos sa kanila, na nangailangan ng di-makasariling sakripisyo, ay nagpapabago ng puso na nagtutulot sa kanila na madama ang pagmamahal ng Diyos.

Gayunman, mananatili lamang ang pagbabago sa ating puso kapag patuloy tayong sumusunod sa payo ng propeta. Kung hihinto tayo matapos ang minsanang pagsisikap, ang pagbabago ay maglalaho.

Ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw ay pinalalakas ang kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, sa Aklat ni Mormon bilang salita ng Diyos, at sa pagpapanumbalik ng mga susi ng priesthood sa Kanyang totoong Simbahan. Ang pinalakas na patotoong iyan ay nagbibigay sa atin ng ibayong tapang at ng pagmamalasakit sa iba pang mga anak ng Diyos. Ngunit ang mga darating na pagsubok at oportunidad ay mangangailangan ng higit pa rito.

Hindi natin makikinita ang mga detalye, ngunit alam natin ang karaniwang mangyayari sa hinaharap. Alam natin na sa mga huling araw, ang mundo ay magkakagulo. Alam nating sa kabila ng anumang kaguluhan, aakayin ng Panginoon ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw na dalhin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. At alam natin na ang tunay na mga disipulo ng Panginoon ay magiging karapat-dapat at handang tumanggap sa Kanya kapag muli Siyang pumarito. Hindi tayo dapat matakot.

Dahil may pananampalataya at katapangan na tayo sa ating mga puso, marami pang inaasahan sa atin ang Panginoon—at sa mga henerasyong susunod sa atin. Kailangan nilang maging mas malakas at mas matapang sapagkat mas marami at mas mahirap ang kanilang mga gagawin kaysa sa nagawa natin. At haharapin nila ang mas matinding oposisyon mula sa kaaway ng ating mga kaluluwa.

Ang paraan upang magkaroon ng magandang pananaw sa hinaharap ay ibinigay ng Panginoon: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (D at T 6:36). Sinabi sa atin ni Pangulong Monson kung paano gawin iyan. Dapat nating pagnilayan at ipamuhay ang Aklat ni Mormon at ang mga salita ng mga propeta. Manalangin tuwina. Maniwala. Paglingkuran ang Panginoon nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Dapat tayong manalangin nang buong lakas ng ating puso para sa kaloob na pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:47–48). At higit sa lahat, dapat tayong maging hindi pabagu-bago at patuloy sa pagsunod sa payo ng propeta.

Kapag mahirap ang daan, makakaasa tayo sa pangako ng Panginoon—ang pangako na ipinapaalala sa atin ni Pangulong Monson kapag madalas niyang binabanggit ang mga salitang ito ng Tagapagligtas: “Sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).

Pinatototohanan ko na ang Panginoon ay magpapauna sa inyong harapan sa tuwing kayo ay nasa Kanyang paglilingkod. Kung minsan kayo ang anghel na isinusugo ng Panginoon upang tulungan ang iba. Kung minsan kayo ang paliligiran ng mga anghel na tutulong sa inyo. Ngunit laging mapapasainyong puso ang Kanyang Espiritu, tulad nang ipinangako sa inyo sa bawat sacrament meeting. Kailangan lamang ninyong sundin ang Kanyang mga kautusan.

Ang pinakamaiinam na araw ay darating para sa kaharian ng Diyos sa lupa. Ang oposisyon ay magpapalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo, tulad ng ginawa nito sa simula pa noong panahon ni Propetang Joseph Smith. Laging dinadaig ng pananampalataya ang takot. Ang pagtutulungan ay nagbubunga ng pagkakaisa. At ang mga panalangin ninyo para sa mga nangangailangan ay dinidinig at sinasagot ng isang mapagmahal na Diyos. Hindi Siya umiidlip at hindi Siya natutulog.

Pinatototohanan ko na ang Diyos Ama ay buhay at nais Niyang bumalik kayo sa Kanya. Ito ang totoong Simbahan ng Panginoong Jesucristo. Kilala Niya kayo; mahal Niya kayo; binabantayan Niya kayo. Siya ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan at sa mga kasalanan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit. Ang pagsunod sa Kanya sa inyong buhay at sa inyong paglilingkod sa iba ang tanging daan patungo sa buhay na walang hanggan.

Iyan ay aking pinatototohanan at iniiwan ko sa inyo ang aking basbas at pagmamahal. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.