2010–2019
Makapangyarihang Saksi ng Diyos: Ang Aklat ni Mormon
Oktubre 2017


2:3

Makapangyarihang Saksi ng Diyos: Ang Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ay makapangyarihang saksi ng Diyos sa kabanalan ni Jesucristo, sa pagiging propeta ni Joseph Smith, at sa lubos na katotohanan ng Simbahang ito.

Ang Aklat ni Mormon ay hindi lamang ang saligang bato ng ating relihiyon, kundi maaari din itong maging saligang bato ng ating mga patotoo upang kapag naharap tayo sa mga pagsubok o hindi nasasagot na mga tanong, mapananatili nito ang ating mga patotoo. Ang bigat ng katotohanan sa aklat na ito ay mas nakahihigit kaysa sa pinagsama-samang mga argumento ng mga kritiko. Bakit? Sapagkat kung ito ay totoo, kung gayon si Joseph Smith ay isang propeta at ito ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, anupamang kasaysayan o iba pang mga argumento ang sumalungat dito. Sa dahilang ito, layunin ng mga kritiko na pabulaanan ang banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon, ngunit ang mga balakid na kinakaharap nila ay napakalaki dahil ang aklat na ito ay totoo.

Una, kailangang ipaliwanag ng mga kritiko kung paanong si Joseph Smith, isang 23-taong-gulang na magbubukid na may limitadong edukasyon, ay nakasulat ng isang aklat na mayroong daan-daang kakaibang pangalan at lugar, at mayroon ding mga detalyadong kwento at pangyayari. Maraming kritiko ang nagsasabing isa siyang henyo sa paglikha na ginamit ang maraming aklat at iba pang mga lokal na materyal o mapagkukunan upang maisulat ang nilalaman ng kasaysayan ng Aklat ni Mormon. Subalit salungat sa ipinahayag nila, wala ni isang saksi na nagsasabing nakita si Joseph na mayroon nitong mga sinasabing materyal o mapagkukunan bago nagsimula ang pagsasalin.

Kahit pa maging totoo ang argumentong ito, hindi talaga sapat ang mga ito para maipaliwanag ang pagkakaroon ng Aklat ni Mormon. Kailangan ding sagutin ng isang tao ang tanong na: paano nabasa ni Joseph ang mga sinasabing materyal o mapagkukunan na ito, naalis ang mga hindi magkakaugnay, napanatiling magkakatugma ang napakadetalyadong mga katibayan tulad ng sino ang nasa anong lugar at kailan, at pagkatapos ay idikta ito gamit ang perpektong memorya? Dahil noong nagsalin si Joseph Smith, wala siya ni anumang tala na pagbabatayan. Sa katunayan, paggunita ng kanyang asawang si Emma: “Wala siyang manuskrito o aklat na mapagbabasahan. … Kung mayroon man siyang kahit anong tulad nito, hindi niya ito maitatago mula sa akin.”1

Kaya paano nagawa ni Joseph ang kahanga-hangang gawaing ito na magdikta ng mahigit sa 500 pahinang aklat nang wala ni anumang tala? Upang magawa ito, siguro ay hindi lamang siya isang henyo sa paglikha kundi mayroon ding kagila-gilalas na perpektong memorya. Ngunit kung totoo ito, bakit hindi binigyang-pansin ng kanyang mga kritiko ang pambihirang talentong ito?

At mayroon pang iba. Inilalahad lamang ng mga argumentong ito ang kasaysayang nakapaloob sa aklat. Naroon pa rin ang mga totoong isyu: paano nakagawa si Joseph ng isang aklat na nakapagpapadama ng Espiritu, at saan niya nakuha ang ganoong kalalim na mga doktrina, na karamihan ay naglilinaw o sumasalungat sa mga paniniwalang Kristiyano ng kanyang panahon?

Halimbawa, itinuro sa Aklat ni Mormon, salungat sa karaniwang paniniwalang Kristiyano, na ang Pagkahulog ni Adan ay isang mabuting hakbang sa pag-unlad. Inihahayag nito ang mga tipan na ginagawa sa binyag na hindi nabanggit sa Biblia.

Dagdag pa rito, maaaring itanong ng isang tao: saan nakuha ni Joseph ang napakatinding kaalaman na dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, hindi lamang Niya tayo malilinis, kundi magagawa Niya rin tayong perpekto? Saan niya nakuha ang napakagandang sermon tungkol sa pananampalataya sa Alma 32? O ang sermon ni Haring Benjamin tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na marahil ay ang pinakakahanga-hangang sermon tungkol sa paksang ito sa lahat ng mga banal na kasulatan? O ang alegorya ng punong olibo na napakakumplikado at may napakaraming doktrina? Kapag binabasa ko ang alegoryang ito, kailangan ko itong gawan ng balangkas para masundan ang pagkadetalyado nito. Dapat ba tayong maniwala na idinikta lamang ni Joseph Smith ang mga sermong ito mula sa kaniyang memorya nang walang anumang tala?

Salungat sa ganitong konklusyon, ang impluwensya ng Diyos ay nasa buong Aklat ni Mormon, na pinatutunayan ng mga maringal na katotohanan sa doktrina nito, lalo na ng mga natatanging sermon nito tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Kung hindi propeta si Joseph, kung gayon para maipaliwanag ang mga ito at ang maraming iba pang kahanga-hangang kaalaman sa doktrina, kailangang gumawa ang mga kritiko ng argumento na siya ay isang henyo sa teolohiya. Ngunit kung ganoon nga ang mangyayari, maaaring itanong ng isang tao: bakit pagkaraan ng 1,800 taon pagkatapos ng ministeryo ni Cristo, si Joseph lamang ang nagkaroon ng ganoon karaming natatangi at nakapagpapalinaw na mga doktrina? Dahil paghahayag at hindi katalinuhan ang pinagmulan ng aklat na ito.

Ngunit kahit isipin natin na si Joseph ay isang henyo sa paglikha at teolohiya, na may perpektong memorya—hindi sapat ang mga talentong ito upang siya ay maging isang bihasang manunulat. Upang maipaliwanag ang pagkakaroon ng Aklat ni Mormon, kailangan ding sabihin ng mga kritiko na si Joseph ay may likas na angking talento sa pagsulat sa edad na 23. Kung hindi, paano niya napag-ugnay-ugnay ang napakaraming pangalan, lugar, at pangyayari upang magtugma-tugna ang mga ito nang walang mali? Paano niya naisulat ang mga istratehiya sa digmaan, nabuo ang mahuhusay na sermon, at nagawa ang mga parirala na minarkahan, kinabisado, sinipi, at inilagay sa mga pintuan ng refrigerator ng milyun-milyong tao, tulad ng, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17) o “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Ang mga ito ay mga mensaheng nakaaantig—mga mensaheng buhay at masigla at nagbibigay-inspirasyon. Ang sabihing nagtataglay si Joseph Smith sa edad na 23 ng mga kasanayang kailangan para maisulat ang pambihirang gawaing ito sa iisang draft sa loob ng mga 65 araw na pagtatrabaho ay hindi makatotohanan.

Si Pangulong Russell M. Nelson, isang mahusay at bihasang manunulat, ay nagsabing 40 beses niyang paulit-ulit na isinulat ang katatapos lamang na mensahe sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Mapaniniwalaan ba natin na maididikta ni Joseph Smith nang mag-isa ang buong Aklat ni Mormon na isinulat niya nang minsanan lang at pagkatapos ay mayroon lamang maliliit na pagkakamali sa gramatika?

Kinumpirma ni Emma, asawa ni Joseph, na imposibleng maisagawa ito sa ganoong paraan: “Si Joseph Smith [noong ito ay bata pa] ay hindi makasulat o makadikta ng isang liham na malinaw at mahusay ang pagkakasulat; lalo na ang makapagdikta ng isang aklat tulad ng Aklat ni Mormon.”2

At sa huli, bagama’t tanggapin ng isang tao ang lahat ng naunang argumento, gaano man kaduda-duda ang mga ito, nahaharap pa rin ang mga kritiko sa isa pang malaking balakid. Sinabi ni Joseph na ang Aklat ni Mormon ay nakasulat sa mga laminang ginto. Dahil sa pagsasabi nito, nakatanggap siya ng walang humpay na pangungutya sa kanyang panahon—sapagkat nalalaman ng “lahat” na ang mga sinaunang kasaysayan ay nakasulat sa papyrus o pergamino, hanggang sa paglipas ng mga taon, nang matuklasan ang mga laminang metal na may sinaunang kasulatan. Dagdag pa rito, sinabi ng mga kritiko na ang paggamit ng semento, gaya ng inilalarawan sa Aklat ni Mormon, ay hindi kayang gawin ng mga sinaunang Amerikanong ito—hanggang sa matagpuan ang mga sementong gusali sa sinaunang Amerika. Paano ngayon ipaliliwanag ng mga kritiko ang mga ito at ang hindi inaasahang mga pagtuklas na kahalintulad nito? Si Joseph, kita ninyo, ay mahusay ding manghula. Sa paano mang paraan, sa kabila ng mga pagsalungat sa kanya, salungat sa mga umiiral na mga kaalaman sa siyensiya o akademiko, tama ang hula niya habang ang lahat ng iba pa ay mali.

Sa kabila ng lahat ng ito, maaaring isipin ng isang tao kung paano paniniwalaan ang lahat ng mga haka-hakang dahilan at pwersang ito, gaya ng sinasabi ng mga kritiko, na nagkataong nagkatugma sa paraang naisulat ni Joseph ang Aklat ni Mormon at dahil doon ay nakagawa ng napakasamang panlilinlang. Subalit paano naging may kabuluhan ito? Salungat sa ganitong mga haka-haka, ang aklat na ito ay nakapagbigay ng inspirasyon sa milyun-milyon upang talikuran si Satanas at mamuhay nang mas tulad ni Cristo.

Bagama’t maaaring piliin ng isang tao na maniwala sa pangangatwiran ng mga kritiko, para sa akin, ito ay isang walang kabuluhan sa intelektuwal at espirituwal na aspeto. Upang maniwala sa gayong pangangatwiran, kailangan kong tanggapin ang isang hindi napatunayang haka-haka at ang iba pa. Dagdag pa rito, kailangan kong balewalain ang patotoo ng bawat isa sa 11 saksi,3 bagama’t bawat isa sa kanila ay nanatiling tapat sa kanyang patotoo hanggang sa huli; kailangan kong hindi tanggapin ang banal na doktrina na pumuno sa mga pahina ng sagradong aklat na ito lakip ang mga banal na katotohanan; kailangan kong balewalain ang katotohanan na marami, kabilang ang aking sarili ay mas napalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat na ito kaysa sa iba pang mga aklat; at higit sa lahat, kailangang itatwa ko ang nagpapatibay na mga bulong ng Espiritu Santo. Magiging salungat ito sa lahat ng nalalaman kong totoo.

Ang isa sa mabubuti at matatalino kong kaibigan ay umalis sa Simbahan nang ilang panahon. Sumulat siya sa akin kamakailan tungkol sa kanyang pagbabalik: “Sa simula, gusto kong patunayan sa akin ang Aklat ni Mormon sa aspetong pangkasaysayan, heograpika, sa wika, at kultura. Ngunit nang pagtuunan ko ang itinuturo nito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang nakapagliligtas na misyon, nagsimula akong magkaroon ng patotoo sa katotohanan nito. Isang araw, habang nagbabasa ng Aklat ni Mormon sa aking silid, huminto ako at lumuhod at nanalangin nang taos-puso at malinaw na nadamang ibinulong ng Ama sa Langit sa aking espiritu na ang Simbahan at ang Aklat ni Mormon ay talagang totoo. Ang tatlo at kalahating taon na muling pag-iimbestiga sa Simbahan ay umakay sa akin pabalik nang buong puso at pananalig sa katotohanan nito.”

Kung bibigyan ng panahon ng isang tao ang pagbabasa at pagninilay ng Aklat ni Mormon nang may pagpapakumbaba, tulad ng aking kaibigan, at bibigyang-pansin ang matatamis na bunga ng Espiritu, matatanggap niya kalaunan ang kanyang ninanais na patotoo.

Ang Aklat ni Mormon ay isa sa mga kaloob ng Diyos sa atin na walang katumbas ang kahalagahan. Ito ay kapwa espada at kalasag—ipinadadala nito ang salita ng Diyos sa digmaan para ipaglaban ang mga puso ng mga matwid at nagsisilbing pangunahing tagapagtanggol ng katotohanan. Bilang mga Banal, hindi lamang pribilehiyo natin na ipagtanggol ang Aklat ni Mormon kundi pagkakataon din natin na gamitin ito—ipangaral nang may kapangyarihan ang banal na doktrina nito at magpatotoo sa pinakadakilang pagsaksi nito kay Jesucristo.

Taimtim kong pinatototohanan sa inyo na ang Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ito ay makapangyarihang saksi ng Diyos sa kabanalan ni Jesucristo, sa pagiging propeta ni Joseph Smith, at sa lubos na katotohanan ng Simbahang ito. Nawa ay maging saligang bato ito ng ating mga patotoo, upang masabi tungkol sa atin, tulad sa mga nagbalik-loob na mga Lamanita, na sila “kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Emma Smith, sa “Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 289, 290.

  2. Emma Smith, sa “Last Testimony of Sister Emma,” 290.

  3. Tingnan sa “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” at “Ang Patotoo ng Walong Saksi,” sa pambungad sa Aklat ni Mormon.