2010–2019
Ang Katotohanan ng Lahat ng Bagay
Oktubre 2017


2:3

Ang Katotohanan ng Lahat ng Bagay

Bawat isa sa atin ay may personal na responsibilidad na gawin kung ano ang kinakailangan upang magkaroon ng malakas na patotoo at mapanatili ito.

Pumarito tayo ngayong gabi nang may pag-asa at pananampalataya na sa anumang paraan, aalis tayo nang napalakas at napagpala ng Espiritu Santo, na nagtuturo ng katotohanan.1 Tungkol sa ating kani-kaniyang paghahanap ng katotohanan ang nais kong talakayin.

Noong tinedyer ako, nagkaroon ako ng maraming tanong tungkol sa Simbahan. Ang ilan sa mga tanong ko ay taos-puso. Ang iba naman ay hindi at sumasalamin sa mga pagdududa ng iba.

Madalas ay itinatanong ko ang mga ito sa aking ina at pinag-uusapan namin. Tiyak kong nahihiwatigan niya na marami sa aking mga tanong ay tapat at mula sa aking puso. Sa tingin ko hindi siya gaanong natutuwa kapag hindi taos-puso at masyadong maargumento ang pagtatanong ko. Gayunman, hindi niya ako iniinsulto sa pagtatanong ko. Siya ay makikinig at susubukang sagutin ang mga ito. Kapag nahiwatigan niyang nasabi na niya ang lahat ng kanyang nalalaman at mayroon pa rin akong mga tanong, ganito ang sasabihin niya: “David, magandang tanong iyan. Habang naghahanap at nagbabasa ka at nananalangin para sa sagot, bakit hindi mo gawin ang mga bagay na alam mong dapat gawin at huwag gawin ang mga bagay na alam mong hindi dapat gawin?” Ito ang sinunod ko sa paghahanap ko ng katotohanan. Sa pamamagitan ng pag-aaral, pananalangin, at pagsunod sa mga kautusan, nalaman ko na may mga sagot sa lahat aking mahahalagang tanong. Nalaman ko rin na para sa ilang mga tanong, kinakailangan ang patuloy na pananampalataya, pagtitiyaga, at paghahayag.2

Ibinigay ni Inay sa akin ang responsibilidad na palakasin ko ang aking pananampalataya at maghanap ng mga sagot. Alam niya na magmumula ang mahahalagang sagot sa paghahanap ko ng katotohanan sa paraang itinakda ng Ama sa Langit. Alam niya na kailangan kong mahanap ang katotohanan. Alam niya na kailangan kong maging tapat sa aking pagtatanong at maging handang kumilos ayon sa alam ko nang totoo. Alam niya na kailangan kong mag-aral at manalangin at kailangan kong magkaroon ng dagdag na pagtitiyaga habang naghahangad ako ng mga sagot mula sa Panginoon. Ang kahandaang maging matiyaga ay bahagi ng ating paghahanap sa katotohanan at bahagi ng paraan ng Panginoon sa paghahayag ng katotohanan.3

Sa paglipas ng panahon, naunawaan ko na itinuturo sa akin ng aking ina ang paraan ng Ama sa Langit para sa paghahanap ng katotohanan. Lumakas ang pananampalataya ko, nagsimulang dumating ang mga sagot, at tinanggap ko ang mission call.

Dumating ang panahon, noong kasisimula pa lang ng misyon ko, na nadama kong kailangan kong malaman kung totoo ang Simbahan at kung si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Nadama ko ang napakalinaw na sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson noong huling pangkalahatang kumperensya natin: “Kung wala pa kayong matibay na patotoo sa mga bagay na ito, gawin ninyo ang kailangan para matamo ito. Mahalagang magkaroon kayo ng sariling patotoo sa mahihirap na panahong ito, dahil hindi kayo lubos na matutulungan ng patotoo ng ibang tao.”4 Alam ko ang kinakailangang gawin. Kinakailangan kong basahin ang Aklat ni Mormon nang may matapat na puso, nang may tunay na layunin, at magtanong sa Diyos kung ito ay totoo.

Pakinggan ang kamangha-manghang pangako ng ating Ama sa Langit na ibinigay sa pamamagitan ni propetang Moroni: “Kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”5

Upang matanggap ko kung ano ang nasa Aklat ni Mormon, kailangan kong basahin ito. Sinimulan kong basahin ang aklat mula sa umpisa at binasa ko ito araw-araw. May ilang tao na nakatanggap agad ng patotoo. Sa iba naman, kakailanganin pa ang mas maraming oras at mas maraming panalangin at ilang beses na pagbabasa ng aklat. Kinailangan kong basahin ang buong aklat bago ko natanggap ang ipinangakong patotoo. Gayunpaman, ipinaalam ng Diyos ang katotohanan sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Sa aking missionary journal, inilarawan ko ang aking kagalakan sa pag-alam sa katotohanan gayundin ang aking personal na pagpapahayag ng pangako at tunay na layunin na kumilos ayon sa katotohanang natanggap ko. Isinulat ko: “Nangangako ako sa aking Ama sa Langit at sa aking sarili na gagawin ang lahat ng aking makakaya, na ibibigay rito ang 100 porsiyento habang ako ay nabubuhay, anuman ang iutos sa akin ay gagawin ko, subalit sa ngayon narito ako sa aking misyon at pagbubutihan ko ang pagmimisyon ko, hindi ko ito panghihinayangan, hindi para sa akin, kundi para sa Panginoon. Mahal ko ang Panginoon, at mahal ko ang gawain, at idinadalangin ko na huwag maglaho kailanman ang damdaming iyan.”

Nalaman ko na ang palagiang pangangalaga sa espirituwal at patuloy na pagsisikap na magsisi at sundin ang mga kautusan ay kinakailangan upang hindi maglaho ang damdaming iyon. Sinabi ni Pangulong Monson, “Kailangang … manatiling masigla at buhay [ang patotoo] sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos at araw-araw na panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.”6

Sa paglipas ng mga taon, nagtatanong ako sa mga missionary at mga kabataan sa iba’t ibang dako ng mundo kung paano sila nagsimula sa kanilang personal na pagsisikap na hanapin ang katotohanan at magkaroon ng patotoo. Halos lahat sa kanila ay nagsabing nagsimula ang kanilang pagsisikap na magkaroon ng personal na patotoo sa kanilang personal na desisyon na basahin ang Aklat ni Mormon mula sa simula at tanungin ang Diyos kung totoo ito. Sa paggawa nito, pinili nilang “[kumilos]” kaysa “pinakikilos”7 ng pagdududa ng iba.

Upang malaman ang katotohanan, kailangan nating ipamuhay ang ebanghelyo8 at “subuk[an]”9 ang salita. Tayo ay binalaang huwag salungatin ang Espiritu ng Panginoon.10 Ang pagsisisi, kasama ang pagsisikap na sundin ang mga kautusan, ay mahalagang bahagi ng paghahanap sa katotohanan ng bawat tao.11 Katunayan, maaaring kailanganin nating “talikuran” ang ating mga kasalanan upang malaman ang katotohanan.12

Iniutos sa atin na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” at “maghanap … sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan.”13 Ang paghahanap natin ng katotohanan ay dapat nakatuon sa “mga pinakamabubuting aklat” at sa mga pinakamabubuting mapagkukuhanan. Kabilang sa pinakamabubuti ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga buhay na propeta.

Hiniling ni Pangulong Monson sa ating lahat na “gawin [kung ano] ang kailangan” upang magkaroon ng malakas na patotoo at mapanatili ito.14 Ano ang kinakailangan upang mapalalim at mapalakas ang inyong patotoo? Bawat isa sa atin ay may personal na responsibilidad na gawin kung ano ang kinakailangan upang magkaroon ng malakas na patotoo at mapanatili ito.

Ang matiyagang pagtupad sa ating mga tipan habang “[ginagawa natin kung ano] ang kailangan” upang makatanggap ng mga sagot mula sa Panginoon ay bahagi ng paraan ng Diyos sa pag-alam sa katotohanan. Lalo na kapag mahirap ang mga bagay-bagay, maaaring kailanganin nating “[m]agpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.”15 Ang matiyagang pagtupad ng tipan ay nagdaragdag sa ating pagpapakumbaba, nagpapatindi sa ating hangaring malaman ang katotohanan, at nagtutulot sa Espiritu Santo na “patnubayan [tayo] sa mga landas ng karunungan nang [tayo] ay pagpalain, paunlarin, at pangalagaan.”16

Kami ng asawa kong si Mary ay may isang taong mahal na mahal namin na halos buong buhay niya ay naghahanap pa rin ng kasagutan sa ilang aspeto ng Simbahan. Mahal niya ang ebanghelyo, at mahal niya ang Simbahan ngunit may mga katanungan pa rin siya. Siya ay ibinuklod sa templo, aktibo sa Simbahan, ginagawa ang kanyang mga tungkulin, at isang kahanga-hangang ina at asawa. Sa paglipas ng mga taon, sinikap niyang gawin ang mga bagay na alam niyang tama at umiwas sa mga bagay na alam niyang mali. Tinupad niya ang kanyang mga tipan at nagpatuloy sa paghahanap. Kung minsan ay nagpapasalamat siya sa pagkapit sa pananampalataya ng iba.

Kamakailan lang nang hilingin ng kanyang bishop na kausapin silang mag-asawa. Hiniling niya sa kanila na tanggapin ang isang gawain sa templo na magsilbing mga proxy para sa mga taong nangangailangan ng mga ordenansa sa templo. Ang tungkuling ito ay ikinagulat nila, subalit tinanggap nila ito at nagsimula sa kanilang paglilingkod sa bahay ng Panginoon. Kamakailan lang ay nakibahagi ang kanilang binatilyong anak sa isang family history research at natagpuan ang isang pangalan ng kamag-anak na hindi pa kumpleto ang mga ordenansa sa templo. Kalaunan ay nagsilbi silang mga proxy at ginawa ang mga ordenansa sa templo para sa taong ito at sa kanyang pamilya. Habang sila ay nakaluhod sa altar at isinasagawa ang ordenansa ng pagbubuklod, ang mabait at matiyagang babaeng ito na matagal nang naghahanap ng katotohanan ay nagkaroon ng isang pribadong espirituwal na karanasan kung saan nalaman niya na ang templo at ang mga ordenansang isinasagawa rito ay totoo at tunay. Tinawagan niya ang kanyang ina at sinabi rito ang karanasan niya at sinabi na bagama’t may mga katanungan pa rin siya, alam niya na totoo ang templo, na totoo ang mga ordenansa sa templo, at totoo ang Simbahan. Ang kanyang ina ay umiyak nang may pasasalamat para sa isang mapagmahal at matiyagang Ama sa Langit at sa isang anak na babaeng matiyagang nagpapatuloy sa paghahanap.

Ang matiyagang pagtupad sa tipan ay nagdadala ng mga pagpapala ng langit sa ating buhay.17

Nakadama ako ng malaking kapanatagan sa pangako ng Panginoon na “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”18 Kahit hindi natin nalalaman ang lahat ng bagay, maaari pa rin nating malaman ang katotohanan. Malalaman natin na totoo ang Aklat ni Mormon. Katunayan, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson nitong hapon, “madarama [natin], sa ‘kaibuturan’ ng ating puso [tingnan sa Alma 13:27] na ang Aklat ni Mormon ay di-maikakailang salita ng Diyos.” At “madarama natin ito sa kaibuturan ng ating puso na hindi natin nanaisin pang mabuhay nang isang araw nang wala ito.”19

Malalaman natin na ang Diyos ay ating Ama, na minamahal tayo; at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Malalaman natin na dapat pinahahalagahan ang pagiging miyembro sa Kanyang Simbahan at ang pagtanggap ng sakramento tuwing linggo ay makatutulong sa atin at sa ating pamilya na maging ligtas. Malalaman natin na sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo, ang mga pamilya ay tunay na magsasama-sama magpakailanman. Malalaman natin na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang mga pagpapala ng pagsisisi at kapatawaran ay totoo at tunay. Malalaman natin na ang ating mahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson ay ang propeta ng Panginoon at ang kanyang mga tagapayo at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa ay mga apostol, propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Ang lahat ng ito ay alam kong totoo at pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.