Pangkalahatang Kumperensya
Ang Sagot ay Laging si Jesucristo
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


6:20

Ang Sagot ay Laging si Jesucristo

Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo.

Mahal kong mga kapatid, tayo ay espirituwal na pinakain nitong huling dalawang araw. Napakahusay ng pag-awit ng koro. Ang mga nagsalita ay naging mga kasangkapan para sa Panginoon. Dalangin ko na hangarin ninyong gabayan kayo ng Espiritu Santo sa inyong pag-aaral habang pinagninilayan ninyo ang mga katotohanang itinuro mula sa pulpitong ito. Ang mga ito ay tunay na mula sa langit.

Isang linggo mula ngayon ay Linggo ng Pagkabuhay. Ito ang pinakamahalagang panrelihiyong pagdiriwang para sa mga tagasunod ni Jesucristo. Ang pangunahing dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pasko ay dahil sa Pasko ng Pagkabuhay. Ang lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa linggong ito ay maghihikayat sa inyo na pag-aralan ang matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem, ang Kanyang paglilinis ng templo, ang Kanyang pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani, ang Kanyang Pagpapako sa Krus, ang Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli, at ang kasunod na mga pagpapakita Niya sa Kanyang mga tagasunod.1

Pag-aralang mabuti ang mga sagradong talatang ito at hanapin ang lahat ng paraan na mapapasalamatan ang ating Ama sa Langit sa pagpapadala sa atin ng Kanyang Bugtong na Anak.2 Dahil kay Jesucristo, maaari tayong magsisi at mapatawad sa ating mga kasalanan. Dahil sa Kanya, ang bawat isa sa atin ay mabubuhay muli.

Inaanyayahan ko rin kayong pag-aralang muli ang salaysay tungkol sa pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga Nephita sa lupain ng Amerika, na nakatala sa 3 Nephi. Hindi pa natatagalan bago ang pagpapakitang iyon, narinig ng mga tao ang Kanyang tinig, pati na ang mga salita ng pagsamong ito:

“Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at mag[ba]balik-loob, upang mapagaling ko kayo?

“… Masdan, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko.”3

Mahal kong mga kapatid, ipinaaabot ni Jesucristo ang paanyaya ring iyon sa inyo, ngayong araw na ito. Nagsusumamo ako sa inyo na lumapit sa Kanya upang mapagaling Niya kayo! Pagagalingin Niya kayo mula sa kasalanan kung magsisisi kayo. Pagagalingin Niya kayo mula sa kalungkutan at takot. Pagagalingin Niya kayo mula sa mga sugat ng mundong ito.

Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya!

Si Jesucristo ang dahilan kung bakit tayo nagtatayo ng mga templo. Ang bawat isa sa mga ito ay Kanyang banal na bahay. Ang paggawa ng mga tipan at pagtanggap ng kinakailangang mga ordenansa sa templo, gayundin ang paghahangad na mas mapalapit sa Kanya roon, ay magpapala sa inyong buhay sa mga paraang hindi magagawa ng ibang uri ng pagsamba. Dahil dito, ginagawa natin ang lahat sa abot ng ating makakaya upang mas madaling matanggap ng ating mga miyembro sa iba’t ibang dako ng mundo ang mga pagpapala ng templo. Ngayon, nagpapasalamat akong ibalita ang ating mga plano na magtayo ng bagong templo sa bawat isa sa mga sumusunod na lugar:

  • Retalhuleu, Guatemala

  • Iquitos, Peru

  • Teresina, Brazil

  • Natal, Brazil

  • Tuguegarao City, Philippines

  • Iloilo, Philippines

  • Jakarta, Indonesia

  • Hamburg, Germany

  • Lethbridge, Alberta, Canada

  • San Jose, California

  • Bakersfield, California

  • Springfield, Missouri

  • Charlotte, North Carolina

  • Winchester, Virginia

  • Harrisburg, Pennsylvania

Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na pinamamahalaan ni Jesucristo ang mga gawain ng Kanyang Simbahan. Pinatototohanan ko na ang pagsunod sa Kanya ang tanging paraan tungo sa walang-hanggang kaligayahan. Alam ko na ang Kanyang kapangyarihan ay bumababa sa Kanyang mga taong tumutupad sa tipan, na “nasasandatahan … ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”4 Pinatototohanan ko ito, nang may pagmamahal at basbas para sa bawat isa sa inyo, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.