Institute
7 Mga Kapwa Tagapaglingkod


“Mga Kapwa Tagapaglingkod,” kabanata 7 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 7: “Mga Kapwa Tagapaglingkod”

Kabanata 7

Mga Kapwa Tagapaglingkod

Mga Pangitain sa Kakahuyan

Ang tagsibol ng 1829 ay malamig at mahamog hanggang buwan ng Mayo. Habang ang mga magsasaka sa Harmony ay nananatili sa loob ng bahay, ipinagpapaliban ang kanilang pagtatanim hanggang sa bumuti ang panahon, isinasalin naman nina Joseph at Oliver ang karamihan ng talaan hanggang sa abot ng kanilang makakaya.1

Nakarating na sila sa tala tungkol sa naganap sa mga Nephita at Lamanita noong pumanaw si Jesus sa Jerusalem. Isinasalaysay nito ang tungkol sa malalakas na lindol at mga bagyo na lumipol sa mga tao at nagpabago sa anyo ng lupain. Nabaon sa lupa ang ilan sa mga lunsod, habang ang iba naman ay nasunog at natupok. Ilang oras na gumuhit ang kidlat sa kalangitan at naglaho ang araw, at binalot ng makapal na kadiliman ang mga nakaligtas. Sa loob ng tatlong araw tumangis ang mga tao, nagdadalamhati para sa kanilang mga patay.2

Sa wakas, narinig sa karimlan ang tinig ni Jesucristo. “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik-loob sa akin,” tanong Niya, “at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”3 Pinawi Niya ang kadiliman, at nagsisi ang mga tao. Hindi nagtagal, marami sa kanila ang sama-samang nagtipon sa templo na nasa lupaing tinatawag na Masagana, kung saan pinag-usapan nila ang kagila-gilalas na mga pagbabagong nangyari sa lupain.4

Habang sila ay nag-uusap, nakita nila ang Anak ng Diyos na bumaba mula sa langit. “Ako si Jesucristo,” wika Niya, “na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.”5 Sandali nilang nakasama Siya, itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo, at iniutos sa kanila na magpabinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

“Sinuman ang maniniwala sa akin, at mabinyagan, siya rin ay maliligtas,” Kanyang ipinahayag. “Sila yaong magmamana ng kaharian ng Diyos.”6 Bago umakyat sa langit, ibinigay Niya sa matwid na kalalakihan ang awtoridad na magbinyag ng mga taong naniniwala sa Kanya.7

Habang sila ay nagsasalin, tumimo kina Joseph at Oliver ang mga turong ito. Tulad ng kanyang kapatid na si Alvin, hindi pa nabibinyagan si Joseph, at nais pa niyang malaman ang tungkol sa ordenansa at awtoridad na kinakailangan upang magawa ito.8


Noong Mayo 15, 1829 huminto ang mga pag-ulan at naglakad sina Joseph at Oliver patungo sa kakahuyan malapit sa Susquehanna River. Lumuhod sila, itinanong sa Diyos ang tungkol sa pagbibinyag at kapatawaran ng mga kasalanan. Habang nagdarasal sila, ang tinig ng Manunubos ay nangusap ng kapayapaan sa kanila, at isang anghel ang nagpakita sa isang ulap ng liwanag. Ipinakilala niya ang sarili bilang si Juan Bautista at ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanilang mga ulunan. Napuno ng kagalakan ang kanilang mga puso nang mapalibutan sila ng pagmamahal ng Diyos.

“Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod,” pagpapahayag ni Juan, “sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan.”9

Malumanay ang boses ng anghel, ngunit tila tumagos ito sa kaibuturan ng puso nina Joseph at Oliver.10 Ipinaliwanag niya na ang Aaronic Priesthood ay nagbibigay ng awtoridad sa kanila na magbinyag, at kanyang inatasan sila na binyagan nila ang isa’t isa pagkaalis niya. Sinabi rin niya na kalaunan ay tatanggap sila ng karagdagang kapangyarihan ng priesthood, na siyang magbibigay ng awtoridad na maigawad ang kaloob na Espiritu Santo sa bawat isa at sa lahat ng kanilang bibinyagan.

Pagkaalis ni Juan Bautista, naglakad sina Joseph at Oliver papunta sa ilog at lumusong. Unang bininyagan ni Joseph si Oliver, at nang umahon siya mula sa tubig, si Oliver ay nagsimulang magpropesiya ng mga bagay na mangyayari sa lalong madaling panahon. Pagkatapos ay bininyagan ni Oliver si Joseph, na umahon mula sa ilog at nagpropesiya tungkol sa pagsisimula ng simbahan ni Cristo, na siyang ipinangako ng Panginoon na itatatag sa kanila.11

Bilang pagsunod sa tagubilin ni Juan Bautista, bumalik sila sa kakahuyan at inordenan ang isa’t isa sa Aaronic Priesthood. Sa kanilang pag-aaral ng Biblia, maging sa kanilang pagsasalin ng sinaunang talaan, madalas mabasa nina Joseph at Oliver ang tungkol sa awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos. Ngayon ay taglay na nila ang awtoridad na ito.

Matapos ang kanilang binyag, natuklasan nina Joseph at Oliver na ang mga banal na kasulatan na dating mahirap maunawaan at mahiwaga ay biglang naging mas malinaw. Napuno ng katotohanan at pang-unawa ang kanilang mga isipan.12


Sa New York, ang kaibigan ni Oliver na si David Whitmer ay sabik na lalo pang matutuhan ang tungkol sa gawain ni Joseph. Bagama’t nakatira sa Fayette si David, mga tatlumpung milya mula sa Manchester, naging magkaibigan sila ni Oliver habang nagtuturo sa paaralan si Oliver at nakatira sa mga Smith. Madalas nilang pag-usapan ang tungkol sa mga gintong lamina, at nang lumipat si Oliver sa Harmony, nangako siya kay David na magpapadala ng liham tungkol sa pagsasalin.

Hindi nagtagal ay nagsimulang dumating ang mga liham. Isinulat ni Oliver na alam ni Joseph ang mga detalye tungkol sa kanyang buhay na walang maaaring makaalam maliban sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos. Inilarawan niya ang mga salita ng Panginoon kay Joseph at ang pagsasalin ng talaan. Sa isang liham, isinulat ni Oliver ang ilang pangungusap na isinalin, at pinatotohanan ito.

Ipinaalam din ni Oliver sa isa pang liham kay David na kalooban ng Diyos na dalhin niya ang kanyang mga kabayo at bagon sa Harmony upang tulungan sina Joseph, Emma, at Oliver na lumipat sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, kung saan nila tatapusin ang pagsasalin.13 Ang mga tao sa Harmony ay hindi gaanong nalulugod na tanggapin ang mga Smith. Ilang lalaki ang nagbanta na lulusubin sila, at kung hindi dahil sa impluwensya ng pamilya ni Emma, marahil ay malubha silang nasaktan.14

Ibinahagi ni David ang liham ni Oliver sa kanyang mga magulang at kapatid, na sumang-ayon na tanggapin sina Joseph, Emma, at Oliver sa kanilang tahanan. Ang mga Whitmer ay mga inapo ng mga dayuhang nagsasalita ng wikang Aleman na tumira sa lugar at kilala sa kanilang kasipagan at debosyon. Ang kanilang sakahan ay malapit sa tahanan ng mga Smith para bisitahin ngunit sapat ang layo upang mapigilan ang mga magnanakaw na guluhin sila.15

Nais ni David na agad pumunta sa Harmony, ngunit ipinaalala sa kanya ng kanyang ama na may mabigat na trabaho na kinakailangang gawin nang dalawang araw bago siya umalis. Panahon iyon ng pagtatanim, at kailangan ni David na araruhin ang dalawampung acre at patabain ang lupa gamit ang plaster of paris upang mapabilis ang pagtubo ng trigo. Sinabi ng kanyang ama na magdasal muna siya upang malaman kung kailangan na ba talagang umalis.

Sinunod ni David ang payo ng ama, at habang nagdarasal, naramdaman niya ang Espiritu na nagsasabing tapusin niya ang kanyang trabaho sa bahay bago magtungo sa Harmony.

Kinabukasan, naglakad papunta sa bukirin si David at nakita ang mga hanay ng mga tudling sa lupa na hindi pa naararo noong nakaraang gabi. Nang magsiyasat pa siya, nakita niya na anim na acre ang magdamag na inararo, at sa huling tudling ay naroon na ang pang-araro, nakahanda na upang tapusin niya ang trabaho.

Namangha ang ama ni David nang nalaman niya ang nangyari. “Marahil ay may makapangyarihang kamay na kumilos sa lahat ng ito,” sabi niya, “at sa palagay ko ay dapat ka nang tumungo sa Pennsylvania kapag naipunla mo na ang plaster of paris.”

Nagtrabaho nang mabuti si David upang maararo ang natitirang kabukiran at upang maihanda ang lupa para sa maayos na pagtatanim. Nang matapos siya, ikinabit niya ang bagon sa isang malusog na pangkat ng mga kabayo at nagtungo sa Harmony nang mas maaga sa inaasahan.16


Nang makalipat sina Joseph, Emma, at Oliver sa Fayette, naging abala ang ina ni David. Si Mary Whitmer at ang kanyang asawang si Peter ay may walong anak na nasa edad labinglima hanggang tatlumpung taon, at ang iba na hindi nakatira sa kanilang tahanan ay naninirahan malapit sa kanila. Ang pag-aasikaso sa kanilang mga pangangailangan ang umuubos ng oras ni Mary, at ang tatlong bisita ay nakaragdag pa sa kanyang mga gawain. May pananampalataya si Mary sa tungkulin ni Joseph at hindi dumaraing, ngunit napapagod na rin siya.17

Napakaalinsangan noong tag-araw na iyon sa Fayette. Habang naglalaba si Mary ng mga damit at naghahanda ng mga pagkain, si Joseph naman ay nasa isang kuwarto sa itaas na nagdidikta ng kanyang mga salin. Kadalasang si Oliver ang nagsusulat para sa kanya, at paminsan-minsan ay si Emma o isa sa mga Whitmer.18 Minsan, kapag napagod sa pagsasalin sina Joseph at Oliver, maglalakad sila patungo sa isang kalapit na lawa at maghahagis ng mga bato sa ibabaw ng tubig.

Halos walang panahon si Mary para ipahinga ang kanyang sarili, at ang dagdag na gawain at ang bigat na pinapasan niya ay mahirap dalhin.

Isang araw, habang nasa labas siya ng kamalig kung saan ginagatasan ang mga baka, may nakita siyang isang lalaking kulay-abo ang buhok na may bag na nakasabit sa kanyang balikat. Natakot si Mary sa biglaang paglitaw nito, ngunit sa paglapit ng lalaki, kinausap siya nito sa mabait na tinig kaya napanatag siya.

“Ang pangalan ko ay Moroni,” sabi niya. “Ikaw ay tunay na napagod sa lahat ng karagdagang gawain na kailangan mong gampanan.” Inalis niya ang bag mula sa kanyang balikat, at nakita ni Mary na sinimulan niyang alisin ang pagkakatali nito.19

“Ikaw ay lubos na matapat at masipag sa iyong mga gawain,” dagdag pa niya. “Nararapat, kung gayon, na tumanggap ka ng pagpapatotoo upang mapalakas ang iyong pananampalataya.”20

Binuksan ni Moroni ang kanyang bag at kinuha ang mga gintong lamina. Ipinakita niya iyon kay Mary at binuklat ang mga pahina upang makita nito ang mga nakasulat doon. Matapos niyang ipakita ang pinakahuling pahina, hinimok niya si Mary na maging matiyaga at matapat habang ginagawa ang dagdag na trabaho sa kaunti pang panahon. Ipinangako ni Moroni na pagpapalain si Mary dahil dito.21

Naglaho ang matandang lalaki makalipas ang isang saglit, at naiwang mag-isa si Mary. May mga trabaho pa siyang gagawin, ngunit hindi na niya iyon inalala.22


Sa sakahan ng mga Whitmer, mabilis na nagsalin si Joseph, ngunit may mga araw na napakahirap. Ang kanyang isipan ay natutuon sa ibang mga bagay, at hindi siya makatutok sa mga espirituwal na bagay.23 Ang maliit na bahay ng mga Whitmer ay palaging okupado at maraming nakagagambala. Ang paglipat doon ay nangangahulugang iniwan na nina Joseph at Emma ang pribadong pamumuhay na kanilang natamasa sa Harmony.

Isang umaga, habang naghahanda siyang magsalin, nagalit si Joseph kay Emma. Kalaunan, nang siya ay sumama kina Oliver at David sa silid sa itaas kung saan sila nagtatrabaho, hindi siya makapagsalin ng kahit isang pantig.

Nilisan niya ang kuwarto at naglakad sa labas patungo sa halamanan. Nagdasal doon nang halos isang oras. Pagbalik niya, kinusap niya si Emma at humingi ng tawad. Pagkatapos ay bumalik siya sa pagsasalin tulad nang dati.24

Isinasalin na niya ngayon ang huling bahagi ng talaan na kilala bilang maliliit na lamina ni Nephi, na siyang magsisilbing simula ng aklat. Naglalahad ng isang kasaysayang katulad ng isinalin at naiwala nila ni Martin, ang maliliit na lamina ay kuwento tungkol sa isang binatang nagngangalang Nephi, na ang pamilya ay ginabayan ng Diyos mula sa Jerusalem patungo sa isang bagong lupang pangako. Ipinaliwanag nito ang mga pinagmulan ng talaan at ang mga naunang labanan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Higit sa lahat, nagbigay ito ng malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Nang isalin ni Joseph ang huling lamina, nalaman niyang ipinaliwanag dito ang layunin ng talaan at binigyan ito ng pamagat, Ang Aklat ni Mormon, isinunod sa pangalan ng isang sinaunang propeta at mananalaysay na siyang bumuo ng aklat.25

Mula nang sinimulan niyang isalin ang Aklat ni Mormon, maraming natutuhan si Joseph tungkol sa kanyang gagampanan sa gawain ng Diyos. Sa mga pahina nito, nakilala niya ang mahahalagang turo na kanyang natutuhan mula sa Biblia at maging ang mga bagong katotohanan at kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. May natuklasan din siyang mga talata tungkol sa mga huling araw na nagpropesiya na may isang piling propetang nagngangalang Joseph na maglalahad ng salita ng Diyos at magpapanumbalik ng mga nawalang kaalaman at tipan.26

Sa talaan, nalaman niya na ipinaliwanag pa ni Nephi ang propesiya ni Isaias tungkol sa isang aklat na mahigpit na nakasara na hindi mababasa ng mga edukadong tao. Habang binabasa ni Joseph ang propesiya, naalala niya ang pakikipag-usap ni Martin Harris kay Propesor Anthon. Pinatunayan nito na tanging ang Diyos ang makapaglalabas ng aklat mula sa lupa at magtatatag ng simbahan ni Cristo sa mga huling araw.27


Habang tinatapos ni Joseph at ng kanyang mga kaibigan ang pagsasalin, naisip nila ang isang pangakong ibinigay ng Panginoon sa Aklat ni Mormon at sa Kanyang mga paghahayag—na ipapakita ang mga lamina sa tatlong saksi. Ang mga magulang ni Joseph at si Martin Harris ay bumibisita sa sakahan ng mga Whitmer noong panahong iyon, at isang umaga ay nakiusap sina Martin, Oliver, at David kay Joseph na tulutan silang maging mga saksi. Nanalangin si Joseph at sumagot ang Panginoon, sinabi na kung mananalig sila sa Kanya nang buong-puso at mangangakong magpapatotoo sa katotohanan, maaari nilang makita ang mga lamina.28

“Kailangan mong magpakumbaba sa iyong Diyos sa araw na ito,” ang sabi ni Joseph kay Martin, “at magtamo, kung maaari, ng kapatawaran sa iyong mga kasalanan.”29

Kalaunan ng araw ring iyon, isinama ni Joseph ang tatlong lalaki patungo sa kakahuyan malapit sa tahanan ng mga Whitmer. Lumuhod sila, at bawat isa ay malakas na nagdasal na ipakita sa kanila ang mga lamina, ngunit walang nangyari. Sinubukan nila ito sa ikalawang pagkakataon, subalit wala pa ring nangyari. Sa wakas, tumayo si Martin at lumakad palayo, sinabing siya ang dahilan kung bakit nananatiling sarado ang kalangitan.

Bumalik sa pagdarasal sina Joseph, Oliver, at David, at di nagtagal isang anghel ang nagpakita sa kanilang ulunan na balot ng maningning na liwanag.30 Hawak niya ang mga lamina at isa-isa niyang binuklat ang mga pahina upang ipakita sa mga lalaki ang mga simbolong nakaukit sa bawat pahina. Isang mesa ang lumitaw sa kanyang tabi at sa ibabaw nito ay ang mga sinaunang artifacts na inilarawan sa Aklat ni Mormon: ang mga pansalin, ang baluti sa dibdib, isang espada, at ang mahimalang aguhon o kompas na gumabay sa pamilya ni Nephi mula sa Jerusalem patungo sa lupang pangako.

Narinig nila ang tinig ng Diyos na nagpapahayag, “Ang mga laminang ito ay ipinahayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang salin ng mga ito, na inyong nakikita, ay wasto, at inaatasan ko kayo na patotohanan ninyo ang inyong nakikita at naririnig.”31

Nang umalis ang anghel, naglakad si Joseph sa mas masukal na bahagi ng kakahuyan at natagpuang nakaluhod si Martin. Sinabi sa kanya ni Martin na hindi pa siya nakatatanggap ng patunay mula sa Panginoon, ngunit nais pa rin niyang makita ang mga lamina. Hiniling niya kay Joseph na magdasal kasama niya. Lumuhod sa kanyang tabi si Joseph, at bago pa man sila nakapagbigkas ng isang salita, nakita nila ang anghel ding iyon na ipinapakita ang mga lamina at iba pang mga sinaunang bagay.

“Sapat na! Sapat na!” bulalas ni Martin. “Namasdan na ng mga mata ko! Namasdan na ng mga mata ko!”32


Bumalik si Joseph at ang Tatlong Saksi sa tahanan ng mga Whitmer kalaunan ng hapong iyon. Kasalukuyang nakikipag-usap si Mary Whitmer sa mga magulang ni Joseph nang nagmamadaling pumasok si Joseph sa silid. “Itay! Inay!” sabi niya. “Hindi ninyo alam kung gaano ako kaligaya!”

Umupo siya sa tabi ng kanyang ina. “Hinayaan ng Diyos na makita ng tatlo pang tao ang mga lamina bukod sa akin,” sabi niya. “Batid nila sa kanilang sarili na hindi ako nanlilinlang ng mga tao.”

Pakiramdam niya ay isang pasanin ang inalis sa kanyang mga balikat. “May mga tungkulin na silang dapat gampanan ngayon,” sabi niya. “Hindi na ako nag-iisa sa mundo.”

Maya-maya pa’y pumasok na si Martin, na nag-uumapaw sa galak. “Nakakita na ako ng anghel mula sa langit!” sigaw niya. “Pinasasalamatan ko ang Diyos nang buong katapatan ng aking kaluluwa dahil nagpakababa Siya upang gawin ako—maging ako—na isang saksi ng kadakilaan ng Kanyang gawain!”33

Pagkalipas ng ilang araw, sumama ang mga Whitmer sa pamilya Smith sa kanilang sakahan sa Manchester. Dahil alam nila na ipinangako ng Panginoon na itatatag Niya ang Kanyang mga salita “sa pamamagitan ng bibig na kasindami ng mga saksing inaakala niyang makabubuti,” nagtungo si Joseph sa kakahuyan kasama ang kanyang ama, sina Hyrum, at Samuel, at maging ang apat sa mga kapatid ni David Whitmer—sina Christian, Jacob, Peter Jr., at John—at ang kanilang bayaw na si Hiram Page.34

Ang mga lalaki ay nagtipon sa lugar kung saan madalas magtungo ang pamilyang Smith upang magdasal nang pribado. Sa pahintulot ng Panginoon, inalis ni Joseph ang takip ng mga lamina at ipinakita ang mga ito sa grupo. Hindi sila nakakita ng anghel tulad ng tatlong saksi, ngunit hinayaan sila ni Joseph na hawakan ang mga talaan, buklatin ang mga pahina nito, at suriin ang mga sinaunang sulat. Ang paghawak sa mga lamina ay nagpatibay sa kanilang pananampalataya na ang kuwento ni Joseph tungkol sa anghel at sa sinaunang talaan ay totoo.35

Ngayong natapos na ang pagsasalin at mayroon nang mga saksi na magpapatunay sa kanyang nakamamanghang patotoo, hindi na kailangan ni Joseph ang mga lamina. Matapos lisanin ng mga lalaki ang kakahuyan at bumalik sa bahay, nagpakita ang anghel at ibinalik ni Joseph ang sagradong talaan sa kanyang pangangalaga.36