Isang Handog ng Pagmamahal
Hindi niya nagustuhan nang kumanta kami. Bakit nga ba kami nakatayo sa kanyang pintuan sa Bisperas ng Pasko para maghandog ng musika?
Matapos malugi ang catering business ng aking tatay, nagkaroon ng malaking problema sa pera ang pamilya ko. Naalala ko na umuwing lumuluha si Inay, at ayaw niyang sabihin sa amin ang masamang nangyari kahit tinatanong ko kung ano ang problema. Di nagtagal lumipat kami sa isang maliit na apartment na iisa ang silid dahil iyon lang ang kaya naming bayaran.
Bago iyon, ang Kapaskuhan ay palaging kakikitaan ng masaganang pagkain, bagong damit, salu-salo, pamamasyal sa magagandang lugar, at mga regalong ipamimigay at tatanggapin. Magaling si Inay sa pagiging “Mother Christmas” tulad ng tawag namin sa kanya. Mahilig siyang magbigay, at tuwing Pasko masigla at magiliw niyang binabahaginan ang mga nasa paligid niya. Habang lumalaki kami, ang pag-iisip sa iba kaysa aming sarili ang isang katangiang sinikap din naming taglayin.
Pero nang taong iyon hindi namin alam ang gagawin. Nabagabag si Inay dahil iyon ang unang Pasko na wala kami sa sarili naming bahay. Nag-alala siya dahil wala siyang maisip na maibabahagi sa iba. Gayunman, pinalakas namin ang loob niya, dahil alam namin na kahit sa maliit na paraan, may magagawa kami para palaganapin ang diwa ng Pasko.
Pero halos hindi pa rin kami makaraos, at nahihirapan din kaming makibagay sa bago naming kapaligiran. Hindi Kristiyano ang kasera namin, at naiinis siya sa amin dahil maaga kaming gumigising para manalangin at kumanta ng mga himno. Nagigising siya kapag kumakanta kami dahil magkatabi lang ang aming mga silid. Madalas na nagrereklamo siya, kaya pinilit naming kumanta nang mahina para hindi siya maistorbo. Nang matanto niya na hindi titigil ang aming pamilya sa pagdarasal tuwing umaga, unti-unting nawala ang pagrereklamo niya.
At may naisip na ideya si Itay. Nadama niyang dapat naming kantahan ng Pamasko ang kasera namin bilang regalo sa kanya sa Pasko. Tuwang-tuwa ang lahat sa ideya—maliban sa akin. Talagang tutol ako, at ipinaalala ko sa aking pamilya ang mga pagrereklamo niya noon sa pagdarasal namin. Iminungkahi ko na kantahan namin ang isang taong magpapahalaga dito at hindi siya.
Pero nagpilit si itay, ipinaliwanag niya na magiging daan iyon para maipakita namin sa kanya na kami ay mga kaibigan niya kahit magkaiba kami ng relihiyon. Wala akong nagawa kundi makisali sa pamilya ko sa pagpili at pagpraktis ng mga kakantahin namin para sa kanya.
Pagsapit ng Bisperas ng Pasko tumayo kami sa pintuan niya at kumatok. Hindi niya binuksan ang pinto, at muntik na akong magalit at ipaalala kay itay na sayang lang ang pagod namin. Pero nang luminga-linga ako, nakita kong nakangiti ang lahat ng miyembro ng pamilya ko—natutuwa sila sa ginagawa namin. Gusto ko ring madama ang nadarama nila.
Sa wakas binuksan din ng kasera ang pinto, at sandali ring hindi niya malaman ang gagawin. Mahinahong sinabi sa kanya ni Itay na gusto namin siyang kantahan at, kung maaari, hayaan kaming makapasok sa apartment niya. Tumabi siya, at pumasok kami. Kinanta namin ang lahat ng awiting Pamasko na natatandaan namin—kasama na roon ang mga pinraktis namin at hindi. Di nagtagal naging kaaya-aya ang pakiramdam sa silid. Kahit alam namin na maaaring hindi niya naiintindihan ang kahulugan ng mga titik, nakangiti siya habang kumakanta kami. Sinabi din niya sa amin na nalulungkot siya at kapag nakikita niyang magkakasama kami ay nangungulila siya sa kanyang pamilya. Bago umalis, binati namin siya ng maligayang Pasko at masayang Bagong Taon. Nagpasalamat siya, at bumalik na kami sa aming silid.
Habang pinipilit kong makatulog nang gabing iyon, pinag-isipan ko ang nangyari. Natanto ko na ang tunay na regalong Pamasko ay hindi kailangang binili sa tindahan o kaya’y gawa sa bahay; sa halip ito ay saloobin at hangarin nating gawin ang lahat ng ating magagawa para mapasaya ang ating kapwa. Natanto ko na ang pinakamagandang regalong maibibigay natin sa Kapaskuhan ay hindi kailangang maging mamahalin, sa halip, isa itong handog ng pagmamahal.
Noong gabing iyon alam kong nadama ng aking pamilya ang diwa ng Kapaskuhan sa pag-aalay ng munting paglilingkod sa isang malungkot na kapitbahay.