Ang mga Espirituwal na Kaloob na Ibinigay sa Stake President
Daan-daang stake president na ang nakakilala ko. Sila ay mga kalalakihang matagumpay at may integridad. Puspos sila ng pananampalataya, at matibay ang hangaring kalugdan ng Panginoon.
Ang pagtawag ng stake president ay isang sagrado at espirituwal na karanasan. Sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan, mga General Authority at Area Seventy ang binigyan ng responsibilidad na ito. Sa loob ng 16 na taon kong paglilingkod bilang General Authority, naipaabot ko na ang tawag na manungkulan sa maraming kultura at kontinente—mula North America hanggang South America, mula Europe hanggang Asia.
Sa bawat karanasan, pinahalagahan ko ang dalawang aral na natutuhan ko sa mga unang linggo ko bilang General Authority. Mula kay Pangulong Thomas S. Monson: “Kapag kayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, may karapatan kayo sa tulong ng Panginoon.” Mula kay Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mararanasan ninyo sa inyong paglilingkod na magtatanong kayo sa Panginoon sa likod ng tabing at tatanggap kayo kaagad ng sagot.” Sa bawat pagkakataon nagkatotoo ang dalawang pangakong ito.
Ang karanasan sa pagtawag ng stake president ay laging pare-pareho, at laging naiiba. Ito ay pare-pareho dahil ang dalawang General Authority o Area Seventy na ipinadala ay nakadarama ng labis-labis na pag-asa sa Panginoon, at bawat isa ay dapat makatanggap ng iisang inspirasyon bago ipaabot ang tawag. Ang Espiritu ng Panginoon ay laging sinasamahan at pinagtitibay nang may kapangyarihan ang proseso ng pagpili. Ito ay naiiba dahil malaki ang pagkakaiba-iba ng mga taong tinatawag sa bawat stake. Kung minsan ang mga bagong stake president ay mga kalalakihang marami nang karanasan; kung minsan bata pa sila at puspos ng pananampalataya; magkakaiba ang trabaho at propesyon nila.
Ang Paggagawad ng mga Susi
Kahit karaniwan ay matatagpuan ang stake president sa kasalukuyang pamunuan ng stake, may mga eksepsyon. Noong minsan ininterbyu namin ang mga kalalakihan hanggang sa lumalim ang gabi, nang hindi nadarama ang patibay ng Espiritu sa mahuhusay na kalalakihang kausap namin. Sa huli, matapos mainterbyu ang lahat ng nasa inihandang listahan, bumaling kami sa kagalang-galang na mga kalalakihang hindi nagsisilbi sa pamunuan sa kasalukuyan. Nang interbyuhin namin ang isang guro sa Gospel Doctrine nang alas-10:00 ng gabi, malakas na pinagtibay sa amin ng Panginoon na ang taong ito ang Kanyang pinili. Matapos naming ipaabot ang tawag sa kanya saka lang namin nalaman na nasa bahay lang siya at naghihintay ng tawag namin sa telepono. Ilang buwan bago iyon, bago ipinaalam ang pagbabago sa stake presidency, nagising silang mag-asawa sa kalagitnaan ng gabi batid na sa kanya ibibigay ang tungkulin.
Ang mga nagsisilbing stake president ay hindi hinahangad ang katungkulang hawak nila. Lahat ay napapakumbaba at ang ilan ay nabibigatan sa tungkulin kapag tinawag sila. Nang tumawag ako ng isang stake president sa Europe na mga 10 taon pa lang naging miyembro ng Simbahan, habol-hininga niyang sinabi, “Naku, huwag, huwag ako. Hindi ko kaya.” Mabuti na lang, niyakap siya ng butihin niyang asawa, na katabi niya, at sinabing, “Mahal, kaya mo iyan. Alam kong kaya mo.” Tama siya, at mahusay ngang naglingkod ang kanyang asawa.
Sa Pilipinas, nang matawag ang isang lalaking nakakita sa mabilis na paglago ng Simbahan sa ilalim ng napakabatang pinuno, sumagot ito ng, “Naku huwag, huwag ako. Napakatanda ko na.” Nang sabihin sa kanya na tatlong dekada ang tanda sa kanya ng ilang miyembro ng Labindalawa, tinanggap niya ang tawag at mahusay na naglingkod.
“Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at akin kayong inihalal” (Juan 15:16), ang sabi ng Tagapagligtas. Hindi natin hinahangad ni tinatanggihan ang mga tawag na dumarating sa atin.
Kung minsan, kahit bago, sa oras ng, o matapos ang pagtawag, pinagtitibay ng Panginoon sa taong tinawag na galing sa Diyos ang tawag. Isang bata pang stake president ang nag-ulat na ganito ang naging patunay sa kanya:
“Nang interbyuhin ako, 32-taong-gulang ako at nakapaglingkod na nang halos apat na taon bilang bishop. Isa sa mga nag-iinterbyu ang nagbigay ng dalawang nakaaantig na tanong: (1) Paano mo natamo ang iyong patotoo? at (2) Maaari mo bang ibahagi sa amin ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas? Ibinahagi ko ang karanasan ko noong tinedyer ako, di pa natatagalang namatay ang aking ina, nang malaman ko mismo ang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo, lalo na ang tungkol sa Aklat ni Mormon.
“Habang ibinabahagi ko ang aking patotoo tungkol sa Tagapagligtas, nakatanggap ako ng patibay na ako ang tatawaging bagong stake president. Umuwi na ako at ikinuwento ko sa aking asawa ang naranasan ko. Nang sabihin ko sa kanya na naisip kong ako ang tatawaging bagong stake president, sabi niya, ‘Magaling ka, pero hindi ka ganoon kagaling.’ Tumunog ang telepono pagkaraan ng dalawang oras, at pinababalik akong kasama ang aking asawa, at ipinaabot sa akin ang tungkulin.”
Kasunod ng boto ng pagsang-ayon sa pangkalahatang sesyon ng stake conference, kami na isinugo ay nagpapatong ng mga kamay sa ulo ng bagong stake president at iginagawad sa kanya ang mga susi ng priesthood na kailangan para mangulo at mangasiwa sa mga gawain ng stake. Ang mga susi para mangulo sa stake ay ipinapasa mula sa Pangulo ng Simbahan at sa 14 pang Apostol na mayhawak ng lahat ng susi sa ibabaw ng daigdig. Nasa mga susing ito ang espirituwal na awtoridad at kapangyarihan.
Noon pa man ay ibinibigay na ng Panginoon ang mga susi sa Kanyang hinirang na mga Apostol. Kay Pedro ay sinabi Niya, “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:19). Ibinabahagi naman ang ilan sa mga susing ito sa mga lokal na lider. Sa Zarahemla, si Alma ay “nag-orden … ng mga saserdote at elder, sa pamamagitan ng pagpapatong ng kanyang mga kamay alinsunod sa orden ng Diyos upang mamuno at magbantay sa simbahan” (Alma 6:1).
Panlabas na Paggamit ng mga Susi
Ang nakakatuwa, noong araw ay kailangan ang lagda ng Pangulo ng Simbahan sa pagkuha ng temple recommend. Ngayon ang awtoridad na ito ay nasa mga susi nang ipinasa sa stake president. Kasama ng kanyang mga tagapayo, nagrerekomenda rin siya ng mga bishop sa Unang Panguluhan at inoorden sila sa sandaling maaprubahan sila; inaaprubahan niya ang ioorden sa Melchizedek Priesthood; nagrerekomenda at nagtatalaga siya ng mga full-time missionary; at naglilingkod siya bilang hukom sa Israel sa pagtulong sa mga yaong mabibigat ang kasalanan na lubos na mapatawad. Ginagabayan niya ang mga gawain at desisyon ng mga bishop at branch president sa stake.
Sa mga kapasidad na ito, ibinubuhos ng Panginoon ang paghahayag sa Kanyang mga stake president. Isang stake president na nakatira sa katimugang Estados Unidos ang nagkuwento sa akin ng karanasang ito:
“Noong Oktubre 2007, isang sister ang nakipag-usap sa akin para kumuha ng temple recommend. Sa interbyu, tinanong ko kung makikipagkita sa akin ang asawa niya para sa recommend nito matapos ko siyang interbyuhin. Sabi niya mahigit 20 taon nang hindi nagpupunta sa templo ang asawa niya at hindi pa sila nabuklod sa templo sa loob ng 40 taon nilang pagsasama. Nakadama ako ng malakas na impresyon na kausapin agad ang brother na ito. Napakalakas ng inspirasyon kaya umalis ako ng opisina, nakita ko siya sa kabilang panig ng gusali, at isinama siya sa aking opisina para interbyuhin. Pagkatapos ng interbyu, kung kailan nakisali sa amin ang bishop niya, nabigyan siya ng temple recommend. Napakamadamdaming karanasan ito para sa aming lahat, lalo na sa kanyang maybahay. Kalaunan ng linggong iyon nakatanggap ako ng imbitasyon na dumalo sa pagbubuklod nila sa templo.
“Noong mga unang buwan ng 2008, mga apat na buwan matapos mabuklod ang mag-asawang ito, nagbangon ang lalaking ito isang umaga para pumasok sa trabaho at hinimatay at pumanaw sa kanilang tahanan. Walang katapusan ang pasasalamat ko na nakinig ako sa mga paramdam ng Espiritu at hinikayat ko ang lalaking ito na gawin ang kailangan niyang gawin sa kanyang buhay.”
Mga Espirituwal na Kaloob at mga Espirituwal na Pangako
Ipinahayag ng Panginoon na ang stake ay dapat maging “isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo” (D at T 115:6). Ang stake president ang pastol ng Panginoon na dapat tumiyak na ang diwa ng kaligtasan at espirituwal na seguridad ay madama sa pagsasamahan sa Simbahan. Dapat niyang tiyaking mabuti na ang itinuturong doktrina ay totoo at dalisay. Sinabing minsan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Ang mga tungkulin ng guro sa Aaronic Priesthood ay maaaring iangkop sa pangulo ng stake. Dapat niyang ‘pangalagaan ang [buong stake], at makapiling at palakasin [ang mga miyembro],
“‘At tiyakin na walang kasamaan sa simbahan, ni samaan ng loob sa bawat isa, ni pagsisinungaling, paninirang-puri, ni pagsasalita ng masama;
“‘At tiyakin na ang simbahan ay madalas na sama-samang nagtitipon, at tiyakin din na lahat ng kasapi ay gumagawa ng kanilang mga tungkulin’ (D at T 20:53–55).”1
Kabilang sa kanyang gawain ang magkaroon ng inspirasyon kung paano palakasin ang mga pamilya, patibayin ang bagong henerasyon, anyayahan ang mas marami pang anak ng Ama sa Langit na magpabinyag, kalingain ang mga napalayo sa Simbahan, at ihatid ang mga ordenansa ng templo sa mga miyembrong buhay at sa mga taong nauna sa atin.
Sa lahat ng mahahalagang responsibilidad na ito, binibiyayaan ng Panginoon ang stake president ng ibayong mga espirituwal na kaloob. Sa ika-46 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan, binanggit ng Panginoon ang maraming espirituwal na kaloob at sinabing:
“Sapagkat hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.
“Sa ilan ay ipinagkaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkaloob ang iba, upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan” (D at T 46:11–12).
Pagkatapos ay idinagdag ng Panginoon, “At sa yaong itatalaga at oordenan ng Diyos na pangalagaan ang simbahan … ay ipagkaloob ito sa kanila upang makilala ang lahat ng kaloob na yaon … upang magkaroon ng isang pinuno, nang sa gayon ang bawat kasapi ay makinabang sa gayong paraan” (D at T 46:27, 29).
Kung minsan kaakibat ng mga kaloob na ito ang mga espirituwal na pangakong tutuparin ng Panginoon. Ibinahagi sa akin ng isang dating stake president mula sa Brazil ang karanasang ito:
“Isang tapat na ina na mag-isang bumubuhay sa apat na anak na tinedyer ang hirap sa kabuhayan. Tinanong ko siya, ‘Sister, regular bang dumadalo sa seminary ang mga anak mo?’ Sagot niya, ‘Marami akong problema at malayo sa kapilya ang tirahan namin. Delikado iyon.’ Nang sandaling iyon, nagkaroon ako ng malakas na inspirasyong payuhan at pangakuan siya. Sabi ko, ‘Kung wala kang pera, kailangan mong maglakad nang ilang kilometro kasama sila. Sumama ka sa kanila; maupo ka sa klase nila. Kung gagawin mo iyan, ililigtas mo ang iyong mga anak, at lahat sila ay ikakasal sa templo.’ Nagulat ako sa sinabi ko pero hindi ko maitatatwa ang napakalakas na inspirasyon.
“Tinanggap niya ang payo at maraming taon silang naglakad ng mga anak niya papuntang seminary. Natupad na ang pangako sa kanya. Lahat ay ikinasal sa templo, at ang kanyang anak ay naglilingkod bilang bishop sa kanyang ward.”
Marahil isa sa pinakadakilang mga kaloob na ibinigay sa isang stake president ang malalim at nag-iibayong pagmamahal niya sa mga taong iniatas na paglingkuran niya. Nang matawag akong stake president, namangha ako sa nadama kong matinding malasakit at pagmamahal sa mga tao sa stake. Maging sa mga sangkot sa mabigat na kasalanan, nakadama ako ng matinding habag at hangaring tumulong. Ang mga damdaming iyon ng pagmamahal ay lagi nang kaakibat ng hangaring tulungan ang mga miyembro na tunay na magbalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Maraming taon akong naglingkod bilang tagapayo, ngunit nang mapasaakin ang mga susi ng panguluhan, mas mabisa at nakahihikayat ang nadama ko. Nadama ko na marahil ay bahagya kong natatanggap ang kaloob na pag-ibig sa kapwa na binanggit ni Mormon nang ipayo niyang, “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:48).
Ang damdaming ito ang humihikayat sa stake president na tumulong, at kasunod nito ang mga himala. Isang stake president mula sa South America ang nagkuwento ng isang halimbawa kung paano siya naantig ng pagmamahal na ito na hanapin ang isang naligaw:
“Napakalakas ng kutob ko na kailangan kong sikaping hanapin ang isang kapatid na naging kompanyon ko sa misyon maraming taon na ang nakalipas. May-asawa na siya at di gaanong aktibo sa Simbahan. Ang membership record niya ay nasa isang maliit na yunit na 150 kilometro [93 milya] ang layo mula sa stake center. Naglakbay ako papunta roon at kinausap ko ang branch president, na nagsabi sa akin na sa malayong nayon nakatira ang dati kong kompanyon. Itinuro sa akin ng branch president kung paano pumunta sa munting nayon. Di nagtagal naging maalikabok na kalsada ang aspaltong daan. Paglampas ng ilan pang kilometro, nalaman kong naligaw ako. Inihinto ko ang kotse at halos suko na ako. Napakainit ng araw na iyon, at walang aircon ang kotse. Nahirapan ang asawa’t mga anak ko sa maalikabok na daan. Lumuhod ako sa daan at humingi ng tulong sa Panginoon.
“Makalipas ang ilang oras, dumating kami sa munting nayon at natagpuan namin ang kompanyon ko sa misyon. Inanyayahan ko siyang bumalik. Naging aktibo siya sa Simbahan at naglingkod bilang lider sa maraming katungkulan. Naglingkod nang marangal sa misyon ang kanyang anak, at ngayon ang kaibigan at dating kompanyon ko ay isa nang tagapayo sa bishopric.”
May kapangyarihan sa katungkulang iyan. Sinusuportahan ng Panginoon ang Kanyang mga stake president. Mula naman ito sa isang stake president sa Ecuador: “Inobserbahan ko ang isang lalaki sa stake na madalas ay mukhang malungkot. Isang araw malakas ang kutob ko na kailangan kong bisitahin ang lalaking ito. Dali-dali akong pumunta sa kanyang tahanan. Sabi niya napakalungkot niya dahil maraming taon na silang hindi nag-uusap ng kanyang ama. Ipinaliwanag niya na matigas ang kanyang ama at pinutol na nito ang kanilang ugnayan. Itinanong ko kung gusto niyang ayusin ang sitwasyon. Pagdating namin sa bahay ng kanyang ama, inihinto ko ang kotse sa harapan. Kumatok ako sa pinto at may narinig akong nagtanong ng, ‘Sino iyan?’ Nakilala ko ang boses ng kanyang ama at sumagot ako, ‘Ang stake president ninyo, Brother.’ Binuksan niya ang pinto at nakita akong nakatayo katabi ang kanyang anak. Walang sabi-sabi, nagyakap sila at nagsimulang umiyak. Naayos ang sitwasyon.”
Sa daigdig mahigit 2,800 ang mga stake president. Sa maraming bagay, sila ay mga ordinaryong tao lamang—katulad ko at katulad ninyo. Pinagsisikapan nilang maligtas tulad ng pagsisikap natin. Subalit nakatanggap sila ng di-pangkaraniwang katungkulan. Napatungan na ng mga kamay ang kanilang ulo, at natanggap na nila ang mga susi ng priesthood.
Daan-daang stake president na ang nakilala ko. Sila ay mga kalalakihang matagumpay at may integridad sa kanilang personal na buhay at propesyon. Puspos sila ng pananampalataya, at matibay ang hangaring kalugdan ng Panginoon.
Namalagi ako sa kanilang mga tahanan, kasama nilang lumuhod sa panalangin, at narinig ang tapat nilang mga pagsamo sa Ama sa Langit. Nadama ko sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon. Mahal sila ng Panginoon at ginagawaran sila ng mga espirituwal na kaloob.
Ipagdasal nating lahat ang ating stake president. Suportahan natin siya at tulungan. Pakinggan natin siya at pagtiwalaan. “At ang Israel ay maliligtas … ; at sa pamamagitan ng mga susi na aking ibinigay sila ay aakayin; at hindi na muli pang malilito” (D at T 35:25).