2009
May Pagmamahal mula sa Aking mga Kapatid
Disyembre 2009


May Pagmamahal mula sa Aking mga Kapatid

“Ayos lang kami,” pagtiyak ko sa aking mga visiting teacher. Gayunpaman, ang paglilingkod na ginawa nila sa Paskong iyon ang gumawa ng buong kaibhan.

Habang papalapit ang Pasko, lalo akong nag-alala. Sa buwan ng Nobyembre, pareho kaming walang regular na trabaho ng aking asawa. Binayaran ko ang renta, kuryente, at telepono mula sa bumabang suweldo ko, at binayaran naman ng asawa ko ang kotse mula sa maliit niyang suweldo. Halos hindi na kami makaraos sa natitirang pera. Dumami ang trabaho namin sa buwan ng Disyembre at bumalik sa normal ang lahat, pero sa Enero pa kami mababayaran. Sa ganitong mga sitwasyon, ni hindi namin pinag-usapan ang Pamaskong hapunan.

“Maaayos din ang lahat,” sabi ko sa sarili ko. Noong tag-init na iyon pumitas ng maraming raspberry ang asawa ko, at nakagawa kami ng jam. Gagawa kami ng mga pancake at jam at ng sarili naming mga regalo. Pero nang simulan ng tatlong anak naming babae (edad 6, 8, at 14) na magdekorasyon ng mga garland na gawa nila, habang pinag-uusapan kung ano kaya ang ireregalo sa kanila ng mga magulang nila sa Pasko, nalungkot ako.

Isang gabi dumating ang mga visiting teacher ko nang hindi inaasahan. Wala akong sariling kapatid, kaya ang mga sister ng Relief Society sa aking branch—lalo na ang mga visiting teacher ko—ang naging tunay kong mga kapatid. Nang gabing iyon nagbahagi sila ng napakagandang aralin, at pinag-usapan na rin ang nalalapit na Pasko. Tiniyak ko sa kanila na maayos ang lahat pero sinabi ko na magiging medyo “hikahos” kami sa Pasko. Tiniyak nila sa akin na ipagdarasal nila ang aming pamilya.

Isang araw nang sunduin ako sa trabaho ng aking asawa, sinabi niyang naiinip na sa kahihintay sa pag-uwi ko ang lahat ng tao sa bahay. Isang sister sa branch namin ang nag-iwan ng ilang kahon. Nang buksan namin ang mga ito, naroon ang lahat ng magagandang bagay na Pamasko: prutas, biskwit, kendi, iba pang mga grocery, dekorasyon, at mga regalong maganda ang balot. Napuno ng luha ng pasasalamat ang mga mata ko. At hindi lang doon natapos iyon. Sinorpresa kami ng pamilya ng isa sa mga visiting teacher ko pagsapit ng Pasko ng umaga sa dala nilang kahon ng mga regalo.

Sa huli ang “hikahos” naming Pasko ay naging napakasayang araw. Napuno ang aming tahanan hindi lamang ng diwa ng Pasko kundi maging ng malasakit at pagmamahal ng aking mga visiting teacher at iba pang miyembro ng aming branch. Naunawaan ko na kadalasan ay tunay na tinutugunan ng Panginoon ang ating mga pangangailangan sa pamamagitan ng ibang tao—lalo na ang Kanyang mga itinalaga at binigyang-inspirasyon na bantayan at pangalagaan kami.

Paglalarawan ni Gregg Thorkelson