2009
Kagandahang-asal sa Primary
Disyembre 2009


Kagandahang-asal sa Primary

“Mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (D at T 101:16).

Nakahawak nang mahigpit si Natanael sa kamay ni Inay habang naglalakad sila papunta sa silid ng Primary. Ngayon ang ikalawang linggo ni Natanael sa klase ng Sunbeam. Masama ang sikmura niya, at sa bawat hakbang, lalo niyang binagalan ang lakad.

Noong nakaraang linggo, parang magulo sa Primary. Sa oras ng pagkanta, tayo nang tayo at ikot nang ikot si Mia. Napagod si Natanael sa kauupo, kaya tumayo rin siya. Pero pinaupo siyang muli ng titser niya. Sa oras ng pagbabahagi, ilan sa nakatatandang mga bata ang nagdaldalan at nagtawanan. Kung minsan napakaingay kaya hindi marinig ang sinasabi ni Sister Miranda, ang Primary president. Nang umiyak na ang kaibigan niyang si Cara, parang gusto na ring umiyak ni Natanael.

Habang palapit na siya sa mga upuan sa harapan, ayaw bitawan ni Natanael ang kamay ni Inay. Nag-alala siya na magiging magulo pa rin ang Primary sa linggong ito. At nakita niya ang kanyang titser.

“Hi, Natanael,” sabi ni Sister Tejada. “Natutuwa akong makita ka.” Hinawakan ni Sister Tejada ang upuan sa tabi niya.

Gusto ni Natanael ang magiliw na ngiti ng titser niya. Binitawan niya ang kamay ni Inay at umupo sa tabi ni Sister Tejada.

“Susunduin kita pagkatapos ng klase,” sabi ni Inay. “Tandaan mo, maging mapitagan ka.”

Hindi sigurado si Natanael na alam niyang gawin iyon.

Pagkatapos ng pambungad na panalangin, tumayo si Sister Miranda. “Mayroon tayong espesyal na bisita ngayon,” sabi niya.

Biglang lumitaw ang isang puppet mula sa likod ng mesa sa tabi ni Sister Miranda. Kumawag-kawag ang puppet, kumaway, at sinabing, “Uwian na ba? Gusto kong uminom!”

Humagikgik ang ilang bata.

“Ito ang unang pagdalo ni Arlo sa Primary,” sabi ni Sister Miranda, “at hindi niya alam kung paano maging mapitagan. Pero bago siya maging mapitagan, kailangan niyang matutuhan ang magagandang asal sa Primary.”

Nagulat si Natanael. Kung minsan ay ipinaaalala sa kanya ni Inay sa hapunan na ilagay ang napkin sa kandungan niya. Kagandahang-asal iyon. At laging pinakikiusapan ni Itay ang lahat na pasalamatan si Inay para sa masarap na pagkain bago sila magligpit ng mesa. Kagandahang-asal din iyon. Pero ano ang magagandang asal sa Primary?

Lumiyad si Arlo sa harapan ng mesa. “Ay, nakakatawang tingnan ang lahat nang nakabaligtad!” sabi niya.

“Ang magagandang asal ay mga tuntuning nagpapakita na iginagalang natin ang ibang tao,” paliwanag ni Sister Miranda. “Hindi alam ni Arlo ang mga tuntunin ng magagandang asal sa Primary. Sa palagay ba ninyo matuturuan natin siya?” tanong niya.

Pumunta si Sister Miranda sa pisara at nagdrowing ng braso. “Ano ang dapat gawin ni Arlo sa kanyang mga kamay?” tanong niya.

“Ihalukipkip ang mga ito!” sagot ni Mia.

“Tama,” sabi ni Sister Miranda.

Umupo nang tuwid si Arlo. Inihalukipkip niya ang kanyang mga kamay at ipinatong ito sa kanyang ulo. “O, ganito ba ang ibig mong sabihin?” tanong niya.

Alam ni Natanael na hindi tama iyon.

Nagtanong si Sister Miranda kung sino sa Primary ang makapagpapakita kay Arlo kung paano humalukipkip.

Agad humalukipkip si Natanael. Humalukipkip din si Arlo.

Sa pisara, katabi ng nakadrowing na kamay, isinulat ni Sister Miranda, “Humalukipkip.”

Habang nagdodrowing ng iba pang mga larawan si Sister Miranda, itinuro ng mga bata kay Arlo ang mga tuntunin ng magagandang asal sa Primary. Natuwa si Natanael na halos lahat ng ito ay alam na niya.

Ngayon hindi na malikot o kumakaway o sumisigaw si Arlo. Hindi na magalaw ang kanyang mga paa, at nakahalukipkip na siya. Tahimik na ring nakikinig ang mga bata. Tila hindi na maingay at magulo ang Primary. Panatag at masaya na si Natanael. Hindi gaanong mahirap maging mapitagan sa Primary. Alam na niya kung paano.

Humalukipkip.

Lumakad nang tahimik.

Magtaas ng kamay kung gustong magsalita.

Magsalita nang marahan.

Makinig sa aming titser.

Paglalarawan ni Jennifer Tolman

Mga larawan sa kagandahang-loob ng Kahului Hawaii Stake

Ang mga bata ng Kahului Ward sa Kahului Hawaii Stake ay masigasig na tumulong sa pangangalaga ng bahay ng Ama sa Langit. Para sa aktibidad sa paglilingkod, nilinis nila ang mga upuang gamit nila sa Primary tuwing linggo.

Kinuskos ng mga bata sa senior Primary ang mga upuan gamit ang tubig at baking soda, samantalang pinunasan at pinatuyo ng mga bata sa junior Primary ang mga upuan. Maging ang pinakamusmos na mga bata ay masigla at masayang nagtrabaho. Pagkatapos, gumanda ang pakiramdam ng lahat tungkol sa pagpapanatiling malinis ng bahay ng Ama sa Langit.