2009
Mga Tanong at mga Sagot
Disyembre 2009


Mga Tanong at mga Sagot

“Hindi miyembro ng Simbahan ang mga magulang ko. Paano ko maibabahagi sa kanila ang ebanghelyo nang hindi sila nagdaramdam?”

Alalahanin ang utos: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12). Habang iginagalang ang gusto nila, sikaping ihatid ang ebanghelyo sa tahanan ninyo. Halimbawa, magpatulong ka sa mga magulang mo sa Pansariling Pag-unlad o Tungkulin sa Diyos para makita nila ang magagandang programa ng Simbahan. Maaari mong anyayahan sa bahay ninyo ang mga kaibigan mo sa Simbahan at makakausap sila tungkol sa ebanghelyo. Makakatulong ito para magtanong ang mga magulang mo tungkol sa mga pinaniniwalaan mo. Ang pinakamahalaga, sabihin mo sa mga magulang mo kung gaano kalaki ang pasasalamat mo sa kanila at sa ebanghelyo.

Kapag nadama mong oras na, mapanalanging anyayahan ang mga magulang mo—nang hindi sila pinipilit—na manalangin kayo, magsimba o dumalo sa isang aktibidad ng Simbahan, o mag-family home evening, halimbawa. Kung ayaw nila, igalang mo iyon. Kung hindi pa sila handa para sa ebanghelyo ngayon, maaaring sa hinaharap ay maging handa na sila. Ipagdasal at asahan ang pagdating ng araw na iyon.

Laging hanapin ang mabuti sa iyong mga magulang. Kung mamahalin mo sila mananatiling bukas ang pagkakataon sa iyo. Sikaping ipamuhay ang ebanghelyo sa abot-kaya mo. Baka maging mas interesado ang mga magulang mo kapag nakita nila ang mabuting halimbawa mo at kung paano ka pinagpapala ng ebanghelyo.

Gamitin ang mga Poster ng Liahona

Bago ako nabinyagan noong 2006, dumadalo na ako sa ibang simbahang kinabibilangan ng pamilya ko. Noong una takot akong magsalita sa pamilya ko tungkol sa Simbahan dahil baka itakwil nila ako. Pero nang simulan kong ipaskil ang mga Poster mula sa Liahona sa ilang lugar sa bahay namin, nagsimulang magtanong ang mga kapamilya ko, “Tungkol ba saan ang larawang ito? Ano bang kahulugan nito?” Pinadali ng mga tanong na ito ang pagbanggit sa iniaalok ng Simbahan sa mga pamilya. Dahil dito, nabinyagan ang kapatid kong bunso, at ngayon, habang nasa mission ako, sinasabi ng tatay at nanay ko sa sulat kung gaano nila kagustong magsimba.

Elder Almeida, 20, Brazil São Paulo East Mission

Ipamuhay ang Ebanghelyo

Ipakita sa mga magulang mo sa paraan ng iyong pamumuhay kung gaano kahalaga sa iyo ang Simbahan at ang magandang kaibhang nagawa nito sa buhay mo. Para matulungan kang gawin iyon, sundin mo ang payo ng mga General Authority, at ipamuhay rin ang ebanghelyo. Magpatuloy ka sa iyong sariling mga panalangin, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagsunod sa mga utos, pamumuhay ayon sa mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, pagsasakatuparan ng mga mithiin, at pagsunod sa Espiritu Santo. Maaari mo ring ipagdasal at ipag-ayuno ang mga magulang mo at hingin ang patnubay ng Espiritu Santo. Bukod pa rito, naniniwala ako na dapat mong ipakita ang pagmamahal mo sa kanila.

Andrew B., 14, Nevada, USA

Mahirap ngunit Hindi Imposible

Magdarasal ako at hihilingin sa Diyos na, kapag kinausap ko ang mga magulang ko, ituro Niya sa akin ang sasabihin para hindi sila magdamdam. Hihilingin ko rin na mapasaakin ang Kanyang Espiritu para madama nila ang katapatan at pagmamahal ko. Magbabahagi ako ng banal na kasulatan mula sa Biblia na sumusuporta sa Aklat ni Mormon. Ibabahagi ko rin ang mga karanasan at damdamin ko. Sasabihin ko na ang ebanghelyo, pagmamahal ng Diyos, at panalangin ay higit na maglalapit sa atin sa espirituwal na kapayapaan na gustong makamtan ng lahat. Ang gawain ng Panginoon ay mahirap ngunit hindi imposible. Magtiwala sa Espiritu.

Jonathan E., 19, Veracruz, Mexico

Ipaliwanag ang Nadarama Mo

Kung takot kang magbahagi ng ebanghelyo, magsimula sa pagsasabi ng nadarama mo kapag nagdarasal ka at nagbabasa ng mga banal na kasulatan. Ipaliwanag na mayroon kang patotoo, at ipaliwanag kung bakit gusto mo ang ebanghelyo. Kapag naipaliwanag mo na ang damdamin mo, mauunawaan ka nila at hindi sila magdaramdam.

Madison N., 14, Illinois, USA

Magsalita nang may Pagmamahal

Hindi miyembro ang tatay ko, at kung minsan ay mahirap ito, ngunit may ilang bagay akong natutuhan. Una, kapag kinakausap ko siya nang may pagmamahal at hindi pabalang, nahihirapan siyang tutulan ang mga sinasabi ko. Nadarama ng tatay ko ang pagmamahal na iyon, kahit hindi kami laging nagkakasundo. Ikalawa, simple lang ang ebanghelyo. Hindi natin ito kailangang pagandahin o ibahin. Sabihin ang mga simpleng katotohanan. Panghuli, alalahanin na tinawag tayo para maging mga saksi ni Cristo.

Paige I., 19, Utah, USA

Isang Pagbabago ng Puso

Magiging magandang halimbawa ka sa mga magulang mo kung susundin mo ang mga pamantayan ng Simbahan at lahat ng kautusan, lalo na ang Word of Wisdom, at magpakita ng pagmamahal at pagsunod sa iyong mga kilos. Maaaring ibaling nito ang kanilang pansin sa ugali mo at matutulungan silang sumapi sa Simbahan ni Cristo. Malaki ang paniniwala ko na sa personal mong mga dalangin, mahihiling mo sa Ama sa Langit na baguhin ang kanilang puso.

Sharmila S., 18, Karnataka, India

Maging Isang Halimbawa

Itinuro sa atin ni Pablo sa I Kay Timoteo 4:12, “Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.” Pagpapakita ng mabuting halimbawa ang magbibigay-daan sa pagbabago ng mga magulang mo. Lilikhain nito ang tamang panahon at pagkakataon para mapatotohanan ang ebanghelyo. Ang pagsampalataya, nang hindi natatakot, at pagiging isang halimbawa ay makatutulong para magbago ang kanilang isipan at mapagpala ang inyong buhay.

Elder Tonumaipea, 20, Philippines Cauayan Mission