2009
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Disyembre 2009


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang mga mungkahing ito sa pagtuturo ay inilaan para bigyan kayo ng ilang ideya. Maaari ninyong iangkop ang mga ito sa inyong pamilya.

“Kaming Tatlong Hari,” p. 12: “Karamihan sa mga tao ay higit na matututo at mas matagal na makakaalala kapag naglahad kayo ng mga ideya gamit ang mga larawan, mapa, pinagsama-samang mga salita, o iba pang mga visual.”1 Isiping idispley ang mga larawan sa artikulong ito o sa iba pang aytem kapag nagturo kayo mula sa artikulong ito. Ang dula-dulaan ay isang paraan ng paggamit ng mga tao bilang mga visual.2 Isiping isadula ang pagdalaw ng Mga Pantas na Lalake sa batang si Cristo kapag nag-aral kayo ng inyong pamilya.

“Pagsamba sa Pamamagitan ng Pagpipitagan,” p. 26: Mas malamang na maunawaan at maipamuhay ng mga miyembro ng pamilya ang mga doktrina kapag binigyan sila ng mga pagkakataong ituro ang mga doktrinang iyon sa iba.3 Isiping sabihin sa mga miyembro ng pamilya na ituro sa isa’t isa ang mga alituntunin sa artikulo. Ilang araw bago sumapit ang family home evening, hatiin ang artikulo sa tatlong bahagi at anyayahan ang tatlong miyembro ng pamilya na ibahagi sa family home evening ang natutuhan nila sa kanilang bahagi.

“Ang Pagpapala ng Pagtatrabaho,” p. 36: Maaaring mapukaw ng mga kuwento ang interes ng mga mag-aaral at kadalasan ay epektibong paraan ang mga ito sa pagtuturo.4 Para mailarawan ang doktrina ng pagtatrabaho na itinuro ni Bishop H. David Burton, isiping ibahagi mula sa artikulo ang mga karanasan nina Pangulong Thomas S. Monson, Henry B. Eyring, at Dieter F. Uchtdorf. Maaari ninyong tapusin ang inyong aralin sa pag-anyaya sa mga miyembro ng pamilya na magkuwento tungkol sa pagtatrabaho na nagpala sa kanilang buhay.

Mga Tala

  1. Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (2000), 239.

  2. Tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 234.

  3. Tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 213.

  4. Tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 236–38.