2009
Pagtuturo sa Aking Guro
Disyembre 2009


Pagtuturo sa Aking Guro

Diana Summerhays Graham, Utah, USA

Isang taglagas maraming taon na ang nakararaan kaga-graduate ko lang sa Columbia University sa New York. Sa isang malaking silid-aralan na puno ng mga estudyante, tinatalakay ng propesor namin ang mga makabagong panggagaya ng mga makalumang teksto. Habang sinasabi niya ang listahan ng mga panghuhuwad, nagulat akong marinig na idinagdag niya ang Aklat ni Mormon sa kanyang listahan.

Noon din nalaman kong hindi ako makaaalis sa silid-aralan nang walang ginagawa. Hindi ko maaaring biguin ang mga ninuno ko, na ang mga patotoo sa Aklat ni Mormon ang nagtulak sa kanila na isakripisyo ang lahat.

Pagkatapos ng klase nilapitan ko ang propesor, na siyang pinuno ng Charles Anthon sa Columbia. Mahigit 100 taon bago iyon, binisita ni Martin Harris si Propesor Anthon sa Columbia. Dala ni Martin ang isang papel na may mga nakaukit na kinopya mula sa mga laminang pinanggalingan ng isinalin na Aklat ni Mormon.

Naalala ko na ibinahagi sa akin ng aking ama ang isang liham ng kanyang ama tungkol kay Martin Harris. Sinabi ng lolo ko na nakita niya si Martin bago namatay si Brother Harris. Nang tanungin siya ng lolo ko tungkol sa Aklat ni Mormon, bumangon siya mula sa pagkakahiga at nagbigay ng malakas na patotoo. Talagang nakakita siya ng anghel, narinig niya ang tinig nito, at nakita niya ang mga laminang ginto.

“Ako si Diana, at miyembro ako ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” nanginginig kong sabi sa aking propesor. “Ang Aklat ni Mormon, para sa akin, ay isang aklat ng banal na kasulatan. Gusto ko pong malaman kung bakit tinawag ninyo itong panghuhuwad.”

Habang naglalakad kami sa kampus, inilista ng propesor, na nakabasa sa Aklat ni Mormon, ang ilang pagprotesta sa katotohanan nito. Dali-dali kong isinulat ang mga iyon, at pagkatapos niya, tinanong ko siya, “Maaari ko po bang isulat ang mga natututuhan ko mula sa mga nabasa ko tungkol sa paksang ito para masagot ang mga pagprotestang ito?” Pumayag siya.

Naglakad ako pabalik sa dormitoryo, isinara ko ang pintuan ng aking silid, nakaluhod na nagdasal, at nagsimulang tumangis. Nadama kong mahina ako at kulang sa kaalaman. Mabuti na lang, may aktibidad kami sa Simbahan nang gabing iyon. Matapos ang talakayang nagpasigla sa espiritu ko, nagpatulong ako sa mga full-time missionary na naroon. Ibinahagi nila ang ilang mapagkukunan ng impormasyon na sasagot sa halos lahat ng puntong binanggit ng aking propesor. Pagkatapos ay nagsaliksik ako sa malawak na silid-aklatan ng Columbia. Sa isinulat ko ay sinagot ko ang mga tanong ng propesor at ibinigay ang aking patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay ibinigay ko ito sa kanya.

Naghintay ako nang ilang linggo sa sagot niya. Sa wakas tinanong ko siya kung nabasa niya ito.

“Oo, at ipinabasa ko ito sa asawa ko. Sabi niya sa akin, ‘Anuman ang gagawin mo, huwag mong sirain ang pananampalataya ng estudyanteng iyon.’” Pagkatapos ay tumalikod siya at lumakad palayo.

Habang papalapit ang Pasko, malakas ang pakiramdam kong dapat ko siyang bigyan ng Aklat ni Mormon. Nakakita ako ng kopya, idinagdag ko ang aking patotoo, at pinasalamatan siya sa pagbasa sa aking isinulat. Ibinalot ko ang aklat sa Pamaskong pambalot at ibinigay ito sa kanya. Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng sulat mula sa kanya kung saan nagpasalamat siya sa natanggap niyang kopya ng “pambihirang aklat na ito.”

Nang mabasa ko ang kanyang mga sinabi, napuno ng luha ang mga mata ko. Ibinulong ng Espiritu na hindi na kukutyain ng propesor na ito ang Aklat ni Mormon. Nagpapasalamat ako na pinalambot ng Espiritu ang mga puso at tinulungan akong malaman kung paano turuan ang aking guro.