Sa Atin ay Ipinanganak ang Isang Bata
Sinabi noon pa man ng sinaunang propetang si Isaias ang pagparito ng Mesiyas at maraming inihayag tungkol sa mga tungkuling Kanyang gagampanan.
Ilang siglo bago isinilang si Jesucristo, itinala ng propetang si Isaias ang mga bagay na inihayag sa kanya tungkol sa mga kaganapan sa pagparito ni Cristo. Isa sa mga propesiyang iyon, na matatagpuan sa Isaias 9:6, ang nagbigay sa atin sa iilang salita ng saganang kaalaman tungkol sa Tagapagligtas at sa mga tungkuling ginagampanan Niya sa buhay natin at sa plano ng Ama sa Langit. Narito ang ilang paliwanag sa mga ideyang isinasaad sa talatang ito.
Ipinanganak ang Isang Bata, Ibinigay ang Isang Anak na Lalake
Ang Tagapagligtas ay inihayag kay Adan, ang unang tao, bilang Bugtong na Anak ng Diyos (tingnan sa Moises 5:7, 9; 6:52, 57, 59, 62). Mula noon pinatotohanan ng lahat ng banal na propeta ang pagparito ng Anak ng Diyos sa lupa upang tubusin ang Kanyang mga tao (tingnan sa Mga Gawa 10:43; Jacob 4:4).
Ano ang kahulugan ng pagsilang ni Cristo?
Ang anghel na nagpabatid ng pagsilang ng Tagapagligtas sa mga pastol ay nagsabing “mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan” (Lucas 2:10).
Nang makita ni Nephi ang pangitain tungkol sa birheng si Maria na hawak ang sanggol na si Jesus, nadama niya na dapat niyang sabihing “ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao” (1 Nephi 11:22
Ipinahayag mismo ng Tagapagligtas na “Gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
Ang Pamamahala ay Maaatang sa Kanyang Balikat
Sa sinaunang Israel, ang mga saserdote at mga hari ay nakasuot ng bata at naglalagay ng sagisag ng kanilang katungkulan sa kanilang balikat (tingnan sa Isaias 22:21–22). Si Jesucristo, na Anak ng Diyos, ay dumating “tulad sa may kapamahalaan” (Mateo 7:29). At siya ay mamumuno bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon sa Milenyo, kung kailan “siya ay magha[ha]ri na siyang may karapatang maghari”(D at T 58:22; tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10).
Kamangha-manghang Tagapayo
Ang salitang kamangha-mangha ay galing sa salitang Hebreo na para sa “himala,” na nagpapahiwatig kapwa ng mahimalang pagsilang ng Mesiyas at ng mga himalang gagawin Niya sa buhay. Ang salitang tagapayo ay may kaugnayan sa mga kautusan at mga turo ng Mesiyas na gagabay sa atin pabalik sa Ama sa Langit. Tulad ng sabi ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon, “[Ang Panginoon] ay nagpapayo sa karunungan, at sa katarungan, at sa dakilang pagkaawa, sa lahat ng kanyang gawa”(Jacob 4:10).
Ang Makapangyarihang Diyos
“Maniwala kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang pinakadakilang [nilalang] sa panahong ito at sa kawalang-hanggan. Maniwalang ang kanyang di mapapantayang buhay ay nagsimula bago pa man likhain ang daigdig. Maniwalang siya ang Tagapaglikha ng mundo na ating tinitirhan. Maniwalang siya ang Jehova ng Lumang Tipan, na siya ang Mesiyas ng Bagong Tipan, na siya ay namatay at nabuhay na muli, … at na siya ay buhay, ang buhay na Anak ng Diyos na buhay, ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos.”
Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Be Not Faithless,” Tambuli, Abr. 1990, 4.
Ang Amang Walang Hanggan
“Si Jehova, na si Jesucristo, ang Anak ni Elohim, ay tinatawag na ‘ang Ama,’ at maging ‘ang Amang Walang Hanggan ng langit at lupa’ (tingnan sa … Mosias 16:15). Kahalintulad nito si Jesucristo ay tinatawag ding ‘Ang Walang Hanggang Ama’ (Isa. 9:6; ihambing sa 2 Ne. 19:6). … si Jesucristo, bilang Tagapaglikha, ay palagi ring tinatawag na Ama ng langit at lupa … ; at dahil likas na walang hanggan ang Kanyang mga likha angkop na tawagin Siyang Walang Hanggang Ama ng langit at lupa.”
“The Father and the Son: A Doctrinal Exposition by the First Presidency and the Quorum of the Twelve Apostles,” Ensign, Abr. 2002, 13; mula sa Improvement Era, Ago. 1916, 934–42.
Ang Pangulo ng Kapayapaan
“Marahil lumalayo tayo sa landas tungo sa kapayapaan at natutuklasang kailangang tumigil sandali, nilay-nilayin, at isiping mabuti ang mga turo ng Prinsipe ng Kapayapaan at magpasiyang isipin at gawin at ipamuhay ang mas mataas na batas, tahakin ang mas mataas na landasin, at maging mas mabubuting disipulo ni Cristo.”
Pangulong Thomas S. Monson, “Paghahanap ng Kapayapaan,” Liahona, Mar. 2004, 3.
“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” Juan 14:27.