“Kaming Tatlong Hari
Ang mga Pantas na Lalaki ay mahalagang bahagi sa tradisyonal na paglalarawan ng pagsilang ni Jesucristo, pero ano ba talaga ang alam natin tungkol sa kanila?
Napagmasdan na ba ninyong mabuti ang isang displey ng pagsilang ni Jesucristo at naitanong kung sino ang tatlong lalaking iyon na magagara ang kasuotan at naghatid ng mga handog sa sanggol na si Jesus? Alam natin, siyempre, na kinakatawan nila ang tatlong Pantas na Lalaki, pero sino ba talaga sila? Bakit nila dinalaw si Jesus, at bakit nila Siya dinalhan ng kakaibang mga handog?
Ang nakatala sa banal na kasulatan tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas ay kakaunti lang ang inihayag tungkol sa mga Pantas na Lalaki (tingnan sa Mateo 2). Ngunit dahil napakahalaga ng kanilang pagdalaw, tinangka ng mga mananaliksik sa loob ng maraming siglo na tuklasin ang impormasyon tungkol sa kanilang pinagmulan at ang layunin nila sa pagdalaw sa batang Cristo. Bagaman may ilang detalyeng nakuha sa masusing pagsisiyasat na ito, karamihan sa nakaugaliang paniniwala sa mga Pantas na Lalaki ay maaaring mas batay sa alamat at haka-haka kaysa kasaysayan.
Ito ang alam natin:
Ilan ang Pantas na Lalaki?
Ayon sa paniniwala may tatlong lalaking dumalaw sa batang Cristo, isang paniniwalang batay sa katotohanan na may tatlong handog na ibinigay: ginto, kamangyan, at mira. Kung gayon, maaaring nagdala ng tig-iisang regalo ang bawat lalaki. Gayunman, naniniwala ang ilang mananaliksik na baka mas marami pa rito ang mga Pantas na Lalaki, siguro sindami ng 12.1 Nakasaad sa Bible Dictionary na yamang ang mga Pantas na Lalaki ay totoong mga saksi sa pagsilang ng Tagapagligtas, maaaring may dalawa o tatlong saksi man lang (tingnan sa Deuteronomio 19:15; II Mga Taga Corinto 13:1; D at T 6:28).2
Ang paniniwalang mga hari ang mga Pantas na Lalaki ay nagmula sa mga talata sa Lumang Tipan na naghahayag noon pa man ng pagdalaw ng mga hari sa Panginoon. Sinasabi sa Isaias 49:7na, “Ang mga hari …, ay mga mangakakakita at magsisibangon,” at nakatala sa Isaias 60:10 na, “Ang kanilang mga hari ay magsisipangasiwa sa iyo.” (Tingnan din sa Awit 72:10.)
May natagpuan pang ibang mga talaan ang mga mananaliksik na tumutukoy sa mga Pantas na Lalaki bilang mga hari. Ang mga isinulat ni Marco Polo noong ika-13 siglo ay may ulat mula sa bayan ng Saba sa Persia tungkol sa tatlong haring nagdala ng ginto, kamangyan, at mira sa kanilang paglalakbay upang dumalaw sa bagong silang na propeta. Ayon sa tala ni Marco Polo, ang mga lalaki ay sina Gaspar, Melchor, at Baltazar, mga pangalang karaniwang iniuugnay sa mga Pantas na Lalaki ngayon.3
Pinagmulan ng Salitang Mga Pantas na Lalaki
Ang salitang Mga Pantas na Lalaki,, ay isinalin mula sa salitang Griyego na magoi. Ang magoi,ay nagmula talaga sa Persia at tumutukoy sa mga saserdote ng sinaunang relihiyon sa Persia. Sa paggamit na ito ng salitang magoi, ipinapalagay ng mga mananaliksik na ang mga Pantas na Lalaki ay malamang na mga saserdote sa isang sekta ng relihiyon sa Persia. Gayunman, ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa kanyang Doctrinal New Testament Commentary: “Ang ipalagay na sila ay mga miyembro ng isang tumiwalag na kulto ng Mago ng sinaunang Media at Persia ay maaaring hindi totoo. Bagkus, masasabing sila ay mga tunay na propeta, mabubuting tao tulad nina Simeon, Ana, at mga pastol, na pinaghayagan ng Diyos ng pagsilang ng ipinangakong Mesiyas sa mga tao.”4
Mula sa Oriente?
Nagmula ba ang mga Pantas na Lalaki sa Oriente, tulad ng sabi sa Pamaskong awiting “Kaming Tatlong Haring mula sa Oriente”?5 Malamang na ginamit ng may-katha ng awitin ang salitang Oriente upang palitan ang karaniwang salitang silanganan na ginamit sa tala ni Mateo. Anumang mula sa silanganan ng Palestina ay itinuturing na Oriente. Ang paggamit ni Mateo ng pangkalahatang lokasyon na “silanganan” ay nagsasaad lamang na walang tiyak na nakaaalam kung saan nagmula ang mga Pantas na Lalaki.6
Binabanggit ng ilang mananaliksik ang Awit 72:10 bilang katibayan na nagmula ang kalalakihang ito sa makabagong Espanya, Ethiopia, at Saudi Arabia: “Mga hari ng Tarsis at ng mga pulo’y maghahandog: mga hari ng Sheba at Seba’y mag-aalay.” Naniniwala ang iba na ang mga Pantas ay nagmula sa Persia (makabagong Iran) at marahil ay mga Judio, dahil maraming taong may lahing Judio na nanirahan sa rehiyong iyon noon.7
Kailan Dinalaw ng mga Pantas na Lalaki si Jesus?
Ang makasining na paglalarawan ng Pagsilang ni Jesucristo ay nagsasaad na sinamba ng mga Pantas na Lalaki ang isang bagong silang, na para bang dumalaw sila noong halos kasisilang pa lang ng Tagapagligtas. Gayunman, inihayag sa mga banal na kasulatan na wala ang mga Pantas na Lalaki nang isilang si Jesus sa sabsaban o kahit noong Siya ay sanggol pa lamang. Totoong dinalaw ng mga Pantas na Lalaki ang batang si Jesus na kasama ang Kanyang Inang si Maria. “Nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang [bata] na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at … inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na ginto, at kamangyan, at mira” (Mateo 2:11).
Ang mga Handog ng mga Pantas na Lalaki
Bakit dinalhan ng mga Pantas na Lalaki ng gayong kakaibang mga handog si Jesus? Nagkakaisa ang karamihan sa mga mananaliksik na simboliko ang mga handog. Ang ginto ay sumasagisag sa pagiging hari ni Jesus, ang kamangyan sa Kanyang pagiging Diyos, at ang mira sa Kanyang pagdurusa at kamatayan, dahil ang mira ay sangkap na ginagamit sa pagpapabango sa mga katawan ng patay bago ito ilibing.8
Pinagsabihan ng Diyos
Nang papuntahin ni Herodes ang mga Pantas na Lalaki sa Bet-lehem, sinabi niya sa kanila, “Pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama’y makaparoon, at siya’y aking sambahin” (Mateo 2:8). Gayunman, ayon sa tala ni Mateo, ang mga Pantas na Lalaki ay “pinagsabihan … ng Dios sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes,” kaya matapos dalawin ang batang Cristo, hindi bumalik ang mga Pantas na Lalaki kay Herodes at “nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan” (Mateo 2:12). Nagalit nang husto si Herodes, hindi lang dahil binalewala ng mga Pantas na Lalaki ang kanyang utos kundi dahil tiyak na may batang nakatira sa Bet-lehem na maghahari sa bansa balang-araw.
Inatasan ng Panginoon
Mahusay na naibuod ng Bible Dictionary ang ating mga paniniwala tungkol sa mga Pantas na Lalaki: “Sila ay mabubuting tao na inatasan upang saksihan na narito na sa mundo ang Anak ng Diyos. … Tila mga kinatawan sila ng pangkat ng mga tao ng Panginoon sa silangang bahagi ng Palestina, na nagsidating, sa paggabay ng Espiritu, upang mamasdan ang Anak ng Diyos, at nagsibalik sa kanilang mga tao upang magpatotoo na ang Haring Emmanuel ay tunay ngang isinilang sa mundo.”9