Mensahe ng Unang Panguluhan
Uuwi sa Pasko
May isang awitin na bata pa ako nang una kong marinig—isang awitin tungkol sa Pasko at tahanan. Panahon iyon ng digmaan kung kailan maraming tao ang nalayo sa kanilang mga tahanan at pamilya—isang malungkot na panahon sa mga nangangambang baka hindi na nila muling makasama ang mga mahal nila sa buhay. Naaalala ko ang nadama ko tungkol sa tahanan at pamilya nang mapadaan ako sa isang bahay papasok sa paaralan sa Kapaskuhan at makita ang isang munting bandilang may ginintuang bituin na nakasabit sa bintana. Tahanan iyon ng isang batang babaeng kaeskuwela ko. Ang kapatid niyang lalaki, na matanda lang nang kaunti sa akin, ay napatay sa digmaan. Nakilala ko ang mga magulang niya at nadama nang bahagya ang nadama nila. Sa daan pauwi mula sa paaralan, inasam ko nang may pasasalamat ang masayang pagsalubong na naghihintay sa akin.
Nang buksan ko ang radyo sa salas namin noong Kapaskuhan, paulit-ulit ko pa ring naririnig ang mga titik at himig sa aking isipan. May ilang linya sa awiting iyon na inantig sa puso ko ang pananabik na makasama ang pamilya ko. Nakatira kami ng mga magulang at kapatid ko sa isang masayang tahanan, kaya alam ko kahit paano na ang pananabik na nadama ko ay higit pa sa pagtira sa bahay o pamilyang nagpasaya sa akin noon. Tungkol iyon sa isang lugar at buhay sa hinaharap, na mas mainam kaysa alam o nawawari ko noon.
Ang linya sa awiting iyon na tandang-tanda ko ay “Uuwi sa Pasko / kahit sa pangarap.”1 Nakatayo pa rin ang bahay na pinalamutian namin ng mga Christmas tree nina Inay at Itay noong masasayang araw ng aking kabataan, at halos walang ipinagbago. Ilang taon na ang nakararaan bumalik ako doon at kumatok sa pinto. Hindi ko kilala ang mga nagbukas. Pinapasok nila ako sa silid na dating kinaroroonan ng radyo at sa silid na pinagtipunan ng aming pamilya sa palibot ng Christmas tree.
Nalaman ko noon na hindi pala pagtira sa isang bahay ang hinahangad ng puso ko. Gusto ko palang makasama ang pamilya ko, gustong kong mabalot ng pagmamahal at Liwanag ni Cristo, nang higit pa kaysa nadama ng maliit naming pamilya sa tahanang kinamulatan ko.
Pag-asam sa Walang Hanggang Pagmamahal
Ang inaasam ng puso nating lahat, sa Kapaskuhan at sa tuwina, ay ang madamang nabibigkis tayo ng pagmamahal sa nakalulugod na katiyakan na maaari itong manatili magpakailanman. Ito ang pangako ng buhay na walang hanggan, na tinawag ng Diyos na pinakadakila Niyang kaloob sa Kanyang mga anak (tingnan sa D at T 14:7). Ginawa itong posible ng mga kaloob sa atin ng Kanyang Pinakamamahal na Anak: ang pagsilang, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng buhay at misyon ng Tagapagligtas nakatitiyak tayo na maaari tayong magsama-sama sa pagmamahalan at mabubuhay nang walang hanggan bilang mga pamilya.
Ang pananabik sa tahanan ay likas sa atin. Ang magandang pangarap na iyon ay hindi magkakatotoo nang walang malaking pananampalataya—na sapat para maakay tayo ng Espiritu Santo na magsisi, magpabinyag, at gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Diyos. Ang pananampalatayang ito ay nangangailangan ng matapang na pagtitiis sa mga pagsubok sa buhay. Sa gayon, sa kabilang buhay, malugod tayong matatanggap ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak sa tahanang iyon na ating pinapangarap.
Maging sa buhay na ito makatitiyak tayo sa pagsapit ng araw na iyon at madarama natin ang kaunting kagalakang madarama natin kapag nakauwi na tayo sa wakas. Ang pagdiriwang ng pagsilang ng Tagapagligtas sa araw ng Pasko ay nagbibigay sa atin ng mga natatanging pagkakataong madama ang mga kagalakang iyon sa buhay na ito.
Pagtatamo ng Ipinangakong Kagalakan
Marami sa atin ang namatayan ng mga mahal sa buhay. Maaaring napapalibutan tayo ng mga taong hangad sirain ang ating pananampalataya sa ebanghelyo at ang mga pangako ng Panginoon na buhay na walang hanggan. May ilan sa atin na nililigalig ng karamdaman at kahirapan. Ang iba naman ay maaaring nagtatalu-talo sa pamilya o walang kapami-pamilya. Gayunman maaaring magningning sa atin ang Liwanag ni Cristo at maipakita at maipadama ang ilan sa mga ipinangakong kagalakang darating sa atin.
Halimbawa, kapag nagtipon tayo sa tahanang iyon sa langit, palilibutan tayo ng mga taong napatawad sa lahat ng kasalanan nila at nagpatawad sa isa’t isa. Bahagya nating matitikman ang kagalakang iyan ngayon, lalo na kapag inalaala at ipinagdiwang natin ang mga handog ng Tagapagligtas sa atin. Pumarito Siya sa daigdig upang maging Kordero ng Diyos, upang bayaran ang lahat ng kasalanan ng mga anak ng Kanyang Ama sa mortalidad nang sa gayon ay mapatawad ang lahat. Sa Kapaskuhan tumitindi ang hangarin nating alalahanin at pagnilayin ang mga salita ng Tagapagligtas. Siya ay nagbabala na hindi tayo mapapatawad kung hindi natin patatawarin ang iba (tingnan sa Mateo 6:14–15). Kadalasan ay mahirap itong gawin, kaya’t kailangan ninyong humingi ng tulong sa panalangin. Ang tulong na ito na magpatawad ay pinakamadalas na darating kapag naipaunawa sa inyo na nakasakit din kayo nang matindi o higit pa kaysa sakit na ipinadama sa inyo.
Kapag kumilos kayo ayon sa sagot sa ipinagdasal ninyong lakas na magpatawad, mapapawi ang bigat na inyong nadarama. Ang paghihinanakit ay mabigat na pasanin. Kapag nagpatawad kayo, madarama ninyo ang galak na mapatawad. Sa Kapaskuhang ito maibibigay at matatanggap ninyo ang handog na kapatawaran. Ang ligayang madarama ay halimbawa ng madarama natin kapag magkakasama na tayo sa walang hanggang tahanang inaasam natin.
Kagalakan sa Pagbibigay
May isa pang halimbawa ng masayang tahanang iyon sa hinaharap na mas malinaw nating makikita sa Kapaskuhan. Ito ay ang pagbibigay nang bukal sa kalooban. Maaari itong dumating kapag mas nadama natin ang mga pangangailangan ng iba kaysa sa atin at kapag nadama natin kung gaano kabuti ang Diyos sa atin.
Nakakatulong na makita ang kabaitan ng iba sa Kapaskuhan. Ilang beses na ba kayong nag-iwan ng regalo sa tapat ng pintuan, umaasang walang nakapansin sa inyo, at makitang may mga regalo na pala roon at di nakalagay ang pangalan ng nagbigay? Kinutuban na ba kayo, katulad ko, na dapat ninyong tulungan ang isang tao para lamang matuklasan na ang nadama ninyong dapat ibigay ang mismong kailangan ng taong iyon sa sandaling iyon? Isang napakagandang katiyakan iyan na alam ng Diyos ang lahat ng ating pangangailangan at umaasang tutugunan natin ang pangangailangan ng mga nakapaligid sa atin.
Ipinadarama sa atin ng Diyos ang mga mensaheng iyon nang mas tiwala sa Kapaskuhan, batid na tutugon tayo dahil mas sensitibo ang puso natin sa halimbawa ng Tagapagligtas at mga salita ng Kanyang mga lingkod. Sa Kapaskuhan, mas malamang na nabasa natin kamakailan ang mga salita ni Haring Benjamin at naantig tayo nito. Tinuruan niya ang kanyang mga tao, at tinuturuan niya tayo, na ang nakapupuspos na kaloob na pagpapatawad na natatanggap natin ay dapat magpadama sa atin ng matinding kabaitan sa iba:
“At masdan, maging sa sandaling ito, kayo ay nananawagan sa kanyang pangalan, at nagsusumamo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan. At pinahintulutan ba niya na ang inyong pagsusumamo ay mawalan ng saysay? Hindi; kanyang ibinuhos ang kanyang Espiritu sa inyo, at pinapangyari na ang inyong mga puso ay mapuspos ng galak, at pinapangyari na ang inyong mga bibig ay pigilin upang kayo ay hindi makapagsalita, sadyang labis-labis ang inyong kagalakan.
“At ngayon, kung ang Diyos na lumikha sa inyo, kung kanino kayo ay umaasa para sa inyong mga buhay at para sa lahat ng nasasainyo at kakailanganin ninyo, na nagbibigay sa inyo ng anumang inyong hinihiling na tama, nang may pananampalataya, naniniwala na kayo ay makatatanggap, O kung gayon, higit kayong nararapat na magbahagi ng inyong kabuhayan na mayroon kayo sa isa’t isa.
“At kung hahatulan ninyo ang taong humihingi sa inyo ng inyong kabuhayan upang siya ay hindi masawi, at hatulan siya, gaano higit na makatarungan ang inyong magiging kahatulan dahil sa pagkakait ninyo ng inyong kabuhayan, kung alin ay hindi ninyo pag-aari, kundi sa Diyos, kung sino ay siya ring nagmamay-ari ng inyong buhay, at gayon pa man, hindi kayo humihingi, ni nagsisisi sa mga bagay na inyong nagawa.
“Sinasabi ko sa inyo, sa aba sa taong yaon, sapagkat ang kanyang kabuhayan ay mawawalang kasama niya; at ngayon, sinasabi ko ang mga bagay na ito sa yaong mayayaman ukol sa mga bagay ng daigdig na ito” (Mosias 4:20–23).
Nadama na ninyo ang galak na dulot ng pagbibigay ng tulong at pagtanggap ng mga ito. Ang kagalakang iyon ay halimbawa ng madarama natin sa buhay na darating kung mapagbigay tayo rito dahil sa pananampalataya natin sa Diyos. Ang Tagapagligtas ang ating dakilang halimbawa. Sa Kapaskuhan pagnilayan nating muli kung sino Siya at anong kabaitan ang ipinakita Niya sa atin sa pagparito sa daigdig bilang ating Tagapagligtas.
Bilang Anak ng Diyos, na isinilang ni Maria, may kapangyarihan Siyang labanan ang lahat ng tuksong magkasala. Siya ay namuhay nang perpekto upang sa gayon Siya ang maging huling hain, ang walang kapintasang Kordero na ipinangako buhat nang itatag ang sanglibutan (tingnan sa Apocalipsis 13:8). Dinanas Niya ang matinding sakit na bunga ng lahat ng ating kasalanan at ng lahat ng kasalanan ng mga anak ng Ama sa Langit upang mapatawad at makabalik tayo sa Kanya nang malinis.
Ibinigay Niya sa atin ang kaloob na iyan sa halagang di natin kayang unawain. Iyon ay kaloob na hindi Niya kailangan para sa Kanyang sarili; Hindi Niya kailangang mapatawad. Ang galak at pasasalamat na nadarama natin sa Kanyang kaloob ngayon ay lalong titindi at mananatili magpakailanman kapag atin Siyang pinuri at sinamba sa ating tahanan sa langit.
Hinihikayat tayo ng Kapaskuhan na alalahanin Siya at ang Kanyang walang hanggang kabaitan. Ang pag-alaala sa Kanyang kabaitan ay tutulong sa atin na madama at sundin ang inspirasyon na may isang nangangailangan ng ating tulong, at ipakikita nito ang kamay ng Diyos na kumakalinga sa atin kapag nagsusugo Siya ng taong tutulong sa atin, gaya ng madalas Niyang gawin. May galak sa pagbibigay at sa pagtanggap ng kabaitang binigyang-inspirasyon ng Diyos, lalo na sa Kapaskuhan.
Pinagpala ng Kanyang Liwanag
May isa pang halimbawa ng langit na mas malinaw nating makikita sa Kapaskuhan. Ito ay ang liwanag. Ginamit ng Ama sa Langit ang liwanag sa pagpapabatid ng pagsilang ng Kanyang Anak, na ating Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 2; 3 Nephi 1). Isang bagong bituin ang nakita kapwa sa bahaging Silangan at Kanluran. Itinuro nito ang mga Pantas na Lalaki sa bata sa Bet-lehem. Maging ang masamang si Haring Herodes ay natukoy ang tanda; natakot siya rito dahil siya ay masama. Nagalak ang mga Pantas na Lalaki sa pagsilang ng Cristo, na siyang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan. Tatlong araw na liwanag na walang kadiliman ang tandang ibinigay ng Diyos sa mga inapo ni Lehi, na nagpapahayag ng pagsilang ng Kanyang Anak.
Inaalaala natin sa Kapaskuhan hindi lamang ang liwanag na nagpahayag ng pagsilang ni Cristo sa sanlibutan kundi pati ang liwanag na nagmumula sa Kanya. Maraming saksing nagpatunay sa liwanag na iyan. Pinatotohanan ni Pablo na nakita niya ito sa daan patungong Damasco:
“Nakita ko sa daan ang isang ilaw na mula sa langit, na lalong maningning kay sa araw, at lumiwanag sa palibot ko at sa mga nasisipaglakbay na kasama ko.
“At nang mangapasubasob sa lupa kaming lahat, ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig? mahirap sa iyo ang sumikad sa mga matulis.
“At sinabi ko, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi ng Panginoon, Ako’y si Jesus na iyong pinaguusig” Mga Gawa 26:13–15).
Pinatotohanan ng batang si Joseph Smith na siya ay nakakita ng kagila-gilalas na liwanag sa isang kakahuyan sa Palmyra, New York, sa pagsisimula ng Panunumbalik:
“Sa sandaling ito ng labis na pangamba, ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.
“Hindi pa natatagalan nang ito’y lumitaw na natuklasan kong naligtas na ang aking sarili mula sa kaaway na gumapos sa akin. Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).
Ang gayong liwanag ay makikita sa ating tahanan sa langit. Maghahatid ito ng galak sa atin. Gayunman sa buhay na ito ay mapalad kayong matikman kahit bahagi lamang ng napakagandang karanasang iyon, sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo. Bawat taong isinisilang sa mundong ito ay nakatatanggap ng liwanag na iyon bilang kaloob (tingnan sa Moroni 7:16). Isipin ninyo ang mga pagkakataong naranasan ninyong maging saksi na ang Liwanag ni Cristo ay tunay at natatangi. Malalaman ninyo mula sa nagbibigay-katiyakang banal na kasulatang ito na nagabayan kayo ng liwanag na iyan:
“At yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos, at ito ay kadiliman.
“Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.
“At … sinasabi ko ito upang inyong malaman ang katotohanan, upang inyong maitaboy ang kadiliman mula sa inyo” (D at T 50:23–25).
Sa daigdig na nadidiliman ng masasamang imahe at mapanlinlang na mga mensahe, pinagpala kayo na mas madaling matukoy ang mga kislap ng liwanag at katotohanan. Natutuhan ninyo mismo na lalong nagniningning ang liwanag kapag malugod ninyo itong tinanggap. Lalo itong magliliwanag hanggang sa ganap na araw kung kailan makakapiling natin ang Pinagmumulan ng liwanag.
Mas madaling mahiwatigan ang liwanag na iyon sa Kapaskuhan, kung kailan mas nahihikayat tayong malaman ang nais ng Diyos na gawin natin at mas nahihikayat tayong magbasa ng mga banal na kasulatan kaya nga mas gusto nating sundin ang Panginoon. Kapag nagpapatawad tayo at nakadarama ng kapatawaran, kapag iniaangat natin ang mga kamay na nakababa (tingnan sa D at T 81:5), naiaangat din tayo habang kumikilos tungo sa Pinagmumulan ng liwanag.
Naaalala ninyo na inilarawan ng Aklat ni Mormon ang isang kagila-gilalas na panahon kung saan nabanaag sa anyo ng matatapat na disipulo ng Tagapagligtas ang Kanyang liwanag upang makita ng iba (tingnan sa 3 Nephi 19:24–25). Gumagamit tayo ng mga ilaw para ipagdiwang ang Kapaskuhan. Ang ating pagsamba sa Tagapagligtas at paglilingkod sa Kanya ay nagdudulot ng liwanag sa ating buhay at sa buhay ng mga nakapaligid sa atin.
May tiwala tayo na mithiing gawing mas maliwanag ang Kapaskuhang ito kaysa noong nakaraan at gawing mas maliwanag ang bawat susunod na taon. Maaaring tumindi ang mga pagsubok sa buhay na ito, ngunit para sa atin, hindi kailangang maragdagan ang kadiliman kung itutuon natin ang ating mga mata sa liwanag na dumadaloy sa atin sa pagsunod natin sa Panginoon. Aakayin at tutulungan Niya tayo sa landas na patungo sa tahanang ating inaasam.
Madalas na may mga pagkakataon noon sa Kapaskuhan, na nadama natin ang ilang bahagi ng mararanasan natin sa sandaling makauwi tayo sa ating Ama na nagmamahal sa atin at sumasagot sa ating mga dalangin at sa Tagapagligtas na nagbibigay-liwanag at inspirasyon sa ating buhay.
Pinatototohanan ko na dahil sa Kanya, makatitiyak kayo na hindi lamang kayo makauuwi sa Kapaskuhan kundi kasama pa ninyong mabubuhay magpakailanman ang pamilyang inyong minamahal at nagmamahalan.