2009
Kailan Ka Namin Nakitang Maysakit?
Disyembre 2009


Kailan Ka Namin Nakitang Maysakit?

Araceli López Reséndiz, Veracruz, Mexico

Mula 2003 hanggang 2005 naglingkod ako bilang Young Women president sa Gutiérrez Zamora Ward, sa Veracruz, Mexico. Tuwing Pasko nagluluto ang mga kabataang babae at kanilang mga lider ng mga pagkaing ipamimigay sa nakatatandang mga miyembro ng aming ward.

Habang palapit ang Pasko noong 2005, nagpraktis kami ng mga awiting Pamasko at nagsuot ng pulang sumbrero at bandana. Tuwing taglamig naman tuluy-tuloy ang ambon at ihip ng malamig na hangin mula sa hilaga sa aming nayon. Pero hindi iyon nakahadlang sa mga isang dosenang kabataan na lumabas dala ang maraming pineapple pie namin.

Nang makarating kami sa mga tahanan ng matatandang miyembro namin, masaya kaming kumanta. Iniwan namin ang bawat tahanan na nasisiyahan dahil, kahit saglit lang, nakapagpasaya kami sa aming mga pag-awit at mga pie.

Ang huling sister na binisita namin ay maraming taon nang di-gaanong aktibo. Kahit hindi kilala ng mga kabataan si Juanita, matagal na namin siyang kilala ng aking asawa. Nakaratay na siya, malubha ang sakit, at naghihikahos. Ilang araw bago iyon, bumisita ang elders quorum sa bahay niya para magkumpuni.

Pagdating namin sa bahay niya, tinawag ko ang pangalan niya. Walang sumagot, kaya nagpatuloy ako sa pagtawag. Hindi nagtagal nakarinig ako ng mahinang boses na nagsabing, “Pasok ka, Sister Araceli.” Pumasok kami at masaya at masiglang kumanta, kahit nalungkot kami sa kalagayan niya. Hindi pa natatagalan bago iyon, masiglang-masigla pa si Juanita. Ngayon kapag bumabangon siya, hindi mapigilan ng mga kabataan ang maluha. Labis siyang naantig at nagpasalamat sa pagbisita namin sa kanya at sa pagtulong na madama niya, sa aming mga awiting Pamasko, na naaalala at mahal siya ng ating Ama sa Langit.

Nang umalis kami sa aba niyang tirahan, nagpasalamat ang mga kabataaan na nakantahan nila siya. Balewala sa kanila na nabasa sila ng ulan at nalamigan; puno ng galak ang kanilang puso dahil naibahagi nila ang kapirasong bahagi ng kaligayahang nadama nila. Doon ko lalong lubos na naunawaan ang mga talatang nagsasaad na:

“Ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw. …

“… Kailan ka namin nakitang may-sakit … at dinalaw ka namin?

“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:36, 39–40).

Nalungkot ako nang pumanaw si Juanita makalipas ang ilang araw, ngunit natitiyak ko na mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Alam ko rin na kung susundin natin ang Espiritu, magiging kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay sa pagpapala sa bawat isa.