Bakit Ko Kailangang Manatili Rito?
Megan Robinson, Utah, USA
Isang linggo bago sumapit ang Pasko noong 2007 dalawa sa mga anak ko ang nasuring may strep throat at impeksyon sa tainga. Daing nang daing si Jacob, edad 5, habang papunta kami sa botika para bilhin ang gamot niya, at ayaw bumitaw sa akin ni Beth, 19 na buwan.
Pagdating namin, sinalubong kami ng mahabang pila sa bilihan ng gamot. Nang hilahin ni Jacob ang binti ko at idaing ang tainga niya, nagpiglas si Beth sa pagkakarga ko. Akala ko pipirmi lang siya sa tabi ko, pero pagkababang-pagkababa niya, diretso siyang tumakbo sa isang matandang ginoong nakaupo sa bangko malapit sa linya.
Nakatitig ang lalaki sa sahig, at nakapangalumbaba. Tinawag ko lang si Beth, dahil ayoko nang umalis sa pila, pero nilapitan pa rin niya ang matanda at sinilip pa ang mukha nito habang nakabungisngis at humahagikgik.
Pinapunta ko si Jacob para kunin siya. Hinila niya ang kamay nito at sinubukang ilayo sa lalaki, pero ayaw nitong sumama. Pagkatapos ay itinulak niya sa noo ang lalaki para mag-angat ito ng ulo. Habang nag-aalala ako, naghubad ng sapatos si Beth at inihagis ito sa kandungan ng lalaki. Umupo nang tuwid ang lalaki at ngumiti.
“Beth!” pagtawag ko.
“Okay lang,” sabi ng lalaki na pagod na ang boses. “Itatali ko ang sintas ng sapatos niya.”
Medyo kinabahan ako habang isinusuot niya kay Beth ang sapatos. Nang matapos siya, niyakap niya si Beth at hinalikan sa ulo. Ayaw pa niyang pawalan agad si Beth, kaya mabilis kong iniwan ang pila para sagipin ang anak ko mula sa estrangherong ito.
Habang palapit ako, napuna kong may luha ang kanyang mga mata. Nag-aalala akong umupo sa tabi niya.
“May sasabihin ako sa iyo,” sabi ng lalaki, na nakatitig nang diretso. “Wala pang isang buwan nang mamatay ang asawa ko, at mga isang oras ko pa lang napag-alaman na mamamatay ako sa kanser. Pumunta ako rito para bumili ng gamot, at pinagninilayan ko ang buhay ko at iniisip kong magpakamatay. Palagay ko hindi ko kayang magdiwang ng Pasko at tiisin ang sakit ng kanser nang wala ang mahal kong asawa.”
Sabi niya patuloy siyang nagdarasal, nagtatanong sa Diyos, “Kung kailangan ko pong manatili rito para sa isang bagay, sabihin na Ninyo ngayon, o uuwi ako para tapusin na ang lahat.” Bago pa man niya nasabing “amen,” sinimulan na siyang kulitin ni Beth at tawagin siyang “Lolo.”
“Alam ko na ngayon kung bakit ko kailangang magtagal pa rito,” sabi niya. “Kailangan akong manatili rito para sa aking mga apo. Kailangan nila ako.”
Niyakap ko siya at hindi ko napigilang umiyak. Pagkatapos ay binili ko na ang aming gamot. Hinalikan ni Beth, na tila malubha ang sakit kani-kanina lang, sa pisngi ang lalaki at masayang umalis kasama namin ni Jacob, na kumakaway at sinasabing, “Paalam, Lolo.”
Hindi ko itinanong ang pangalan niya, pero hindi ko malilimutan na kahit ang isang batang nangungulit sa isang matandang lalaki ay maaaring maging sagot sa dalangin.