2010
At ang Ibang Nagaalinlangan ay Inyong Kahabagan
Nobyembre 2010


At ang Ibang Nagaalinlangan ay Inyong Kahabagan

Ang kagandahan ng visiting teaching ay ang makitang nagbabago ang buhay ng mga tao, napapalis ang mga luha, napalalakas ang mga patotoo, minamahal ang mga tao, pinapalakas ang mga pamilya.

Barbara Thompson

Mga kapatid, isang malaking pagpapala ang makasama kayo, ang madama ang inyong lakas at pagmamahal para sa Panginoon. Salamat sa inyong pagmamahal at habag na ibinibigay sa iba sa araw-araw.

Noong nagsisimula pa lamang ang Relief Society sa Nauvoo, alam nating ang mga kababaihan noon ay nagbabahay-bahay, pinaglilingkuran ang isa’t isa, inaalam ang mga pangangailangan, nagdadala ng pagkain, nag-aalaga ng may karamdaman, at nagpapakita ng habag sa bawat babae at kanyang pamilya.1 Ipinaaalala nito sa akin ang banal na kasulatan na matatagpuan sa Judas: “At ang ibang nagaalinlangan ay inyong kahabagan.”2 Habang iniisip ko ang banal na kasulatang ito at ang kahulugan nito, nabaling ang isipan ko sa Tagapagligtas at sa maraming ulit na pagbanggit ng mga banal na kasulatan tungkol sa pagmamahal at awa ni Cristo para sa lahat.

Sa Bagong Tipan madalas nating mabasa na si Cristo ay “nahabag”3 sa mga tao sa Kanyang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan. Nahabag Siya nang makita Niya silang nagugutom at pinakain Niya sila, o nang sila ay may karamdaman at pinagaling Niya sila, o noong kailangan nila ng espirituwal na pangangalaga at tinuruan Niya sila.

Ang ibig sabihin ng mahabag ay makadama ng pagmamahal at awa sa ibang tao. Ang ibig sabihin nito ay magkaroon ng simpatiya at hangaring ibsan ang pagdurusa ng iba. Ang ibig sabihin nito ay magpakita ng kabaitan at pagmamalasakit sa iba.

Iniutos sa atin ng Tagapagligtas na gawin ang mga bagay na Kanyang ginawa,4 magpasan ng pasanin ng isa’t isa, aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, makidalamhati sa yaong mga nagdadalamhati,5 pakainin ang nagugutom, dalawin ang may karamdaman,6 tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa,7 at “turuan … ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian.”8 Para sa akin ang mga salita at gawaing ito ay naglalarawan sa mga visiting teacher—yaong mga naglilingkod sa iba.

Ang visiting teaching ay nagbibigay sa mga kababaihan ng oportunidad na pangalagaan, palakasin, at turuan ang isa’t isa. Tulad din na ang isang teacher sa Aaronic Priesthood ay may responsibilidad na “pangalagaan ang Simbahan tuwina” at “makapiling at palakasin sila,”9 ipinapakita ng isang visiting teacher ang kanyang pagmamahal kapag mapanalangin niyang pinagtutuunan ang bawat babaeng tungkulin niyang paglingkuran.

Ipinaaalala sa atin ni Sister Julie Beck, “Dahil sinusunod natin ang halimbawa at mga turo ni Jesucristo, mahalaga sa atin ang sagradong tungkulin na magmahal, umalam, maglingkod, umunawa, magturo, at magministeryo, alang-lang sa Kanya.”10

Ngayon, gusto kong magsalita tungkol sa dalawang bagay:

  • Ang mga pagpapalang naidudulot ninyo sa iba sa inyong paglilingkod bilang visiting teacher.

  • At ang mga pagpapalang natatanggap ninyo sa paglilingkod sa iba.

Ang mga Pagpapalang Naidudulot Ninyo sa Iba sa Inyong Paglilingkod Bilang Visiting Teacher

Di pa natatagalan nakausap ko ang isang grupo ng kababaihan sa Anchorage, Alaska. May mga 12 kababaihan sa silid at 6 pa ang nakibahagi sa pamamagitan ng speaker phone mula sa mga lungsod at bayan sa buong Alaska. Marami sa kababaihang ito ang nakatira daan-daang milya ang layo mula sa gusali ng Simbahan. Tinuruan ako ng mga kababaihang ito ng tungkol sa visiting teaching.

Para personal na mabisita ang lahat ng sister, kailangang sumakay sa eroplano, magbarko, o bumiyahe nang napakalayo sakay ng kotse. Malinaw na imposibleng gawin ang pagbisita dahil sa guguling panahon at pera. Gayunpaman, nadama ng mga kapatid na ito na malapit lang silang magkakaugnay dahil madalas nilang ipinagdarasal ang isa’t isa at hinihingi ang gabay ng Espiritu Santo upang malaman ang mga pangangailangan ng kanilang mga kapatid, kahit madalas na di sila personal na nagkikita. Nagawa nilang patuloy na makapag-ugnayan sa pamamagitan ng telepono, internet, at liham. Naglingkod sila nang may pagmamahal dahil nakipagtipan sila sa Panginoon at nais nilang tulungan at palakasin ang kanilang mga kapatid.

Isa pang matapat na magkasama sa visiting teacher sa Democratic Republic of Congo ang naglakad nang napakalayo para bisitahin ang isang babae at kanyang sanggol. Mapanalanging naghanda ng mensahe ang mga kapatid na ito at ninais malaman kung paano sila makakagawa ng kaibhan sa buhay ng minamahal na babaeng ito na kanilang binibisita. Natuwa ang babae sa kanilang pagbisita. Para sa kanya hulog ng langit ang pagbisita nila sa kanya. Sa pagbisita ng mga visiting teacher sa kanilang abang tahanan, ang sister, ang kanyang pamilya, at ang mga visiting teacher ay nainspirasyunan at napagpala. Ang mahabang paglalakbay ay tila di isang sakripisyo. Ang mga visiting teacher na ito ay nahabag, gumawa ng kaibhan para sa kabutihan, at nagdulot ng pagpapala sa buhay ng babaeng ito.

Dahil sa malayong distansya, gastusin, at pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng tao, nagiging imposible sa ilang lugar ng Simbahan na magkaroon ng buwanang ugnayan, ngunit dahil sa kapangyarihan ng pansariling paghahayag, ang mga kababaihang tunay na naghahangad na mahalin ang isa’t isa at pinangangalagaan at pinalalakas ang isa’t isa, ay nakakakita ng makabuluhang paraan na gawin ang tungkuling ito na mula sa Panginoon.

Isang nabigyang-inspirasyong pangulo ng Relief Society ang sumasangguni sa kanyang bishop at mapanalanging nagtalaga ng mga visiting teacher upang tulungan siya sa pangangalaga at pagkalinga sa bawat babae sa ward. Kapag nauunawaan natin ang pagsasanggunian at paghahayag na ito, mas nauunawaan natin ang ating mahalagang responsibilidad na maglingkod at mas tiwalang aasa sa Espiritu upang gabayan tayo sa ating mga gawain.

Ako yaong taong bumibisita sa ilang kababaihan buwan-buwan at pagkatapos ay may pagmamalaki at buong kasiyahang sasabihing “nagawa ko na ang visiting teaching ko!” Sabihin nating nakapagreport ako ng nagawa ko, ngunit kung iyan lang ang dahilan kung bakit ginagawa ko ito, nakakahiya ito.

Ang kagandahan ng visiting teaching ay hindi nakikita sa 100 porsyento na mairereport buwan-buwan; ang kagandahan ng visiting teaching ay ang makitang nagbabago ang buhay ng mga tao, napapalis ang mga luha, minamahal ang mga tao, napalalakas ang pamilya, napapasaya ang mga tao, napapakain ang nagugutom, nadadalaw ang mga may karamdaman, at naaaliw ang mga nagdadalamhati. Ang totoo, hindi kailaman natatapos ang visiting teaching dahil lagi tayong nangangalaga at nagpapalakas.

Ang isa pang pagpapalang dulot ng visiting taching ay ang mapag-ibayo ang ating pagkakaisa at pagmamahal. Pinayuhan tayo ng mga banal na kasulatan kung paano kamtin ito: “At sila ay inutusan niya na … sila ay tumingin sa iisang layunin, na may iisang pananampalataya at iisang binyag, na ang kanilang mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa.”11

Maraming kababaihan ang nag-ulat na ang dahilan kung bakit naging aktibo silang muli sa Simbahan ay dahil sa matapat nilang visiting teacher na pumupunta buwan-buwan at nagtuturo sa kanila, tinutulungan sila, minamahal sila, at nagdudulot ng pagpapala sa kanila.

Kung minsan ang mensahe ang pinakamahalagang bagay na maibabahagi ninyo sa isang pagbisita. May mga kababaihan ang hindi gaanong nakatatanggap ng espirituwal na bagay maliban lamang sa mensaheng ibibigay ninyo. Ang Mga Mensahe sa Visiting Teaching sa Liahona ay mga mensahe ng ebanghelyo na tumutulong sa bawat babae na maragdagan ang kanyang pananampalataya, mapalakas ang kanyang pamilya, at mapagtuunang mabuti ang pagkakawanggawa.

Kung minsan ang pinakamahalagang pagpapalang maidudulot ng pagbisita ninyo ay ang simpleng pakikinig lamang. Ang pakikinig ay nagdudulot ng kaaliwan, pang-unawa, at paggaling. May mga pagkakataon namang kailangan ninyong kumilos at gumawa ng gawaing-bahay o tumulong na patahanin ang isang batang umiiyak.

Ang mga Pagpapalang Natatanggap Ninyo sa Paglilingkod sa Iba

Ang mga pagpapalang natatanggap ninyo habang pinaglilingkuran ang iba ay marami. Kung minsan sinasabi ko, “Naku, kailangan kong matapos ang visiting teaching ko!” (Yaon ang mga panahon na nakalimutan kong nagbibisita at nagtuturo pala ako ng mga kababaihan. Yaon ang mga pagkakataong itinuturing ko ito na pasanin kaysa pagpapala.) Masasabi ko nang tapat na kapag nagbibisita ako, laging sumasaya ang pakiramdam ko. Ako ay napapasigla, minamahal at pinagpapala, kadalasan nang higit pa kaysa sa kapatid na binibisita ko. Tumitindi ang aking pagmamahal. Nadaragdagan ang pagnanais kong maglingkod. At nakikita ko kung gaano kaganda ang paraang ipinlano ng Ama sa Langit upang mapangalagaan at makalinga ang isa’t isa.

Isa pang pagpapala ng pagiging visiting teacher ang makilala ang isa’t isa at maging kaibigan ang mga taong hindi natin makikilala sa ibang paraan. Paminsan-minsan tinutulutan tayo nito na maging kasagutan sa panalangin ng isang tao. Gayundin, ang pansariling paghahayag at mga espirituwal na karanasan ay may malaking kaugnayan sa visiting teaching.

Naranasan ko ang ilan sa nakapapakumbaba, nakagagalak, at espirituwal na mga karanasan sa buhay ko kapag bumibisita ako sa mga tahanan ng mga kababaihan sa aking ward at sa iba’t ibang panig ng mundo. Tinuturuan namin ang isa’t isa ng ebanghelyo. Magkakasama kaming nananangis, tumatawa, lumulutas ng mga problema, at ako ay napapasigla at napagpapala.

Isang gabi, noong halos matatapos na ang buwan, naghahanda na akong lumuwas at wala pa akong nabibisita ni isa sa aking mga sister. Palalim na noon ang gabi. Hindi ako nakaiskedyul na bumisita. Hindi ako tumawag. Wala akong kasama. Ngunit nagdesisyon akong kailangan kong bisitahin ang kaibigan kong si Julie. Ang anak ni Julie, si Ashley, ay ipinanganak na may sakit sa buto. Bagaman halos anim na taong-gulang na si Ashley, napakaliit niya at walang gaanong magawa maliban lang sa paggalaw ng kanyang mga braso at pagsasalita. Nakahiga lang siya maghapon, araw-araw. Si Ashley ay masayahin, palatawang bata at gustung-gusto kong nasa tabi niya.

Noong dumating ako sa bahay nila nang gabing yaon, pinapasok ako ni Julie at tinawag ako ni Ashley dahil may gusto siyang ipakita sa akin. Pumasok ako at lumuhod sa sahig sa tabi ni Ashley at nasa kabilang gilid naman niya ang kanyang ina. Sabi ni Ashley, “Tingnan ninyo po kaya ko nang gawin ito!” Sa bahagyang pag-alalay ng kanyang ina, nakaya ni Ashley na tumagilid at tumihayang muli. Anim na taon ang hinintay niya bago niya nagawa ang napakagandang bagay na yaon. Habang magkakasama kaming pumapalakpak at humihiyaw at tumatawa at umiiyak sa espesyal na pangyayaring ito, nagpasalamat ako sa Ama sa Langit dahil bumisita ako at hindi ko napalampas ang napakasayang pagkakataong iyon. Kahit matagal nang nangyari ang pagbisitang iyon at pumanaw na ang kagiliw-giliw na si Ashley, pasasalamatan ko kailanman ang napakagandang karanasang iyon kasama siya.

Ang sarili kong ina ay isang mabait at tapat na visiting teacher sa loob ng maraming taon. Palagi niyang iniisip kung paano niya matutulungan ang mga pamilyang binibisita niya. Binibigyan niya ng atensyon lalo na ang mga anak ng mga babaeng kanyang binibisita sa pag-asang mapalalakas niya ang mga pamilya. Naaalala ko pa nang patakbong sinalubong ng isang limang-taong-gulang na bata ang aking ina sa Simbahan at sinabing. “Kayo po ang visiting teacher ko. Mahal ko po kayo!” Ang maging bahagi ng buhay ng mabubuting kababaihang ito at kanilang pamilya ay isang pagpapala sa aking ina.

Hindi lahat ng mararanasan sa visiting teaching ay masaya at kamangha-mangha. Kung minsan mahirap ito, tulad ng pagbisita sa isang tahanan na hindi ka lubos na tinatanggap o kapag mahirap makausap ang sister na abala sa kanyang mga ginagawa. Maaaring mas matagal na makapagbuo ng magandang samahan sa ilang kababaihan sa Simbahan. Ngunit kapag talagang hinahangad nating mahalin, pangalagaan at ipagdasal ang isang kapatid, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na mahanap ang paraan na mapangalagaan at mapalakas siya.

Si Pangulong Thomas S. Monson ay napakabuting tagapaglingkod tulad ng Tagapagligtas. Palagi niyang binibisita at tinutulungan ang iba. Sinabi niya: “Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, paghikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan … Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin.”12

“At walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal, may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, na mahinahon sa lahat ng bagay, anuman ang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalinga.”13

Ang mga kababaihang binibisita natin ay ipinagkatiwala sa ating pangangalaga. Nawa’y magkaroon tayo ng habag at pagmamahal nang sa gayo’y makagawa tayo ng kaibhan sa buhay ng yaong mga ipinagkatiwala sa ating pangangalaga.

Mga kapatid, mahal ko kayo. Dalangin kong madama ninyo ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Pinatototohanan ko sa inyo na buhay ang Tagapagligtas, sa pangalan ni Jesucristo, amen.