2010
Larawan ng Isang Buhay na Inilaan
Nobyembre 2010


Larawan ng Isang Buhay na Inilaan

Ang tunay na tagumpay sa buhay na ito ay nagmumula sa paglalaan ng ating buhay—iyon ay, ang ating panahon at mga pagpili—sa mga layunin ng Diyos.

Elder D. Todd Christofferson

Noong kabataan ko binisita ko ang 1964 World’s Fair sa New York City. Ang isa sa paborito kong puntahan ay ang LDS Church pavilion na may kahanga-hangang replika ng mga taluktok ng Salt Lake Temple. Doon sa kauna-unahang pagkakataon napanood ko ang pelikulang Man’s Search for Happiness. Ang paglalarawan ng pelikula tungkol sa plano ng kaligtasan, na isinalaysay ni Elder Richard L. Evans, ay umantig nang husto sa maraming bisita, pati sa akin. Kabilang sa iba pang mga bagay, sinabi ni Elder Evans:

“Ang buhay ay nagbibigay sa inyo ng dalawang mahahalagang kaloob—ang isa ay panahon, ang isa naman ay kalayaang pumili, ang kalayaang gugulin ang inyong panahon sa anumang nais ninyo. Malaya kayong ipagpalit ang ibinigay sa inyong panahon para sa mga kasiyahan. Maaari ninyo itong ipagpalit sa mga hangaring walang kabuluhan. Maaari ninyo itong iukol sa kasakiman. …

“Nasa inyo ang kalayaang pumili. Ngunit wala kayong maaasahan sa mga ito, sapagkat ang masusumpungan ninyo sa mga ito ay panandaliang kasiyahan.

“Ang bawat araw, bawat oras, bawat minuto ng inyong mortal na buhay ay tunay na magbibigay-sulit balang-araw. At dito sa buhay na ito na namumuhay kayo nang may pananampalataya at pinapatunayan ang inyong sarili na kaya ninyong piliin ang mabuti sa masama, ang tama sa mali, ang walang hanggang kaligayahan sa panandaliang kasiyahan. At ang inyong walang hanggang gantimpala ay ibabatay sa inyong pinili.

“Sinabi ng isang propeta ng Diyos: ‘Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan’—isang kagalakang kinapapalooban ng kaganapan ng buhay, isang buhay na inilaan sa paglilingkod, sa pagmamahal at pagkakasundo sa tahanan at mga bunga ng matapat na paggawa—isang pagtanggap ng Ebanghelyo ni Jesucristo—ng mga hinihingi at kautusan nito.

“Sa mga ito lamang ninyo mahahanap ang tunay na kaligayahan, ang kaligayahang hindi naglalaho kapag patay na ang mga ilaw at musika at lumisan na ang mga tao.”1

Ipinapakita ng mga pahayag na ito ang katotohanang ang ating buhay sa mundo ay isang pangangasiwa sa panahon at mga pagpili na ipinagkaloob ng ating Tagapaglikha. Ang salitang pangangasiwa ay panawagan sa pagsunod sa batas ng paglalaan ng Panginoon (halimbawa, tingnan sa D at T 42:32, 53), na may papel na ginagampanan sa kabuhayan, ngunit, higit pa riyan, ito ay pagpapamuhay ng selestiyal na batas sa buhay na ito (tingnan sa D at T 105:5). Ang paglalaan ay pagtatalaga sa isang bagay bilang sagrado, na inilaan para sa mga banal na layunin. Ang tunay na tagumpay sa buhay na ito ay nagmumula sa paglalaan ng ating buhay—iyon ay, ang ating panahon at mga pagpili—sa mga layunin ng Diyos (tingnan sa Juan 17:1, 4; at D at T 19:19). Sa paggawa nito, tinutulutan natin Siya na iangat tayo sa pinakamaluwalhati nating tadhana.

Gusto kong talakayin sa inyo ang lima sa mga elemento ng isang buhay na inilaan: kadalisayan, paggawa, paggalang sa katawan ng tao, paglilingkod, at integridad.

Tulad ng ipinakita ng Tagapagligtas, ang buhay na inilaan ay dalisay na buhay. Dahil si Jesus lamang ang tanging nabuhay na walang kasalanan, yaong mga lumalapit sa Kanya at nagpapasan ng Kanyang pamatok ay magtatamo ng Kanyang biyaya, na magiging dahilan upang sila ay maging katulad Niya na walang kasalanan at walang bahid-dungis. Nang may matinding pagmamahal, hinihikayat tayo ng Panginoon sa mga salitang ito, “Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw” (3 Nephi 27:20).

Ang paglalaan samakatwid ay nangangahulugan ng pagsisisi. Ang katigasan ng ulo, paghihimagsik, at pangangatwiran ay dapat iwaksi, at ihalili ang kaamuan, ang hangaring maituwid, at pagtanggap sa lahat ng maaaring hingin ng Panginoon. Ito ang tinatawag ni Haring Benjamin na paghubad sa likas na tao, pagsunod sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu, at pagiging “banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo ang Panginoon” (Mosias 3:19). Ipinapangako sa taong gumagawa nito na mapapasakanya tuwina ang Banal na Espiritu, isang pangakong inaalala at pinaninibago sa bawat pagkakataong nakikibahagi ang nagsisising kaluluwa sa sacrament ng Hapunan ng Panginoon (tingnan sa D at T 20:77, 79).

Minsan ipinahayag ni Elder B. H. Roberts ang mangyayari sa mga salitang ito: “Ang taong lumalakad sa liwanag at karunungan at kapangyarihan ng Diyos, sa huli ay, dahil sa ugnayang iyan, tatanggap ng liwanag at karunungan at kapangyarihan ng Diyos—hinahabi ang maningning na mga sinag na maging banal na tanikala, iniuugnay ang kanyang sarili magpakailanman sa Diyos at ang Diyos sa kanya. Ito ang kabuuan ng maluwalhating mga kataga ng Mesiyas, ‘Ikaw, Ama ay sa akin, at ako’y sa iyo’—na pinakadakilang mithiing makakamtan ng tao.”2

Ang buhay na inilaan ay buhay na puno ng paggawa. Bata pa lang ay ginagawa na ni Jesus ang gawain ng Kanyang Ama (tingnan sa Lucas 2:48–49). Ang Diyos ay niluwalhati sa Kanyang gawaing isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak (tingnan sa Moises 1:39). Tunay na hangad nating makibahagi sa Kanyang gawain, at sa paggawa nito, dapat nating matanto na lahat ng matapat na gawain ay gawain ng Diyos. Sa mga salita ni Thomas Carlyle, “Lahat ng matapat na Paggawa ay sagrado; sa lahat ng matapat na Paggawa, kahit na ito ay hamak lamang may kabanalan ito. Ang anumang matapat na paggawa, saanman sa buong mundo, ay gagantimpalaan ng langit.”3

Ipinlano ng Diyos ang mortal na buhay na ito na nangangailangan ng patuloy na paggawa. Naaalala ko ang simpleng sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Sa pamamagitan ng patuloy na paggawa ay nakatamo [kami] ng maginhawang kabuhayan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:55). Sa pamamagitan ng paggawa natutustusan natin at napagiginhawa ang buhay. Dahil dito nakakayanan natin ang mga kabiguan at trahedya ng mortal na buhay na ito. Ang natamong tagumpay dahil sa pagsisikap ay nagdudulot ng pagpapahalaga sa sarili. Ang paggawa ay nagpapalakas at nagdadalisay ng pagkatao, lumilikha ng kagandahan, at ang kasangkapan sa ating paglilingkod sa isa’t isa at sa Diyos. Ang buhay na inilaan ay puno ng paggawa, minsan paulit-ulit, minsan maliit, minsan hindi napahahalagahan ngunit palaging gawin ang yaong nagpapaunlad, nagdudulot ng kaayusan, nagtataguyod, nagpapasigla, nakatutulong, nagpapabuti.

Sa magagandang sinabi ko tungkol sa paggawa, idaragdag ko rin ang kapakinabangan ng paglilibang. Tulad ng pagbibigay ng kapahingahan sa paggawa, ang mabuting libangan ay kaibigan at kasama tuwina ng paggawa. Ang musika, literatura, sining, sayaw, drama, sports—ay pawang nagbibigay ng kaaliwan upang pagyamanin ang buhay at higit pang mailaan ito. Gayundin, hindi na kailangang sabihin pa na ang halos libangan ngayon ay malaswa, nakabababa, marahas, nagpapahina ng isipan, at pag-aaksaya ng oras. Ang nakakatawa, minsan napakahirap humanap ng mabuting libangan. Kapag ang libangan ay ginawang bisyo, ito ang sisira sa buhay na inilaan. “Samakatwid, mag-ingat, … na huwag kayong humatol na yaong masama ay sa Diyos” (Moroni 7:14).

Ang buhay na inilaan ay gumagalang sa hindi matatawarang kaloob na pisikal na katawan ng tao, na nilikha sa larawan ng Diyos. Ang pangunahing layunin ng mortal na buhay na ito ay magkaroon ng katawan ang bawat espiritu at matutuhang gamitin ang kalayaan sa pagpili sa mortal na katawang ito. Ang pisikal na katawan ay mahalaga rin sa kadakilaan na nangyayari lamang sa ganap na pagsasama ng katawan at espiritu, tulad ng nakita natin sa ating pinakamamahal, nabuhay na muling Panginoon. Sa makasalanang mundong ito, ang ilang buhay ay maikli lamang, ang ilang katawan ay magkakaroon ng depekto, kapansanan, o hindi gaanong malakas para mabuhay, subalit ang buhay ay sapat na para sa bawat espiritu, at bawat katawan ay mabubuhay muli.

Yaong mga naniniwala na nagkataon lang at sanhi ng ebolusyon ang pagkalikha ng ating katawan ay hindi makadaramang may pananagutan sila sa Diyos o sa sinuman sa kahit anong gawin nila sa kanilang katawan. Gayunpaman, tayo na may patotoo tungkol sa mas malawak na katotohanan ng buhay bago tayo isinilang, ng mortal na buhay at kabilang buhay ay dapat kilalaning may tungkulin tayo sa Diyos dahil sa lubos na tagumpay ng Kanyang pisikal na paglikha. Sa mga salita ni Pablo:

“O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios, at hindi kayo sa inyong sarili?

“Sapagka’t kayo’y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan, [at inyong espiritu] ang Dios” (I Mga Taga Corinto 6:19–20).

Tinatanggap ang mga katotohanang ito at ang tagubilin ni Pangulong Thomas S. Monson sa huling pangkalahatang kumperensya noong Abril, tiyak na hindi natin papapangitin ang ating katawan sa pagpapatato, o pahihinain ito sa paggamit ng mga droga, o dumihan ito sa pangangalunya, pakikiapid, o kahalayan.4 Dahil ito ang katawan ng ating espiritu, napakahalagang pangalagaan natin ito sa abot ng ating makakaya. Dapat nating ilaan ang lakas at mga kakayahan nito upang makapaglingkod at maipalaganap ang gawain ni Cristo. Sabi ni Pablo, “Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios” (Mga Taga Roma 12:1).

Ipinakita ni Jesus na ang buhay na inilaan ay isang buhay na puno ng paglilingkod. Mga ilang oras bago magsimula ang pagdurusa sa Kanyang Pagbabayad-sala, mapagpakumbabang hinugasan ng Panginoon ang mga paa ng Kanyang mga disipulo, sinasabi sa kanila:

“Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa’t isa.

“Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kay sa nagsugo sa kaniya” (Juan 13:14–16).

Yaong tahimik at mapagmalasakit na gumagawa ng mabuti ay nagpapakita ng halimbawa ng paglalaan. Walang sinuman sa ating panahon ang mas ganap na nailalakip ang katangiang ito sa pang-araw-araw na buhay kaysa kay Pangulong Thomas S. Monson. Napatalas niya ang kanyang pandinig na nakahihiwatig maging sa pinakabanayad na bulong ng Espiritu na nagsasabing may taong nangangailangan ng kanyang tulong. Madalas na sa simpleng mga pagkilos naipapakita ang banal na pagmamahal at pagmamalasakit at, palaging tumutugon si Thomas Monson.

Nakita ko sa buhay ng aking lolo’t lola na sina Alexander DeWitt at Louise Vickery Christofferson ang gayong paglalaan. Si Lolo ay isang matipunong lalaki at mahusay sa paggupit ng balahibo ng tupa noong panahong wala pang de-kuryenteng panggupit. Mahusay siya, sabi niya, na “sa isang araw nakagupit ako ng 287 tupa at maaaring umabot pa ng mahigit 300, pero wala na kaming gugupitang tupa.” Noong 1919, nagupitan niya ng balahibo ang mahigit 12,000 tupa, at kumita ng mga $2,000. Ang pera ay magagamit sana sa pagpapalawak ng kanyang bukirin at pagpapaayos ng kanyang tahanan, subalit dumating ang tawag na maglingkod sa Southern States Mission mula sa Mga Kapatid, at sa lubos na suporta ni Louise, tinanggap niya ito. Iniwan niya sa kanyang asawa (na noon ay nagdadalang-tao sa kanilang unang anak na lalaki na aking ama) at sa kanilang tatlong anak na babae ang perang kinita mula sa pinaggupitan ng balahibo ng tupa. Sa kanyang masayang pag-uwi makalipas ang dalawang taon, nakita niya, “Ang aming inipon ay nagtagal ng buong dalawang taon, at may natira pang $29.”

Ang buhay na inilaan ay buhay na puno ng integridad. Nakikita natin ito sa mag-asawa na “gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.”5 Nakikita natin ito sa ama at ina na ang unang priyoridad ay patatagin ang kanilang pagsasama at tiyakin ang pisikal at espirituwal na kapakanan ng kanilang mga anak. Nakikita natin ito sa yaong matatapat.

Mga ilang taon na ang nakararaan nakilala ko ang dalawang pamilya habang kanilang ipinasasara ang pinagsosyuhan nilang commercial enterprise. Itinatag ng mga may-ari, dalawang lalaking magkaibigan at parehong miyembro ng relihiyong Kristiyano, ang kompanya maraming taon na ang nakalipas. Maganda ang samahan nila bilang magkasosyo sa negosyo, ngunit sa kanilang pagtanda at naging kabahagi na ang mga anak nila sa negosyo, nagkaroon ng pagtatalu-talo. Sa huli, lahat ng partido ay nagpasiyang makabubuting hatiin ang mga ari-arian at magkani-kanya na. Isa sa orihinal na kasosyo ang nagplano ng isang istratehiya kasama ang kanyang mga abugado upang mapunta sa kanya ang malaking halaga sa hahatiing ari-arian na makapipinsala sa kabuhayan ng kanyang kasosyo at mga anak nito. Sa miting ng dalawang pamilya, isa sa mga anak na lalaki ang nagreklamo sa hindi makatarungang pagtratong ito at kinonsensya ang katapatan at paniniwalang Kristiyano ng unang kasosyo. “Alam mong hindi ito tama,” sabi niya. “Paano mo nagawang manlamang sa ganitong paraan, lalo na sa isang kamiyembro mo sa simbahan?” Pagalit na sinabi ng abugado ng unang kasosyo, “Mag-isip-isip ka nga! Bakit ba napaka-ignorante mo?”

Ang integridad ay hindi pagiging ignorante o walang-muwang. Ang ignorante o kawalang-muwang ay ang akalaing hindi tayo mananagot sa Diyos. Ipinahayag ng Tagapagligtas: “Isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; … upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin, at katulad ng pagtataas sa akin ng mga tao gayundin ang mga tao ay ibabangon ng aking Ama, upang tumayo sa harapan ko, upang hatulan sa kanilang mga gawa, kung ang mga yaon ay mabuti o kung ang mga yaon ay masama” (3 Nephi 27:14). Ang taong inilaan ang buhay ay hindi naghahangad ng masama sa kapwa, at kahit ano pa ang mangyari, ay ibabaling ang kanyang kabilang pisngi, at kung hinihingi ang kanyang tunika, ay ibibigay rin niya ang kanyang balabal (tingnan sa Mateo 5:39–40). Ang pinakamatinding pinagwikaan ng Tagapagligtas ay ang mga mapagkunwari. Ang pagkukunwari ay lubhang nakapipinsala, hindi lamang sa mapagkunwari, kundi sa lahat ng nakakakita o nakaaalam ng kanyang ugali, lalo na sa mga bata. Ito ay nakawawasak ng pananampalataya, samantalang ang katapatan ay lumilikha ng kapaligirang nagpapalakas ng pananampalataya.

Ang buhay na inilaan ay isang magandang bagay. Ang lakas at kagandahan nito ay “tulad sa isang mabungang punungkahoy na itinanim sa mabuting lupa, sa tabi ng isang dalisay na sapa, na nagbubunga ng labis na mahahalagang bunga” (D at T 97:9). Napakahalaga ng impluwensya ng isang banal na lalaki o babae sa iba, lalo na sa mga taong pinakamalapit at pinakamamahal nila. Ang paglalaan ng maraming pumanaw na at ng iba pa na kapiling natin ay nakatulong sa pagtatatag ng pundasyon para sa ating kaligayahan. Sa ganito ring paraan ang mga henerasyon sa hinaharap ay magkakalakas-loob mula sa inyong buhay na inilaan, tatanaw ng utang na loob sa inyo dahil napasakanila ang lahat ng tunay na mahalaga. Nawa ay ilaan natin ang ating mga sarili bilang mga anak na lalaki at babae ng Diyos; “na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa” (Moroni 7:48; tingnan din sa I Ni Juan 3:2), ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Man’s Search for Happiness (polyeto, 1969), 4–5.

  2. B. H. Roberts, “Brigham Young: A Character Study,” Improvement Era, Hunyo 1903, 574.

  3. Thomas Carlyle, Past and Present (1843), 251.

  4. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Ang Paghahanda ay Naghahatid ng mga Pagpapala,” Liahona at Ensign, Mayo 2010, 64–67.

  5. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49; Ensign, Nob. 1995, 102.