Tanggapin ang Espiritu Santo
Ang apat na salitang ito—“Tanggapin ang Espiritu Santo—ay hindi isang pahayag na walang kaakibat na paggawa; bagkus, kinapapalooban ito ng isang utos sa priesthood—isang makapangyarihang payo na kumilos at hindi lamang pinakikilos.
Ang aking mensahe ay nakatuon sa kahalagahan ng pagsisikap sa ating pang-araw- araw na buhay na tunay na tanggapin ang Espiritu Santo. Ipinagdarasal at inaanyayahan ko ang Espiritu ng Panginoon na turuan at patibayin ang bawat isa sa atin.
Ang Kaloob na Espiritu Santo
Noong Disyembre ng taong 1839, habang nasa Washington D.C. para humingi ng bayad-pinsala sa mga kamaliang ginawa sa mga Banal sa Missouri, sumulat sina Joseph Smith at Elias Higbee kay Hyrum Smith: “Sa aming pakikipanayam sa Pangulo [ng Estados Unidos], itinanong niya kung ano ang kaibhan ng relihiyon natin sa ibang relihiyon sa ngayon. Sinabi ni Brother Joseph na kaiba ang paraan natin ng pagbibinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Naisip namin na lahat ng iba pang konsiderasyon ay saklaw ng kaloob na Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 113).
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos; Siya ay isang personahe ng espiritu at nagpapatotoo sa lahat ng katotohanan. Sa mga banal na kasulatan tinukoy ang Espiritu Santo bilang Mang-aaliw (tingnan sa Juan 14:16–27; Moroni 8:26), guro (tingnan sa Juan 14:26; D at T 50:14), at tagapaghayag (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Ang mga paghahayag mula sa Ama at sa Anak ay ipinararating sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Siya ang sugo at saksi ng Ama at ng Anak.
Ang Espiritu Santo ay ipinakikita sa kalalakihan at kababaihan sa mundo kapwa bilang kapangyarihan at bilang kaloob na Espiritu Santo. Ang kapangyarihan ay maaaring dumating sa isang tao bago siya mabinyagan; ito ang saksing nangungumbinsi na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, makukumbinsi ang matatapat na investigator sa katotohanan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas, ng Aklat ni Mormon, ng katunayan ng Panunumbalik, at ng pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta.
Ang kaloob na Espiritu Santo ay iginagawad lamang matapos ang wastong pagbibinyag ng may awtoridad sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Ipinahayag ng Panginoon:
“Oo, magsisi at magpabinyag, bawat isa sa inyo, para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan; oo, magpabinyag maging sa pamamagitan ng tubig, at pagkatapos ay sasapit ang pagbibinyag ng apoy at ng Espiritu Santo. …
“At sinuman ang may pananampalataya ay papagtibayin ninyo sa aking simbahan, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, at aking ipagkakaloob ang kaloob na Espiritu Santo sa kanila” (D at T 33:11, 15).
Nilinaw ni Apostol Pablo ang gawaing ito sa mga taga-Efeso nang itanong niya:
“Tinanggap baga ninyo ang Espiritu Santo nang kayo’y magsisampalataya? At sinabi nila sa kanya, Hindi, hindi man lamang namin narinig na may ibinigay na Espiritu Santo.
“At sinabi niya, Kung gayo’y sa ano kayo binautismuhan? At sinabi nila, Sa bautismo ni Juan.
“At sinabi ni Pablo, Nagbabautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa bayan na sila’y magsisampalataya sa darating sa hulihan niya, sa makatuwid baga’y kay Jesus.
“At nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.
“At nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kaniyang kamay, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo” (Mga Gawa 19:2–6).
Pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog ang “panimulang ordenansa ng ebanghelyo, at kinakailangang masundan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo upang malubos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibinyag, Binyagan”). Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na “ang binyag ay banal na ordenansang naghahanda para matanggap ang Espiritu Santo; ito ang daluyan at susi sa pagkakaloob ng Espiritu Santo. Ang Kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay hindi matatanggap sa pamamagitan ng anumang iba pang alituntunin maliban sa alituntunin ng kabutihan” (Pagtuturo: Joseph Smith, 112).
Ang ordenansa ng pagkumpirma sa bagong miyembro ng Simbahan at paggawad ng kaloob na Espiritu Santo ay kapwa simple at malalim. Ipinapatong ng mga karapat-dapat na maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang kanilang mga kamay sa ulunan ng isang tao at sinasambit ang kanyang pangalan. Pagkatapos, sa awtoridad ng banal na priesthood at sa pangalan ng Tagapagligtas, ang tao ay kinukumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at sinasambit ang mahalagang mga salitang ito: “Tanggapin ang Espiritu Santo.”
Maaari nating makaligtaan ang kahalagahan nito dahil sa kasimplehan ng ordenansang ito. Ang apat na salitang ito—“Tanggapin ang Espiritu Santo”—ay hindi isang pahayag na walang kaakibat na paggawa; bagkus, kinapapalooban ito ng isang utos sa priesthood—isang makapangyarihang payo na kumilos at hindi lamang pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:26). Hindi nagkakaroon ng impluwensya ang Espiritu Santo sa ating buhay dahil lamang sa mga kamay na ipinatong sa ating ulunan at sa apat na mahalagang salitang iyon na sinambit. Sa pagtanggap natin sa ordenansang ito, tinatanggap ng bawat isa sa atin ang isang sagrado at patuloy na responsibilidad na maghangad, humiling, gumawa, at mamuhay nang karapat-dapat para tunay nating “tanggapin ang Espiritu Santo” at ang kasama nitong mga espirituwal na kaloob. “Sapagkat ano ang kapakinabangan ng tao kung ang isang handog ay ipinagkaloob sa kanya, at hindi niya tinanggap ang handog? Masdan, hindi siya nagsasaya sa yaong ibinigay sa kanya, ni nasisiyahan sa kanya ang siyang nagkaloob ng handog” (D at T 88:33).
Ano ang dapat nating gawin upang patuloy na magkatotoo ang makapangyarihang payong ito na hilingin ang patnubay ng ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos? Imumungkahi ko na kailangan nating (1) taimtim na hangaring tanggapin ang Espiritu Santo, (2) angkop na anyayahan ang Espiritu Santo sa ating buhay, at (3) tapat na sundin ang mga utos ng Diyos.
Taimtim na Hangarin
Kailangan muna nating hangarin, kasabikan, at hilingin ang patnubay ng Espiritu Santo. Tayo ay matututo ng mahalagang aral tungkol sa mabubuting hangarin mula sa matatapat na disipulo ng Panginoon na inilarawan sa Aklat ni Mormon:
“At ang labindalawa ay nagturo sa maraming tao; at masdan, kanilang pinapangyari na ang maraming tao ay lumuhod sa lupa, at manalangin sa Ama sa pangalan ni Jesus. …
“At sila ay nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila” (3 Nephi 19:6, 9).
Naaalala rin ba nating taimtim at palagiang ipagdasal ang bagay na dapat nating pakahangarin, maging ang Espiritu Santo? O nagagambala tayo ng mga alalahanin ng sanlibutan at ng mga karaniwang gawain sa araw-araw at binabalewala o kinaliligtaan natin itong pinakamahalaga sa lahat ng kaloob? Ang pagtanggap sa Espiritu Santo ay nagsisimula sa ating taimtim at tapat na hangarin sa patnubay Niya sa ating buhay.
Angkop na Anyayahan
Mas mabilis nating natatanggap at nakikilala ang Espiritu ng Panginoon kapag angkop natin Siyang inaanyayahan sa ating buhay. Hindi natin mapipilit, mapupuwersa, o mauutusan ang Espiritu Santo. Bagkus, dapat natin Siyang aanyayahan sa ating buhay nang may kahinahunan at pagmamahal na tulad ng pagsusumamo Niya sa atin (tingnan sa D at T 42:14).
Ang ating mga paanyaya sa patnubay ng Espiritu Santo ay nagaganap sa maraming paraan: sa paggawa at pagtupad ng mga tipan; sa taimtim na pagdarasal nang sarilinan o sa pamilya; sa masigasig na pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan; sa pagpapalakas ng mga angkop na ugnayan sa mga kapamilya at kaibigan; sa pagkakaroon ng mabubuting kaisipan, kilos, at pananalita; at sa pagsamba sa ating tahanan, sa banal na templo, at sa Simbahan. Sa kabilang banda, ang mababaw na pagtrato o paglabag sa mga tipan at pangako, hindi pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at hindi angkop na mga kaisipan, kilos, at pananalita ay nagsasanhi ng paglisan o tuluyang pag-iwas ng Espiritu sa atin.
Tulad ng turo ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, “At ngayon, sinasabi ko sa inyo, mga kapatid ko, na matapos na inyong malaman at maturuan ng lahat ng bagay na ito, kung kayo ay lalabag at sasalungat doon sa mga sinabi na, ay inilalayo ninyo ang sarili sa Espiritu ng Panginoon , upang yaon ay mawalan ng puwang sa inyo na kayo ay patnubayan sa mga landas ng karunungan nang kayo ay pagpalain, paunlarin, at pangalagaan” (Mosias 2:36).
Tapat na Sundin
Ang tapat na pagsunod sa mga utos ng Diyos ay mahalaga sa pagtanggap ng Espiritu Santo. Napapaalalahanan tayo ng katotohanang ito bawat linggo sa pakikinig natin sa mga panalangin sa sacrament at marapat na pakikibahagi sa tinapay at tubig. Nang ipangako natin na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, lagi Siyang alalahanin, at sundin ang Kanyang mga kautusan, pinangakuan tayo na sasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin (tingnan sa D at T 20:77). Kung gayon, lahat ng itinuturo ng ebanghelyo ng Tagapagligtas na gawin at kahinatnan natin ay nilayong biyayaan tayo ng patnubay ng Espiritu Santo.
Isipin ang mga dahilan kung bakit tayo nagdarasal at nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Oo, sabik tayong makipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit sa panalangin sa pangalan ng Kanyang Anak. At oo, hangad nating matamo ang liwanag at karunungang nasa mga pamantayang banal na kasulatan. Ngunit tandaan sana ninyo na ang mga banal na gawing ito higit sa lahat ay mga paraan upang lagi nating maalala ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak at kailangan ito sa patuloy na patnubay ng Espiritu Santo.
Magmuni-muni tungkol sa mga dahilan ng ating pagsamba sa bahay ng Panginoon at sa ating mga pulong sa Sabbath. Oo, pinaglilingkuran natin sa templo ang ating mga kamag-anak na pumanaw—at ang ating mga pamilya at kaibigan sa mga ward at branch na kinabibilangan natin. At oo, nagagalak tayo sa mabuting pagsasamahan ng ating mga kapatid sa Simbahan. Ngunit tayo higit sa lahat ay nagkakaisang magtipon upang humiling ng mga pagpapala at maturuan ng Espiritu Santo.
Ang pagdarasal, pag-aaral, pagtitipon, pagsamba, paglilingkod, at pagsunod ay hindi magkakabukod at magkakahiwalay na gawain sa mahabang listahan ng mga ipinagagawa ng ebanghelyo. Bagkus, bawat isa sa mabubuting gawing ito ay mahalagang bahagi ng napakahalagang espirituwal na hangaring sundin ang utos na tanggapin ang Espiritu Santo. Ang mga utos ng Diyos at inspiradong payo ng mga lider ng Simbahan na sinusunod natin ay nakatuon lalo na sa pagtatamo ng patnubay ng Espiritu. Ang mahalaga, lahat ng turo at aktibidad ng ebanghelyo ay nakasentro sa paglapit kay Cristo at pagtanggap ng Espiritu Santo sa ating buhay.
Dapat tayong magsikap na makatulad ng mga kabataang mandirigma na inilarawan sa Aklat ni Mormon, na “tinupad gawin ang bawat salita ng pag-uutos nang may kahustuhan; oo, at maging alinsunod sa kanilang pananampalataya ay nangyari sa kanila. …
“… At sila ay mahigpit sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos sa araw-araw; oo, patuloy nilang sinusunod ang kanyang mga batas, at kanyang mga kahatulan, at kanyang mga kautusan” (Alma 57:21; 58:40).
Patotoo
Ipinahayag ng Panginoon na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30). Ang ipinanumbalik na Simbahang ito ay totoo dahil ito ang Simbahan ng Tagapagligtas; Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). At buhay ang Simbahang ito dahil sa mga gawain at kaloob ng Espiritu Santo. Kaypalad nating mabuhay sa panahong ang priesthood ay nasa ibabaw ng lupa, at matatanggap natin ang Espiritu Santo.
Ilang taon matapos paslangin si Propetang Joseph Smith, nagpakita siya kay Pangulong Brigham Young at ibinahagi ang walang-kamatayang payong ito: “Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat at tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon at sila ay aakayin nito sa tama. Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig; ituturo nito sa [inyo kung ano] ang [inyong] gagawin at patutunguhan; ibibigay nito ang mga bunga ng kaharian. Sabihin mo sa mga kapatid na panatilihing bukas ang kanilang puso sa paniniwala nang sa gayon kapag dumating sa kanila ang Espiritu Santo, handa ang kanilang puso na tanggapin ito. Makikilala nila ang Espiritu ng Panginoon sa lahat ng iba pang espiritu. Magbubulong ito ng kapayapaan at galak sa kanilang kaluluwa, at papalisin nito ang masamang hangarin, pagkamuhi, inggit, alitan, at lahat ng kasamaan sa kanilang puso; at ang hahangarin lamang nila ay gumawa ng kabutihan, maging makatwiran, at itatag ang kaharian ng Diyos. Sabihin mo sa mga kapatid na kung susundin nila ang Espiritu ng Panginoon hindi sila magkakamali” (Pagtuturo: Joseph Smith, 114–115).
Dalangin ko na taimtim nating hangarin at angkop na anyayahan ang Espiritu Santo sa ating pang-araw-araw na buhay. Dalangin ko rin na bawat isa sa atin ay tapat na sundin ang mga utos ng Diyos at totoong tanggapin ang Espiritu Santo. Ipinapangako ko na ang mga pagpapalang inilarawan ni Propetang Joseph Smith kay Brigham Young ay angkop at matatamo ng bawat taong nakikinig o nagbabasa ng mensaheng ito.
Pinatototohanan ko na tunay na buhay ang Ama at ang Anak. Pinatototohanan ko na ang Espiritu Santo ay isang tagapaghayag, mang-aaliw, at siyang tunay na guro kung kanino tayo nararapat matuto. At pinatototohanan ko na ang mga pagpapala at kaloob ng Espiritu ay nangyayari sa ipinanumbalik, sa totoo, at sa buhay na Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw na ito. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.