2010
Si Pangulong Monson ay Nanawagan para sa mga Misyonero, Ibinalita ang Limang Bagong Templo
Nobyembre 2010


Si Pangulong Monson ay Nanawagan para sa mga Misyonero, Ibinalita ang Limang Bagong Templo

Binuksan ni Pangulong Thomas S. Monson ang ika-180 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya, na ginanap noong Sabado at Linggo, Oktubre 2 at 3, 2010, sa panawagan na mas marami pang miyembro ang magmisyon at sa pagbabalita ng limang bagong templo.

Inulit ni Pangulong Monson ang panawagan sa “bawat karapat-dapat, may kakayahang maglingkod na kabataang lalaki” na maghandang maglingkod; malugod na tinanggap ang mga kabataang babaeng hangad na maglingkod; at ipinahayag ang pangangailangan ng Simbahan sa paglilingkod ng “marami pang mga senior couple.”

“Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood,” wika niya, “isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin, tayo na nabiyayaan nang lubos.”

Ibinalita ni Pangulong Monson na limang bagong templo ang nakaplanong itayo sa Hartford, Connecticut, USA; Indianapolis, Indiana, USA; Lisbon, Portugal; Tijuana, Mexico; at Urdaneta, Pilipinas.

Dahil sa mga bagong templong ito umabot na sa 23 ang bilang ng mga templong ibinalita o itinatayo na. Kapag natapos ang 23 templong ito, aabot na sa 157 ang kabuuang bilang ng mga templo ng Simbahan sa buong mundo.

“Patuloy tayong magtatayo ng mga templo,” sabi ni Pangulong Monson. “… Nawa’y patuloy tayong maging matapat sa pagdalo sa mga templo, na itinatayong palapit nang palapit sa ating mga miyembro” (“Sa Pagkikita Nating Muli,” Liahona at Ensign, Nob. 2010, 4).

Ang mga bagong templo ay magiging una para sa Simbahan sa Portugal, Indiana, at Connecticut. Ang Urdaneta Temple ang magiging ikatlo sa Simbahan sa Pilipinas at ang Tijuana Temple ang magiging ika-labintatlong templo sa Mexico.

Sa loob ng anim na buwan sa pagitan ng mga pangkalahatang kumperensya noong Abril at Oktubre, naglaan ng apat na bagong templo ang Simbahan: Ang Gila Valley Arizona, Vancouver British Columbia, Cebu City Philippines, at Kyiv Ukraine Temples. Ang Laie Hawaii Temple ay naka-iskedyul na muling ilaan sa Nobyembre 21, 2010, matapos magdaan sa malawakang renobasyon.