2010
Pagkatuto at Pagtuturo ng Ebanghelyo
Nobyembre 2010


Pagkatuto at Pagtuturo ng Ebanghelyo

Ang pinakamahalaga ay ang pag-uugali o diwa ng guro habang nagtuturo.

David M. McConkie

Bilang miyembro ng Sunday School general presidency, palagay ko dapat kong simulan ang mensahe ko ngayong umaga sa pagsasabing, “Magandang umaga sa inyong lahat.”

Ang mensahe ko ngayon ay para sa lahat ng natawag na magturo, saan mang organisasyon kayo naglilingkod at bagong binyag man kayo sa Simbahan o isang gurong matagal nang nagtuturo.

Hindi ako magsasalita tungkol sa “kung paano” magturo kundi tungkol sa “kung paano” matuto. Maaaring may malaking kaibhan ang sinasabi ng guro sa naririnig o natututuhan ng mga nasa klase.

Isipin ninyo sandali ang isang guro na talagang nakagawa ng kaibhan sa buhay ninyo. Ano ang katangian niya na naging dahilan para ninyo maalala ang itinuro, naising tuklasin ang katotohanan para sa inyong sarili, gamitin ang kalayaan ninyong pumili at kumilos at hindi basta pinakikilos—sa madaling salita, para matuto? Ano ang katangian ng gurong ito na nagpabukod-tangi sa kanya sa iba?

Sabi ng isang napakahusay na guro at awtor: “Ang pinakamahalaga sa pagkatuto ay pag-uugali. Ang pag-uugali ng guro.”1

Alalahanin na ang pinakamahalaga sa pagkatuto ay hindi kung gaano katagal nang miyembro ng Simbahan ang guro o gaano kalaki ang karanasan ng isang tao sa pagtuturo o maging ang kaalaman ng guro sa ebanghelyo o sa mga pamamaraan ng pagtuturo. Ang pinakamahalaga ay ang pag-uugali o diwa ng guro habang nagtuturo.

Sa isang pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, ikinuwento ito ni Elder Jeffrey R. Holland: “Sa loob ng maraming taon, nagustuhan ko ang kuwento ni Pangulong Packer tungkol sa guro ni William E. Berrett sa Sunday School noong kabataan niya. Isang matandang lalaking taga Denmark ang tinawag [na] magturo sa klase ng makukulit na batang lalaki. … Hindi siya gaanong marunong mag-Ingles; may punto pa rin siya ng wikang Danish; matanda na siya, malaki ang mga kamay dahil sa pag-aararo. Gayunman tuturuan niya ang mga 15-anyos na magugulong batang ito. Sa lahat ng hangarin at layunin, tila hindi talaga sila tugma sa isa’t isa. Subalit palaging sinasabi ni Brother Berret—at ito ang bahaging binabanggit ni Pangulong Packer—na tinuruan sila ng taong ito; [na] sa kabila ng lahat ng hadlang, limitasyon, naantig ng lalaking ito ang puso ng magugulong 15- anyos na mga batang lalaking iyon at binago ang kanilang buhay. At ang patotoo ni Brother Berrett ay ‘Mapapainit natin ang ating mga kamay sa pamamagitan ng nagniningning niyang pananampalataya.’”2

Ang mahuhusay na guro ng ebanghelyo ay nagmamahal sa ebanghelyo. Nasasabik sila rito. At dahil mahal nila ang kanilang mga estudyante, gusto nilang madama ng mga ito ang kanilang nadarama at maranasan ang kanilang naranasan. Ang pagtuturo ng ebanghelyo ay pagbabahagi ng inyong pagmamahal sa ebanghelyo.

Mga kapatid, ang pag-uugali ng isang guro ay hindi napag-aaralan, ito ay natatamo.3

Kung gayon, paano natin tataglayin ang pag-uugaling kailangan para maging mahusay na guro? Gusto kong talakayin ang apat na pangunahing alituntunin ng pagtuturo ng ebanghelyo.

Una, ibuhos ang sarili ninyo sa mga banal na kasulatan. Hindi natin maaaring mahalin ang hindi natin alam. Ugaliin araw-araw na pag-aralan ang banal na kasulatan, nang hiwalay at bukod sa paghahanda ng inyong aralin. Bago natin maituro ang ebanghelyo, dapat nating malaman ang ebanghelyo.

Itinatangi pa rin ni Pangulong Thomas S. Monson ang alaala ng kanyang guro sa Sunday School noong bata pa siya. Sabi niya: “Naranasan ko noong bata pa ako na maimpluwensyahan ng isang napakahusay at inspiradong guro na nakinig sa amin at minahal kami. Ang pangalan niya ay Lucy Gertsch. Sa klase namin sa Sunday School, itinuro niya sa amin ang Paglikha ng mundo, ang Pagkahulog ni Adan, ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesus. Dinala niya sa klase bilang panauhing pandangal sina Moises, Josue, Pedro, Tomas, Pablo, at, mangyari pa, si Cristo. Bagaman hindi namin sila nakita, natutuhan namin silang mahalin, igalang at gawing huwaran.”4

Nagawang anyayahan ni Lucy Gertsch ang mga panauhing pandangal na ito sa kanyang klase dahil kilala niya sila. Sila ang kanyang mahal na mga kaibigan. Dahil diyan, natutuhan din silang “mahalin, igalang, at gawing huwaran” ng kanyang klase.

Sabi ng Panginoon kay Hyrum Smith, “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita.”5 Angkop ang payong ito sa bawat isa sa atin.

Inutusan tayo ng Panginoon na saliksikin ang mga banal na kasulatan,6 magpakabusog sa mga ito,7 at pahalagahan ang mga ito.8 Kapag masigasig nating sinasaliksik ang salita ng Panginoon, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. Makikilala natin ang Kanyang tinig.9

Di nagtagal matapos akong matawag na stake president, tumanggap ng training ang aming stake presidency mula sa Area Seventy. Sa training, nagtanong ako at sinagot niya ako ng, “Magandang tanong iyan. Basahin natin ang Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan para sa sagot.” Pagkatapos ay binasa namin ang hanbuk, at naroon nga ang sagot sa tanong ko. Maya-maya pa sa training namin, may isa pa akong itinanong. Muli siyang sumagot ng, “Magandang tanong. Basahin natin ang hanbuk.” Hindi na ako nagtangkang magtanong pa. Naisip ko na pinakamabuting basahin na lang ang hanbuk.

Naisip ko mula noon na gayon din ang isasagot ng Panginoon sa bawat isa sa atin kapag idinulog natin sa Kanya ang mga problema o tanong. Masasabi Niyang, “Magandang tanong iyan. Kung babasahin mong muli ang Alma kabanata 5 o ang Doktrina at mga Tipan bahagi 76, maaalala mo na nabanggit ko na ito sa iyo.”

Mga kapatid, taliwas sa tuntunin ng langit na ulitin ng Panginoon sa bawat isa sa atin ang naihayag na Niya sa ating lahat. Nasa mga banal na kasulatan ang mga salita ni Cristo. Ang mga ito ang tinig ng Panginoon. Sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay sinasanay tayong pakinggan ang tinig ng Panginoon.

Ikalawa, ipamuhay ang mga bagay na inyong natututuhan. Nang naisin ni Hyrum Smith na maging bahagi ng dakilang gawaing ito sa mga huling araw, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Masdan, ito ang iyong gawain, ang sumunod sa aking mga kautusan, oo, nang buo mong kakayahan, pag-iisip at lakas.”10 Ang una at pinakamahalaga nating gawain bilang mga guro ay sundin ang mga kautusan nang buo nating kakayahan, pag-iisip, at lakas.

Ikatlo, hingin ang tulong ng langit. Magsumamo sa Panginoon para sa patnubay ng Kanyang Espiritu nang buong lakas ng inyong puso. Sabi sa mga banal na kasulatan, “Kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo.”11 Ibig sabihin, kahit gamitin ninyo ang lahat ng tamang pamamaraan sa pagtuturo at totoo ang inyong itinuturo, kung wala ang Espiritu ay walang magaganap na tunay na pagkatuto.

Ang tungkulin ng guro ay “tulungan ang bawat tao na magkaroon ng responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo—pukawin sa kanila ang hangaring pag-aralan, unawain, at ipamuhay ang ebanghelyo.”12 Ibig sabihin, bilang mga guro hindi tayo dapat magtuon nang labis sa ating pamamaraan sa pagtuturo kundi kung paano natin matutulungan ang iba na matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo.13

Kailan kayo huling lumuhod upang hilingin sa Panginoon sa panalangin na tulungan kayo hindi lamang sa inyong aralin kundi upang malaman at matugunan din ninyo ang mga pangangailangan ng bawat estudyante sa inyong klase? Walang klaseng napakalaki para hindi natin maipagdasal na bigyan tayo ng inspirasyon kung paano natin matutulungan ang bawat estudyante.

Natural lang sa mga guro na makaramdam ng kakulangan. Dapat ninyong maunawaan na “ang edad at kahustuhan ng pag-iisip at katalinuhan ay hindi kailangan sa anumang paraan o antas sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon at Kanyang Espiritu.”14

Ang mga pangako ng Panginoon ay tiyak. Kung masigasig ninyong sasaliksikin ang mga banal na kasulatan at pakakaingatan sa inyong isipan ang mga salita ng buhay, kung susundin ninyo ang mga kautusan nang buong puso at ipagdarasal ang bawat estudyante, sasainyo ang Espiritu Santo at tatanggap kayo ng paghahayag.15

Ikaapat, mga kapatid, napakahalaga na gamitin natin ang ating kalayaan, at kumilos nang walang pagpapaliban, alinsunod sa espirituwal na mga paramdam na tinatanggap natin.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Nagmamasid tayo. Naghihintay tayo. Pinakikiramdaman natin ang marahan at banayad na tinig na yaon. Kapag ito ay nangusap, ang matatalinong lalaki at babae ay nagsisisunod. Ang mga paramdam ng Espiritu ay hindi dapat ipagpaliban.”16

Hindi kayo dapat matakot na gamitin ang inyong kalayaan at kumilos ayon sa mga ideya at pakiramdam na inilalagay ng Espiritu ng Panginoon sa inyong puso. Maaaring asiwa pa kayo sa una, ngunit ipinapangako ko sa inyo na ang magiging pinakamatamis at nakasisiyang mga karanasang mapapasainyo bilang guro ay kapag sumang-ayon kayo sa kalooban ng Panginoon at sumunod kayo sa mga paramdam na tinatanggap ninyo mula sa Espiritu Santo. Ang inyong mga karanasan ay magpapalakas sa inyong pananampalataya at magpapaibayo sa inyong tapang na kumilos sa hinaharap.

Mahal na mga guro, isa kayo sa mga dakilang himala ng Simbahang ito. Pinagkatiwalaan kayo ng sagradong bagay. Mahal namin kayo at may tiwala kami sa inyo. Alam ko na kung sasaliksikin natin ang mga banal na kasulatan at mamumuhay tayo nang karapat-dapat para makasama ang Espiritu Santo, tutulungan tayo ng Panginoon sa ating mga tungkulin at responsibilidad upang maisakatuparan natin ang ating tungkulin sa Panginoon. Dalangin ko na nawa’y gawin nating lahat ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. David McCullough, “Teach Them What You Love” (talumpating ibinigay sa Salt Lake Tabernacle, Salt Lake City, Utah, Mayo 9, 2009).

  2. Jeffrey R. Holland, “Pagtuturo at Pag-aaral sa Simbahan,” Liahona, Hunyo 2007, 72.

  3. Tingnan sa McCullough, “Teach Them What You Love.”

  4. Thomas S. Monson, “Mga Halimbawa ng Magagaling na Guro,” Liahona, Hunyo 2007, 76.

  5. Doktrina at mga Tipan 11:21.

  6. Tingnan sa Juan 5:39.

  7. Tingnan sa 2 Nephi 32:3.

  8. Tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:37.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:36; 84:52.

  10. Doktrina at mga Tipan 11:20.

  11. Doktrina at mga Tipan 42:14.

  12. Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin: Mapagkukunang Gabay sa Pagtuturo ng Ebanghelyo (2000), 75.

  13. Tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 75–77.

  14. J. Reuben Clark Jr., The Charted Course of the Church in Education (talumpating ibinigay sa mga lider ng seminary at institute sa Aspen Grove, Utah, Ago. 8, 1938), 6.

  15. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 153.

  16. Thomas S. Monson, “The Spirit Giveth Life,” Liahona, Hunyo 1997, 4.