2010
Ang Nagpapabagong Kapangyarihan ng Pananampalataya at Pagkatao
Nobyembre 2010


Ang Nagpapabagong Kapangyarihan ng Pananampalataya at Pagkatao

Ang palagiang mabuting pamumuhay ay lumilikha ng lakas at katatagan ng loob na maaaring maging permanenteng panlaban sa mapanirang impluwensya ng kasalanan at paglabag.

Elder Richard G. Scott

Kapag ang pananampalataya ay naunawaang mabuti at ginamit nang wasto, napakalaki ng epekto nito. Kayang baguhin ng ganitong uri ng pananampalataya ang buhay ng isang tao mula sa mababaw at pangkaraniwang mga gawain sa araw-araw at gawin itong puno ng kagalakan at kaligayahan. Ang pagpapakita ng pananampalataya ay mahalaga sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Ngunit ang tunay na pananampalataya, ang pananampalataya tungo sa kaligtasan, ay nakasentro sa Panginoong Jesucristo, pananampalataya sa Kanyang mga doktrina at turo, pananampalataya sa patnubay ng propetang hinirang ng Panginoon, pananampalataya sa kakayahang tuklasin ang ating mga tagong katangian at pag-uugaling maaaring magpabago ng buhay. Tunay na ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan.

Ang pananampalataya ay mahalagang pundasyon ng paglikha. Tiwala ako na sumasampalataya ang Tagapagligtas na si Jesucristo sa kakayahan Niyang kumilos sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit. Ginamit ito ng Guro upang likhain ang pinakamalalayong galaxy at upang bumuo ng mga quark, ang pinakamaliliit na elemento ng bagay na alam natin ngayon. Gayunman, sumasampalataya ako na may mas maliliit pang elemento sa kagandahan ng paglikha.

Ang pananampalataya sa hinaharap ay ipinapakita ng mag-asawang ibinuklod sa templo. Nauunawaan nila na sa pagsunod sa mga turo ni Jesucristo at sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit, magiging maligaya ang kanilang pagsasama. Nauunawaan nila na kapag dumating ang mga hamong nilayon para sa kanilang pag-unlad, makakakita sila ng mga paraan, sa panghihikayat ng Espiritu Santo, na madaig ang mga ito sa paraang kapaki-pakinabang at makapagpapatatag ng pagkatao.

Ang pananampalataya at pagkatao ay magkaugnay. Ang pananampalataya sa kapangyarihan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos ay magpapatatag sa pagkatao ninyo sa oras ng agarang pangangailangan. Ang gayong uri ng pagkatao ay hindi nahuhubog sa oras ng malaking hamon o tukso. Ito ay nilayong gamitin sa gayong pagkakataon. Ang pananampalataya ninyo sa mga tunay na alituntunin ay nagpapatatag; ang matibay na pagkatao ay nagpapalawak sa kakayahan ninyo na higit pang sumampalataya. Dahil dito, nag-iibayo ang kakayahan at tiwala ninyong harapin ang mga pagsubok sa buhay. Sa pagtatag ng inyong pagkatao lalo ninyong magagamit ang kapangyarihan ng pananampalataya.” Matutuklasan ninyo kung paano pinatatatag ng pananampalataya at pagkatao ang isa’t isa. Ang pagkatao ay matiyagang nabubuo sa pamumuhay ng alituntunin, doktrina, at pagsunod.

Sabi ni Pangulong Hugh B. Brown: “Sa buhay, ang mga dakila at espirituwal na pagpapahalaga ay makakamtan lamang ng tao sa pamamagitan ng pananampalataya. Hindi mabubuhay ang tao kung walang pananampalataya dahil sa pakikipagsapalaran sa buhay, ang mismong problema ay ang pagpapatatag sa pagkatao—na hindi produkto ng katwiran, kundi ng pananampalataya sa mga huwaran at debosyon sa mga ito na may kaakibat na sakripisyo” (sa Conference Report, Okt. 1969, 105). Nagpapakita tayo ng pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa. Sinabi ni Joseph Smith na “ang pananampalataya [ay] alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan” (Lectures on Faith [1985], 72).

Tayo ay nagiging ang nais nating maging sa pamamagitan ng palaging pagiging anuman ang nais nating maging sa bawat araw. Ang mabuting pagkatao ay mahalagang pagpapamalas ng maaari ninyong marating o kahinatnan. Ang mabuting pagkatao ay mas mahalaga kaysa anumang materyal na pag-aari ninyo, anumang kaalamang natamo ninyo sa pag-aaral, o anumang mithiing nakamtan ninyo kahit pinuri ito nang husto ng mga tao. Sa kabilang-buhay susuriin ang kabutihan ng inyong pagkatao upang malaman kung gaano kainam ninyo ginamit ang pribilehiyong mabuhay sa mundo.

Hindi kayang sirain o parupukin ni Satanas ni ng iba pang kapangyarihan ang lumalago ninyong pagkatao. Kayo lamang ang makagagawa niyan sa pamamagitan ng pagsuway. Ang dalisay na pagkatao ay nagiging abo na walang halaga kapag iginuho ng pandaraya o paglabag.

Ang katatagan ng pagkatao ay bunga ng mga tamang pagpili sa mga pagsubok ng buhay. Ang gayong mga pagpili ay ginagawa nang may tiwala sa mga bagay na pinaniniwalaan at kapag kumilos kayo ayon doon, ito ay pinagtitibay.

Ano ang ilan sa mga alituntuning nagbibigay-kakayahan na batayan ng pananampalataya?

  • Tiwala sa Diyos at sa Kanyang kahandaang tumulong kapag kailangan gaano man kahirap ang sitwasyon.

  • Pagsunod sa Kanyang mga utos at isang buhay na nagpapamalas na mapagkakatiwalaan Niya kayo.

  • Kakayahan at kahandaang sumunod sa tahimik na paramdam ng Banal na Espiritu.

  • Matapang na pagsunod sa paramdam na iyon.

  • Tiyaga at pag-unawa kapag hinayaan kayo ng Diyos na magsikap upang umunlad at paunti-unti ang pagdating ng mga sagot sa loob ng mahabang panahon.

“Ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita; kaya nga, huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya” (Eter 12:6). Sa gayon, sa tuwing susubukan ninyo ang inyong pananampalataya—ibig sabihin, kumikilos nang marapat sa isang impresyon—tatanggapin ninyo ang nagpapatibay na patunay ng Espiritu. Kapag kumilos kayo ayon sa inyong pagkaunawa hindi kayo tiyak sa gagawin, na nagpapakita ng pananampalataya, kayo ay aakayin sa mga solusyong hindi ninyo matatamo sa ibang paraan. Kahit napakalaki ng inyong pananampalataya, hindi kayo palaging gagantimpalaan kaagad ng Diyos ayon sa inyong mga hangarin. Sa halip, ibibigay ng Diyos ang pinakamainam para sa inyo ayon sa Kanyang walang hanggang plano, kapag iyon ang pinakamabuti. Magpasalamat na kung minsan ay hinahayaan ng Diyos na mahirapan kayo nang matagal bago dumating ang sagot. Dahil doon ay nadaragdagan ang inyong pananampalataya at umuunlad ang inyong pagkatao.

Ang pundasyon ng pagkatao ay integridad. Ang marapat na pagkatao ay magpapaibayo sa kakayahan ninyong makilala ang patnubay ng Espiritu at sundin ito. Ang palagian ninyong pagsampalataya ay nagpapatatag sa pagkatao. Ang matibay na pundasyon para sa lumalago ninyong pagkatao ay nakakamtan kapag naging sentro ng buhay ninyo si Jesucristo at ang Kanyang mga turo.

Ang inyong kaligayahan sa lupa, gayundin ang inyong walang hanggang kaligtasan, ay nangangailangan ng maraming tamang desisyon, na puro madali namang gawin. Ang sama-samang desisyon na ito ang bumubuo ng pagkataong kayang lumaban sa mga nakasisirang impluwensya ng kasalanan at paglabag. Ang marangal na pagkatao ay gaya ng mamahaling porselanang yari sa mga piling materyal, na hinubog ng pananampalataya, maingat na nilikha ng palagiang mabubuting gawa, at isinalang sa apoy ng nagbibigay-siglang karanasan. Ito ay isang bagay na ubod nang ganda at walang-katumbas ang halaga. Ngunit maaari itong masira sa isang iglap sa pamamagitan ng paglabag, na nangangailangan ng masakit at mahabang pagsisikap upang muling mabuo. Kapag protektado ng pagpipigil sa sarili, ang mabuting pagkatao ay tatagal hanggang sa walang hanggan.

Ang mga materyal na bagay ay hindi nagdudulot ng kaligayahan at kasiyahan at kagalakan ng tagumpay sa lupa nang mag-isa. Ni hindi tayo aakayin ng mga ito sa kadakilaan. Dangal ng pagkatao, ang katatagan ng kalooban at paniniwalang iyon na binuo sa paggawa ng maraming mabubuting desisyon, ang nagbibigay ng direksyon sa buhay. Ang palagiang mabuting pamumuhay ay lumilikha ng lakas at katatagan ng loob na maaaring maging permanenteng panlaban sa mapanirang impluwensya ng kasalanan at paglabag. Ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga utos ay magpapatatag sa inyong pagkatao. Ang inyong pagkatao ang sukatan ng kinahihinatnan ninyo. Ito ang katibayan kung gaano kahusay ninyong ginagamit ang inyong oras sa lupa sa panahong ito ng pagsubok sa buhay.

Ang isang sawikaing nauunawaan nating lahat ay ang aanihin mo ang iyong itinanim. Totoo rin iyan sa mga espirituwal na bagay. May aanihin kayo sa pagsunod, sa pagsampalataya kay Jesucristo, sa masigasig na pagsunod sa mga katotohanang natututuhan ninyo. Ang aanihin ninyo ay ang pagkahubog ng inyong pagkatao, dagdag na kakayahan, at matagumpay na pagtapos ng inyong layunin dito sa lupa na subukin at magkaroon ng kagalakan.

Hindi maaaring wala kayong gawin sa buhay, o pagdating ng araw ay babalewalain ng likas na tao ang mga pagsisikap ninyong mabuhay nang marapat. Nagiging katulad kayo ng inyong ginagawa at iniisip. Ang kawalan ng katatagan ng pagkatao ay nauuwi sa pagpapatangay ng taong nagigipit na bigyang-kasiyahan ang pagnanasa o maghangad ng personal na pakinabang. Hindi ninyo mapapasigla ang mahinang pagkatao sa pagkukunwaring kayo ay matatag.

Kalaunan ang sinumang nagpapasiya batay sa mga sitwasyon ay halos tiyak na makagagawa ng mabibigat na paglabag o kasalanan. Walang gabay na bakal ng katotohanan na magpapanatili sa taong iyon sa tamang landas. Patuloy siyang mahaharap sa maraming maliliit na tukso na sumuway sa mga kautusan. Ang mga pasiyang iyon ay binibigyang-katuwiran sa pagsasabing hindi naman ito napakasama, na mas katanggap-tanggap ang mga ito sa lipunan at dito’y mas maraming magiging kaibigan. Ang matalinong tao na walang mga batayang alituntunin kung minsan ay pansamantalang magkakamit ng kahanga-hangang mga tagumpay. Subalit ang tagumpay na iyon ay parang kastilyong buhangin. Kapag dumating na ang pagsubok sa pagkatao, gumuguho ito, at kadalasan ay kasama nitong gumuguho ang iba. Sa kabila ng maingat na paghahangad ng isang lumabag o nagkasala na itago ang pagsuway niya sa mga utos, kalaunan ay halos laging nabubunyag ang mga ito. Tinitiyak iyan ni Satanas mismo. Siya at ang kanyang mga kampon ay determinadong ipahamak nang husto ang bawat anak ng Ama sa Langit. Ang isang mabigat na pagsuway o pagsira sa tiwala ay laging pinagdududahan kung mayroon o wala nang iba pang paglabag. Nawawala ang pananampalataya at tiwala ng iba sa pagkatao ng taong iyon.

Ang buhay na ito ay panahon ng pagsubok. Ang husay nating tumugon sa mga hamon nito ang magpapasiya kung gaano katatag ang ating magiging pagkatao. Ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo ay nagpapatatag sa inyong pagkatao.

Personal kong napatunayan na ang mga ideyang gaya ng pananampalataya, panalangin, pag-ibig, at pagpapakumbaba ay walang malaking kabuluhan at hindi lumilikha ng mga himala hangga’t hindi ito nagiging bahagi ng ating buhay sa pamamagitan ng sarili nating karanasan, sa tulong ng magiliw na panghihikayat ng Banal na Espiritu. Noong bata pa ako nalaman ko na maaari kong matutuhan ang mga turo ng ebanghelyo sa isipan ko at, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng katwiran at pagsusuri, nauunawaan ko na napakahalaga nito. Ngunit ang malaking kapangyarihan at kakayahan nitong higitan ko pa ang limitasyon ng aking imahinasyon at kakayahan ay nagkatotoo lamang nang dahan-dahang ituro at palawakin ng Espiritu Santo ang kahulugan nito sa puso ko dahil na rin sa tiyaga at palagiang pagsasanay. Nalaman ko na habang taos kong pinaglilingkuran ang iba, pinatatag ng Diyos ang aking pagkatao. Pinaunlad Niya ang kakayahan kong makilala ang patnubay ng Espiritu. Ang katalinuhan ng plano ng ebanghelyo ay na sa paggawa ng mga bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon, ibinibigay sa atin ang bawat pang-unawa at kakayahang kailangan para makapagdulot ng kapayapaan at saganang tagumpay sa buhay na ito. Gayundin, nagagawa natin ang paghahandang kailangan para sa walang hanggang kaligayahan sa piling ng Panginoon.

Ang patotoo ay pinatatatag ng mga espirituwal na damdaming nagpapatibay sa katotohanan ng isang turo, ng isang mabuting gawa. Kadalasan ang patnubay na iyon ay naghahatid ng nakaaantig na mga damdaming nagpapaluha at dahil dito ay nahihirapan tayong magsalita. Ngunit ang patotoo ay hindi emosyon o damdamin. Ito ay mahalagang bahagi ng pagkatao, at ang pagkatao ay nililikha ng napakaraming tamang desisyon. Ang mga pagpiling ito ay ginagawa nang may tiwala sa mga bagay na pinaniniwalaan at hindi nakikita kahit man lang sa simula. Ang malakas na patotoo ay nagdudulot ng kapayapaan, kapanatagan, at katiyakan. Ipinadarama nito ang paniniwala na kapag palagiang sinunod ang mga turo ng Tagapagligtas, gaganda ang buhay, magiging tiyak ang kinabukasan, at magkakaroon tayo ng kakayahang daigin ang mga hamong haharang sa ating landas. Ang patotoo ay nagmumula sa pagkaunawa sa katotohanang dulot ng panalangin at pagninilay sa mga doktrina ng banal na kasulatan. Napangangalagaan ito sa pamumuhay ng mga katotohanang iyon taglay ang pananampalatayang nakasalig sa katiyakang makakamtan ang mga ipinangakong resulta.

Ang inyong patotoo ay lalakas sa kahandaan ninyong sumunod sa batas ng ikapu at pagbibigay ng mga handog-ayuno, at pagpapalain kayo nang sagana ng Panginoon dahil dito. Kapag tumibay ang inyong patotoo, sisikapin lalo ni Satanas na tuksuhin kayo. Labanan ang kanyang mga pagsisikap. Magiging mas matatag kayo at hihina ang kanyang impluwensya sa inyo.

Ang nag-iibayong impluwensya ni Satanas sa mundo ay tinutulutan upang maglaan ng kapaligiran na kung saan ay mapapatunayan natin ang ating sarili. Kahit lumilikha siya ng kaguluhan ngayon, itinakda na ni Jesucristo ang huling tadhana ni Satanas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli. Hindi magtatagumpay ang diyablo. Kahit ngayon dapat siyang kumilos sa loob ng hangganang itinakda ng Panginoon. Hindi niya maaalis ang anumang pagpapalang nakamit na. Hindi niya mababago ang pagkataong bunga ng mabubuting desisyon. Wala siyang kapangyarihang sirain ang walang hanggang bigkis na isinagawa sa banal na templo sa pagitan ng isang mag-asawa at kanilang mga anak. Hindi niya mapipigilan ang tunay na pananampalataya. Hindi niya maaaring agawin ang inyong patotoo. Oo, maaaring mawala ang mga ito kapag nagpatangay kayo sa kanyang mga panunukso. Ngunit wala siyang kapangyarihan sa kanyang sarili na sirain ang mga ito.

Bilang buod:

  • Ginagamit ng Diyos ang inyong pananampalataya para hubugin ang inyong pagkatao.

  • Ang pagkatao ang magsasabi kung ano ang mararating ninyo.

  • Ang matatag na pagkatao ay nagmumula sa palagiang mga tamang pagpili.

  • Ang pundasyon ng pagkatao ay integridad.

  • Sa pagtatag ng iyong pagkatao lalo mong magagamit ang kapangyarihan ng pananampalataya.

Pagpapakumbaba ang katangiang nagtutulot sa atin na maturuan ng Espiritu mula sa kaitaasan, o maturuan ng mga bagay na nagmula sa inspirasyon ng Panginoon, tulad ng mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta. Ang kababaan ng loob ay mahalaga at kailangan upang makahubog ng mabuting pagkatao. Doon sumisibol ang mga binhi ng pag-unlad ng isang tao. Kapag nilinang sa pamamagitan ng pananampalataya, pinungusan sa pamamagitan ng pagsisisi, at pinatibay ng pagsunod at mabubuting gawa, ang gayong mga binhi ay nagbubunga ng napakahalagang espirituwal na patnubay. Pagkatapos ay nagbubunga ito ng banal na inspirasyon at kapangyarihan—inspirasyong malaman ang kalooban ng Panginoon, kapangyarihang maglaan ng kakayahang isakatuparan ang inspiradong kaloobang iyan.

Maaari ko bang ibahagi ang apat na alituntuning nagbigay ng matitinding damdamin ng kapayapaan at kaligayahan sa sarili kong buhay? Itinatag ng Panginoon ang mga saligang tuntuning ito sa Kanyang walang hanggang plano, at bawat isa ay mahalaga. Lahat ay nagtutulungan upang magkaroon ng pagkakasundo at patatagin ang isa’t isa. Kapag isinagawa ito nang masigasig at palagian, likha nito’y katatagan ng pagkatao, ibayong kakayahang gawing mga batong-tuntungan ang mga hamon ng buhay tungo sa kaligayahan, ngayon at magpakailanman. Ang mga ito ay:

  • Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang programa upang matamo ang kapangyarihang magtagumpay.

  • Pagsisisi upang iwasto ang mga bunga ng mga pagkukulang o pagmamalabis.

  • Pagsunod sa mga utos ng Panginoon upang magkaroon ng katatagan at direksyon ang ating buhay.

  • Di-makasariling paglilingkod upang pagyamanin ang buhay ng iba.

Kung determinado kayong mamuhay nang matwid, huwag mawalan ng pag-asa. Maaaring mahirap ang buhay ngayon, ngunit kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal ng katotohanan. Higit kayong umuunlad kaysa inaakala ninyo. Ang inyong mga pagsisikap ay nagpapakita ng katatagan, disiplina, at tiwala sa mga pangako ng inyong Ama sa Langit at ng Tagapagligtas habang palagian ninyong sinusunod ang Kanilang mga utos. Hikayatin nawa kayo ng Espiritu Santo na palaging gumawa ng mga desisyong magpapatibay sa inyong pagkatao at maghahatid ng malaking kagalakan at kaligayahan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.