2010
O Yaong Tusong Plano Niyang Masama
Nobyembre 2010


O Yaong Tusong Plano Niyang Masama

May pag-asa ang taong nalulong, at ang pag-asang ito ay nagmumula sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo.

Elder M. Russell Ballard

Mga kapatid, hatid ng pagsisimula ng taglagas dito sa Rocky Mountains ang napakagagandang kulay ng mga dahon na mula sa kulay na luntian ay nagiging matingkad na kulay kahel, pula, at dilaw. Sa taglagas nagbabago ang lahat sa kalikasan, sa paghahanda sa maginaw at mabagsik na kagandahan ng taglamig.

Ang taglagas ay isang kapana-panabik na panahon para sa mga mangingisdang gumagamit ng insekto bilang patibong dahil sa panahong ito dumadagsa ang mga isdang tabang upang busugin at palakasin ang kanilang katawan laban sa kakapusan ng pagkain sa taglamig.

Minimithi ng ganitong mangingisda na makahuli ng isdang tabang sa pamamagitan ng mahusay na panlilinlang. Pinag-aaralan ng bihasang mangingisda ang pag-uugali ng isdang tabang, panahon, agos ng tubig, at mga uri ng insektong kinakain ng isdang tabang at kung kailan napipisa ang mga itlog ng mga insektong iyon. Madalas niyang kamayin ang paggawa ng mga patibong na ginagamit niya. Alam niya na ang mga artipisyal na insektong ito na nakakabit sa maliliit na kawit ay kailangang maging perpektong panlinlang dahil mahahalata ng isdang tabang kahit ang pinakamaliit na depekto at hindi kakagatin ang insekto.

Nakatutuwang masdan ang pagtalon ng isdang tabang sa tubig, pagkagat sa insekto, at paglaban hanggang sa mapagod ito at tuluyang mabingwit. Ang laban ay ang tagisan ng kaalaman at kasanayan ng mangingisda at ng magilas na isdang tabang.

Ang paggamit ng mga artipisyal na patibong para manlinlang at manghuli ng isda ay halimbawa ng kadalasang paraan ng panunukso, panlilinlang, at pagtatangka ni Lucifer na hulihin tayo.

Tulad ng mangingisdang nakakaalam na ang mga isdang tabang ay itinutulak ng gutom, alam ni Lucifer ang ating “pagkagutom,” o mga kahinaan, at tinutukso tayo sa mapanlinlang na mga patibong na kung kakagatin natin ay gagambalain ang matiwasay nating buhay tungo sa walang-awa niyang impluwensya. At hindi tulad ng mangingisdang hinuhuli at pinawawalan din ang isda pabalik sa tubig nang hindi ito sinasaktan, hindi tayo kusang pawawalan ni Lucifer. Minimithi niyang gawing kaaba-aba ang kanyang mga biktima tulad niya.

Sabi ni Lehi: “At sapagkat siya [si Lucifer] ay nahulog mula sa langit, at naging kaaba-aba magpakailanman, kanyang hinahangad din ang kalungkutan ng buong sangkatauhan” (2 Nephi 2:18).

Idaragdag ko ngayon ang aking tinig sa mga tinig ng aking mga Kapatid na si Lucifer ay isang matalino at tusong nilalang. Isa sa mga pangunahing pamamaraang ginagamit niya laban sa atin ay ang kakayahan niyang magsinungaling at manlinlang upang kumbinsihin tayo na ang masama ay mabuti at ang mabuti ay masama. Sa simula pa lamang sa malaking Kapulungan sa Langit, si Satanas ay “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya. …

“At siya ay naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan” (Moises 4:3–4).

Ang labanan para sa kalayaang bigay ng Diyos sa tao ay patuloy pa rin ngayon. Si Satanas at ang kanyang mga kampon ay may mga patibong sa buong paligid natin, umaasang manghihina tayo at kakagat sa kanyang mga patibong upang mahuli niya tayo sa kanyang tusong pamamaraan. Gumagamit siya ng adiksyon upang nakawin ang kalayaan. Ayon sa diksyunaryo, anumang uri ng adiksyon ay nangangahulugan ng pagsuko sa isang bagay, sa gayon ay nawawalan ng kalayaan ang tao at umaasa na lamang sa ilang sangkap o pag-uugaling nakasisira ng buhay.1

Sinasabi sa atin ng mga mananaliksik na may mekanismo sa ating utak na tinatawag na sentro ng kasiyahan.2 Kapag napukaw ito ng droga o masasamang pag-uugali, dinaraig nito ang bahagi ng utak na namamahala sa ating determinasyon, paghatol, pag-iisip, at moralidad. Ito ang nagtutulak sa isang taong nalulong na talikuran ang alam niyang tama. At kapag nangyari iyan, huli na siya sa bitag at kontrolado na siya ni Lucifer.

Alam ni Satanas kung paano tayo pagsasamantalahan at huhulihin tayo sa mga artipisyal na sangkap at pag-uugaling nagbibigay ng panandaliang kasiyahan. Naobserbahan ko na ang epekto kapag nahihirapan ang isang tao na bawiin ang kontrol sa sarili, maging malaya sa nakasisirang mga pag-abuso at adiksyon, at ibalik ang paggalang sa sarili at kalayaan.

Ang ilan sa pinaka-nakalululong na droga na kokontrol sa utak, kung aabusuhin, at mag-aalis ng kalayaan ng isang tao ay kinabibilangan ng nikotina; mga opium—heroin, morpina, at iba pang painkillers; pampatulog; cocaine; alak; marijuana; at methamphetamines.

Nagpapasalamat ako sa mga doktor na nag-aral ng pagrereseta ng tamang gamot upang ibsan ang sakit at hirap. Sa kasamaang-palad, napakarami sa ating mga komunidad ngayon, pati na ilan sa ating mga miyembro, ang nalululong dito at inaabuso ang paggamit ng iniresetang mga gamot. Alam ito ni Lucifer, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, at ginagamit niya ang kanyang impluwensya upang nakawin ang kalayaan ng tao at gapusin ang taong nalulong sa kanyang mga kakila-kilabot na tanikala (tingnan sa 2 Nephi 28:22).

Kamakailan ay kinausap ko ang isang miyembrong babae sa psychiatric unit ng isang lokal na ospital. Ikinuwento niya sa akin ang kanyang malungkot na karanasan mula sa dating malusog niyang isipan at katawan, maligayang pagsasama nila ng kanyang asawa at pamilya, hanggang sa magkaroon siya ng sakit sa utak, manghina ang kanyang katawan, at mawasak ang kanyang pamilya—lahat ng ito ay nagsimula sa pag-abuso sa pag-inom ng iniresetang painkillers.

Dalawang taon bago kami nagkausap, napinsala ang kanyang likod sa isang aksidente sa kotse. Niresetahan siya ng doktor ng gamot para maibsan ang sakit na halos hindi niya makayanan. Akala niya kailangan pa niyang dagdagan ito, kaya dinaya niya ang reseta at sa huli ay bumili na ng heroin. Humantong ito sa kanyang pagkahuli at pagkabilanggo. Dahil sa pagkalulong sa droga nasira ang relasyon nilang mag-asawa. Diniborsyo siya ng kanyang asawa at sa asawa niya napunta ang kanilang mga anak. Sinabi niya sa akin na bukod sa nakatulong ang droga para maibsan ang kanyang sakit, nagbigay rin ito ng matinding saya at sarap ng pakiramdam. Ngunit tumagal lang nang ilang oras ang bawat dosis ng droga, at sa bawat paggamit ay tila nababawasan ang ginhawang dulot nito. Sinimulan niyang dagdagan nang dagdagan ang pag-inom ng droga hanggang sa tuluyan na siyang malulong. Sa droga umikot ang buhay niya. Noong gabi bago ko siya kinausap, tinangka niyang magpakamatay. Sabi niya hindi na niya kaya ang sakit ng kanyang katawan, damdamin, at espiritu. Nabihag na siya at hindi na makawala—at wala nang pag-asa.

Ang problema ng miyembrong babaeng ito sa iniresetang gamot at iba pang pag-abuso sa droga ay hindi naiiba; nangyayari ito sa buong paligid natin. Sa ilang lugar mas marami ang namamatay sa pag-abuso sa iniresetang gamot kaysa mga aksidente sa sasakyan.3 Mga kapatid, lumayo sa anumang uri ng sangkap na maaaring bumitag sa inyo. Kahit isang singhot lang ng isang bagay o isang tableta o isang sipsip ng alak ay maaaring humantong sa adiksyon. Sinabi sa akin ng isang nagpapagaling sa pagkalulong sa alak ang kaibhan ng adiksyon sa kalinawan ng isip. Alam ito ni Satanas. Huwag ninyong hayaang mahuli niya kayo sa kanyang mga artipisyal na patibong na maaaring agad humantong sa pagkalulong.

Ngayon, mga kapatid, sana’y hindi kayo magkamali sa pag-unawa sa sinasabi ko. Hindi ko pinagdududahan ang inireresetang mga gamot para sa mga nagdurusa sa karamdamang magagamot o sa nakararamdam ng matinding sakit. Ang mga ito ay totoong nakakatulong. Ang sinasabi ko ay kailangan nating masusing sundin ang dosis na inireseta ng mga doktor. At kailangan nating ilagay ang mga gamot na ito sa ligtas na lugar na hindi maaabot ng mga bata o ninuman.

May malaking pagkabahala rin tungkol sa ilang nakapipinsala at nakalululong na mga pag-uugaling gaya ng pagsusugal at masamang pornograpiya na talagang mapangwasak at laganap sa ating lipunan. Tandaan, mga kapatid, anumang uri ng adiksyon ay pagsuko sa isang bagay, sa gayon ay nawawalan ng kalayaan ang tao at umaasa na lamang sa iba. Kung gayon, kailangang idagdag ang video-gaming at pagte-text sa mga cell phone sa listahan. Ayon sa ilang mahilig sa video-games, hanggang 18 oras sila naglalaro para makalagpas sa mga lebel ng video games, at nakakaligtaan na nila ang lahat ng iba pang aspeto ng kanilang buhay. Ang pagte-text sa mga cell phone ay maaaring maging adiksyon, at nawawalan na ng halaga ang pakikipag-ugnayan nang personal. Hindi pa katagalan sinabi sa akin ng isang bishop na dalawa sa kanyang mga kabataan ang nakatayong magkatabi at nagte-text sa isa’t isa sa halip na mag-usap.

Sinabi sa isang pagsasaliksik sa medisina na ang adiksyon ay isang “sakit sa utak.”4 Totoo naman, ngunit naniniwala ako na kapag nahuli na ni Satanas ang isang tao, nagiging sakit din ito ng espiritu. Ngunit anuman ang adiksyong nakahuli sa isang tao, laging may pag-asa. Itinuro ng propetang si Lehi sa kanyang mga anak na lalaki ang walang hanggang katotohanang ito: “Anupa’t ang tao ay malaya ayon sa laman; at lahat ng bagay ay ipinagkaloob sa kanila na kapaki-pakinabang sa tao. At sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo” (2 Nephi 2:27).

Kung ang sinumang nalulong ay may hangaring gumaling, may daan tungo sa espirituwal na kalayaan—isang paraan para makatakas mula sa pagkaalipin—isang paraang subok na. Nagsisimula ito sa panalangin—taos, taimtim, at patuloy na pakikipag-ugnayan sa Lumikha ng ating espiritu at katawan, ang ating Ama sa Langit. Ganito rin ang alituntunin sa pagtigil sa masamang bisyo o pagsisisi sa anumang uri ng kasalanan. Ang paraan para mapagbago ang ating puso, katawan, isipan, at espiritu ay makikita sa mga banal na kasulatan.

Pinayuhan tayo ng propetang si Mormon: “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig … ; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; … upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay” (Moroni 7: 48).

Pinatototohanan sa atin nito at ng marami pang ibang banal na kasulatan na may pag-asa ang mga taong nalulong at ang pag-asang ito ay nagmumula sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo at sa pagpapakumbaba ng sarili sa harapan ng Diyos, na nagsusumamong mapalaya sa mga pagkaalipin sa adiksyon at pag-aalay ng ating buong kaluluwa sa Kanya sa taimtim na panalangin.

Makakatulong ang mga lider ng priesthood kapag humingi ng payo sa kanila ang mga taong may adiksyon. Kung kailangan, maaari nilang papuntahin ang mga ito sa mga lisensyadong tagapayo at sa LDS Family Services. Ang programa sa pagpapagaling mula sa adiksyon, na halaw sa orihinal na 12 hakbang ng Alcoholics Anonymous ay madaling makuha sa LDS family services.

Sa inyo o sa miyembro man ng inyong pamilya na may adiksyon, inuulit ko, taimtim na pagdarasal ang susi sa pagtatamo ng espirituwal na lakas upang makatagpo ng kapayapaan at madaig ang pagnanasa. Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak, kaya pasalamatan Siya at magpakita ng taos na pananampalataya sa Kanya. Hingan Siya ng lakas na mapaglabanan ang adiksyong inyong nararanasan. Magpakumbaba at ibaling ang inyong buhay at puso sa Kanya. Hilinging mapuspos ng kapangyarihan ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Maaaring kailanganin ninyong gawin ito nang maraming beses, ngunit pinatototohanan ko sa inyo na ang inyong katawan, isipan, at espiritu ay magbabago, malilinis, at mapapagaling, at kayo ay lalaya. Sabi ni Jesus. “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12).

Dahil minimithi nating maging katulad ng ating Tagapagligtas at sa huli ay maging karapat-dapat na mabuhay sa piling ng ating Ama sa Langit, bawat isa sa atin ay kailangang magdanas ang malaking pagbabago sa ating puso na inilarawan ng propetang si Alma sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Alma 5:14). Ang pagmamahal natin sa ating Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo ay dapat makita sa ating araw-araw na mga pagpili at kilos. Sila ay nangako ng kapayapaan, galak, at kaligayahan sa mga sumusunod sa Kanilang mga utos.

Mga kapatid, nawa’y maging maingat tayo sa mga artipisyal na patibong na ipinapain sa atin ng mapanlinlang na mamamalakaya ng tao, si Lucifer. Nawa’y magkaroon tayo ng talino at espirituwal na kabatiran upang mahiwatigan at matanggihan ang kanyang maraming mapanganib na alok.

At sa inyo na nabiktima na ng anumang uri ng adiksyon, may pag-asa dahil mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak at dahil ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo ay gagawing posible ang lahat ng bagay.

Nasaksihan ko na ang kagila-gilalas na pagpapala ng paggaling na magpapalaya sa isang tao mula sa mga tanikala ng adiksyon. Ang Panginoon ang ating Pastol, at hindi tayo mangangailangan kapag nagtiwala tayo sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Alam ko na mapapalaya at palalayain ng Panginoon ang mga taong nalulong mula sa kanilang pagkaalipin, dahil ayon kay Apostol Pablo, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Dalangin ko, mga kapatid, na mangyari ito sa mga yaong nahihirapan sa hamong ito sa panahong ito ng kanilang buhay, at mapakumbaba ko itong iniiwan sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Bilang pangngalan, ang adiksyon ay may tatlong kahulugan, ang isa ay “pagsuko sa isang panginoon” (audioenglish.net/dictionary/addiction.htm).

  2. Tingnan sa National Institute on Drug Abuse, Drugs, Brains, and Behavior—the Science of Addiction (2010), 18, drugabuse.gov/scienceofaddiction/sciofaddiction.pdf.

  3. Tingnan sa Erika Potter, “Drug Deaths Overtake Auto Deaths in Utah,” Dis. 2009, universe.byu.edu/node/4477.

  4. Tingnan sa National Institute on Drug Abuse, “The Neurobiology of Drug Addiction,” bahagi IV, blg. 30, drugabuse. gov/pubs/teaching/teaching2/teaching5. html; tingnan din sa drugabuse. gov/funding/budget08.html.