2010
Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Nobyembre 2010


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Kailangan tayong magtiis hanggang wakas, sapagkat ang ating mithiin ay buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.

President Thomas S. Monson

Mga kapatid, labis akong natutuwa sa pagtatapos nitong napakagandang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Nabusog ang ating espiritu sa pakikinig sa payo at mga patotoo ng mga nakilahok sa bawat sesyon. Tiyak ko na kaisa ko ang lahat ng miyembro sa lahat ng dako sa pagpapaabot ng taos na pasasalamat sa mga katotohanang itinuro sa atin. Mauulit natin ang mga salita, na matatagpuan sa Aklat ni Mormon, ng mga taong nakarinig sa sermon ng dakilang Haring Benjamin at “sumigaw sa iisang tinig, sinasabing: Oo, pinaniniwalaan namin ang lahat ng salitang iyong sinabi sa amin; at gayundin, alam namin ang katiyakan at katotohanan ng mga yaon dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan.”1

Umaasa ako na mag-uukol tayo ng oras na basahin ang mga mensahe sa kumperensya, na ililimbag sa isyu ng mga magasing Ensign at Liahona sa Nobyembre, sapagkat marapat itong pag-aralang mabuti.

Malaking pagpapala na nakapagtipon tayo rito, sa napakagandang Conference Center na ito, nang payapa at panatag at ligtas. Mas malawak kaysa rati ang sakop ng pagsasahimpapawid ng kumperensya, na umaabot sa mga kontinente at karagatan patungo sa mga tao sa lahat ng dako. Bagama’t malayo kami sa marami sa inyo, dama namin ang inyong espiritu at ipinaaabot namin ang aming pagmamahal at pasasalamat sa inyo.

Sa ating mga Kapatid na na-release sa kumperensyang ito, nais kong ipaabot ang taos-pusong pasasalamat naming lahat sa maraming taon ng inyong tapat na paglilingkod. Di-mabilang ang mga napagpala ng inyong mga iniambag sa gawain ng Panginoon.

Ang Tabernacle Choir at iba pang mga koro na nakilahok sa mga sesyon ay nakapagbigay ng tunay na makalangit na musika na nagpaganda sa buong kaganapan. Salamat sa pagbabahagi ninyo sa amin ng inyong mga talento at kakayahan sa musika.

Mahal ko at pinasasalamatan ang matatapat kong tagapayo, sina Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Dieter F. Uchtdorf. Sila ay tunay na mga lalaking marurunong at maunawain, at ang kanilang paglilingkod ay napakahalaga. Hindi ko magagawa ang lahat ng ipinagagawa sa akin kung wala ang kanilang tulong at suporta. Mahal at hinahangaan ko ang aking mga Kapatid sa Korum ng Labindalawang Apostol at sa lahat ng Korum ng Pitumpu at sa Presiding Bishopric. Naglilingkod sila nang di-makasarili at epektibo. Pinasasalamatan ko rin ang kababaihan at kalalakihang naglilingkod bilang mga pangkalahatang pinuno ng mga auxiliary.

Napakapalad nating mapasaatin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sinasagot nito ang mga tanong kung saan tayo nagmula, bakit tayo narito, at saan tayo tutungo pagkatapos ng buhay na ito. Nagbibigay ito ng kahulugan at layunin at pag-asa sa ating buhay.

Magulo ang mundong ating ginagalawan, isang mundong maraming hamon. Narito tayo sa mundong ito upang harapin ang kani-kanya nating mga hamon sa abot ng ating makakaya, upang matuto mula sa mga ito, at malampasan ang mga ito. Kailangan tayong magtiis hanggang wakas, sapagkat ang ating mithiin ay buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit. Mahal Niya tayo at wala Siyang ibang nais kundi magtagumpay tayo sa mithiing ito. Tutulungan at pagpapalain Niya tayo kapag tumawag tayo sa Kanya sa ating mga panalangin, pinag-aralan natin ang kanyang mga salita, at sinunod natin ang Kanyang mga utos. Doon matatagpuan ang kaligtasan; doon matatagpuan ang kapayapaan.

Pagpalain nawa kayo ng Diyos, mga kapatid. Salamat sa inyong mga dalangin para sa akin at para sa lahat ng General Authority. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyo at sa lahat ng ginagawa ninyo upang isulong ang Kaharian ng Diyos sa lupa.

Pagpalain nawa kayo ng langit. Nawa’y mapuspos ng pagmamahal at paggalang at ng Espiritu ng Panginoon ang inyong tahanan. Nawa’y patuloy ninyong pangalagaan ang inyong patotoo sa ebanghelyo, nang maging proteksyon ninyo ito laban sa mga tukso ni Satanas.

Ngayon ay tapos na ang kumperensya. Pag-uwi natin sa ating tahanan, nawa’y maging ligtas tayo. Nawa’y sumaatin at manatili sa atin ang diwang nadama natin dito habang abala tayo sa mga bagay na ginagawa natin sa bawat araw. Nawa’y magpakita tayo ng ibayong kabaitan sa isa’t isa; nawa’y lagi nating gawin ang gawain ng Panginoon.

Mahal ko kayo; ipinagdarasal ko kayo. Paalam sa inyo hanggang sa muli nating pagkikita pagkaraan ng anim na buwan. Sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas, maging si Jesucristo, amen.