2010
Ang Tatlong Prinsipyo ng Pagpili
Nobyembre 2010


Ang Tatlong Prinsipyo ng Pagpili

Bawat isa sa atin ay naparito sa mundo na taglay ang lahat ng kasangkapang kailangan upang makagawa ng mga tamang pagpili.

President Thomas S. Monson

Mahal kong mga kapatid sa priesthood, taimtim kong dalangin ngayong gabi na tulungan ako ng ating Ama sa Langit sa pagsambit sa mga bagay na nadarama kong dapat ibahagi sa inyo.

Nitong huli ay iniisip ko ang tungkol sa mga pagpili at mga bunga nito. Bihirang lumipas ang isang oras sa maghapon na hindi natin kailangang gumawa ng iba’t ibang klase ng pagpili. Ang ilan ay di-gaanong mahalaga, ang ilan naman ay napakahalaga. Ang ilan ay walang kaibhang magagawa sa walang hanggang plano, at ang iba ay gagawa ng malaking kaibhan.

Habang pinag-iisipan ko ang iba’t ibang aspeto ng pagpili, nagawan ko ito ng tatlong kategoriya: una, ang karapatang pumili; pangalawa, ang responsibilidad sa pagpili; at pangatlo, ang mga resulta ng pagpili. Ang tawag ko rito ay tatlong prinsipyo ng pagpili.

Una kong babanggitin ang karapatang pumili. Labis akong nagpapasalamat sa mapagmahal na Ama sa Langit sa Kanyang kaloob na kalayaan, o karapatang pumili. Sabi ni Pangulong David O. McKay, ika-siyam na Pangulo ng Simbahan, “Kasunod ng pagkakaloob mismo ng buhay, ang karapatang pamahalaan ang buhay na iyon ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao.”1

Alam natin na may kalayaan na tayo bago pa itinatag ang mundong ito at tinangka itong kunin ni Satanas sa atin. Wala siyang tiwala sa prinsipyo ng kalayaan o sa atin at ipinagpilitan ang sapilitang kaligtasan. Iginiit niya na sa kanyang plano ay wala ni isa mang kaluluwang maliligaw, ngunit tila hindi niya kinilala—o marahil ay wala siyang pakialam—na bukod pa rito, walang magiging mas matalino, mas malakas, mas mahabagin, o mas magpapasalamat kung plano niya ang nasunod.

Alam nating mga pumili sa plano ng Tagapagligtas na tatahak tayo sa mapanganib at mahirap na paglalakbay, dahil sumusunod tayo sa mga paraan ng mundo at nagkakasala at nagkakamali, kaya napuputol ang kaugnayan natin sa ating Ama. Ngunit ang Panganay na Anak sa Espiritu ay inialok ang Kanyang sarili bilang sakripisyo upang magbayad-sala sa mga kasalanan ng lahat. Sa di-mailarawang pagdurusa Siya ay naging Dakilang Manunubos, ang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan, kaya naging posible ang matagumpay nating pagbalik sa ating Ama.

Sinasabi sa atin ng propetang si Lehi, “Anupa’t ang tao ay malaya ayon sa laman; at lahat ng bagay ay ipinagkaloob sa kanila na kapaki-pakinabang sa tao. At sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.”2

Mga kapatid, anuman ang ating limitasyon dahil sa ating sitwasyon, lagi tayong may karapatang pumili.

Susunod, kaakibat ng karapatang pumili ay nariyan ang responsibilidad sa pagpili. Hindi tayo maaaring gumitna; hindi posibleng wala tayong kilingan. Batid ito ng Panginoon; batid ito ni Lucifer. Hangga’t nabubuhay tayo rito sa lupa, hindi kailanman isusuko ni Lucifer at ng kanyang mga kampon ang pag-angkin sa ating mga kaluluwa.

Hindi tayo ipinadala ng ating Ama sa Langit sa ating walang hanggang paglalakbay nang hindi naglalaan ng paraan upang matanggap natin mula sa Kanya ang patnubay ng Diyos upang alalayan tayo sa ligtas na pagbalik pagkatapos ng buhay sa mundo. Ang tinutukoy ko ay ang panalangin. Tutukuyin ko rin ang mga bulong mula sa marahan at banayad na tinig na nasa ating kalooban, at hindi ko nalilimutan ang mga banal na kasulatan, na isinulat ng mga marinong matagumpay na nilayag ang mga karagatang kailangan din nating tawirin.

Bawat isa sa atin ay naparito sa mundo na taglay ang lahat ng kasangkapang kailangan upang makagawa ng mga tamang pagpili. Sinabi sa atin ng propetang si Mormon, “Ang espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama.”3

Tayo ay naliligiran—at kung minsan pa nga ay inaatake—ng mga mensahe ng kalaban. Pakinggan ang ilan dito; walang dudang pamilyar kayo sa mga ito: “Walang masama kung ngayon lang.” “Huwag kang mag-aalala; walang makakaalam.” “Maaari kang tumigil sa paninigarilyo o pag-inom ng alak o paggamit ng droga anumang oras mo gusto.” “Ginagawa naman ito ng lahat, kaya hindi naman siguro ito gayon masama.” Walang katapusan ang mga kasinungalingan.

Bagama’t sa ating paglalakbay ay darating tayo sa mga sangandaan at pagliko, hindi tayo maaaring lumihis ng landas at baka hindi na tayo makabalik. Si Lucifer, na bihasang manlinlang, ay inaakit ang mga taong walang kamuwang-muwang palayo sa kaligtasan ng pinili nilang landas, palayo sa payo ng mapagmahal na mga magulang, palayo sa seguridad ng mga turo ng Diyos. Hangad niyang makuha hindi lamang ang tinatawag na masasamang tao; hangad niyang makuha tayong lahat, pati na ang mga hinirang ng Diyos. Si Haring David ay nakinig, nag-alinlangan, at saka sumunod at nagkasala. Gayundin si Cain noong unang panahon bago ito at si Judas Iscariote kalaunan. Tuso ang mga pamamaraan ni Lucifer, napakarami niyang biktima.

Mababasa natin ang tungkol sa kanya sa 2 Nephi: “Gagawin niyang payapa ang iba, at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan.”4 “Pupurihin niya nang labis-labis ang iba, at sasabihin sa kanila na walang impiyerno … hanggang sa kanyang mahawakan sila ng kanyang mga kakila-kilabot na tanikala.”5 “At sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno.”6

Kapag naharap sa mahahalagang pagpili, paano tayo nagpapasiya? Nagpapatangay ba tayo sa pangako ng panandaliang kasiyahan? Sa ating mga hilig at silakbo ng damdamin? Sa pamimilit ng ating mga kabarkada?

Huwag tayong mag-urong-sulong na tulad ni Alice sa klasikong kuwento ni Lewis Carroll na Alice’s Adventures in Wonderland. Maaalala ninyo na dumarating siya sa sangandaang may dalawang landas sa kanyang harapan, bawat isa ay tuluy-tuloy ngunit sa magkabilang direksyon. Nakaharap niya ang pusang Cheshire, na tinanong ni Alice ng, “Aling landas ang aking susundan?”

Sagot ng pusa, “Depende kung saan mo gustong pumunta. Kung hindi mo alam kung saan mo gustong pumunta, hindi na mahalaga kung aling landas ang iyong tatahakin.”7

Hindi tulad ni Alice, alam nating lahat kung saan natin gustong pumunta, at mahalaga talaga kung saang direksyon tayo tutungo, dahil sa pagpili ng ating landas, pinipili natin ang ating patutunguhan.

Lagi tayong nahaharap sa mga desisyon. Para magawa ito nang buong talino, lakas ng loob ang kailangan—lakas ng loob na humindi, lakas ng loob na mag-oo.” Mga desisyon talaga ang nagpapasiya ng tadhana.

Nakikiusap ako na magpasiya na kayo rito, ngayon mismo, na huwag lumihis mula sa landas na hahantong sa ating mithiin: ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit. Sa matuwid at tamang landas na iyon ay may iba pang mga mithiin: gawaing misyonero, kasal sa templo, pagkaaktibo sa Simbahan, pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, gawain sa templo. Marami pang mga makabuluhang mithiing aabutin sa paglalakbay natin sa buhay. Kailangan ang ating katapatan upang maabot ang mga ito.

Sa huli, mga kapatid, tutukuyin ko ang mga bunga ng pagpili. Lahat ng pagpili natin ay may mga bunga, ang ilan ay may bahagya o walang kinalaman sa ating walang hanggang kaligtasan at ang iba naman ay talagang may kinalaman dito.

Suot mo man ay berde o asul na kamiseta wala naman itong nagagawang kaibhan kalaunan. Gayunman, kapag nagpasiya kayong pindutin ang isang buton sa inyong kompyuter na magdadala sa inyo sa pornograpiya, gagawa ito ng malaking kaibhan sa inyong buhay. Isang hakbang lamang iyon palihis sa tuwid at ligtas na landas. Kung pipilitin kayo ng isang kaibigan na uminom ng alak o subukang gumamit ng droga at nagpatangay kayo, lumilihis kayo ng landas at baka hindi kayo na makabalik. Mga kapatid, 12-taong-gulang man tayong deacon o nasa hustong gulang na high priest, maaari tayong matukso. Nawa’y mapanatili nating nakatuon ang ating mga mata, puso, at determinasyon sa mithiing iyon na walang hanggan at napakahalaga sa atin, anumang sakripisyo ang kailangan nating gawin para maabot ito.

Walang tukso, walang pamimilit, walang pang-aakit na makadaraig sa atin maliban kung payagan natin iyon. Kung mali ang ating napili, wala tayong dapat sisihin kundi ang ating sarili. Minsan ay ipinahayag ni Pangulong Brigham Young ang katotohanang ito sa pag-uugnay nito sa kanyang sarili. Sabi niya, “Kung si [Brother] Brigham ay maligaw ng landas, at mapagsarahan sa labas ng Kaharian ng langit, walang taong dapat sisihin kundi si [Brother] Brigham. Ako lamang ang tanging nilalang sa langit, sa lupa, o sa impiyerno na maaaring sisihin.” Pagpapatuloy niya, “[Totoo rin] ito sa bawat Banal sa mga Huling Araw. Ang kaligtasan ay pansariling gawain.”8

Tiniyak sa atin ni Apostol Pablo, “Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa’t tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis.”9

Tayong lahat ay nakagawa ng mga maling pasiya. Kung hindi pa natin naiwawasto ang mga pasiyang iyon, tinitiyak ko sa inyo na may paraan para magawa iyon. Ang proseso ay tinatawag na pagsisisi. Nakikiusap ako sa inyo na iwasto ang inyong mga pagkakamali. Namatay ang ating Tagapagligtas upang ibigay sa iyo at sa akin ang pinagpalang kaloob na iyon. Kahit ang hindi madali ang landas, ang pangako ay totoo: “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”10 “At ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”11 Huwag ipagsapalaran ang inyong buhay na walang hanggan. Kung nagkasala kayo, kung mas maaga ninyong sisimulang bumalik, mas maaga ninyong matatagpuan ang tamis ng kapayapaan at kagalakang kaakibat ng himala ng pagpapatawad.

Mga kapatid, kayo ay mula sa isang maharlikang lahi. Buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama ang inyong mithiin. Ang gayong mithiin ay hindi nakakamtan sa isang maluwalhating pagtatangka kundi ito ay bunga ng habambuhay na kabutihan, matatalinong pasiya, at pagtutuong lagi sa layunin. Tulad ng anumang makabuluhang bagay, ang gantimpalang buhay na walang hanggan ay nangangailangan ng pagsisikap.

Malinaw ang nakasulat sa mga banal na kasulatan:

“Inyo ngang isagawa na gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.

“Kayo’y lalakad ng buong lakad na iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios.”12

Bilang pagtatapos ibabahagi ko sa inyo ang halimbawa ng isang taong bata pa ay naipasiya na kung ano ang kanyang mga mithiin. Ang tinutukoy ko ay si Brother Clayton M. Christensen, miyembro ng Simbahan na propesor ng business administration sa business school ng Harvard University.

Noong siya ay 16 na taong gulang, ipinasiya ni Brother Christensen, bukod pa sa ibang mga bagay, na hindi siya lalahok sa isports tuwing Linggo. Ilang taon pagkaraan, nang mag-aral siya sa Oxford University sa England, siya ang center sa basketball team. Sa taong iyon wala silang talo at pumasa sa British college basketball tournament na kahalintulad ng NCAA basketball tournament sa Estados Unidos.

Madali silang nagwagi sa mga laro, kaya’t napabilang sila sa huling apat na team sa tournament. Noon tiningnan ni Brother Christensen ang iskedyul, at nasindak siya nang makitang nakaiskedyul ang huling laro ng basketball sa araw ng Linggo. Nagsikap silang mabuti ng kanyang mga kasama sa team na marating ang katayuan nila, at siya ang center sa simula ng mga laro. Inilapit niya sa kanyang coach ang kanyang sitwasyon. Hindi siya inunawa ng coach niya at sinabihan pa nito si Brother Christensen na inaasahan siya nitong maglaro sa araw na iyon.

Gayunman, may isa pang laro bago sumapit ang huling laro. Sa kasamaang-palad, napinsala ang buto sa balikat ng back-up center, kaya’t lalo pang napipilitang maglaro si Brother Christensen sa huling laro. Pumasok siya sa kanyang silid sa hotel. Lumuhod siya. Itinatanong niya sa kanyang Ama sa Langit kung maaari ba, kahit ngayon lang, na maglaro siya sa araw ng Linggo. Sinabi niya na bago siya natapos magdasal, tumanggap siya ng sagot: “Clayton, ano ba iyang itinatanong mo? Alam mo na ang sagot.”

Pumunta siya sa coach niya para humingi ng paumanhin na hindi siya makakalaro sa huling laro nila. Pagkatapos ay dumalo siya sa mga pulong ng Linggo sa ward sa lugar na iyon habang naglalaro ang team niya na hindi siya kasama. Ipinagdasal niya nang husto na magtagumpay sila. Nanalo nga sila.

Ang mahalaga at mahirap na desisyong iyon ay ginawa mahigit 30 taon na ang nakakaraan. Sinabi ni Brother Christensen na sa paglipas ng panahon, itinuturing niya na isa iyon sa pinakamahalagang desisyong ginawa niya. Napakadali sanang sabihin na lang na, “Alam ninyo, sa pangkalahatan, ang panatilihing banal ang araw ng Sabbath ang tamang kautusan, ngunit sa pambihirang sitwasyon ko, okey naman, kahit minsan lang, kung hindi ko ito gawin.” Gayunpaman, buong buhay raw niya ay walang-katapusang mga pambihirang sitwasyon, at kung nagkamali siya ng pasiya kahit noon lang, sa susunod na may dumating na gipit at kritikal na sitwasyon, mas madali siyang magkamaling muli ng pasiya. Natutuhan niya ang aral na mas madaling sundin ang mga kautusan nang siyento-porsiyento kaysa 98 porsiyento lang ng pagkakataon.13

Mahal kong mga kapatid, mapuspos nawa tayo ng pasasalamat para sa karapatang pumili, tanggapin nawa natin ang responsibilidad sa pagpili, at mag-ingat tayo sa mga bunga ng pagpili. Bilang mga maytaglay ng priesthood, lahat tayong nagkakaisa ay maaaring maging marapat sa patnubay ng ating Ama sa Langit habang maingat nating pinipili ng tama. Tayo ay abala sa gawain ng Panginoong Jesucristo. Tayo, gaya noong unang panahon, ay tumugon sa Kanyang tawag. Gawain niya ang ating ginagawa. Magtatagumpay tayo sa banal na utos na: “Kayo’y mangagpakalinis, kayong nangagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.”14 Taimtim at mapakumbabang dalangin ko na mangyari ito, sa pangalan ni Jesucristo, na ating Panginoon, amen.