2010
Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan
Nobyembre 2010


Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan

Dapat nating gamitin kapwa ang personal na linya at ang linya ng priesthood, nang balanse, upang makamtan ang pag-unlad na siyang layunin ng buhay sa lupa.

Elder Dallin H. Oaks

Nagbigay ang ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak ng dalawang linya ng pakikipag-ugnayan sa Kanya—na matatawag nating personal na linya at ang linya ng priesthood. Lahat ay dapat makaunawa at magabayan nitong dalawang mahahalagang linya ng pakikipag-ugnayan.

I. Ang Personal na Linya

Sa personal na linya, nagdarasal tayo nang tuwiran sa ating Ama sa Langit at sinasagot Niya tayo sa pamamagitan ng mga itinakda niyang paraan, nang walang sinumang namamagitan. Nagdarasal tayo sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo, at sinasagot Niya tayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at sa iba pang mga paraan. Ang misyon ng Espiritu Santo ay sumaksi sa Ama at sa Anak (tingnan sa Juan 15:26; 2 Nephi 31:18; 3 Nephi 28:11), gabayan tayo sa katotohanan (tingnan sa Juan 14:26; 16:13), at ipakita sa atin ang lahat ng bagay na dapat nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Ang personal na linyang ito ng pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu ang pinagmumulan ng ating patotoo sa katotohanan, ng ating kaalaman, at personal na patnubay ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Ito ay mahalagang bahagi ng Kanyang kagila-gilalas na plano ng ebanghelyo, na nagpapahintulot sa bawat isa sa Kanyang mga anak na tumanggap ng personal na patotoo sa katotohanan nito.

Ang tuwiran at personal na paraan ng pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay batay sa pagkamarapat at napakahalaga kung kaya’t inutusan tayong panibaguhin ang ating mga tipan sa pamamagitan ng pakikibahagi ng sacrament tuwing araw ng Sabbath. Sa ganitong paraan nagiging karapat-dapat tayo sa pangako na palaging sasaatin ang Kanyang Espiritu, upang gabayan tayo.

Sa personal na linyang ito ng pakikipag-ugnayan sa Panginoon, ang ating paniniwala at gawi ay katulad ng gawi ng mga Kristiyano na nagsasabing hindi kailangan ang mga taong tagapamagitan sa Diyos at sa tao dahil lahat tayo ay may tuwirang ugnayan sa Diyos batay sa tuntuning itinaguyod ni Martin Luther na tinawag ngayon na “priesthood ng lahat ng nagsisisampalataya.” Marami pa akong sasabihin mamaya tungkol diyan.

Napakahalaga ng personal na linya sa mga personal na desisyon at pamamahala sa pamilya. Sa kasamaang-palad, hinahamak ng ilang miyembro ng ating simbahan ang pangangailangan sa tuwiran at personal na linyang ito. Dahil talagang mahalaga ang pamumuno ng propeta—ang linya ng priesthood, na gumagana lamang upang pamahalaan ang mga pakikipag-ugnayan sa langit tungkol sa mga bagay na nauukol sa Simbahan—gusto ng ilan na mga priesthood leader nila ang magdesisyon para sa kanila, mga desisyong dapat nilang gawin para sa kanilang sarili sa pamamagitan ng inspirasyon gamit ang kanilang personal na linya. Ang mga personal na desisyon at pamamahala sa pamilya ay mga bagay na magagawa lamang ng personal na linya.

Gusto kong magdagdag ng dalawa pang babalang dapat nating tandaan tungkol sa natatanging tuwirang personal na linya ng pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit.

Una, sa kabuuan ang personal na linya ay hindi gumagana kung walang linya ng priesthood. Ang kaloob na Espiritu Santo—ang paraan ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao—ay ipinagkakaloob ng awtoridad ng priesthood, ayon sa pahintulot ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood. Hindi ito basta natatamo sa paghahangad o paniniwala lamang. At ang karapatan sa patuloy na pagsama ng Espiritung ito ay kailangang pagtibayin tuwing Sabbath kapag marapat tayong nakikibahagi ng sacrament at pinaninibago ang ating mga tipan sa binyag hinggil sa pagsunod at paglilingkod.

Gayundin, hindi tayo makakaasang makipag-ugnayan sa pamamagitan ng tuwirang personal na linya kung tayo ay hindi masunurin o hindi umaayon sa linya ng priesthood. Ipinahayag ng Panginoon na “ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan” (D at T 121:36). Sa kasamaang-palad, karaniwan na sa mga taong lumalabag sa mga utos ng Diyos o hindi sumusunod sa payo ng kanilang mga priesthood leader na sabihing inihayag ng Diyos sa kanila na may katwiran silang huwag sundin ang ilang utos o payo. Ang mga taong iyon ay maaaring tumatanggap ng paghahayag o inspirasyon, ngunit hindi nanggaling sa inaakala nilang pinagmulan nito. Ang diyablo ang ama ng kasinungalingan, at laging gusto niyang biguin ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga tusong panggagaya.

II. Ang Linya ng Priesthood

Hindi tulad ng personal na linya, kung saan tuwirang nakikipag-ugnayan sa atin ang ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang linya ng priesthood sa pakikipag-ugnayan ay may karagdagan at kailangang pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo; ng Kanyang Simbahan; at ng Kanyang mga hinirang na pinuno.

Dahil sa nagawa Niya sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, may kapangyarihan si Jesucristo na itakda ang mga kundisyong dapat nating gawin upang maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng Kanyang pagbabayad-sala. Iyan ang dahilan kung bakit nasa atin ang mga kautusan at ordenansa. Iyan ang dahilan kaya tayo nakikipagtipan. Ganyan tayo nagiging karapat-dapat sa mga ipinangakong pagpapala. Lahat ng ito ay dumarating sa pamamagitan ng awa at biyaya ng Banal ng Israel, “sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Ne. 25:23).

Sa Kanyang ministeryo sa mundo, ipinagkaloob ni Jesucristo ang awtoridad ng priesthood na nagtataglay ng Kanyang pangalan at itinatag Niya ang isang Simbahang nagtataglay din ng Kanyang pangalan. Sa huling dispensasyong ito, ang Kanyang awtoridad ng priesthood ay ipinanumbalik at muling itinatag ang Kanyang Simbahan sa tulong ng mga sugo ng Langit kay Propetang Joseph Smith. Ang ipinanumbalik na priesthood na ito at ang Simbahang ito na muling itinatag ay nasa mahahalagang bahagi ng linya ng priesthood.

Ang linya ng priesthood ang paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan noong unang panahon. At ang linyang ito ang paraan ng pakikipag-usap Niya ngayon sa pamamagitan ng mga turo at payo ng mga buhay na propeta at apostol at iba pang mga lider na binigyang-inspirasyon. Sa ganitong paraan natin natatanggap ang mga kinakailangang ordenansa. Sa ganitong paraan natin natatanggap ang mga tawag na maglingkod sa Kanyang Simbahan. Ang Kanyang Simbahan ang daan at ang Kanyang priesthood ang kapangyarihan kaya’t may pribilehiyo tayong makibahagi sa mga pagtutulungang iyon na mahalaga sa pagsasakatuparan ng gawain ng Panginoon. Kabilang dito ang pangangaral ng ebanghelyo, pagtatayo ng mga templo at kapilya, at pagtulong sa mga maralita.

Tungkol dito sa linya ng priesthood, ang ating paniniwala at gawi ay katulad ng iginigiit ng ilang Kristiyano na ang mga ordenansa (sacrament) ay mahalaga at kailangang isagawa ng isang taong pinahintulutan at binigyang-kapangyarihan ni Jesucristo (tingnan sa Juan 15:16). Ganyan din ang paniniwala natin ngunit kakaiba tayo sa ibang mga Kristiyano sa paraan ng pagtunton sa awtoridad na iyan.

Bigo ang ilang miyembro o mga dating miyembro ng ating simbahan na makilala ang kahalagahan ng linya ng priesthood. Minamaliit nila ang kahalagahan ng Simbahan at ng mga pinuno at programa nito. Sa lubos na pag-asa sa personal na linya, humahayo sila at gumagawa ng sarili nilang paliwanag ukol sa doktrina at inaakay ang mga kakompitensyang organisasyon na salungat sa mga turo ng mga pinunong propeta. Dito’y nagpapakita sila ng pagkalaban, na karaniwan sa mundo ngayon, sa tinatawag na “organisadong relihiyon.” Ang mga hindi naniniwalang kailangan ang organisadong relihiyon ay tumatanggi sa gawain ng Guro, na nagtatag ng Kanyang Simbahan at humirang sa mga pinuno nito noong kalagitnaan ng panahon at muling nagtatag ng mga ito sa makabagong panahon.

Ang organisadong relihiyon, na itinatag ng banal na awtoridad, ay mahalaga, ayon sa turo ni Apostol Pablo:

“Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” (Mga Taga Efeso 4:12–13).

Dapat tandaan nating lahat ang sinabi ng Panginoon sa makabagong paghahayag na ang tinig ng mga lingkod ng Panginoon ang siyang tinig ng Panginoon (tingnan sa D at T 1:38; 21:5; 68:4).

Gusto kong magdagdag ng dalawang babalang dapat nating tandaan tungkol sa pag-asa sa mahalagang linya ng priesthood.

Una, hindi pinapalitan ng linya ng priesthood ang pangangailangan sa personal na linya. Kailangan nating lahat ang personal na patotoo sa katotohanan. Habang lumalago ang ating pananampalataya, kailangan tayong umasa sa mga salita at pananampalataya ng iba, gaya ng ating mga magulang, guro, o mga lider ng priesthood (tingnan sa D at T 46:14). Ngunit kung nakaasa lang tayo sa isang partikular na lider ng priesthood o guro para sa ating personal na patotoo sa katotohanan sa halip na matamo ang patotoong iyon sa pamamagitan ng personal na linya, habampanahon tayong manganganib na mawalan ng paniniwala dahil sa gawa ng taong iyon. Pagdating sa kahustuhan ng kaalaman o patotoo sa katotohanan, hindi tayo dapat umasa sa isang mortal na tagapamagitan natin sa ating Ama sa Langit.

Ikalawa, gaya ng personal na linya, ang linya ng priesthood ay hindi lubos at wastong gagana para sa atin kung hindi tayo karapat-dapat at masunurin. Itinuturo ng maraming banal na kasulatan na kung lagi nating susuwayin ang mga utos ng Diyos, tayo ay “itatakwil mula sa kanyang harapan” (Alma 38:1). Kapag nangyari iyan, lubhang limitado ang Panginoon at Kanyang mga lingkod sa pagbibigay ng espirituwal na tulong sa atin at hindi natin ito matatamo sa ating sarili.

Binigyan tayo ng kasaysayan ng malinaw na halimbawa ng kahalagahan ng pag-ayon ng mga lingkod ng Panginoon sa Espiritu. Hindi makapagsalin ang batang propetang si Joseph Smith kapag siya ay galit o mainit ang ulo.

Paggunita ni David Whitmer: “Isang umaga nang naghahanda siyang ituloy ang pagsasalin, may nangyaring mali sa bahay at ikinagalit niya ito. Isang bagay na nagawa ng asawa niyang si Emma. Umakyat kami ni Oliver, at sumunod kaagad si Joseph para ituloy ang pagsasalin, ngunit wala siyang magawa. Hindi siya makapagsalin ng kahit isang pantig. Bumaba siya, lumabas sa hardin at nagsumamo sa Panginoon; mga isang oras siyang nawala—bumalik sa bahay, humingi ng tawad kay Emma at saka umakyat sa kinaroroonan namin at naituloy na ang pagsasalin. Wala siyang magagawa kung hindi siya nagpakumbaba at naging tapat.”1

III. Ang Pangangailangan sa Dalawang Linya

Magtatapos ako sa iba pang mga halimbawa ng pangangailangan sa dalawang linyang itinakda ng ating Ama sa Langit sa pakikipag-ugnayan sa Kanyang mga anak. Mahalaga ang dalawang linyang ito sa pagsasakatuparan ng Kanyang layunin na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ang Kanyang mga anak. Isang kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa pangangailangang ito ang nasa payo ni Jethro noon na hindi dapat magpagod nang husto si Moises. Hinihintay ng mga tao ang kanilang lider ng priesthood mula umaga hanggang gabi na “sumangguni sa Dios” (Exodo 18:15) at gayundin kanyang “hatulang isa’t isa” (talata 16). Madalas nating mapansin kung paano payuhan ni Jethro si Moises na magtalaga ng mga hukom na hahatol sa mga personal na alitan (tingnan sa mga talata 21–22). Ngunit binigyan din ni Jethro si Moises ng payo na naglalarawan ng kahalagahan ng personal na linya: “Ituturo mo sa kanila ang mga palatuntunan, at ang mga kautusan, at ipakikilala mo sa kanila ang daang nararapat lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin” (talata 20; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa madaling salita, dapat ituro sa mga Israelita na sumunod kay Moises na huwag idulog ang lahat ng problema sa lider na iyon ng priesthood. Dapat nilang unawain ang mga kautusan at hangarin ang inspirasyon na malutas nila mismo ang karamihan sa mga problema.

Inilarawan sa mga kaganapan sa bansa ng Chile kamakailan na kailangan ang dalawang linya. Ang Chile ay dumanas ng napakalakas na lindol. Marami sa ating mga miyembro ang nawalan ng tahanan; ang ilan ay nawalan ng mga kapamilya. Maraming nawalan ng tiwala. Mabilis—dahil handa ang ating simbahan sa pagtugon sa gayong mga pinsala—na nakapaglaan ng pagkain, kanlungan, at iba pang tulong. Narinig ng mga Banal ng Chile ang tinig ng Panginoon na tumugon sa kanilang materyal na mga pangangailangan sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan at mga lider nito. Ngunit gaano man kahusto ang linya ng priesthood, hindi ito sapat. Bawat miyembro ay kailangang manalangin sa Panginoon at tumanggap ng tuwirang mensahe ng kapanatagan at patnubay na hatid ng Banal na Espiritu sa mga naghahanap at nakikinig.

Ang ating gawaing misyonero ay isa pang halimbawa ng pangangailangan sa dalawang linya. Ang mga lalaki’t babaeng tinawag na maging misyonero ay karapat-dapat at handa dahil sa mga turong natanggap nila sa pamamagitan ng linya ng priesthood at ng patotoong natanggap nila sa pamamagitan ng personal na linya. Tinawag sila sa pamamagitan ng linya ng priesthood. Pagkatapos, bilang mga kinatawan ng Panginoon at sa pamamahala ng Kanyang linya ng priesthood, tinuturuan nila ang mga investigator. Ang mga taos na naghahanap sa katotohanan ay nakikinig, at hinihikayat sila ng mga misyonero na manalangin upang malaman nila mismo ang katotohanan ng mensahe sa pamamagitan ng personal na linya.

Isang huling halimbawa ang kakikitaan ng mga alituntuning ito hinggil sa paksa ng awtoridad ng priesthood sa pamilya at sa Simbahan.2 Lahat ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan ay gumagana sa pamamahala ng isang maytaglay ng angkop na mga susi ng priesthood. Ito ang linya ng priesthood. Ngunit ang awtoridad na namumuno sa pamilya—ama man o ina na mag-isang nagtataguyod sa pamilya—ay ginagamit sa mga bagay na pampamilya nang hindi na humihingi ng pahintulot sa sinumang maytaglay ng mga susi ng priesthood. Katulad ito ng personal na linya. Ang dalawang linyang ito ay dapat gumana sa ating buhay-pamilya at sa ating personal na buhay kung gusto nating umunlad at makamit ang tadhanang tinukoy sa plano ng ating Ama sa Langit para sa kanyang mga anak.

Dapat nating gamitin kapwa ang personal na linya at ang linya ng priesthood, nang balanse, upang makamtan ang pag-unlad na siyang layunin ng buhay sa lupa. Kung lubhang nakaasa sa personal na linya ang pansariling gawi sa pagsamba, mabubura ng pagtutuon sa sarili ang kahalagahan ng banal na awtoridad. Kung ang personal na gawi sa pagsamba ay lubhang nakaasa sa linya ng priesthood, hindi uunlad ang indibiduwal. Kailangan ng mga anak ng Diyos ang dalawang linya upang makamit ang kanilang walang hanggang tadhana. Kapwa ito itinuturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at inilalaan ng ipinanumbalik na Simbahan ang dalawang ito.

Pinatototohanan ko ang propeta ng Panginoon, si Pangulong Thomas S. Monson, na mayhawak ng mga susing namamahala sa linya ng priesthood. Pinatototohanan ko ang Panginoong Jesucristo, na siyang may-ari ng simbahang ito. At pinatototohanan ko ang ipinanumbalik na ebanghelyo, na ang katotohanan ay para sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng natatanging personal na linya sa ating Ama sa Langit. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Sa “Letter from Elder W. H. Kelley,” The Saints’ Herald, Mar. 1, 1882, 68. Ang katulad na ulat ay binanggit sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:131.

  2. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Awtoridad ng Priesthood sa Pamilya at sa Simbahan,” Liahona, Nob. 2005, 24–27.