2010
Sa Pagkikita Nating Muli
Nobyembre 2010


Sa Pagkikita Nating Muli

Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin, tayo na nabiyayaan nang lubos.

President Thomas S. Monson

Mga kapatid, binabati namin kayo sa pangkalahatang kumperensya, na naririnig at nakikita sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan sa buong mundo. Nagpapasalamat kami sa lahat ng taong nasa likod ng mga kumplikadong pamamaraan ng gawaing ito.

Mula noong Abril, noong huli tayong magkita, ang Simbahan ay sumulong nang walang balakid. Pribilehiyo kong makapaglaan ng apat na bagong templo. Kasama ang aking mga tagapayo at iba pang mga General Authority, nagtungo ako sa Gila Valley, Arizona; sa Vancouver, British Columbia; sa Cebu City sa Pilipinas; at sa Kiev, Ukraine. Ang mga templo sa bawat isa sa mga lugar na ito ay lubos na napakaganda. Bawat isa sa kanila ay nagpapala sa mga buhay ng ating mga miyembro at impluwensya para sa kabutihan sa mga hindi natin kasampalataya.

Sa gabi ng disperas ng paglalaan ng bawat templo, pribilehiyo naming mapanood ang mga kultural na palabas, na nilahukan ng ating mga kabataan at ng ilang di na gaanong bata. Ang mga kaganapang ito ay karaniwang idinaraos sa malalaking istadyum, bagaman sa Kiev kami ay nagdaos sa isang magandang palasyo. Ang mga sayaw, pag-awit, mga musikal na pagtatanghal at displey ay napakaiinam. Ipinaabot ko ang aking papuri at pagmamahal sa lahat ng kabahagi rito.

Bawat isa sa mga paglalaan ay isang espirituwal na piging. Nadama namin ang espiritu ng Panginoon sa kanilang lahat.

Sa susunod na buwan muli nating ilalaan ang Laie Hawaii Temple, isa sa pinakaluma nating templo, na sumailalim ng malaking renobasyon sa loob ng maraming buwan. Kinasasabikan natin ang mga banal na okasyong ito.

Patuloy tayong magtatayo ng mga templo. Ngayong umaga ikinalulugod kong ibalita na may 5 karagdagang templong ibibili na ng mga lupa, at sa darating na mga buwan at taon, itatayo na ang mga ito sa mga sumusunod na lugar: Lisbon, Portugal; Indianapolis, Indiana; Urdaneta, Philippines; Hartford, Connecticut; at Tijuana, Mexico.

Ang mga ordenansa na isinasagawa sa ating mga templo ay napakahalaga para sa kaligtasan ng ating mga yumaong mahal sa buhay. Nawa’y patuloy tayong maging matapat sa pagdalo sa mga templo, na itinatayong palapit nang palapit sa ating mga miyembro.

Ngayon, bago tayo makinig sa ating mga tagapagsalita ngayong umaga, babanggitin ko ang isang bagay na malapit sa aking puso at marapat lamang bigyan natin ng lubos na atensyon. Ito ay tungkol sa gawaing misyonero.

Una, sa inyong mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood at sa inyo mga kabataang lalaki na magiging elder, inuulit ko ang matagal nang itinuro ng mga propeta—lahat ng karapat-dapat, may-kakayahang maglingkod na kabataang lalaki ay maghanda na magmisyon. Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin, tayo na nabiyayaan nang lubos. Mga kabataan, hinihikayat ko kayong maghandang maglingkod bilang misyonero. Manaliting malinis, walang bahid-dungis at karapat-dapat na kumatawan sa Panginoon. Maging malusog at malakas. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Kung saan mayroon, makibahagi sa seminary o institute. Pag-aralang mabuti ang hanbuk ng misyonero, Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Para sa inyong mga kabataang babae: samantalang wala kayong gayong responsibilidad ng priesthood tulad ng mga kabataang lalaki, na maglingkod ng full-time na misyon, maaari rin kayong magbigay ng mahalagang kontribusyon bilang misyonero; at ikagagalak namin ang inyong paglilingkod.

At ngayon sa inyong mga nakatatandang kapatid, nangangailangan tayo ng marami pang mga senior couple. Sa matatapat na mga mag-asawa, na ngayon ay naglilingkod at sa mga nakapaglingkod na, nagpapasalamat kami sa inyong pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Handa kayong maglingkod at maglingkod nang mabuti at marami kayong magandang nagagawa.

Sa inyo, na wala pa sa panahon kung kailan ay maaari na kayong maglingkod na mag-asawa, hinihikayat ko kayo na maghanda na ngayon para sa araw na kung kailan ay maaari na kayong dalawa ay makapaglingkod. Kung ipinahihintulot ng inyong kalagayan, kapag maaari na kayong magretiro, at kung ipinahihintulot ng inyong kalusugan, ihanda ang inyong sarili na lisanin ang tahanan at maglingkod ng full-time na misyon. May ilan lamang na mga pagkakataon sa inyong buhay kung kailan maaari ninyong matamasa ang matamis na diwa at kasiyahan ng paglilingkod nang magkasama sa gawain ng Guro.

Ngayon, mga kapatid ko, nawa ay maging handa kayo sa Espiritu ng Panginoon habang nakikinig tayo sa Kanyang mga tagapaglingkod sa susunod na dalawang araw. Maging pagpapala nawa ito sa bawat isa sa atin, ito ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.