2010
Alalahanin at Ipamuhay sa Araw-Araw ang mga Mensahe sa Kumperensya
Nobyembre 2010


Alalahanin at Ipamuhay sa Araw-Araw ang mga Mensahe sa Kumperensya

Narinig ninyo ang mga mensahe; nadama ninyo ang Espiritu; nangako kayong susundin ang payo. Ngunit ngayong tapos na ang pangkalahatang kumperensya, paano ninyo gagawin itong bahagi ng inyong buhay sa susunod na anim na buwan?

Ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo ay nagbahagi ng mga bagay na tumutulong sa kanila na maalala at maisagawa ang mga mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya.

Ibilang ang pangkalahatang kumperensya sa inyong pang-araw-araw na buhay

Makinig sa mga mensahe habang kayo ay nag-eehersisyo, nagmamaneho, gumagawa ng gawaing-bahay, o naghahanda para sa maghapon.

—James, Ontario, Canada

Maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagpili ng mga mensaheng pakikinggan sa oras ng almusal.

—Ashlee, Washington, USA

Panoorin bilang pamilya ang mga bahagi ng pangkalahatang kumperensya tuwing Linggo.

—Grant, California, USA

Gawing bahagi ng family home evening ang mga mensahe

Pumili ng mga mensahe na gusto ninyong pag-aralan bilang pamilya at ipaturo ang mga ito sa mga miyembro ng pamilya sa darating na mga family home evening.

—Vern at Jennifer, Utah, USA

Basahin o panoorin ang isang mensahe at humanap ng mga mithiing magagawa ninyo bilang pamilya.

—Tony, Arizona, USA

Gamitin ang mga mensahe sa pag-aaral ng banal na kasulatan

Pagsalitin ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa umaga at pagbabasa ng isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya sa gabi.

—Diane, Washington, USA

Basahan ng isang mensahe ang inyong mga anak tuwing gabi bago sila matulog.

—Heather, Utah, USA

Hanapin ang mga reperensya sa banal na kasulatan sa bawat mensahe matapos ninyo itong basahin.

—Becky, Utah, USA

Markahan ang lahat lalo na ang ipinagagawa sa atin ng mga General Authority at magtuon sa pagsunod sa kanilang payo.

—Helen, Australia

Mag-aral ayon sa paksa

Gumawa ng listahang nagtutugma ng mga paksa sa pangkalahatang kumperensya sa mga bagay na gusto ninyong pagbutihin sa inyong buhay. Pag-aralan ang mga paksa nang paisa-isa habang sinisikap ninyong magpakabuti bago sumapit ang susunod na kumperensya.

—Rebecca, Texas, USA

Magtuon sa isang partikular na paksa sa inyong pag-aaral ng banal na kasulatan sa loob ng ilang araw, o sa family home evening sa loob ng ilang linggo.

—Francis, Nigeria

Ibahagi ang mga mensahe sa iba

Magsama ng mga siping-banggit mula sa pangkalahatang kumperensya sa mga bulletin board at handout ng Simbahan.

—Todd, West Virginia. USA

Mag-anyaya o sumali sa general conference book club, sa internet man o sa personal. Bawat linggo, pag-aralan ang isang mensahe at pumunta sa book club na handang magbahagi ng mga ideya.

—Stephanie, Utah, USA