Oras ng Pag-uusap
“Igagalang ko ang aking mga magulang at gagampanan ko ang bahagi ko para mapatatag ang aking pamilya” (Mga Pamantayan Ko Sa Ebanghelyo).
O, halina na kayong lahat. Usap na tayo,” sabi ni Inay.
Sabik na hinihintay ni Josie ang oras ng pag-uusap buong maghapon. Gabi-gabi, nagtitipun-tipon si Josie at ang kanyang dalawang maliit na kapatid na lalaki, sina Ben at Wes, sa sala kasama ang kanilang Inay at Itay para pag-usapan ang mga nangyayari sa buhay nila.
Ngayong gabi sinabi ni Itay na tutulungan niya si Josie na praktising basahin ang kanyang script para sa morning announcements. Ang pagbasa ng morning announcements ay espesyal na pribilehiyo sa paaralan ni Josie. Bukas patutugtugin nang bahagya ni Josie sa paaralan ang paborito niyang kanta at gagamitin ang mikropono para ilahad ang mga aktibidad sa maghapon at ang kakainin sa tanghalian.
Mabilis na pumunta si Josie sa sala, sabik na praktisin ang sasabihin niya.
“Hayan na ang sikat nating tagapagbalita!” Ang sabi ni Itay nang umupo sa tabi niya si Josie. “Ano ang nararamdaman mo sa gagawin mo bukas?”
“Nasasabik po pero medyo kinakabahan. Kinakabahan ako na baka magkamali ako sa harap ng buong eskuwelahan,” sabi ni Josie.
“Kaya nga magpapraktis tayo,” sabi ni Itay. “Sige basahin mo na ang script mo, at pakikinggan ko kung ano ang mga dapat mong pagbutihin.”
“Salamat Itay,” sabi ni Josie.
Paulit-ulit na nirebyu ni Josie at ng kanyang Itay ang script kaya hindi na niya matandaan kung ilang beses niya itong binasa. Pagkatapos ay tumayo si Josie at binasa ang script sa kanyang pamilya sa huling pagkakataon. Tuwang-tuwa sina Inay at Itay. Binati siya ni Ben at masayang pinalakpakan ni Wes.
Natulog si Josie nang masaya at may kumpiyansa sa sarili.
Nang sumunod na araw naging maayos ang lahat. Kahit kinakabahan siya, ngumiti si Josie nang pinatugtog na sa mga speaker ng paaralan ang kanyang kakantahin. Natutuwa siya na napraktis niya ang script kasama si Itay, at binasa niya ito nang mabagal at malinaw nang walang mali.
“Ang galing mo,” sabi ni Mrs. Blake, ang assistant principal.
Nang pauwi na si Josie matapos ang klase, pumila na siya para sumakay sa bus. Isang lalaki na mas matanda sa kanya ang nagtanong, “Ikaw ba iyong babaeng nagbasa ng announcement kanina?”
Ngumiti si Josie. “Oo,” sabi niya.
“Bakit iyon ang pinatugtog mong kanta?” tanong ng bata. “Walang kuwenta. Sinira mo ang morning announcements.” Pagkatapos binansagan na siya nito nang di maganda at nagtawanan sila ng kanyang mga kaibigan.
Naupong mag-isa sa bandang harapan ng bus si Josie. Masama ang loob niya.
Pagdating ni Josie sa bahay, nadatnan niya si Inay na nakikipaglaro kay Wes.
“Inay, alam ko po na hindi pa oras ng pag-uusap, pero puwede ko po ba kayong makausap na ngayon,” sabi ni Josie.
“Siyempre naman, Josie,” sabi ni Inay. “Ano’ng nangyari? Nagkamali ka ba sa pagsasabi ng morning announcements?”
“Hindi po,” sabi ni Josie. “Wala po ako ni isang mali. Iyon po ang akala ko bago sabihin sa akin ng isang batang lalaki na walang kuwenta ang pinatugtog kong kanta. Talagang ang sama-sama ng ibinansag niya sa akin.”
Tinapik-tapik ni Inay ang sahig para paupuin ako. Lumapit si Josie at umupo. Niyakap siya nang mahigpit ni Inay. Pinag-usapan ni Josie at ng kanyang Inay ang lahat ng nangyari sa araw na iyon, kasama na ang pagpuri ni Mrs. Blake.
“Nakakalungkot na hindi naging mabait sa iyo ang batang iyon at ang mga kaibigan niya,” sabi ni Inay. “Pero ang mga taong iginagalang mo, tulad ni Mrs. Blake, ay tuwang-tuwa sa pagkakabasa mo ng announcements. Talagang ipinagmamalaki ka namin ni Itay mo. Nagsikap ka nang husto, at nagtagumpay ka!”
Niyakap na muli ni Inay si Josie. “Salamat po, Inay,” sabi ni Josie. “Gumaan na po ang pakiramdam ko.” Natutuwa si Josie na kahit anong oras ay puwedeng mag-usap.