2012
Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad
Abril 2012


Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Oktubre 23, 2001. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Ang mabisang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ang nagpapalakas sa atin para gumawa at maging mabuti at maglingkod nang higit pa sa ating hangarin at likas na kakayahan.

Elder David A. Bednar

Ang pangunahing mithiin ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ay maikling ibinuod ni Pangulong David O. McKay (1873–1970): “Ang layunin ng ebanghelyo ay … gawing mabuti ang masamang tao at gawing mas mabuti ang mabuting tao, at baguhin ang likas na pag-uugali ng tao.”1 Kaya nga, ang paglalakbay sa mortalidad ay pagsulong mula sa masama tungo sa pagiging mabuti at sa mas mabuti pa at maranasan ang malaking pagbabago sa puso—baguhin ang ating masamang pag-uugali (tingnan sa Mosias 5:2).

Ang Aklat ni Mormon ang ating hanbuk ng mga tagubilin habang tinatahak natin ang landas mula sa masama tungo sa pagiging mabuti at sa mas mabuti pa at habang sinisikap nating baguhin ang ating puso. Itinuro ni Haring Benjamin ang tungkol sa paglalakbay sa mortalidad at ang ginagampanan ng Pagbabayad-sala sa matagumpay na pagtapos sa paglalakbay na iyon: “Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon” (Mosias 3:19; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Itutuon ko ang inyong pansin sa dalawang partikular na kataga. Una—“hubarin ang likas na tao.” Ang paglalakbay mula sa masama tungo sa mabuti ay paghubad sa likas na lalake o babae na nasa bawat isa sa atin. Sa mortalidad natutukso tayong lahat ng pita ng laman. Ang mismong mga elemento kung saan nalikha ang ating katawan ay likas na mahina at madaling matangay ng kasalanan, kasamaan, at kamatayan. Ngunit mapapalakas natin ang ating kakayahang madaig ang mga pita ng laman at mga tukso “sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo.” Kapag nagkakamali tayo, kapag lumalabag at nagkakasala, maaari tayong magsisi at maging malinis sa pamamagitan ng mapantubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ikalawa—“maging banal.” Ang katagang ito ay naglalarawan sa karugtong at ikalawang yugto ng paglalakbay sa buhay na maging “mas mabuti pa ang mga taong mabubuti” o, sa madaling salita, maging higit na katulad ng isang banal. Ang ikalawang bahagi ng paglalakbay na ito, ang pagiging mas mabuti mula sa pagiging mabuti, ay isang paksang hindi natin gaanong pinag-aaralan o itinuturo nang madalas ni sapat na nauunawaan.

Palagay ko maraming miyembro ng Simbahan ang mas pamilyar sa nakatutubos at nakalilinis na katangian ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala kaysa sa kapangyarihan nitong magpalakas at tumulong. Mahalagang malaman na naparito si Jesucristo sa lupa upang mamatay para sa atin—iyan ay mahalagang bahagi ng doktrina ni Cristo. Ngunit kailangan din nating pasalamatan na hangad ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at kapangyarihan ng Espiritu Santo, na mapasaatin—hindi lamang patnubayan tayo kundi palakasin din tayo.”

Alam ng marami sa atin na kapag nagkamali tayo, kailangan natin ng tulong para makayanan ang mga epekto ng kasalanan sa ating buhay. Binayaran ng Tagapagligtas ang halaga at dahil dito magiging malinis tayo sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan na tumubos. Malinaw na nauunawaan ng marami sa atin na ang Pagbabayad-sala ay para sa mga makasalanan. Gayunman, hindi ako gaanong nakatitiyak na alam at nauunawaan natin na ang Pagbabayad-sala ay para din sa mga banal—para sa mabubuting kalalakihan at kababaihan na masunurin, karapat-dapat, at lubos na nag-iingat at nagsisikap na maging mas mabuti at maglingkod nang mas tapat. Maaaring mali ang paniniwala natin na dapat tayong maglakbay mula sa pagiging mabuti tungo sa pagiging mas mabuti at maging banal sa sariling pagsisikap, sa pamamagitan ng determinasyon at katapangan, pagpupursigi, at disiplina, at sa ating limitadong mga kakayahan.

Ang ebanghelyo ng Tagapagligtas ay hindi lamang tungkol sa pag-iwas sa masama sa ating buhay; ito ay tungkol rin sa paggawa ng mabuti at pagiging mabuti. At ang Pagbabayad-sala ay tumutulong sa atin upang madaig at maiwasan ang masama at gawin ang mabuti at maging mabuti. Tutulungan tayo ng Tagapagligtas sa buong paglalakbay natin sa mortalidad—mula sa pagiging masama tungo sa pagiging mabuti at mas mabuti pa at babaguhin ang ating pag-uugali.

Hindi ko ipinapahiwatig na ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na tumubos at tumulong ay magkahiwalay at magkaiba. Sa halip, ang dalawang bahaging ito ng Pagbabayad-sala ay magkaugnay at pinupunan ang isa’t isa; ang dalawang ito ay kailangang magamit sa lahat ng yugto ng paglalakbay sa buhay. At mahalaga sa ating lahat sa kawalang-hanggan na matanto na ang dalawang mahalagang bagay na ito sa paglalakbay sa mortalidad—kapwa ang paghubad sa likas na tao at pagiging banal, kapwa ang pagdaig sa masama at pagiging mabuti—ay naisasagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Ang pagpupursigi ng bawat isa, matibay na determinasyon at sariling pagkukusa, mahusay na pagpaplano at pagtatakda ng mithiin ay mahalaga ngunit sa huli ay hindi sapat para matagumpay nating matapos ang paglalakbay sa mortal na buhay na ito. Talagang dapat tayong umasa sa “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8).

Ang Biyaya at ang Tumutulong na Kapangyarihan ng Pagbabayad-sala

Sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, nalaman natin na ang salitang biyaya ay madalas gamitin sa mga banal na kasulatan na nangangahulugan ng kapangyarihang tumulong:

“Ang [biyaya ay] salitang madalas banggitin sa Bagong Tipan, lalo na sa mga sulat ni Pablo. Ang pangunahing ideya ng salita ay dakilang tulong o lakas, na ibinigay sa pamamagitan ng saganang awa at pagmamahal ni Jesucristo.

“Sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na nagawa dahil sa kanyang pagbabayad-sala, mabubuhay nang walang hanggan ang sangkatauhan, matatanggap ng bawat tao ang kanyang katawan mula sa libingan na mayroong buhay na walang hanggan. At sa pamamagitan din ng biyaya ng Panginoon, ang bawat tao, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, ay makatatanggap ng lakas at tulong na gumawa nang mabuti na hindi nila magagawa sa sariling kakayahan lamang nila. Ang biyayang ito ay isang kapangyarihang tumutulong na nagtutulot sa kalalakihan at kababaihan na magtamo ng buhay na walang hanggan at kadakilaan matapos nilang magawa ang lahat ng makakaya nila.”2

Ang biyaya ay banal na tulong o tulong mula sa langit na kailangang-kailangan ng bawat isa sa atin upang maging marapat sa kahariang selestiyal. Kaya nga, pinalalakas tayo ng tumutulong na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na gumawa ng mabuti at maging mabuti at maglingkod nang higit pa sa ating hangarin at likas na kakayahan.

Sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan, madalas kong isingit ang salitang “tumutulong na kapangyarihan” kapag nababasa ko ang salitang biyaya. Isipin, halimbawa, ang talatang ito na pamilyar sa ating lahat: “Nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Naniniwala ako na marami tayong matututuhan tungkol sa mahalagang aspetong ito ng Pagbabayad-sala kung isisingit natin ang mga katagang “tumutulong at nagpapalakas na kapangyarihan” tuwing makikita natin ang salitang biyaya sa mga banal na kasulatan.

Mga Paglalarawan at Implikasyon

Ang paglalakbay sa mortalidad ay ang pagiging mabuti ng masama at pagiging mas mabuti pa at pagbabago ng ating mga likas na pag-uugali. Ang Aklat ni Mormon ay puno ng mga halimbawa ng mga disipulo at propeta na nakaalam, nakaunawa, at nabago sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa paglalakbay na iyon. Kapag unti-unti nating mas naunawaan ang sagradong kapangyarihang ito, ang pananaw natin sa ebanghelyo ay lalong lalawak at uunlad. Babaguhin tayo ng gayong pananaw sa kamangha-manghang paraan.

Si Nephi ay halimbawa ng isang taong nakaalam, nakaunawa, at umasa sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Tagapagligtas. Alalahanin na bumalik ang mga anak ni Lehi sa Jerusalem para isama si Ismael at kanyang sambahayan sa kanilang paglalakbay. Naghimagsik si Laman at ang iba pang naglakbay kasama ni Nephi mula sa Jerusalem pabalik sa ilang, at pinagsabihan ni Nephi ang kanyang mga kapatid na manampalataya sa Panginoon. Sa puntong ito ng kanilang paglalakbay iginapos si Nephi ng kanyang mga kapatid at ipinlano ang pagpatay sa kanya. Alalahanin ang panalangin ni Nephi: “O Panginoon, alinsunod sa pananampalataya ko na nasa inyo, loobin ninyong maligtas ako mula sa mga kamay ng mga kapatid ko; oo, maging bigyan ninyo ako ng lakas upang malagot ko ang mga lubid na ito na gumagapos sa akin” (1 Nephi 7:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Alam ba ninyo ang ipagdarasal ko kung iginapos ako ng aking mga kapatid? “Sana po ay iligtas ninyo ako sa masamang sitwasyong ito NGAYON DIN!” Lalo akong naging interesado na hindi ipinagdasal ni Nephi na mabago ang nangyayari sa kanya. Sa halip, nagdasal siya na palakasin siya para mabago niya ang kanyang sitwasyon. At naniniwala ako na nagdasal siya sa ganitong paraan dahil alam niya, naunawaan, at naranasan ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.

Sa palagay ko hindi basta mahimalang nalagot ang mga gapos na nasa mga kamay at pulso ni Nephi. Sa halip, baka biniyayaan siya ng kapwa pagtitiyaga at lakas na higit pa sa kanyang likas na kakayahan, kaya’t “sa lakas ng Panginoon” (Mosias 9:17) ay nabanat at napaluwag niya ang mga lubid, at sa huli ay literal na nalagot ang lubid.

Hayagan ang implikasyon ng sitwasyong ito sa atin. Kapag naunawaan natin at ginamit ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating sariling buhay, mananalangin at hihingi tayo ng lakas na mabago ang ating sitwasyon sa halip na manalanging baguhin ang ating sitwasyon. Tayo ay magiging taong kumikilos sa halip na mga bagay na pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:14).

Isipin ang halimbawa sa Aklat ni Mormon nang usigin ni Amulon si Alma at ang kanyang mga tao. Dumating ang tinig ng Panginoon sa mabubuting taong ito sa kanilang paghihirap at sinabing:

“Pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod. …

“At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (Mosias 24:14–15; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ano ang binago sa sitwasyong ito? Hindi ang pasanin ang binago; ang mga hamon at paghihirap na dulot ng pag-uusig ay hindi kaagad inalis sa mga tao. Ngunit si Alma at ang kanyang mga tao ay pinalakas, at dahil sa nag-ibayo nilang kakayahan at lakas gumaan ang kanilang mga pasanin. Ang mabubuting taong ito ay napalakas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala na kumilos sa sarili nila at naapektuhan ang kanilang kasalukuyang sitwasyon. At “sa lakas ng Panginoon” si Alma at kanyang mga tao ay ginabayan na makaligtas tungo sa lupain ng Zarahemla.

Maaaring isipin ninyo, “Bakit naging halimbawa ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ang sitwasyon ni Alma at ng kanyang mga tao?” Ang sagot ay matatagpuan sa paghahambing sa Mosias 3:19 at Mosias 24:15.

“At hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa pagsulong natin sa paglalakbay sa mortalidad mula sa masama tungo sa pagiging mabuti at sa mas mabuti pa, sa paghubad natin ng likas na lalake o babae na nasa bawat isa sa atin, at sa pagsisikap nating maging mga banal at baguhin ang likas nating pag-uugali, ang mga katangiang dinetalye sa talatang ito ay dapat lalong maglarawan sa uri ng tao na ating kinahihinatnan. Tayo ay magiging higit na tulad ng isang bata, mas mapagpakumbaba, mas mapagtiis, at mas handang pasakop.

Ngayon ihambing ang mga katangiang ito sa Mosias 3:19 sa mga ginamit na paglalarawan kay Alma at sa kanyang mga tao: “At nagpasailalim [sila] nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (Mosias 24:15; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang pagkakatulad ng mga katangiang inilarawan sa mga talatang ito ay kapansin-pansin at indikasyon na ang mabubuting tauhan ni Alma ay nagiging mas mabubuting tao sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristong Panginoon.

Alalahanin ang salaysay tungkol kina Alma at Amulek sa Alma 14. Sa sitwasyong ito maraming matatapat na Banal ang pinatay sa pamamagitan ng apoy, at ang dalawang lingkod na ito ng Panginoon ay ibinilanggo at pinahirapan. Isipin ang pagsamong ito ni Alma nang manalangin siya sa loob ng bilangguan: “O Panginoon, bigyan kami ng lakas alinsunod sa aming pananampalataya na na kay Cristo, maging tungo sa kaligtasan” (Alma 14:26; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Muli nating nakita dito ang pagkaunawa at tiwala ni Alma sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na nakita sa kanyang kahilingan. At pansinin ang resulta ng panalanging ito:

“At nilagot nila [Alma at Amulek] ang mga lubid na gumagapos sa kanila; at nang makita ito ng mga tao, sila’y nagsimulang magsipanakbuhan, sapagkat ang takot sa pagkalipol ay nanaig sa kanila. …

“At sina Alma at Amulek ay humayong palabas ng bilangguan, at sila’y hindi nasaktan; sapagkat pinagkalooban sila ng Panginoon ng kapangyarihan, alinsunod sa kanilang pananampalataya na na kay Cristo” (Alma 14:26, 28; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Muli ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ay nakikita kapag nagsisikap ang mabubuting tao na daigin ang kasamaan at nagsisikap na maging mas mabuti at mas mahusay na makapaglingkod “sa lakas ng Panginoon.”

Ang isa pang halimbawa mula sa Aklat ni Mormon ay puno ng pagtuturo. Sa Alma 31, pinamunuan ni Alma ang isang misyong ibalik sa Simbahan ang mga nag-apostasiyang Zoramita, na, matapos itayo ang kanilang Rameumptom, ay nag-aalay ng isang itinakdang panalangin na puno ng kapalaluan.

Pansinin ang paghingi ng lakas ni Alma sa kanyang panalangin: “O Panginoon, nawa’y ipahintulot ninyong ako ay magkaroon ng lakas, upang mabata ko nang may pagtitiis ang mga paghihirap na ito na kasasapitan ko, dahil sa kasamaan ng mga taong ito” (Alma 31:31; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Idinalangin din ni Alma na matanggap ng kanyang misyonerong kompanyon ang gayon ding pagpapala. “Nawa’y ipagkaloob ninyo sa kanila na sila ay magkaroon ng lakas, upang mabata nila ang kanilang mga paghihirap na kasasapitan nila dahil sa mga kasamaan ng mga taong ito” (Alma 31:33; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi nanalangin si Alma na alisin ang kanyang mga paghihirap. Alam niya na siya ay kinatawan ng Panginoon, at nanalangin siya na lumakas upang makakilos at mabago ang kanyang sitwasyon.

Ang pinakamahalagang bagay sa halimbawang ito ay naroon sa huling talata ng Alma 31: “Binigyan sila ng lakas [ng Panginoon], upang hindi sila magdanas ng ano mang uri ng paghihirap, maliban sa malulon sa kagalakan dahil kay Cristo. Ngayon, ito ay naaalinsunod sa panalangin ni Alma; at ito ay dahil sa nanalangin siya nang may pananampalataya” (talata 38; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi inalis ang mga paghihirap. Ngunit si Alma at ang kanyang mga kasama ay napalakas at napagpala sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala upang “hindi sila magdanas ng ano mang uri ng paghihirap, maliban sa malulon sa kagalakan dahil kay Cristo.” Kamangha-manghang pagpapala. At napakagandang aral na dapat matutuhan ng bawat isa sa atin.

Ang mga halimbawa tungkol sa tumutulong na kapangyarihan ay hindi lamang matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Si Daniel W. Jones ay isinilang noong 1830 sa Missouri, at sumapi siya sa Simbahan sa California noong 1851. Noong 1856 sumama siya sa pagsagip sa mga handcart company na nabinbin sa Wyoming dahil sa matinding pag-ulan ng niyebe. Matapos matagpuan ng mga sumagip ang naghihirap na mga Banal, mabigyan ng agarang kaginhawahan at maasikaso ang mga maysakit at mahihina para dalhin sa Salt Lake City, si Daniel at ang ilan pang kabinataan ay nagboluntaryong magpaiwan at magbantay sa mga ari-arian ng handcart company. Ang mga pagkain at suplay na naiwan kay Daniel at sa kanyang mga kasama ay kakaunti at mabilis na naubos. Ang kasunod na sipi mula sa sariling journal ni Daniel Jones ay naglalarawan sa sumunod na mga pangyayari.

“Ang pangangaso ay naging madalang at wala kaming mahuling hayop. Naubos namin ang maantang karne na hindi naman nakakabusog. Sa huli naubos na rin ang lahat ng iyon, ang natira ay balat na lamang ng hayop. Sinubukan naming kainin iyon. Marami ang iniluto at kinain nang walang anumang panimpla at dahil dito nagkasakit ang buong grupo. …

“Tila wala nang pag-asa ang sitwasyon namin, wala nang natira maliban sa maantang lasa at hilaw na balat na mula hayop na namatay sa gutom. Hiniling namin sa Panginoon na patnubayan kami sa dapat naming gawin. Hindi nagreklamo ang kalalakihan, at sa halip ay nadamang dapat silang magtiwala sa Diyos. … Sa huli naisip ko kung paano pakinabangan ang balat ng hayop at nagmungkahi sa grupo, sinabi ko sa kanila kung paano ito lutuin; na sunugin nila at alisin ang balahibo; pakuluan upang maalis ang masamang lasa nito. Matapos tanggalin ang balahibo, pakuluan nang isang oras sa maraming tubig, itapon ang tubig na nag-aalis ng lahat ng lagkit, at hugasan at kaskasin ang buong balat ng hayop, banlawan sa malamig na tubig, pagkatapos ay pakuluan hanggang sa lumambot at hayaang lumamig, at pagkatapos ay kainin na may kaunting asukal. Malaking trabaho ito, pero wala kaming gaanong magagawa at mas mainam na ito kaysa mamatay sa gutom.

“Hiniling namin sa Panginoon na maging matibay ang aming mga tiyan at masanay sa pagkaing ito. … Tila nasiyahan ang lahat sa pagkain nito. Tumagal kami nang tatlong araw nang hindi kumakain bago ang pangalawang pagluluto namin nito. Kinain namin ang masarap na pagkaing ito sa loob ng anim na linggo.”3

Sa gayong sitwasyon marahil ay ipagdarasal ko na bigyan kami ng ibang pagkain: “Ama sa Langit, sana po ay padalhan ninyo ako ng pugo o buffalo.” Marahil ay hindi ko maiisip na manalangin na maging matibay ang tiyan ko at masanay sa pagkaing mayroon kami. Ano ang alam ni Daniel W. Jones? Alam niya ang tungkol sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hindi siya nanalangin na baguhin ang kanyang sitwasyon. Nanalangin siya na palakasin siya upang makayanan ang kanyang sitwasyon. Tulad ni Alma at ng kanyang mga tao, nina Amulek, at Nephi na napalakas, may pananaw na espirituwal si Daniel W. Jones kaya alam niya ang dapat hilingin sa panalanging iyon.

Ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ay nagpapalakas sa atin na magawa ang mga bagay na hindi natin kailanman magagawa nang mag-isa. Minsan iniisip ko kung sa ating mundong puno ng kaginhawahan sa huling araw—sa mundo natin na puno ng mga microwave oven at cell phone at air-conditioned na sasakyan at komportableng tahanan—ay matututuhan nating kilalanin ang pag-asa natin araw-araw sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.

Si Sister Bednar ay isang matapat at matalinong babae, at may natutuhan akong mahahalagang aral tungkol sa nagpapalakas na kapangyarihan mula sa kanyang tahimik na halimbawa. Namasdan ko ang pagtitiis niya sa matindi at patuloy na pagduruwal—talagang nahihirapan sa maghapon araw-araw sa loob ng walong buwan—bawat isa sa tatlong pagdadalantao niya. Magkasama kaming nanalangin na mabasbasan siya, ngunit hindi inalis ang pagsubok na iyon. Sa halip, nakayanan niya ang hindi niya magagawa sa sarili niyang lakas. Sa nakalipas na mga taon nakita ko rin kung paano siya lumakas upang makayanan ang pagbatikos at pangungutya ng lipunan kapag ang isang babaeng Banal sa mga Huling Araw ay sumunod sa payo ng propeta at inuna ang pamilya at pag-aalaga ng mga anak. Pinasasalamatan ko at pinupuri si Susan sa pagtulong sa akin na matutuhan ang napakahalagang aral na iyon.

Alam at Nauunawaan ng Tagapagligtas

Sa kabanata 7 ng Alma nalaman natin kung paano at bakit nakapagbibigay ng gayong kapangyarihan ang Tagapagligtas:

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang Tagapagligtas ay nagdusa hindi lamang para sa ating mga kasamaan kundi para din sa di-pagkakapantay-pantay, kawalang-katarungan, sakit, kalungkutan, at mga paghihirap ng damdamin na madalas dumating sa atin. Walang sakit sa katawan, walang paghihirap ng kaluluwa, walang pagdurusa ng espiritu, walang karamdaman o kahinaan na naranasan natin sa paglalakbay sa buhay na ito na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Kayo at ako sa sandali ng kahinaan ay maaaring magsabing, ‘Walang nakauunawa. Walang nakaaalam.” Walang tao, marahil, na nakaaalam. Ngunit ang Anak ng Diyos ay lubos na nakaaalam at nakauunawa, dahil Kanyang dinanas at pinasan ang ating mga pasanin bago pa natin naranasan ang mga ito. At dahil binayaran Niya at pinasan ang pasaning iyan, lubos Niya tayong nauunawaan at maiuunat Niya ang Kanyang bisig ng awa sa napakaraming aspeto ng ating buhay. Maaabot Niya tayo, maaantig, matutulungan—literal na lalapit sa atin—at mapalalakas nang higit sa makakaya natin at matutulungan tayong gawin ang hindi natin kayang gawing mag-isa.

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).

Ipinahahayag ko ang aking patotoo at pasasalamat sa walang katapusan at walang hanggang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo. Alam kong buhay ang Tagapagligtas. Naranasan ko ang Kanyang kapangyarihang tumubos at ang Kanyang kapangyarihan na nagbibigay-kakayahan, at pinatototohanan ko na ang mga kapangyarihang ito ay totoo at makakamtan ng bawat isa sa atin. Tunay na “sa lakas ng Panginoon” magagawa natin at madadaig ang lahat ng bagay habang patuloy tayong naglalakbay sa mortalidad.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Franklin D. Richards, sa Conference Report, Oct. 1965, 136–37; tingnan din sa David O. McKay, sa Conference Report, Apr. 1954, 26.

  2. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Daniel W. Jones, Forty Years among the Indians (n.d.), 57–58.

O Ama Ko, ni Simon Dewey

Paglalarawan ni Jeff Ward

Paglalarawan ni Jeff Ward

Detalye mula sa Tingnan Ninyo ang Aking mga Kamay, ni Jeff Ward