2012
Paano Ko Malalaman na Ako ay Pinatawad na?
Agosto 2012


Paano Ko Malalaman na Ako ay Pinatawad na?

Elder Tad R. Callister

Nang maglingkod ako bilang mission president, madalas itanong ng mga misyonero ang dalawang bagay na ito: (1) Paano ko malalaman na ako ay pinatawad na sa aking mga kasalanan? at (2) Kung pinatawad na ako, bakit nababagabag pa rin ang aking budhi?

Kapag itinatanong sa akin ang mga iyon, ang karaniwang sagot ko ay, “Kung nadarama na ninyo ang Espiritu—kapag kayo ay nagdarasal, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nagtuturo, nagpapatotoo, o sa iba pang pagkakataon—kung gayon iyan ang patunay sa inyo na pinatawad na kayo o, kaya’y nagkakaroon ng paglilinis, sapagkat ang Espiritu ay hindi makapananahanan sa templong hindi banal” (tingnan sa Alma 7:21). Karaniwan ay matagal ang proseso ng paglilinis dahil matagal baguhin ang ating puso, ngunit sa maikling panahon, maaari tayong magpatuloy nang may tiwala na nalulugod ang Diyos sa ating pag-unlad na madarama sa presensya ng Kanyang Espiritu.

Paano Ko Malalaman na Ako ay Pinatawad na?

Mga paglalarawan ni Scott Snow

May mga taong mas malupit sa sarili kaysa Panginoon. Mangyari pa, dapat tayong magsisi upang maging marapat sa naglilinis at nagpapatawad na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, ngunit kapag nakapagsisi na tayo, wala na yaong tinatawag na may-dungis na nagsisi sa kaharian ng Diyos. Walang itim na marka sa kanan nating bukung-bukong na nagsasabing “kasalanan noong 2008” o mantsang kulay-brown sa likod ng kaliwa nating tainga na nagsasabing “paglabag noong 2010.” Inihayag ng Panginoon ang lubos na naglilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala nang sabihin Niyang, “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe” (Isaias 1:18). Iyan ang himala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Sa ilang pagkakataon naniniwala ako na ang ating mga kasalanan ay nalinis na bago pa man mapawi ang pagkabagabag ng ating budhi. Bakit ganoon? Marahil sa awa ng Diyos, ang alaala ng kasalanang iyon ay isang babala, isang espirituwal na “hudyat na tumigil” na nadarama kapag naharap tayo sa mga tuksong tulad nito: “Huwag kang dumaan diyan. Alam mo ang pasakit na maidudulot nito.” Marahil para sa mga nagsisisi, isang proteksyon ito sa kanila, hindi isang parusa.

Mapapawi ba ang pagkabagabag ng ating budhi? Ang pangako ng Panginoon ay tiyak sa bagay na iyan. Sa mabubuti, sinabi ng Panginoon na darating ang panahon na “hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na” (Apocalipsis 21:4; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi ko alam kung malilimutan natin ang ating mga kasalanan, ngunit darating ang panahon na ang mga nagsisi ay hindi na babagabagin ng kanilang mga kasalanan. Gayon ang nangyari kay Enos, na ang “pagkakasala ay napalis” (Enos 1:6), at sa mga Lamanitang nagbalik-loob, na nagpatotoo na “inalis [ng Panginoon] ang pagkakasala sa ating mga puso” (Alma 24:10), at kay Alma, na nagsabing, “hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit” (Alma 36:19; idinagdag ang pagbibigay-diin). Walang pag-aalinlangan na naalala nilang lahat ang kanilang mga kasalanan, ngunit kahit paano ay hindi na sila binagabag ng mga ito. Himalang pinagaling ng walang-hanggang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ang lahat ng sugat at binigyan nito ng kapanatagan ang bawat budhi nang may “kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip” (Mga Taga Filipos 4:7).

Tila may dalawang kundisyon na magpapalaya sa atin mula sa lahat ng kasalanan at pasakit. Una ay ang ating di-natitinag na pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nang itanong ni Enos kung paano “napalis” ang kanyang pagkakasala (tingnan sa Enos 1:6–7), tumugon ang Panginoon, “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo” (Enos 1:8). Kaya nga, kapag lalo pa tayong natuto tungkol sa Pagbabayad-sala at nanalig sa kapangyarihang magpagaling ni Cristo, mas madaragdagan ang kakayahan nating mapatawad at patawarin ang ating sarili. Pangalawa ay ang pagkakaroon ng ugaling “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Kapag nangyari ito, hindi na natin nakikita ang ating sarili sa “makamundong kalagayan” (Mosias 4:2) kundi bilang mga espirituwal na anak ng Diyos. Natatanto natin na iba na tayo kaysa noong magkasala tayo. Lubusang binago ni Scrooge, ang kilalang tauhan sa A Christmas Carol ni Charles Dickens, ang kanyang buhay kaya makatwiran niyang nasabing, “Hindi na ako tulad ng dati.”1

Kapag nagsisi tayo, nagiging iba na tayo kaysa rati. Ang matanto ang bago nating pagkatao, lakip ang ating pananalig sa naglilinis na kapangyarihan ni Cristo, ay tumutulong sa atin na umabot sa puntong masasambit natin na tulad ni Alma na, “hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan” (Alma 36:19). Dahil dito, maaari tayong mapanatag sa katotohanan na sa huli ay hahatulan tayo ng Diyos ayon sa ating kinahinatnan, hindi sa kung ano tayo noon.

Nagbigay ng ilang magandang payo si Apostol Pablo sa ating lahat na nagkasala ngunit nagsisikap na magsisi. Sinabi niya na dapat nating “[limutin] ang mga bagay na nasa likuran, at [tunguhan] ang mga bagay na hinaharap” (Mga Taga Filipos 3:13). Sa madaling salita, dapat nating kalimutan ang nakaraan at sumulong, na nagtitiwala sa tumutubos na kapangyarihan ng Diyos. Ang gayong pagsisikap natin ay pagpapakita ng pananampalataya. Ipinayo pa ni Pablo, “Mapalad ang hindi humahatol sa kaniyang sarili” (Mga Taga Roma 14:22).

Samantala, hanggang sa mapalis ang kaliit-liitang kasalanang iyan, kung madama natin ang Espiritu ng Panginoon tiwala na tayong makapamumuhay na nalinis na tayo o ang paglilinis na ito ay patuloy na nagdudulot ng himala sa ating buhay. Tiyak ang pangako—kung gagawin natin ang lahat para makapagsisi, malilinis tayo sa ating mga kasalanan at kalaunan ay mapapawi ang pagkabagabag ng ating budhi, dahil ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi lamang isinagawa upang mapalis ang ating mga kasalanan kundi maging ang pagkabagabag ng ating budhi. Pagkatapos ay lubos na tayong mapapanatag sa ating sarili at sa Diyos.

Tala

  1. Charles Dickens, A Christmas Carol in Prose (1843), 150.