2013
Paglakad nang Paikut-ikot
Hunyo 2013


Mensahe ng Unang Panguluhan

Paglakad nang Paikut-ikot

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Narinig na ba ninyo ang lumang kasabihan na ang mga taong naliligaw ay malamang na paikut-ikot lang sa isang lugar?

Gustong malaman ni Jan L. Souman, isang psychologist na Aleman, kung totoo ito sa pamamagitan ng isang eksperimento. Dinala niya ang mga lumahok sa eksperimento sa isang malaking gubat at sa disyerto ng Sahara at gumamit ng isang global positioning system para masubaybayan kung saan sila nagpunta. Wala silang kompas o anupamang kagamitan. Simple lang ang mga tagubilin sa kanila: lumakad nang diretso patungo sa ibinigay na direksyon.

Kalaunan inilarawan ni Dr. Souman ang nangyari. “Ang [ilan] sa kanila ay naglakad noong maulap na ang kalangitan, kung saan natatabingan ng mga ulap ang araw [at walang nakikitang anumang palatandaan na susundan]. … Lahat [sila] ay nagpaikut-ikot, at ang [ilan] ay paulit-ulit na bumabalik sa dati na nilang nadaanan nang hindi nila napapansin.” Ang iba pang mga kalahok ay naglakad habang nakasikat ang araw, na tanaw sa malayo ang mga palatandaang susundan. “Ang mga ito … ang halos nakalakad nang diretso.”1

Ang pag-aaral na ito ay inulit ng iba gamit ang iba’t ibang pamamaraan.2 Pare-pareho lahat ang resulta.

Kung walang makikitang mga palatandaan, malamang na magpaikut-ikot ang mga tao.

Ang Palatandaang Dulot ng mga Banal na Kasulatan

Kung walang mga palatandaan na pang-espirituwal, magpapagala-gala rin ang sangkatauhan. Kung wala ang salita ng Diyos, magpapaikut-ikot tayo.

Bilang indibiduwal at lipunan, nakikita natin ang huwarang ito nang paulit-ulit sa bawat dispensasyon mula pa sa simula ng panahon. Kapag nalalayo tayo sa salita ng Diyos, malamang na maligaw tayo.

Walang dudang ito ang dahilan kung bakit inutusan ng Panginoon si Lehi na pabalikin ang kanyang mga anak na lalaki sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso. Alam ng Diyos na kailangan ng mga inapo ni Lehi ang maaasahang palatandaan—susundang direksyon—na maglalaan ng gabay na magagamit nila para malaman kung tama ang kanilang tinatahak.

Ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos. Ang mga ito ay mga palatandaan ng Diyos na nagtuturo ng daang dapat nating tahakin para mas mapalapit tayo sa ating Tagapagligtas at kamtin ang makabuluhang mga mithiin.

Ang Palatandaang Dulot ng Pangkalahatang Kumperensya

Ang mga tagubiling ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya ay isa pang palatandaan na makatutulong sa ating malaman kung nasa tamang landas tayo.

Paminsan-minsan ay tinatanong ko ang aking sarili, “Nakinig ba ako sa mga sinabi ng kalalakihan at kababaihan na nagsalita sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya ng Simbahan? Binasa at binasa ko bang muli ang kanilang mga salita? Pinagnilayan ko ba ang mga ito at ipinamuhay? O nasiyahan lang ba ako sa magaganda nilang sinabi at kinaligtaang ipamuhay ang nagbibigay-inspirasyon nilang mga mensahe?”

Siguro noong nakikinig kayo o nagbabasa, may mga isinulat kayo tungkol dito. Marahil nangako kayo na may ilang bagay kayong pagbubutihin o babaguhin. Isipin na lamang ang mga mensahe sa huling pangkalahatang kumperensya. Maraming humikayat sa atin na palakasin ang ating mga pamilya at pagbutihin ang pagsasama ng mag-asawa. Ang isyung ito ng Liahona ay nakatuon din sa mga walang hanggang pinahahalagahang ito, at maraming magagamit na mungkahi na magpapala sa ating buhay.

Pinapansin at ipinamumuhay ba natin ang makabuluhang payong ito? Pinahahalagahan at sinusunod ba natin ang tunay at mahahalagang palatandaang ito?

Ang Lunas sa Paggala-gala sa Espirituwal

Mahalaga ang espirituwal na mga palatandaan para manatili tayo sa makipot at makitid na landas. Nagbibigay ang mga ito ng malinaw na direksyon sa dapat nating patunguhan—kung papansinin lamang natin ang mga ito at magtutungo rito.

Kung tatanggi tayong magabayan ng mga palatandaang ito, nawawalan ito ng kabuluhan, nagiging palamuti na lang ito na walang ibang layunin kundi bigyang buhay ang nakababagot na tanawin.

Hindi sapat na umasa lang tayo sa nararamdamang kutob.

Hindi sapat na mabuti lang ang ating intensyon.

Hindi sapat na umasa lang sa ating pandamdam.

Kahit pa isipin nating tinatahak natin ang diretso at espirituwal na landas, pero wala namang tamang mga palatandaang gagabay sa atin—walang patnubay ng Espiritu—malamang na magpapagala-gala tayo.

Kung gayon, buksan natin ang ating mga mata at tingnan ang mga palatandaang ibinigay ng ating mapagpalang Diyos sa Kanyang mga anak. Basahin, pakinggan, at ipamuhay natin ang salita ng Diyos. Manalangin tayo nang may tunay na layunin at pakinggan at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu. Kapag ating pinansin ang mga espirituwal na palatandaang ibinigay ng mapagmahal nating Ama sa Langit, dapat mamuhay tayo nang ayon sa paggabay nito. Dapat ding palagi nating itama ang ating landas habang tumatahak tayo sa mga palatandaang pang-espirituwal.

Sa ganitong paraan, hindi tayo magpapagala-gala kundi lalakad nang may tiwala at katiyakan tungo sa dakilang mga pagpapalang iyon ng langit na kaakibat na karapatan ng lahat ng lumalakad sa makipot at makitid na landas ng pagiging disipulo ni Cristo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Jan L. Souman and others, “Walking Straight into Circles,” Current Biology, vol. 19 (Set. 29, 2009), 1538–42.

  2. Tingnan, halimbawa, Robert Krulwich, “A Mystery: Why Can’t We Walk Straight?” npr.org/blogs/krulwich/2011/06/01/131050832/a-mystery-why-can-t-we-walk-straight.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Sa paghahanda ninyong magturo mula sa mensaheng ito, maaari kayong maghanap ng mga halimbawa ng mga taong naakay ng mga palatandaang pang-espirituwal o mga taong nagpagala-gala. Maaari ninyong simulan ang pag-aaral sa paggamit sa mga banal na kasulatang ito: Mga Bilang 14:26–33; 1 Nephi 16: 28–29; Alma 37:38–47. Kung nadarama ninyo na angkop, maaari ninyong ibahagi ang mga ideya mula sa mga halimbawang ito sa mga tinuturuan ninyo. Tanungin sila kung ano ang matututuhan natin mula sa mga kuwentong ito.

Larawang kuha ng © Thinkstock/iStockphoto