2013
Kilalanin, Alalahanin, at Magpasalamat
Agosto 2013


Mensahe ng Unang Panguluhan

Kilalanin, Alalahanin, at Magpasalamat

Pangulong Henry B. Eyring

Iniutos ng Diyos na magpasalamat tayo sa Kanya sa anumang pagpapalang natatanggap natin mula sa Kanya. Madali para sa atin na maging paulit-ulit na lang ang ating mga panalangin ng pasasalamat, madalas ulit-ulitin ang mga salita pero walang balak magpasalamat bilang handog ng puso sa Diyos. Tayo ay dapat “magpasalamat … sa Espiritu” (D at T 46:32) para makadama tayo ng totoong pasasalamat sa ibinigay sa atin ng Diyos.

Paano natin maaalala maging ang isang bahagi ng lahat ng ginawa ng Diyos para sa atin? Itinala ni Apostol Juan ang itinuro sa atin ng Tagapagligtas tungkol sa isang kaloob na pag-alaala na dumarating sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo: “Datapuwa’t ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi” (Juan 14:26).

Ipinapaalala ng Espiritu Santo ang itinuro sa atin ng Diyos. At ang isa sa mga paraan ng pagtuturo sa atin ng Diyos ay sa pamamagitan ng Kanyang mga pagpapala; kaya nga, kung pipiliin nating sumampalataya, ipapaalala sa atin ng Espiritu Santo ang kabaitan ng Diyos.

Maaari ninyong subukan iyan sa panalangin ngayon. Maaari ninyong sundin ang utos na “Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay” (D at T 59:7).

Iminungkahi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na lumilikha ang panalangin ng panahon upang magawa iyan. Sabi niya: “Sinabi minsan ni Propetang Joseph na ang isa sa mga pinakamalaking kasalanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang kawalan ng pasasalamat. Palagay ko marami sa atin ang hindi naisip iyan bilang isang malaking kasalanan. Malaki ang tendensiya na sa ating mga panalangin at mga pagsamo sa Panginoon ay humiling tayo ng karagdagang mga pagpapala. Subalit kung minsan sa palagay ko ay kailangan nating higit na ihandog ang ating mga panalangin sa [pagtanaw ng utang na loob] at pasasalamat sa mga pagpapalang natanggap na natin. Napakarami nating natatamasa.”1

Maaari kayong magkaroon ng gayong karanasan sa kaloob na Espiritu Santo ngayon. Maaari ninyong simulan ang sariling panalangin nang may pasasalamat. Maaari ninyong simulang bilangin ang inyong mga pagpapala at pagkatapos ay tumigil sandali. Kung kayo ay sumasampalataya, sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, makikita ninyo na maaalala ninyo ang iba pang mga pagpapala. Kung magsisimula kayong magpasalamat para sa bawat isa sa mga ito, ang inyong panalangin ay maaaring magtagal nang kaunti kaysa dati. Magbabalik ang mga alaala, at gayundin ang pasasalamat.

Maaari din ninyong subukan ang gayon kapag nagsusulat kayo sa inyong journal. Tinutulungan ng Espiritu Santo ang mga tao sa bagay na iyan simula pa noong unang panahon. Alalahanin ninyo na sinasabi sa aklat ni Moises, “At isang aklat ng alaala ang iningatan, na natatala, sa wika ni Adan, sapagkat ito ay ibinigay sa kasindami ng nanawagan sa Diyos upang sumulat sa pamamagitan ng diwa ng inspirasyon” (Moises 6:5).

Inilarawan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang pagsulat na iyon na puno ng inspirasyon: “Yaong mga nag-iingat ng aklat ng alaala ay mas malamang na alalahanin ang Panginoon sa kanilang buhay sa araw-araw. Ang pagsusulat sa journal ay isang paraan ng pagbibilang ng ating mga pagpapala at pag-iiwan ng talaan ng mga pagpapalang ito na mababasa ng ating mga inapo.”2

Kapag nagsimula kayong sumulat, maaari ninyong itanong sa inyong sarili, “Paano ako pinagpala ng Diyos at ang mga mahal ko sa araw na ito?” Kung gagawin ninyo iyan nang madalas at nang may pananampalataya, makikita ninyo na maaalaala ninyo ang mga pagpapala. At kung minsan maaalala ninyo ang mga kaloob na hindi ninyo napansin sa buong maghapon pero malalaman ninyo na iyon ay impluwensya ng Diyos sa inyong buhay.

Dalangin ko na nawa ay patuloy tayong magsikap nang may pananampalataya na makilala, maalala at pasalamatan ang ginawa at ginagawa ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas upang mabuksan ang daan pauwi sa Kanila.

Mga Tala

  1. Ezra Taft Benson, God, Family, Country: Our Three Great Loyalties (1974), 199.

  2. Spencer W. Kimball, “Listen to the Prophets,” Ensign, Mayo 1978, 77.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Sa kanyang mensahe, inaanyayahan tayo ni Pangulong Eyring na alalahanin ang kabaitan ng Ama sa Langit sa ating mga panalangin. Talakayin sa mga tinuturuan ninyo kung paano makatutulong sa atin ang pagdarasal nang may pasasalamat upang makilala ang impluwensya ng Diyos sa ating buhay. Isiping lumuhod at magdasal kasama ang mga tinuturuan ninyo at imungkahi sa sinumang mag-aalay ng panalangin na magpasalamat lamang siya.

Maaari din ninyong pag-aralan ang kahalagahan ng pasasalamat sa pagbabasa sa mga talatang ito bukod sa mga talatang binanggit na ni Pangulong Eyring: Awit 100; Mosias 2:19–22; Alma 26:8; 34:38; Doktrina at mga Tipan 59:21; 78:19; 136:28.